“I LOVE YOU, ETHAN!”
Dumagundong ang buong stadium sa lakas ng sigawan ng mga tao matapos mag-perform si Ethan. Pista noon sa Davao at nag-perform ang ilang mga artista para sa Kadayawan Festival. Pinakamalakas ang tiliin kay Ethan.
Nataranta si Aurora lalo na nang pilit itong inaabot ng mga fans. Mahigpit ang security dahil sa ibang pistahan daw ay may nasasaktang mga artista. Pero hindi natatakot si Ethan. Sa halip na umiwas ay kinakamayan pa nito ang mga tao.
“Ethan, you are giving the security a hard time again,” sabi ni Icca nang makasakay na sila sa van. “Paano kung may manakit sa iyo?”
“Come on. Gasino ba ang kaunting pagkamay kumpara sa pagmamahal na ibinibigay nila sa akin? Relax, Icca. Mababait ang Davaoños,” anang si Ethan at ngumiti pa sa kanya.
Pagdating nila sa hotel ay may mga fans din na nakaabang doon. Umuulan na pero hindi alintana ng mga ito na maghintay sa labas. Muli ay pinaunlakan ni Ethan ang mga ito sa picture at tinanggap ang mga regalo. Di alam ni Aurora kung paano bibitbitin ang mga regalong bigay sa mga ito. May nagbigay pa ng durian at iba pang delicacies. May stuffed toy, personalized crafts na gawa mismo ng mga fans at santambak na love letter. Pero na-shock siya dahil may nagbigay pa ng underwear na may kasamang love note na nag-aalok na makasama si Ethan kahit isang gabi.
“Miss, alalay ka ni Ethan?” tanong sa kanya ng isang na nakasuot ng itim na sleeveless dress at walang suot na bra. “Sabihin mo sa akin ang number niya at babayaran kita ng...” Inabot nito ang limang lilibuhing papel sa kanya. “Dadagdagan kita kung sasamahan mo mismo ako sa kuwarto niya.”
Umiling siya. “S-Sorry po. Ayaw ni Ethan ng ganyan.”
“Magugustuhan niya ako oras na makita niya ako,” anang babae at kinagat pa ang mapulang labi.
Kinilabutan siya sa ginawa nito. Inirapan niya ito. “Sorry, Miss. Hindi mo masusuhulan para ibenta si Ethan. Sa iyo na ang pera mo.”
“Gagawin kong ten thousand?” nakangisi nitong tanong.
“Kahit gawin mo pang one hundred thousand, hindi ka type ni Ethan. Excuse me,” angil niya at padabog na pumasok ng hotel. Hinayaan niyang mag-isa si Bambie para makipag-usap sa mga fans ni Ethan na naroon pa rin. Wala na siya sa mood. Sinira na ng bruhang babaeng iyon ang mood saya niya sa araw na iyon.
Mainit ang ulo niya. Ang lakas ng loob ng babaeng iyon. Nakakagigil. Gagawin pa siyang bugaw ni Ethan. Huh! Hindi siya makapaniwala na may ganitong nangyayari. May mga babae talagang magbabayad para lang makuha si Ethan.
Nakabantay sa labas ng penthouse suite ni Ethan ang security nito. Ang mga ito ang nagbukas ng pinto sa kanya dahil puno ang mga kamay niya ng kung anu-anong regalo mula sa mga fans. Nang makapasok ay ibinagsak niya iyon sa divan ni Ethan. Sakto namang lumabas ang binata mula sa shower na nakasuot lang ng bathrobe.
“O! Ano ang mga iyan?”
“Regalo sa iyo.” Dinampot niya ang isa sa mga bra at ihinagis dito. “O! Pati pala underwear ibinibigay sa iyo ng fans mo.”
Tumawa lang ang binata nang saluhin ang bra. “Wala lang ang mga ito. Di ko pinapatulan.” Niyakap siya nito. “Huwag mong sabihin na nagseselos ka?”
“Huwag mo akong yakapin. Mainit ang ulo.” Pumiksi siya. “Alam mo ba na isa sa kanila ang nanuhol sa akin ng ten thousand para lang dalhin ko siya sa kuwarto mo at makasama buong gabi.”
“Tinanggap mo ba?” kaswal na tanong nito.
“Siyempre hindi.”
“Anong problema?” tanong ng binata at humalukipkip.
