Chapter FE: TDTYS 77

“ANO ba? Bumukas ka!” angil ni Aurora habang binubuksan ang bottled ion drink. Uhaw na uhaw na siya pero simpleng takip lang ay di niya mabuksan.

Nanghinina na siya at hilong-hilo. Halos beinte kuwatro oras na siyang walang tulog. Intense ang shooting dahil nagkaroon ng aberya sa location. Toxic ang araw na iyon dahil sa dami ng di magandang nangyari. Nagkasagutan ang direktor at ang assistant director dahilan para maapektuhan ang eksena ng mga artista. Isang nanay naman ng isang fan ang sumugod at hinahanap ang anak nito na nakipagtanan daw sa isa sa mga artista nila. Nauubusan na siya ng huwisyo sa mga nangyayari. Ano naman kayang eksena ang susunod?

Baka siya ang sumunod na eksena. Kundi siya hihimatayin dahil sa uhaw, hihimatayin siya dahil nangangamoy na siya. Ang totoo ay nandidiri na siya sa sarili niya. Malagkit ang pakiramdam niya. Di pa siya nakakaligo.

Magsesepilyo lang siya ay patakas pa. Pakonsuwelo lang niya ay nakaligo na si Ethan at kasalukuyang nagpapahinga sa van nito.

Patayan pala ang trabaho doon. Napansin niyang pagod na rin ang mga crew. Konting di magandang pangyayari ay sasabog na rin ang mga ito. At dahil limitado ang oras nila at kailangang matapos ang shooting bago ang beinte kuwatro oras ay pawang nagmamadali ang lahat. Maya-maya lang ay gigisingin na ulit si Ethan at kailangan ulit nilang asikasuhin ang pangangailangan ito. Inom na lang ang pahinga niya, ayaw pang bumukas ng bote.

“Do you need help with that?” tanong ng isang guwapong lalaki. Kulay ash blonde ang buhok nito at nakasuklay patayo. Nakasuot ito ng puting T-shirt na may tatak na MIAMI at gula-gulanit na pantalon.

“S-Sige. Salamat. Hindi ko alam kung bakit di ko mabuksan iyan kanina pa.”

“You must be tired,” sabi ng lalaki na sa isang pihit lang ay nabuksan na ang takip. “Hindi pa ba tapos ang shooting?”

“Hindi pa. Sana nga matapos na dahil uwing-uwi na ako.” Parang nakatikim na siya ng langit nang sumayad ang malamig na inumin sa labi niya. “Salamat talaga. Ikaw ang tagapagligtas ko. Ano palang pangalan mo?”

“H-Hindi mo ako kilala?” tanong ng lalaki at nagsalubong ang kilay.

Ngumiwi siya. “Ahhh... Pasensiya na. H-Hindi e. Masyado kasi akong busy kaya wala na akong oras para... Ano...” Hindi ito nakasama sa review niya. Di niya alam kung artista ito, modelo o Youtube sensation.

“I am Shandie,” anito at kinamayan siya.

“A-Artista ka rin ba?”

Isinuklay nito ang daliri sa buhok. Medyo mahangin ang dating nito. “Hindi masyadong sikat. Di kasing sikat ni Ethan. Natuloy pala ang pagiging PA mo sa kanya.”

“O-Oo. K-Kilala mo ako?”

“Ikaw kasi ang pinagkaguluhan ng mga reporter dahil isinama ka ni Ethan sa theater play sa CCP. Nagpupustahan nga ang mga reporter kung tatagal ka kay Ethan.”

Umiling na lang siya. “Pati pala ako pinagpupustahan nila.”

Bukod sa pakikisama sa mga fans, natuto na rin siyang sakyan ang trip ng mga reporter. O mas tamang sabihin na natuto siyang iwasan ang mga ito. Kinakabahan siya tuwing magtatanong ang mga ito. Siguro dahil dalawang beses na siyang nagkaroon ng di magandang engkwentro sa mga reporter. Mabuting kaibigan ang mga ito pero hindi alam kung kailan pwedeng maging kalaban.

“Ikaw ang PA ng hottest leading man na si Ethan Ravales. Sikat ka na rin.”

Umiling siya. “Di naman ako artista. PA lang ako.”

“Mukhang pagod na pagod ka na. Hindi ka yata inaalagaang mabuti ni Ethan.”

“Hindi naman...”

Ipagtatanggol sana niya si Ethan pero naputol iyon nang magsalita ang nobyo niya. “Are you poaching on my PA, Shandie? One PA is not enough?” tanong ni Ethan.

Madilim ang mukha nito nang lumapit sa kanila ni Shandie. Nagpapalit-palit ang tingin niya sa dalawa. May kompetisyon ba sa pagitan ng mga ito? Pareho namang guwapo ang mga ito at parehong matangkad. Mukha lang batang tingnan si Shandie dahil sa suot nito habang si Ethan ay nakasuot ng long sleeve polo at slacks.

