Chapter FE: TDTYS 76

Gulat niyang tiningnan ang lalaki. Hindi siya nito ipagtatanggol? Hindi nito sasabihan si Chicharito na umayos? Anong nangyayari? Puri na nga nito ang ipagtatanggol niya at siya pa ang masama sa huli.

Naglabanan ang tingin nila ng lalaki. Nakikiusap ang mga mata nito na sundin na lang niya ang utos nito. Gusto na lang niyang maiyak. Sa huli ay naalala niya na hindi siya nito nobya nang mga oras na iyon. Personal assistant siya nito at ito ang boss niya.

Yumuko si Aurora. “I am sorry, Miss Chicharito,” mabigat ang dibdib niyang hingi ng paumanhin.

Isang malakas na halakhak ang pinakawalan ni Chicharito. “Okay. Pakawalan na ninyo siya. Siguro naman matututo na ang PA mo ng leksiyon na huwag siyang kokontra kay Chicharito Frankenstein.” Saka nito hinila palayo si Ethan. “Let’s go. May cake din ako na para sa iyo para di ka na makisali sa iba.”

“Aurora, are you okay?” tanong ni Shaira.

Nanatili siyang nakayuko. Di siya makapaniwala na nagawa ito ni Ethan sa kanya. At kahit sarili niya ay di man lang niya naipagtanggol.

“Ginagawa lang naman ni Aurora ang trabaho niya,” segunda naman ni Bambie. “Buti nga hinablot lang niya ang buhok mo. Kung ako iyan, baka mukha mo na ang nakatikim ng kamay ko.”

“Tama na iyan. Baka mamaya marinig na naman tayo ni Miss Halukay Ube. Lahat tayo mademanda pa,” sabi ni Paola. “Aurora, gusto mo bang tubig?”

“Hindi na. Ako na lang ang kukuha,” sabi ni Aurora at iniwan ang mga ito. Lulunurin na lang niya sa tubig ang sama ng loob niya.

SUNUD-SUNOD ang subo ni Aurora sa walang lasang nilagang hilaw na saba habang

nakaupo sa malaking ugat ng puno ng acacia. Sa isang magubat na barrio sila sa Pampanga kung saan sinu-shoot ang pelikula nila Ethan. Hindi pa niya magawang bumalik sa trabaho niya dahil alam niyang nandoon pa rin si Chicharito at nakabantay kay Ethan. Naiinis pa rin siya hanggang ngayon. Hindi patas ang ginawa ni Ethan sa kanya. Di bale sana kung siya ang may kasalanan.

“Bakit mag-isa ka lang kumakain dito? Maraming cake doon. Hindi mo kailangang magtiis sa saging na saba,” untag ni Paola sa kanya. “Gusto mo bang ikuha kita?”

“Hindi na. Ayos na ako sa saba,” sabi niya at kumagat ulit. Tiniyaga niya kahit na walang asukal o gatas na sawsawan. Ayos na siya sa luto niyang saba tutal ay wala namang ibang kakain nito. Malamang ay nagpapakabusog na si Ethan sa dalang cake ng Babaeng Ubeng Ulalo na iyon. Sumakit pa ang tiyan niya kapag kumain siya ng cake na dala ng impaktang iyon.

Umupo ito sa tabi niya. “Inis ka kay Ethan?”

Iniwas niya ang tingin. “Kahit naman mainis ako wala naman akong magagawa. Amo ko siya at tauhan lang ako. Siya na nga ang pinrotektahan ko sa babaeng iyon, ako pa ang masama. Ako pa ang may kasalanan. Ako pa ang hihingi ng sorry.”

“Kung titingnan mo nakakatampo naman talaga pero isipin mo na ginawa lang iyon ni Ethan para protektahan ka.”

“Paano naman nangyari iyon?” naniningkit ang mata niyang tanong.

“Kung magmamatigas si Ethan, lalong lalala ang gulo. Magagalit din si Miss Chicharito sa kanya at pwede niyang siraan si Ethan.”

Nanlaki ang mata niya. “P-Pero mas paniniwalaan naman siguro ng mga tao si Ethan kung sakali.”

“May isang rule sa kahit anong negosyo. Keep the customers happy. Sila ang tutulong para maging matagumpay ang isang brand. Sure. Pwede naman sigurong ipagtanggol ka ni Ethan. Pero kailangan bang palakihin ang gulo kung maayos naman ang lahat? Hindi naman kailangan ni Ethan ng problema sa gitna ng shooting ng pelikulang ito. Kung alam mo lang ang hirap na pinagdaanan namin para lang maituloy ang pelikula na ito.”

Kinagat ni Aurora ang pang-ibabang labi. Alam niya na tinutukoy nito ang basta na lang pagkawala ni Ethan nang sumama ito sa Isla Juventus. “P-Pero marami bang fans na gaya ni Madam Ube?”