“Normal ba iyan? May mga babaeng...gusto kang makasama buong gabi at pinapatulan mo naman?” nanginginig ang boses niyang tanong.
“No.”
“E bakit parang normal lang sa kanya?”
Niyakap nito ang baywang niya. “Aurora, wala na akong oras para diyan. Dadaan sila sa butas ng karayom dahil nakaharang sina Icca at Paola. Walang makakalusot. Saka alam mo naman kung ano ang type ko.”
Itinaas niya ang baba. “Sinabi ko nga hindi siya ang type mo.”
“Kung may mga messages kang di ko magugustuhan o regalo mula sa mga fans, feel free to dispose it. It is within your rights as my PA and my girlfriend.”
“Parang wala naman akong karapatan na makialam sa regalo mo. Bigay pa rin ng fans mo iyan at pinaghirapan. Kita mo ‘yung iba uuwi pang walang underwear. Sa hirap ng buhay, mahal ka pa rin ng fans mo at ginagastusan ka nila.”
Umupo si Ethan at hinatak siya sa kandungan nito. “Kaya nga nagpapasalamat ako sa kanila. Kung wala sila, wala rin ako sa kinalalagyan ko ngayon. Sa maliliit na bagay man lang, gusto ko silang mapasaya.”
“Maiintindihan ko ang mga regalo hanggan sa underwear. Pero ibang usapan na kapag gusto nang pumasok dito sa kuwarto mo at susuhulan pa ako.”
“Para tiyak na walang makakapasok na ibang babae dito sa kuwarto ko, bantayan mo ako.”
“Paano kita babantayan? May bodyguards ka na sa labas.”
Nagpatibuwal ito sa kama habang yakap siya at napahiga na rin siya. “Matulog ka na lang dito sa tabi ko.”
“Ethan, ano ba? Hindi ako naliligo,” tutol niya nang isubsob nito ang mukha sa leeg niya.
“Mabango ka pa rin naman.”
“Paano kung hanapin ako nila Miss Icca at ni Bambie?”
“Magpapahinga din ang mga iyon. Sasabihin ko na lang na inaayos mo ang gamit ko. I miss you, Aurora. Nami-miss ko na ganito lang tayo. Pwede bang maging girlfriend lang kita at hindi PA ko?”
Humarap siya dito at pinagmasdan ang mukha nito. “Anong gusto mong gawin ko?”
“I just want to hold you,” anito at hinapit siya palapit sa katawan nito.
“Sige.” Gusto din niya na ganoon lang sila ni Ethan. Na di niya kailangang bantayan ang kilos niya dito dahil baka isipin ng iba na di siya propesyunal o may makahalata sa kanila. Gusto niyang sulitin ang ganitong sandali dahil bukas ay magiging tauhan na naman siya nito at ito ang boss niya. “Gihuhugugma ko ikaw, Ethan,” bulong niya.
“So do I, Aurora. I miss you, girlfriend,” anito at hinagkan siya.
LUBHANG abala ang araw na iyon para kay Aurora. Pagdating pa lang nila ni Ethan ay nakaabang na ang ibang fans ng fans club nito at ni Shaira. Ibang artista pa ang inuna ang eksena kaya naman may panahon para makihalubilo ang dalawa sa fans ng mga ito. Nakilala din niya doon si Paola, ang dating personal assistant ni Ethan. Ito ang original Number One Fan ng binata at kasama sa mga sumama sa binata.
Pilit siyang ngumiti at huwag mairita kahit na tinutukso ng mga ito sina Shaira at Ethan. Kinailangang umaktong sweet ang mga ito para pagbigyan ang mga fans. Kahit paano ay nasasanay na siyang makita ang mga ito na magkasama. Iniisip na lang niya ang halik ni Ethan at ang yakap nito kaninang umaga para gumaan ang pakiramdam niya. Iyon ang totoo at arte lang ang kay Shaira.
Kasalukuyan niyang kinukuhanan ng picture si Ethan at ang mga fans nito nang may isang malakas na tili na bumulabog sa kanila. “Ethan, my love, I am here!”
Isang babaeng may kaliitan at chubby ang naka-purple dress at kulay ubeng sumbrerong mapalad. May nakasunod dito na dalawang lalaki na malalaki ang katawan at matatangkad na may dalang mga paper bag at kahon ng cake.
“Dalhin na ninyo ang cake sa catering para makakain ang lahat. Tapos iwan ninyo dito ang mga pinamili ko sa Paris para kay Ethan,” sabi ni Madam Ube at sa isang kumpas ay sumunod naman ang tauhan nito.