Itinaas ni Shandie ang mga kamay. “Relax, man. Nagkukwentuhan lang kami ni Aurora. Bawal na bang makipag-kwentuhan ang PA mo sa akin? Hindi ka naman ganyan ka-possessive kay Paola dati.”

“Well, I am just protecting Aurora because she is new in the business. Gusto ko na maging maingat siya sa mga kinakausap niya.”

“You must really look after her. She looks too naive and trusting. You better take care of her. She needs a break,” sabi ni Shandie at inilahad ang kamay sa direksyon niya.

Bumuntong-hininga si Ethan at inakbayan siya. “The set is toxic right now. Alam mo naman kapag ganitong araw.”

“Hoy, Shandie! Anong ginagawa mo dito?” sabi ni Paola at saka lumapit sa binata.

Hinapit ni Shandie si Paola sa baywang. “Kung maka-hoy ka naman, parang di mo ako mahal. Siyempre sinusundo kita.”

“Sumugod ka pa talaga dito sa shooting ni Ethan para sa akin?”

“Para ipaalala sa iyo na ako ang mahal mo. Baka kasi makalimot ka.” Ngumuso ito sa direksyon ni Ethan. “Mamaya akitin ka na naman ng isang iyan.”

Kinintalan ni Paola ng halik si Shandie sa labi. “Siyempre hindi ‘no? Number One Fan ako ni Ethan pero ikaw ang number one sa puso ko.”

“Ahhhh! Nakakainggit naman kayo,” nausal na lang ni Aurora. Ngayon niya naunawaan kung anong pinagdaanan ni Paola. Guwapo din naman si Shandie pero di nito napansin dahil kay Ethan. Pero ngayong natauhan na ang dalaga ay masaya na ito kasama ang lalaking ipagmamalaki ito bilang nobya nito.

Nilingon siya ni Paola. “Bakit? Hindi ba kayo ganyan ng boyfriend mo?”

Naging alanganin ang ngiti niya. “Uhmmm... Di lang siya masyadong malambing sa harap ng ibang tao.”

“Ah! Ayaw niya ng PDA,” sabi ni Paola.

“Si Paola lang naman ang mahilig sa PDA,” kantiyaw ni Shandie.

“Isabay n’yo na ang ibang fans, Paola. Hindi na conducive ang atmosphere dito sa set,” sabi ni Ethan.

“Paano peace na tayo?” tanong ni Shandie at inabot ang kamay kay Ethan.

“Of course. I am sorry,” mapagpakumbabang sabi ni Ethan at kinamayan ito. Nagpaalam na rin ang binata sa iba pang fans at saka sila bumalik sa van. “Magpahinga ka na muna. Baka mamaya sabihin na naman ni Shandie na di kita inaalagaan.”

Di na ito nagsalita pa ulit kahit nang makapasok na sila sa van nito. “Ethan, huwag mong sabihin na galit ka sa akin dahil may kinausap akong iba? Tinulungan niya ako na magbukas ng takip nito,” aniya at inangat ang bote ng ion drink.

Bumuntong-hininga ito. “Nakita ko kasi na nakikipagtawanan ka sa kanya. I... I just got a bit jealous. Natatakot ako na hindi na kita napapatawa gaya ng dati. Lagi na lang akong nakautos. Baka nagsasawa ka nang kasama ako.”

“Hindi ako magsasawa na kasama ka. Nakakapagod lang talaga ang trabaho ngayon. Masasanay din ako.”

“Baka kasi di na kita naaalagaang mabuti. Wala na tayong oras para magkasama nang tayong dalawa lang,” anito at niyakap siya nang mahigpit.

“Siguro naman kapag tapos na ang pelikulang ito may oras na tayo sa isa’t isa.”

“Yes. I will take you somewhere nice. Saan mo gusto?”

“Kahit saan. Kahit saan basta kasama kita.”

“NAKAKAHIYA naman sa inyo ni Ethan, hija. Sinundo na nga niya ako sa bahay namin para isabay dito sa shooting, ipinahiram ka pa niya sa akin bilang PA mo,” sabi ng beteranang artista na si Mauricia Toledo habang minamasahe ni Aurora ang kamay nito.

“Huwag po ninyong alalahanin iyon, Ma’am. May isa pa naman pong PA si Ethan. Si Bambie na po ang bahala sa kanya,” nakangiting sabi niya sa matandang babae.

“Sabihin mo nga sa akin ang totoo. Sina Ethan na ba at si Shaira?” tanong ng matandang babae. “Kundi mo naitatanong, fan din kasi nila ako dati pa. Kanina magka-holding hands sila sa eksena kinikilig na ako.”

“Pasensiya na po. Hindi ko po masasagot iyan.”

