Chapter FE: TDTYS 78

WALANG kangiti-ngiti si Aurora habang nagpapakulo ng kape sa portable coffee brewer ni Ethan. Kailangan niyang subaybayan ang eksena nina Ethan at Shaira sa baba ng talon. Doon isu-shoot ang intimate scenes. Ayaw man niyang panoorin ay siya ang pinagbantay doon ni Bambie na masakit daw ang tiyan. Katakawan kasi nito.

Muntik na niyang mabitawan ang hawak na percolator nang may magsalita sa likuran niya. “Nakita mo kami ni Shaira sa batis noong isang araw.”

Nahigit niya ang hininga at nanlalaki ang matang tiningnan si Tyrone. “P-Paano mo nalaman na ako iyon?”

“I have very sharp eyes. It comes with the job.”

Napalunok siya. Mukhang delikado ang lalaking ito. Paano kung saktan siya nito dahil alam niya ang sekreto nito at ni Shaira?

“Huwag kang mag-alala. Hindi ko naman sasabihin ang nakita ko. Mabait naman si Shaira sa akin at wala akong mapapala kung ipagkakalat ko iyon. Isa ako sa mga huling tao na gugustuhing masira sina Shaira at Ethan,” sabi niya. “Tatahimik lang talaga ako. Pangako iyan.”

Mataman siyang pinagmasdan nito at pagkuwan ay ngumisi. “You are that island girl, right? Aurora. Aurora Dapitan. Ikaw ang nobya ni Ethan sa Isla Juventus.”

Nanginig ang kamay niya. Alam nito ang tungkol sa kanila ni Ethan na iilang tao lang ang nakakaalam. “Paanong mo nalaman? Ni hindi nga ako nakilala ni Shaira.”

“Hindi niya alam ang tungkol sa iyo pero naikwento sa akin ni Kapitan Robredo.”

“A-Ano? Nandoon ka rin sa isla?”

“Yes. Ako ang kasama ni Shaira doon. I guess you were sick that time. Kay Kapitan Robredo kami tumuloy na mga lalaking bisita kaya halos buong gabi kaming nagkakwentuhan. Gustong-gusto ka daw niya na maging manugang pero mas pinili mo daw ang binatang taga-Maynila.”

“Mas tsismoso pala ang mga lalaki,” aniya at bumuga ng hangin. Palibhasa ay madalang ang dumadayo sa isla nila kaya siguro napasarap ng kwento si Kapitan.

“Kusa siyang nagkwento. I didn’t ask. Di rin pala kayo nagkatuluyan ng anak ni Kapitan Robredo.”

Umikot ang mga mata niya. “Bakit sinasabi mo sa akin ito?”

“Nagkakakwentuhan lang tayo. I kept my mouth shut. Walang nakakaalam ng tungkol sa inyo ni E...”

“Alvaro,” paglilinaw niya dito. “Alvaro ang pangalan ng nobyo ko.”

Ngumiti ito. “Itatago ko ang tungkol sa inyo ni Alvaro kung iingatan mo rin ang sekreto ko. Hindi mo ako kalaban, Aurora. We are on the same boat after all.”

Nakakaunawa siyang tumango at umalis na ang binata. Pareho nga naman sila ng sitwasyon. Nagmamahala sila sa taong kailangang magpanggap sa harap at likod ng camera. Nagmamahal sila pero di dapat na malaman ng publiko dahil makakaapekto sa career ng mga ito lalo na kay Shaira.

WALANG ekspresyon sa mukha ni Aurora habang pinapanood ang eksena kung saan nagtatampisaw sa talon sina Ethan at Shaira. Nasa taas siya ng batuhan kung saan nandoon ang ibang gamit ni Ethan. Parang may kutsilyo sa puso niya habang naririnig ang halakhak ni Ethan. Matagal na nilang di iyon nagagawa. Ang humalakhak nang magkasama. Ang tratuhin ang isa’t isa bilang magkasintahan. Mabuti pa sa ibang babae nagagawa nito kahit na arte lang.

Sa huli ay di rin siya nakatiis at umalis sa sinasandalang batuhan. Babalik na lang siguro siya ng tent. Pero nakaharang sa dadaanan niya si Tyrone. “Hindi mo kayang matagalan?”

Bumuga siya ng hangin. “Manonood ka?”

“Yes. I have to make sure that Shaira is okay.” At saka ito sumandal sa batuhan habang nakahalukipkip. Seryoso ang anyo nito habang nakatitig sa kissing scene na susunod na isu-shoot nina Ethan at Shaira.

Iniwas niya ang tingin. Di talaga niya kaya na makita si Ethan na may hinahalikan na ibang babae. Pero sa pagtataka niya ay di inaalis ni Tyrone ang tingin sa dalawa. “Paano mo natatagalan na panoorin ang ganyang eksena? May kasamang ibang lalaki ang babaeng mahal mo. Nagagawa nila ang ganyan ka-intimate na bagay sa harap ng maraming tao na di naman niya magawa sa iyo.”