“Madam Ube?” Humalakhak si Paola. “Yes. Mga akala pag-aari nila ang idolo nila. Ang kailangan mo lang gawin ay habaan ang pasensiya mo at pakisamahan sila. Kailangan kaibiganin ang mga fans na iyan para madisiplina mo sila. Kapag ka-close mo sila, mas madali para sa iyo na pagsabihan sila kung paano aakto sa harap ni Ethan. Mas makokontrol sila. At kasama iyon sa trabaho mo. Kailangang mapanatili mo ang magandang image ni Ethan. Kailangan mo lang ng mahabang pasensiya.”

“Paano mo nagagawa iyon sa loob ng limang taon? Hindi ba mahirap maging PA ni Ethan?” tanong niya.

“This is my dream job. Masarap ang feeling na lagi kong kasama ang lalaking laman lang ng pangarap ko. Ako ang natatangi sa lahat ng babaeng naghahabol sa kaya at nag-aambisyon sa kanya. Ako ang naglalaba ng damit niya, alam ko kung anong underwear niya, naipagluluto ko siya at ako ang laging inaasahan niya sa mga pangangailangan niya. Feeling wifey!” kinikilig nitong sabi.

“A-Ano?” bulalas niya.

Nagningning ang mga mata nito habang kinikilig na nakangiti. “Mahal ko si Ethan. O feeling ko in love ako sa kanya. Lahat naman ng fans ganoon. Kaya nga ako naging PA niya para mapalapit sa kanya.”

Kung ganoon ay karibal niya itong malinaw. At kumpara sa kanya na kailan lang nakilala si Ethan, limang taon ang pundasyon ng mga ito o higit pa dahil dati pa ito fan ni Ethan bago naging personal assistant.

“Bakit ka umalis?” tanong niya. Ang alam nga niya ay kasama ito sa sumundo kay Ethan sa isla, patunay na mahalaga dito ang pagbabalik ni Ethan.

“Kasi na-realize ko na iba pala ang mahal ko. Na sa loob ng mahabang panahon, siya ang nandiyan at di ko napapansin dahil abala ko sa kaiilusyon kay Ethan.” Nagkibit-balikat ito. “Nakakatawa lang, di ba? Sampung taon din akong nagpakabaliw kay Ethan tapos abot-kamay ko na siya pero di naman pala pagmamahal iyon.”

“Pwede palang mangyari iyon?”

“Oo naman. Kapag kasama mo si Ethan Ravales, pakiramdam mo siya na ang mundo. Nakakalimutan mo na ang realidad. Parang araw-araw kang bida sa teleserye.” Siniko siya nito. “In love ka rin ba kay Ethan?”

Umiling agad siya. “H-Hindi. M-May boyfriend na ako.”

Nagsalubong ang kilay nito. “Talaga? Ngayon lang yata ako nakakilala ng babae na walang gusto kay Ethan.”

“K-Kaya nga ako ang kinuha ni Miss Icca dahil di ako interesado kay Ethan. Gusto ko lang talagang magtrabaho.”

“Para di ka maapektuhan kay Ethan, ibig sabihin sobrang guwapo ng boyfriend mo. Anong pangalan niya?”

“Alvaro,” sagot niya at ngumiti nang maalala ang panahon nila ng nobyo sa isla. Noong ito pa si Alvaro. Kung si Alvaro siguro si Ethan, di ito papayag na may mang-insulto sa kanya. Ipagtatanggol siya nito. Nami-miss niya si Alvaro.

“Aba! Patingin naman ng picture niya. Guwapo siguro siya,” sabi nito at pilit na sinisipat ang hawak niyang cellphone.

Kinipit niya ang cellphone sa dibdib. “Huwag na. Nakakahiya naman. Hindi naman siya kaguwapuhan.”

“Sige na. Patingin pa rin ng boyfriend mo kahit di kaguwapuhan,” giit ng babae at pilit na inaagaw sa kanya ang cellphone.

“Paola, pwede bang kausapin ko muna si Aurora?” sabi ni Ethan nang lumapit sa kanila.

Tumayo si Paola. “Sige.”

Nanlaki ang mata niya at humawak sa kamay nito. “Dito ka lang.” Ayaw niyang maiwan kasama si Ethan.

Tinapik nito ang balikat niya. “Okay lang iyan. Mabait naman iyan.” At napilitan siyang pakawalan ang babae. “Be nice to her, Ethan. She actually did you a favor.”

Hindi na sumagot pa si Ethan. Nakayuko na pinagmasdan ni Aurora ang natitirang nilagang saba sa plastic na lalagyan at di tiningnan ang kasintahan. Nakikiramdam lang siya sa susunod na gagawin nito.

