WALA halos tulog si Aurora pero alas kuwatro pa lang ay nasa condo na siya ni Ethan. Kinabisa niya ang mga impormasyon tungkol sa nobyo. Pati na rin ang mga katrabaho nito na artista at direktor ay inaral din niya para naman di siya walang alam pagdating sa set. Parang mas mahirap pa sa entrance exam sa UP ang pag-aral tungkol sa mga artista at sa showbiz.
May isa pa daw PA si Ethan at pagkakasunduan pa nila kung ano ang nakatokang trabaho sa kanya at dito. Sana naman ay maturuan siya nito.
Gamit ang susi at passcode sa condo nito ay nakapasok siya. Ipinagkatiwala iyon sa kanya ni Icca. Sarado pa ang ilaw pagpasok niya. Ibig sabihin ay tuloy pa ang binata. Tumuloy siya sa kuwarto nito at nang buksan niya ang ilaw ay mahimbing pa nga ito. “Alvaro... Sir Ethan, gising...”
Umungol ito at ngumiti sa kanya habang medyo nakapikit pa ang mga mata. ““Hey! Good morning, my princess.”
“Good...” Tumili siya nang bigla siya nitong hilahin at niyakap nang mahigpit. “Ano bang ginagawa mo?”
Ibinaon nito ang mukha sa leeg niya. “You smell like heaven.”
At ito naman ay amoy sabong pampaligo at ang hininga nito ay may mint. “Kanina ka pa gising. Nagtutulug-tulugan ka lang.”
“Excited kasi ako sa pagdating mo,” anito at inangat ang mukha. “Ayokong maging PA ka pero kung isa ito sa perks na ikaw ang makikita ko paggising ko sa umaga, wala akong angal. I love you, Aurora.”
“Mahal din kita, Al... Ethan.”
“Ethan. Get used to calling me Ethan,” pagtatama nito. “It is high time to get your first kiss from Ethan Ravales.”
Nang maghinang ang mga labi niya ay parang lumulutang siya sa ulap. Kung may yakap at halik siya kay Ethan sa pagsisimula pa lang ng trabaho niya, kahit na wala na siyang matanggap na sweldo. Handa siyang pagsilbihan ito habambuhay.
Naghiwalay ang labi nila nang biglang bumukas ang pinto at isang malaking nilalang na may kulot na buhok na tayo-tayo na animo’y nakuryente ang nakatayo doon. Hindi niya alam kung babae ito, lalaki o bakulaw.
“Hoy! Anong ginagawa mo kay Sir Ethan?” Bago pa sila nakahuma ni Ethan ay hinaklit ng bagong dating ang braso niya at hiniala siya palayo. “Mahadera kang bruha ka! Ginagapang mo si Sir Ethan habang wala siyang kalaban-laban.”
Nahintatakutan si Aurora dahil sa laki ng katawan nito ay kayang-kaya siyang balian ng buto. Pipi din siya kapag nadaganan nito.
“Bambie, bitawan mo siya,” utos ni Ethan dito. “ That’s Aurora! S-She’s the new PA. Aurora, si Bambie. Siya ang makakasama mo dito bilang PA ko.”
Ngumiti siya sa kasamahan. Akala niya ay bodyguard ni Ethan. “H-Hello. Ako si Aurora.”
“Tse!” singhal nito sa kanya at di pa rin siya binitawan. “Kabago-bago mo dito, sinasamantala mo na si Sir Ethan. Inunahan mo pa ako.”
“Huwag mo siyang pagsalitaan ng ganyan. I was at fault. Ginising niya ako at nananaginip ako kaya ko siya niyakap,” palusot ni Ethan.
“Ako ba ang napanaginipan ninyo, Sir? Ako dapat ang yayakapin ninyo.” Ipinadyak ni Bambie ang paa sabay pilit na inipit ang nakatayong buhok sa tainga. “Kayo talaga! May pagnanasa sa akin.”
Hindi niya alam kung matatawa o maiinis kay Bambie. Umagang-umaga ay matindi na ang pag-iilusyon nito. Hindi naman niya ito masisisi lalo na kung masugid itong tagahanga ni Ethan. At kung malapit ito sa binata, di malabong magkaroon ito ng ilusyon na gusto ito ni Ethan.