Nagkibit-balikat ang binata. “It is her job. Bata pa lang siya iyan na ang pangarap niya. Hindi siya nag-boyfriend. Hindi rin siya nag-aral ng college dahil gusto niyang mag-focus sa pag-aartista.”

“At ayos lang sa iyo na hindi niya nasasabi sa ibang tao na ikaw ang mahal niya habang iniisip ng ibang tao na may karelasyon siyang iba?” tanong niya.

“Yes. Dahil alam ko ang totoo. Mahalaga sa akin na kami ang totoo.”

“Hindi ka ba nasasaktan o naiinsulto?” tanong niya.

“Nang mahalin ko si Shaira, alam ko nang iyana ng buhay na gusto niya. At kung gusto kong maging bahagi ng buhay niya, kailangan kong makiayon dahil iyan ang nagpapasaya kay Shaira. Kahit naman ayaw ko, kailangan kong tanggapin.” Nilingon siya nito. “Kaya ko naman siyang buhayin kahit na di siya mag-artista. Maganda ang kita ng negosyo ko. Pero hindi lang ito usapin ng pera. Di lahat ng bagay ay mabibili ng pera. May mga bagay na si Shaira lang ang makakagawa at maaring magpasaya sa sarili niya. Sa palagay ko ganoon ka rin kay Ethan.”

“Dakila ang pag-ibig mo,” humahangang usal niya.

“Bakit? Hindi ba nagsasakripisyo ka rin para sa kanya?” anito at ngumuso kay Ethan.

“Oo. Sinusubukan kong intindihin kung ano ba talagang nangyayari sa industriyang ito para sa kanya.” Parang isang malaking teleserye ang lahat. Mas malaki ang drama sa likod ng camera. Hindi niya alam minsan kung ano ang di niya kinakaya - ang katotohanan o ang pagpapanggap.

“Alam ko na hindi magiging madali ang lahat. Hindi madaling magpanggap pero may mga bagay na kailangang itago para maabot mo ang isang goal o pangarap sa buhay. Just follow your heart. Sa dinami-dami ng babae, ikaw ang pinili niya. At may dahilan siya kung bakit ikaw ang mahal niya. Parang kami ni Shaira. Ako ang pinili niya kaya handa akong magsakripisyo para hindi siya mawala sa akin.”

“Marami na akong isinakripisyo para kay Ethan. Iniwan ko ang buhay namin sa probinsiya para sa kanya. Iniwan ko ang tatay ko. Ipinaglaban ko siya dahil gusto kong maging totoo sa sarili ko. Tapos sa huli kailangan ko rin palang mabuhay sa mundo ng pagpapanggap. Nagtatrabaho ako para sa kanya para maunawaan ang trabaho niya, ang industriyang ginagalawan niya. Pero sa huli mahirap pa ring tanggapin.”

“At ano ang gusto mong mangyari sa inyo ni Ethan?”

“Hindi ko rin alam.” Minsan gusto na niyang mag-quit sa pagiging PA nito. Gusto niyang bumalik na lang ulit sa pagkukulong sa mansiyon at magpanggap na wala siyang alam sa trabaho ni Ethan. Pero di siya ganoon kahangal. Nakapasok na siya sa mundo nito at mahirap na basta na lang itong talikuran.

“Gawin mo lang kung ano ang sa palagay mong tama sa inyong dalawa.” He patted her head like a good kid. “Babalik na ako sa kotse ko.”

Nakita niya na matatag ang pagmamahal nito kay Shaira. Sana may ganoon din siyang tatag. Wala siyang duda na mahal niya si Ethan. Ang di lang niya alam ay kung kakayanin niyang tumagal sa mundong ginagalawan nito. Sana nga ay tumagal siya.

Dahil unti-unti na niyang nararamdaman ang pagod. At natatakot siya na dumating sa punto na pati ang pagmamahal niya kay Ethan ay di na niya mapangatawanan.

“AURORA, gising na. Kailangan mo nang pumunta sa Philippine Normal University. Ngayon ang last day para sa registration sa entrance exam,” anang si Yaya Edwina at niyugyog ang balikat niya. “Kailangan mo nang pumunta doon dahil baka mahaba ang pila. Traffic pa mandin pa-Maynila.”

Umungol siya at nanatiling nakasubsob sa higaan. Ayaw pang dumilat ng mata niya. “Yaya, pwede po bang mamaya na lang konti? Sobrang sakit pa po kasi ng katawan ko. Kahit five minutes pa.” O five hours. Nararamdaman niya na patang-pata pa rin siya sa pagod. Parang wala pa siyang isang oras nakatulog.

“Paalalahanan lang kita na napagsarhan ka na rin ng registration sa National Teacher’s College,” sabi ng matandang babae.