“Hindi mo ba ako bibigyan ng miryenda? Akala ko para sa akin iyan,” tukoy nito sa nilagang saba at umuklo sa harap niya.

Inirapan niya iyon. “Kumain ka naman ng dala ng mga bisita mo, Sir. Mukhang galing pa yata sa Paris ang cake niya.”

“Alam mo naman na iyan ang paborito ko,” sabi nito at kumuha ng isang pirasong saging sa container. “Sakto ito dahil nakakasawa ang matamis na cake.”

“Anong ginagawa mo dito? Baka mamaya hinahanap ka ng fan mo galing Paris. Awayin na naman ako.”

“Wala na. Umuwi na siya. Galit ka ba sa akin?”

“Bakit naman ako magagalit sa iyo? Isa lang naman akong PA at amo kita.”

“Kaya ba sinabi mong di gwapo ang boyfriend mo dahil masama ang loob mo sa akin?” malungkot na tanong nito at lumabi.

Tumirik ang mata ni Aurora. “Gusto mo bang ipakita ko ang picture natin kay Paola?” Natahimik ito at nawala ang ngiti sa labi. Saka ito nagpatuloy kumain. “Gusto mo ba na mag-sorry din ako sa iyo dahil nasabunutan ko ang fan mo na gustong humalik sa iyo?”

“No. Alam ko na ginawa mo lang iyon para protektahan ako. But I also want to protect you in return.”

“Naipaliwanag na sa akin ni Paola. Magiging problema kung ipagtatanggol mo ako. Mas makakaiwas sa gulo kung magso-sorry na lang ako,” aniya at tumango-tango. “Ganoon talaga. Hindi ko naman pwedeng sabihin sa kanya na ako ang girlfriend mo.”

Nang pamukhaan siya kanina ni Chicharito, gustong-gusto niyang ipamukha dito na siya ang nobya ni Ethan.

“Okay. Babawi ako sa ginawa ng fan ko,” sabi ng binata at tinampal ang sarili nitong hita.

“Paano?” tanong niya.

“This.”

Sinapo nito ang pisngi niya at nanunuksong hinalikan ang labi niya. Nakakaliyo ang sensasyon na nararamdaman niya. Mistulang pumapawi sa lungkot sa puso niya. Kailangan niya ng katiyakan na mahalaga pa rin siya kay Ethan. Na mahal talaga siya ng nobyo. Na kailangan niyang magpakumbaba para dito.

Gusto pa sana niyang magpakasaya sa mga bisig nito nang maalala niya kung nasaan sila. Nasa labas sila. Di kalayuan ang lokasyon ng shooting. Di malabo na may makakita sa kanilang dalawa.

Dumilat si Aurora at itinulak ang dibdib ni Ethan. “Ano ka ba? Oras ng trabaho. Baka may makakita sa atin,” aniya habang habol ang hininga.

Bakas ang frustration sa anyo ng binata nang pakawalan siya. “Sorry.”

Inayos niya ng damit niya. “Kailangan mag-ingat tayo sa ikinikilos natin. Nangako ako kay Miss Icca na magiging propesyunal ako.”

Bumuga ng hangin ang binata at tumayo. “Yeah, right!” Pinagpag nito ang kamay. “Kaya mo ba talaga ang trabahong ito? It is demanding and tiring and stressful. You are my princess. Di ko gusto na inuutus-utusan ka. Hindi ko rin gusto ang nangyari kanina na di ko masabi sa mga babaeng lumalapit sa akin na ikaw ang girlfriend ko.”

“Ethan, kahit naman umalis ako sa trabahong ito di pa rin magbabago ang lahat. Hindi ko pa rin naman masasabi na ako ang nobya mo. Saka mabuti na itong nagtatrabaho ako. Napagsisilbihan kita. Masaya ako na may nagagawa ako para sa iyo. Hindi ko naman kailangang tratuhin mo na parang prinsesa. Gusto ko na ako ang babaeng makakaintindi sa iyo at maaasahan mo kahit bilang PA mo.”

Mataman siyang pinagmasdan ng binata. “Sigurado ka ba diyan?”

Ginagap niya ang kamay nito at pinisil. “Sasabihin ko kapag hindi ko na kaya.”

“Okay. Bumalik na tayo sa set. Baka hinahanap nila tayo.”

Inilahad nito ang kamay sa kanya at hinila siya patayo. May nahagip ang mata niya sa gilid nang parang may pigura na nakasilip sa may puno. Kumunot ang noo niya at nilingon iyon. May tao ba doon?

“Ano iyon, Aurora?” tanong ni Ethan sa kanya.

Nagkibit-balikat siya. Wala lang siguro iyon.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.