“Kailangan mo nang mag-shower para hindi ka ma-late,” sabi niya kay Ethan.
“Okay,” sabi lang ng binata at pumasok na ng banyo.
Nagulat siya nang bigla siyang kalabitin ni Bambie. “Hoy! Ano pang itinatayo mo diyan? Iligpit mo na ang higaan ni Sir Ethan. Ako na ang maghahanda ng agahan niya.”
Nakahain na ang agahan ni Ethan nang lumabas sa kuwarto si Bambie. “Uy! Mukhang masarap iyan. Chicken tocino? Nagutom tuloy ako.”
“Gusto mo bang ikuha din kita ng plato?” tanong niya.
“Pero di pa kumakain si Ethan,” sabi nito. “Saka sa kanya iyan.”
“Madami naman iyan.” Kumuha siya ng plato at inabot dito. “Hindi naman siguro mamasamain ni Ethan dahil madami tayong trabaho ngayon.”
“Kapag napagalitan tayo, ikaw ang ituturo ko, ha?” sabi nito. “Hindi ko naman kasi ugaling kumain nang mas una sa amo ko. Kahit na mukha akong luka-luka sa harap ni Sir Ethan, pagdating sa pagkain nahihiya ako.”
“Oo. Ako na ang bahala. Mas makakapagtrabaho tayong mabuti kung busog tayo. Mabait naman si Sir Ethan,” sabi niya at siya na mismo ang naglagay ng pagkain sa plato nito.
“Close kayo ni Sir Ethan?” tanong nito habang sunud-sunod ang subo. “Saan ka ba nakuha ni Sir Ethan? Mukha ka pang nene?”
“S-Si Miss Icca ang kumuha sa akin.” Bilin sa kanya ni Icca ay iyon ang isagot niya sa sinumang magtatanong.
“Buti hindi ka kinain ng buo. Nagbubuga kaya ng apoy iyon.”
Humagikgik siya. “Mabait naman si Miss Icca. Istrikta nga lang.”
“At perfectionist. Kapag hindi umayon sa plano niya, parang mababaliw siya. Lalo na nang mag-resign ang PA ni Sir Ethan dati na si Paola. Ako ang pinukpok nang pinukpok niya ng training. Kaya ituturo ko sa iyo ang lahat ng alam ko para hindi ka niya mapagalitan. Basta huwag mo akong kakaribalin kay Sir Ethan. Akin siya.”
“Oo na,” natatawa niyang sabi. Ayos naman pala si Bambie. Mukha lang nakakatakot sa una pero umaamo kapag may pagkain na.
“Mukhang magkasundo na kayong dalawa,” sabi ni Ethan nang samahan sila ni Bambie sa mesa. “Aurora, ikaw ang nagluto?”
“Opo. Ihinanda ko kagabi ang chicken tocino. Recipe ni Yaya Edwina. Sana po nakuha ko ang lasa ninyo.”
“May recipe ka ng chicken tocino ng yaya ni Sir Ethan? E ayaw ngang ibigay no’n ang recipe kahit sa dating PA ni Sir Ethan na si Paola,” sabi ni Bambie na naghihinala na siyang tiningnan.
“Kay Icca iyan ibinigay ni Yaya Edwina dahil paborito din iyan ni Echo. Ipinabigay ko lang kay Aurora. Dapat lang naman matuto siya na magluto,” sabi ni Ethan. “This is good, Aurora.”
“Aaralin ko pa ang ibang paborito ninyo, Sir,” malumanay niyang sabi habang kinokonrol ang kilig. Mabuti talaga hindi niya kinatamaran ang pagluluto para sa nobyo. Nagagamit niya sa pagiging PA nito.
Tinapik ni Bambie ang kamay niya. “Ipapakilala ko siya sa ibang guwapo. Tiyak na pagkakaguluhan ang beauty mo. Malay mo guwapong artista pa ang magkagusto sa iyo. Jackpot ka!”
“No!” tutol ni Ethan at kumalantog ang kubyertos nang mabitawan nito. “Hindi mo ipapakilala si Aurora sa ibang lalaki.”