“Kasi po hindi naman ako makaalis sa location namin. Madami pong kailangan si Ethan. At madami ring utos si Miss Icca,” ungol niya. “Tapos na po iyon. Huwag na po ninyong ipaalala sa akin.”

“At hindi pa alam ni Ethan na di ka nakapagpa-register. Di niya alam na tapos na ang deadline ng registration.”

Nakiusap siya kay Yaya Edwina na huwag sabihin kay Ethan ang tungkol doon at siya na lang ang magsasabi. Katwiran niya ay may entrance exam pa naman sa Philippine Normal University na isa ring magandang paaralan para sa mga nais maging guro. Ang registration doon ang hahabulin niya.

Ayaw niyang isipin ni Ethan na napapabayaan niya ang plano niyang mag-aral dahil sa pagiging PA nito. Napapasaya siya sa mga sandaling magkasama sila ng binata. Kahit na wala na itong oras sa kanya. Kahit na hindi nobya ang turing nito sa kanya.

“Pwede po bang gawing fifteen minutes pa, yaya?”

“Sige. Fifteen minutes pero sasabihin ko kay Ethan na di ka nagpa-register sa NTC at kinatatamaran mo ang magpa-register sa PNU.”

“Heto na po. Babangon na.”

Iinot-inot siyang sumunod sa matandang babae. She was dead tired. Di niya alam kung anong oras na siya nakauwi. Madaling-araw na yata. Halos gumagapang na siya nang bumaba ng sasakyan at himala na umabot pa siya sa kuwarto niya.

Kulang na dalawang linggo na lang ang natitira bago ang showing ng pelikula nina Ethan at Shaira. Pukpukan ang promotion ng mga ito. Tapos na ang shooting pero sunud-sunod naman ang interview, guesting at pagdalo ng mga ito sa iba’t ibang event. Halos walang tulog ang lahat dahil pati gimmicks sa iba’t ibang fan page ay pinamamahalaan din nila para lalong mai-promote ang pelikula.

Kung hindi pa ipinaalala ni Ethan sa kanya na ngayon ang deadline sa registration kung hindi ay baka di rin siya makapagpa-rehistro. Hindi niya gustong iwan ang mga kasama sa trabaho lalo na’t tambak ang gagawin nila.

Kalalabas lang niya ng banyo mula sa paliligo nang maabutan niyang nagri-ring ang cellphone niya. “Hello, Bambie!”

“Aurora, nasaan ka?”

“Nasa bahay pa. Bakit?” tanong niya at hindi makapagdedesisyon kung pantalon ang isusuot o ang lagpas-tuhod na dress.

“May sakit kasi ako. Kagabi pa ako nilalagnat at suka ako nang suka.”

“Sabi ko naman sa iyo huwag mo nang kainin ‘yung asadong pancit na nai-serve kagabi sa party. Parang di na maganda ang amoy.”

“Ang guwapo kasi ng waiter. O! Huwag mo na akong sisihin. Awarding ngayon ni Sir Ethan. Maraming gagawin. Kailangang kunin ang isusuot niyang damit sa designer. Makikipag-meet pa sa mga head ng fan group para sa pa-contest at sa prizes. Pwede bang ikaw na lang ang pumasok?”

Hinaplos niya ang sentido. “Paano ba ito? Kasi ‘yung registration sa entrance exam ko hanggang ngayon na lang.”

“Sige na. Konti lang naman iyon. Kapag hindi nagawa iyon, baka pareho tayong malintikan kay Miss Icca. Gusto mong maging mother dragon na naman siya?”

Ngumiwi siya nang maisip ang manager ni Ethan. Ayaw niya na magka-problema dito. Mahalaga pa mandin ang araw na ito para sa nobyo dahil kasama ito sa mga nominado sa award’s night para sa Best Actor.

“Oo na. Ako na ang bahala. Magpagaling ka na diyan.”

Walang inaksayang oras si Aurora. Una sa schedule ang pakikipag-meet sa mga admin ng fan group ni Ethan. Na-late pa ang iba kaya matapos ang tanghalian na siya nakaalis sa mall kung saan sila nagkita. Sumunod naman ay ang pagkuha ng damit ni Ethan sa designer at dinala iyon sa condo ng binata.

Alas tres na ng hapon nang dumating siya sa condo. Naroon na si Icca na nakatutok ang cellphone sa tainga habang palakad-lakad. “Ma’am, heto na po ang damit ni Sir Ethan.”

“O! Bakit ikaw ang nagdala niyan?” tanong ni Icca.

“Hindi po kasi pwede si Bambie. May sakit po siya. Nagawa ko na rin po ang iba.”

“Paano ang registration mo sa PNU?”

“Papunta na nga po ako.”

“Okay. Humabol ka sa Meralco Theater. Kailangan ka rin ni Ethan sa mismong awarding. Bilin niya sa akin iyon. Ikaw daw ang lucky charm niya.”

Tumawa siya. “Sana nga po.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.