Habang palapit nang palapit ang pelikula ay napapadalas ang paglabas ng mga larawan nina Ethan at Shaira na sweet sa isa’t isa. Kaya naman tumitindi ang antisipasyon ng mga fans na naghihintay sa paglabas ng pelikula. Unang araw pa lang ng paglabas ng trailer ay mahigit isang milyon na agad ang views. Usap-usapan na ang plot at posibleng kalalabasan ng kwento. Kuntodo na rin ang pagkalat ng mga larawan nina Shaira at Ethan mula sa screencap at meme ng eksena sa pelikula hanggang larawan ng mga ito sa likod ng camera pati ang events na magkasama ang mga ito at itinuturing nang “date” ng iba kahit di naman romantic. Alam niyang promo lang iyon sa movie at parte ng trabaho pero di pa rin niya maiwasang malungkot.

Bilang isang PA ni Ethan, wala na silang oras para sa isa’t isa. Magkasama nga sila pero puro tungkol lang sa trabaho. Hindi na siya gaanong humihingi ng atensiyon sa binata dahil nakikita naman niya ang pagod nito. At dahil pagod na din siya sa trabaho ay pinipili na lang niyang pagbutihan ang ginagawang pag-aalaga dito para ipadama ang pagmamahal niya.

Tumunog ang cellphone niya at isang picture message ang natanggap niya. Ngumiti siya nang makita ang picture ng binata na may fansign na “I love you, too.”.

Ngayon lang ito nag-reply sa note niya kaninang umaga na nakaipit sa script nito. Nagkakasya na lang sila sa ganito.

“Kanino galing ang text sa iyo?” tanong ng matandang babae.

“Sa boyfriend ko po.”

“May boyfriend ka na pala. Nasaan siya?”

“N-Nasa probinsiya po. Nagtatrabaho.” Kapag may naghahanap ng larawan ng nobyo ay sinasabi na lang niyang walang camera ang cellphone nito o kaya ay hindi ito tinatablan ng camera.

“Nami-miss mo siguro siya dahil di kayo magkasama.”

Bahagya siyang lumingon sa tent ni Ethan. Nakita niya na nakatingin din ito sa kanya at may hawak na tasa ng kape. “Kailangan po para sa mga pangarap namin. Alam ko po na magkakasama din kami.”

“Tingnan n’yo! Nakakuha ako ng ligaw na bulaklak sa gubat,” sabi ng isa sa mga PA ng isang artista. “Magandang itanim ito sa hardin namin.”

“Gusto ko rin ng ganyan. Saan mo nakuha?” tanong ni Mauricia.

“Sa gubat po malapit sa ilog.”

Tumayo si Mauricia. “Gusto ko ring kumuha para maiuwi sa amin. Tiyak na lalong gaganda ang hardin namin diyan.”

“Dito na lang po kayo, Ma’am. Ako na po ang kukuha,” prisinta ni Aurora.

Hindi nahirapan si Aurora na hanapin ang halamang ligaw na may lilang bulaklak. Maingat siyang bumunot ng isa. Pabalik na siya nang may marinig siyang boses ng isang babae at lalaki sa malapit sa batis.

“Tyrone, nakikiliti ako. Huwag mo akong halikan diyan. Magtataka sila kung saan ko nakuha.”

Kumunot ang noo ni Aurora. Parang boses iyon ni Shaira. Sumilip siya sa mga damong nakaharang at napasinghap nang makitang yakap si Shaira ng isang matangkad na lalaki. Kundi siya nagkakamali ay bodyguard nito ang kasama nito ayon kay Bambie. Crush kasi nito ang lalaki.

“Sabihin mo nagasgasan ng damo,” natatawang sagot ni Tyrone.

Umungol si Shaira bilang pagtutol. “Stop! Baka may makakita sa atin.”

“Sino naman ang makakita sa atin dito? Saka ang sabi ko naman hinahanap natin ang nawawala mong hikaw. At mahaba pa ang pahinga mo bago ang next take mo. I just miss spending time with you.”

“So do I.”

Malakas ang kabog ng dibdib ni Aurora sa natuklasan. May ibang lalaking gusto si Shaira. Hindi si Ethan ang gusto nito. Hindi niya ito karibal.

Kahit paano ay nakahinga siya ng maluwag sa pagkakataong ito. Ayaw din naman niyang magkalaban sila ni Shaira pagdating kay Ethan dahil mabait naman ito sa kanya. Ibig sabihin ay trabaho lang din ang ginagawa nito. Wala siyang dapat na ipagselos o ipangamba.

Maingat siyang lumayo sa lugar na iyon at masayang bumalik sa set. Sana lang ay dumating ang panahon na di na nila kailangan pang magtago ni Ethan gaya nang di na kailangan pang magtago nina Shaira at Tyrone sa mga tao.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.