Chapter FE: TDTYS 73

“Ay! Bakit naman hindi?” gulat na tanong ni Bambie.

Biniyan niya ng nagbababalang tingin ang nobyo. Kailangan nitong kontrolin ang emosyon nito dahil baka mahalata sila. “Because she needs to focus on working for me. Kasisimula pa lang niyang magtrabaho sa akin. Ayokong isipin na nagtrabaho lang siya sa akin para makakilala ng ibang lalaki.”

“H-Hindi naman sa ganoon, Sir.”

“Gusto ko na sa akin lang nakatutok ang atensyon ni Aurora. Kaysa ipakilala mo siya kung kani-kaninong lalaki, mabuti pang balaan mo siya sa mga lalaki na makakasalamuha niya. Madaming nananamantala sa industriyang ito. Maraming manloloko kaya dapat mag-ingat siya. Pati ikaw, Bambie. Unahin mo ang sarili mo at pamilya mo. Baka nauubos ang sweldo mo sa lalaki. Maliwanag ba?”

Yumuko si Bambie. “Opo, Sir Ethan.”

Tumayo si Aurora. “Kain na kayo, Sir Ethan. Ibababa ko lang ang ibang mga gamit ninyo sa van.”

Kailangan niyang maging propesyunal. At kasama doon ang huwag makipag-flirt sa boss niya. Hindi bale nayakap naman siya at nahalikan ni Ethan kanina. Masaya na siya doon.

NAKAKALIYO pala ang set ng pelikula ni Ethan na Forever Mine. Nalilibang si Aurora na panoorin ang nangyayari sa likod ng camera pero napakarami palang kailangang asikasuhin. Di lang kasi ang shooting ni Ethan ang inaalala niya kundi pati ang schedule nito sa susunod na araw at ang mga personal nitong pangangailangan. Nangangapa pa siya dahil di pa niya kabisado ang routine ni Ethan.

Bilang isang PA ay trabaho niya na maging komportable ang binata bago ang shooting. At di naging mabait si Ethan sa kanya habang nilalagyan ito ng make up. Mula sa pagre-refill ng ion water nito hanggang sa pagtiyak na pagtiyak na kabisado nito ang script ay trabaho niya.

Paglabas niya sa tent ni Ethan ay natanaw naman niya ang kabilang tent na inookupa ng mga artistang babae. Nakita niya ang leading lady ni Ethan na si Shaira na mag-isa sa kabilang tent. Nakaupo ito patalikod sa kanya habang nagbabasa ng script.

Alanganin ang mga hakbang niyang naglakad palapit dito. Hindi pa siya naipapakilala ni Ethan dito dahil abala sila. Pero bilin sa kanya ni Icca na dapat ay makilala niya ang mga kasamahan ni Ethan, kahit karibal pa niya.

Tumayo siya ilang hakbang mula sa likuran nito. Nag-iipon pa siya ng lakas ng loob para kausapin ito nang bigla itong magsalita. “Bernadette, paki-refill itong flask ng tubig,” sabi nito at inangat ang kulay pilak na lalagyan ng tubig habang nakatutok pa rin ang mga mata nito sa script.

Luminga siya sa paligid at di makita ang PA nito kahit na saan. Akala siguro nito ay siya ang PA nito. Kinuha na lang niya ang flask at nag-refill ng tubig sa water dispenser sa di kalayuan. “H-Heto na po ang tubig ninyo, Ma’am.”

Gulat itong lumingon. “Oh! You are not my PA. K-Kaninong PA ka ulit?”

“Kay Al... Ethan po. Ethan Ravales.”

“Hi! I am Shaira Mercado,” nakangiti nitong bati at kinamayan siya. “Salamat pala dito.”

“W-Wala pong anuman. Mas maganda po kayo sa personal,” nausal niya habang pinagmamasdan ito. Parang kasing laki ng palad niya ang mukha nito sa liit at maamo ang mukha kapag ngumiti. May mga nasulat kasi na may katarayan ito noon pero magaan ang loob niya dito. Di niya alam kung bakit samantalang posibleng may interes din ito kay Ethan.

