Chapter FE: TDTYS 74

“AURORA, bakit late ka? Kanina ka pa hinahanap ni Sir Ethan,” nanlalaki ang matang bungad ni Bambie sa kanya nang pumasok siya sa penthouse ni Ethan. “Mukhang di maganda ang gising. Dapat daw nandito ka na paggising pa lang niya. E ano nang nangyari? Nakaluto na ako ng agahan at lahat ka pa.”

“E kasi... Ipinagluto ko pa siya ng miryenda.”

“Hindi mo naman kailangang magluto ng miryenda dahil meron na sa catering sa set.”

“Gusto ko pa ring ipagluto si Sir Ethan,” giit niya.

Mahirap maghanap ng hilaw na saging na saba sa Maynila at kinailangan pa nilang order-in sa Farmer’s Market ang hilaw na saging na saba. Dapat ay kahapon pa iyon nai-deliver pero kaninang alas tres lang dumating. Nagtataka nga ang kargador kung ano daw luto ang gagawin sa hilaw na saging na saba. Wala naman daw iyong lasa. Wala itong malay na iyon ang paborito ng pinakasikat at pinakaguwapong artistang lalaki sa industriya. Siguro naman ay mawawala ang init ng ulo kapag nalamang ipinaglaga niya ito ng hilaw na saging.

“O, siya! Pumasok ka na sa kuwarto niya. Mag-uusap daw kayo.”

Kumatok siya sa pinto. “Sir Ethan!”

“Pasok,” utos nito sa mabigat na boses. Nang pumasok siya ay nakatalikod ito sa kanya at may hinahalungkat sa closet nito. “You’re late.”

“Kasi... Ano...”

“No excuses. Alam mo kung gaano kahalaga sa akin ang oras,” putol agad nito sa sasabihin niya at nakapamaywang na humarap sa kanya. Nakatapis lang ito ng tuwalya. Lumunok siya nang mapagmasdan ang makisig na katawan nito. Saka niya naalala na hindi pa pala siya nag-aagahan. Parang gusto niya ng pandesal. Bumaba ang tingin niya sa tuwalyang nakatapis sa baywang nito. “Hindi ko mahanap ang blue shirt na paborito ko. Iyon ang gusto kong isuot.”

“Sige. Hahanapin ko.” Hindi man lang siya nito hinalikan o niyakap nang dumating siya. Boss na agad niya ito. Samantalang dati ay niyayakap muna siya nito o hinahalikan bago siya utusan. “Heto po, Sir,” aniya at inabot dito ang blue na polo na nasa closet lang din naman nito. Di niya alam bakit di nito nakita.

“Basahin mo sa akin ang linya ko,” utos nito. “Scene thirty-four.”

Kinukuha niya ang script nang malingunan niya si Ethan na inalis ang tuwalya nito at itim na briefs lang suot. “Hoy! Huwag ka ditong...”

“The script, Aurora. Read it to me.” Bahagya siya nitong nilingon habang isinusuot ang pantalong maong. “Just like the old days.”

Naalala niya ang mga panahong tinutulungan siya nito sa pag-aaral ng script sa dula niya. Tumalikod si Aurora at ipinaypay ang script sa sarili. Di naman kasi nakahubad ang binata noong tinutulungan siya dati. Buti na lang ito ang aarte at hindi siya kung hindi ay wala na malamang siyang maalalang linya.

Dialogue ni Shaira ang nasa eksenang iyon at binasa niya. Nang humarap ulit siya ay suot na nito ang pantalon pero nakikita pa rin niya ang linya ng muscles sa likuran nito. “Ang lakas ng loob mo akong yayain ng date matapos ang ginawa mo. Akala mo ba ganoon lang kadali sa akin na bumalik ang amor ko sa iyo matapos mong kunin ang posisyon na para sa akin?”

“So, wala akong congratulatory kiss?” tanong nito at naglakad palapit sa kanya. Nakasuot na ito ng polo pero isang butones lang nakasara. Nanunukso pa rin ang mga muscles sa dibdib nito at abs. “Eyes up, Aurora. Wag sa abs ko tumingin.”

Nang iangat ni Aurora ang tingin at napatitig sa mata nito ay parang nahipnotismo siya. Paano siya makakapag-concentrate sa trabaho kung ganito si Ethan sa kanya? Nakakaakit na ito kahit na normal itong tumingin sa kanya. Lalo naman kapag malagkit ang titig nito na parang nag-uutos na haplusin niya ang bahagi ng katawan nito na hindi natatakpan ng damit. Sa isang titig nito ay pwede nitong utusan ang kahit na sino na mag-tumbling sa Quiapo Bridge at susundin naman ito.

Ganito pala ang epekto ni Ethan kapag umaarte at itinodo niya ang pang-aakit. Parang ilang porsiyento pa lang niya ang nakita ko sa kanya.

O baka dala lang ito ng karatker niya. Nang mga oras na iyon ay hindi ito si Ethan kundi si Brenan Ledesma, manager ng isang manufacturing company na ang expertise ay pang-aakit ng kliyente at mga babae.