Wow! Paris! Normal nang may nagbibigay ng regalo kay Ethan mula sa mamahaling pabango, underwear na may kasamang love letter at mga pagkaing niluto mismo ng mga readers. Galing pa nga sa ibang bansa ang iba. Pero ibang klase si Madam Ube.
“Patay, andito na naman ang feeler na jowa slash mamasan ni Sir Ethan,” bulong ni Bambie sa kanya.
“Sino ba ang isang iyan?” tanong niya.
“Si Chicharito Frankeinstein. Ang alam ko nakapag-asawa siya ng isanng matandang mayamang madaling mamatay sa Amerika. Walah! Umuwi siya sa Pilipinas na ubod nang yaman at ang target agad niya ay maging asawa ni Ethan Ravales. Ibang klase din ang fighting spirit ni Madam.”
Nagulat na lang siya nang paghahawiin sila ng bodyguard ni Chicharito pati na rin si Shaira. “Excuse me. Kailangang lapitan ni Madam Chicharito si Ethan at walang pwedeng makaabala sa kanya.”
Nanlaki ang mata ng leading lady ni Ethan pero madaling bumawi at pinanatili ang poise. Ngumiti lang ito kahit na mukhang nainsulto.
Nang mahawi na ang daan ay saka naman tumatakbong lumapit si Chicharito sa binata. Patalon itong yumakap sa leeg ng lalaki. “I miss you, Ethan! Kung pwede lang dalhin kita sa Paris kasama ko pero may shooting ka daw. Iuuwi ko nga ang Eiffel Tower para sa iyo pero bawal daw.”
“Salamat, Chicharito,” magalang na sabi ni Ethan. “Salamat din sa regalo.” Magalang pa rin ang binata sa fan nito at di man lang kababakasan ng pagkairita.
“Hindi pa lahat ng regalo naibibigay ko. Meron pa.”
“Ano iyon?” tanong ni Ethan.
Nanghaba ang nguso ni Chicharito at inilapit sa labi ng binata. Nanlaki ang mata ni Ethan. Nagtilian ang iba.
‘Giatay! Boyfriend ko iyon!’ tili sa isipan ni Aurora.
“Miss, bawal iyan,” sabi niya at mabilis ang kilos niyang lumapit sa mga ito habang naestatwa ang iba. Nalampasan niya ang mga bodyguard ng babae at hinablot ang buhok ni Chicharito. Hinila niya ito palayo kay Ethan.
Isang malakas na tili ang kumawala kay Chicharito. “Bitawan mo ako! Bitawan mo ako!”
Binaklas naman siya ng dalawang bodyguard ng babae at hinawakan siya sa magkabilang braso. “Sino ka ba? Bakit mo ako sinabunutan?” angil ng babae.
“Hinalikan mo kasi si Ethan,” humihingal niyang sabi.
Ibang usapan na hahalikan ang nobyo niya ng kasamahan nitong artista at nasa script. Pero ibang usapan na kapag hahalikan ito ng mapagsamantalang babae nang walang paalam. Hindi siya masisindak kahit sa mga bodyguard nito.
“Anong pakialam mo kung halikan ko siya? Asawa ka ba? Girlfriend ka ba?” nanlilisik ang mga matang sabi ng babae.
Huminga siya ng malalim. At talagang hinahamon siya ng Babaeng Ubeng Ulalo na ito. Itinaas ni Aurora anng baba. “Ako lang naman ang....”
“Wala akong pakialam kung sino ka. Idedemanda kita!” bulyaw ni Chicharito.
“She’s my PA, Chicharito. Bago lang si Aurora sa akin. Di ka pa niya kilala,” malumanay na sabi ni Ethan at hinawakan ang babae sa balikat. “Pwede bang sabihan mo na ang bodyguards mo pakawalan na si Aurora?”
“Gusto ko muna na mag-sorry siya sa akin,” taas-noo na sabi ni Madam Ube.
“Ano?” bulalas niya. Siya pa ang magso-sorry. Nananaginip yata ng gising ang babaeng ito. Ito nga ang dapat na mag-sorry kay Ethan dahil hahalik ito nang wala man lang paalam. Hindi ba kadema-demanda din naman iyon? Harassment!
“Aurora, mag-sorry ka na,” malumanay na sabi ni Ethan.