“I like your color by the way. Sana ganyan ako ka-tan minsan. Kaso di naman bagay sa akin.” Sumimangot ito at tiningnan ang maputing kulay ng balat. Mestisahin kasi ang babae. “Saan ka pala galing?”

“Sa Samar po.”

Nagningning ang mga mata nito. “Napunta na ako doon. Sa Calbayog kasi ako sumakay papunta sa may Isla Juventus.”

“Talaga po?” usal niya.

“Oo. Maganda doon. Parang paraiso kaso kailangan kong umalis agad. Nag-overnight lang ako. Sinundo ko si...” Natigilan ito at nawala ang ngiti pero bumalik din pagkuwan. “May sinundo akong kaibigan. Alam mo ba ang lugar na iyon?”

Nasa dulo ng dila niya ang sagot dahil di niya alam ang dapat sabihin. Nagpunta ito sa isla nila. Isa ito sa sumundo kay Ethan habang may sakit siya. Kung nakarating ito sa Isla Juventus para lang sunduin ang binata, ibig sabihin ay mahalaga para dito ang nobyo niya.

“So you already met my girl,” sabi ni Ethan na basta na lang sumulpot sa likuran niya saka siya inakbayan.

“Your girl?” tanong ni Shaira at tumaas ang kilay.

“My new PA, I mean,” paglilinaw ni Ethan at saka inalis ang kamay sa balikat niya.

“She’s too nice. Too sweet for this industry,” sabi ni Shaira.

Nagsalubong ang kilay ni Aurora. Sinasabi ba nito na hindi siya bagay sa trabahong ito. “Kaya ko po ang trabahong ito. Kaya ko pong maging PA ni Ethan. Handa akong pag-aralan at gawin lahat para tumagal sa trabahong ito.”

Bumadha ang anyo ni Shaira. Di marahil inaasahan na bigla na lang siyang sasabog. “O-Of course, little firecracker. Di ka naman tatanggapin ni Icca kundi ka bagay sa trabaho. Salamat ulit sa pag-refill ng tubig. Nice meeting you, Aurora.”

“N-Nice meeting you,” aniya at alanganin ang ngiting ibinigay dito. Hindi niya kinibo si Ethan.

“May ipapakita lang ako sa iyo sa van,” sabi ni Ethan at hinila siya papunta sa sasakyan nito.

“Ano iyon?” tanong niya nang papasukin siya sa loob ng van.

“Nagseselos ka ba kay Shaira?” tanong nito pagpasok ng van at isinara ang pinto.

“Galing siya sa Juventus? Siya ba ang sumundo sa iyo?”

“Yes. Siya, si Icca at ang PA ko.”

“Ethan, alam mo na may usap-usapan tungkol sa inyo. Ayokong isipin na bumalik ka ng Maynila habang may sakit ako dahil... Dahil ipinakiusap ni Shaira.”

“Aurora, listen. Sumama lang ako sa kanila dahil sa trabaho. Di lang dahil kay Shaira. Kundi ako bumalik, lahat ng taong ito ay baka walang trabaho lalo na si Shaira. Baka hindi na natuloy ang pelikula. But that’s it. Wala kaming interes sa isa’t isa maliban sa trabaho. Hindi mo kailangang pagselosan si Shaira.”

“S-Sana nga. Mukha naman siyang mabait.” Yumuko siya. “Nagkaganito lang naman ako dahil nalaman ko na isa siya sa sumundo sa iyo sa isla.”

“Shaira is a very good actress, too. Siya ang katambal ko sa unang programa kung saan ako lumabas at sumikat. She needs this opportunity. Naging mabait sa akin ang industriyang ito. Kaya malaking bagay kung makatulong din ako sa iba. Not just to Shaira. Pero sa iba ko ring mga katrabaho dito. You are also part of this industry. At least for now.”

Maaring pansamantala lang si Aurora sa industriya pero sisikapin niyang lawakan pa ang pang-unawa tungkol dito. Para kay Ethan.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.