Iba ito kapag hinihingi ng karakter. Lalong lumulutang ang galing nito sa pag-arte kahit sa titig pa lang.

Ibinaba ulit niya ang tingin sa script. “Congratulatory kiss mo ang mukha mo.”

Nagkibit-balikat ito. “Nothing personal, honey. Trabaho lang. Sabi ko pa mandin kung makukuha mo ang posisyon bilang manager, magiging sport lang ako.”

“That desk should have been mine!”

Binuhat siya nito at inupo sa mesa na may libro sa likuran niya. “We can always share.” At saka tumayo sa pagitan ng hita niya.

Nahigit ni Aurora ang hininga. “A-Anong ginagawa mo?” tanong niya. Wala na iyon sa script. Nang tingnan niya ang nakasulat ay kissing scene ang nakalagay doon.

“I should practice my kiss, you know? Pwede mo ba akong tulungan?” malambing na tanong nito at pinapungay ang mga mata.

Umikot muna ang mga mata niya bago ito hinawakan sa magkabilang pisngi at naghinang ang labi niya. Hindi niya kayang tanggihan si Ethan lalo na’t hiningi nito. Nami-miss niya ito. Kahit na lagi silang magkasama sa araw-araw ay di naman nila ito nagagawa sa harap ng maraming tao. Malapit ito sa kanya pero madalas pakiramdam niya ay malayo din ito dahil di naman nila malayang naipapadama ang nararamdaman sa isa’t isa. Ni hindi nila mawahakan basta ang kamay ng isa’t isa. Hanggang mga nakaw na sandali lang sila gaya nito kaya sinusulit nila.

“Nagpa-practice ka rin ba ng kissing scene sa ibang PA mo?” nakataas anng kilay niyang tanong

“No. Sa iyo lang. Part of the job description. I think ipinalagay ko iyon sa kontrata mo.”

“Ano?” bulalas niya at hinampas ito sa balikat. “Hindi na kailangan dahil bonus na iyon nang maging PA mo ako. Basta tiyakin mo lang na sa akin ka lang nagpa-practice at hindi kay Bambie. Lagot ka sa akin.”

“Hindi ko gagawin iyon. Kaya nga mainit ang ulo ko dahil late kang dumating. Alam mo naman na gusto kong handa ako sa isang eksena bago ako dumating sa set.”

“Kailangan mo ba talaga ng practice?” tanong niya. “Wala ka naman yatang problema sa mga kissing scene mo dati.”

Napanood na niya ang ibang pelikula nito. Mukhag wala naman itong problema sa kissing scene. Napag-usapan na rin nila na trabaho lang ang lahat dito.

Hinaplos nito ang buhok niya. “Dati di ko kailangan na mag-internalize sa romantic scenes. It comes easily. I am an actor after all. Pero ngayon, kailangan kita sa tabi ko. Mahirap umarte na sweet ako sa ibang babae habang alam ko na hindi naman sila ang mahal ko. Kailangan ko inspirasyon.”

“Pero magaling ka namang artista. Kaya mo iyon kahit wala ako. Nakakaarte ka naman dati kahit wala ako.”

“Nakabara ka na sa puso ko. Hindi ko alam kung paanong hugot ang gagawin.”

Kumunot ang noo ni Aurora at sinapo ang pisngi nito. “Nakakaabala ba ako sa trabaho mo, Ethan?”

“No. Kailangan ko lang ng yakap at halik mo para makatagal ako nang buong araw na ito. I need to fill myself with memories of you. Gusto ko ring malaman mo na ikaw ang iniisip ko habang nagsu-shoot ako ng eksenang ito. Kaya nga mainit ang ulo ko nang paggising ko wala ka pa,” sabi nito at niyakap siya na parang batang naglalambing.

“Ipinaglaga kasi kita ng hilaw na saging.”

Kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya. “Wow! That is great. Na-miss ko iyan.”

Ibinutones niya ang polo nito. “Ang hirap palang maghanap no’n. Late nang nai-deliver ng kakilalang tindera ni Yaya Edwina.”

“Ayoko nang mauulit. Ayoko ng late. Ayoko rin na hindi ka nakikita paggising ko. Kung pwede nga lang dito ka na rin tumira.”

“Ikaw ang nagsabi na mas maganda kung may space tayo sa isa’t isa at may panahon sa pag-aaral.” Gusto ni Ethan na may panahon pa rin siya para sa sarili. Wala na siyang tutor ngayon pero gusto ng binata na mag-aral pa rin siyang mag-isa. Mas malawak ang library sa mansion at may sarili siyang lugar.

“Sir Ethan, kailangan na po nating umalis,” anang si Bambie at kumatok sa pinto.

“Give me five more minutes. We are just running over the script.”

“O... Okay. Five minutes po,” nag-aalangang sabi ni Bambie at narinig nila ang papalayong yabag nito.

“Kailangan pa nating basahin ang script?” tanong ni Aurora at binuklat ang script.

Kinuha nito ang folder sa kanya. “No. I just need to do this.”

Hinapit nito ang baywang niya at maalab na inangkin ang labi niya. Walang kaso sa kanya kung kailangan niyang ulit-ulitin ito. For the sake of art.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.