HUMIHINGAL si Aurora nang takbuhin ang registration area para sa entrance exam. Dahil may banggaan sa kalsada at may hinuhukay din ang MWSS kaya naman na-traffic ang sinasakyan niya. Parang gusto na nga niyang maglakad kanina para makaabot sa PNU pero natatakot siyang maligaw lalo na’t di naman niya kabisado ang mga kalye ng Maynila.
“Miss, pwede pa po bang humabol para sa registration?” tanong ni Aurora.
“Sorry, Miss. Pero tapos na kasi kami. Five o’clock pasado na. Hindi na kami tumatanggap pa ng aplikante,” anang babae na sa palagay niya ay nasa early twenties lang.
“P-Po? Kasi po galing pa po ako sa trabaho. Baka naman po pwede ninyo akong pagbigyan. Malayo pa po ang pinanggalingan ko. Humabol lang talaga ako sa registration,’ aniya at pilit na inabot dito ang registration form.
Malungkot na ngumiti ang babae. “I am sorry. Wala na rin kasing mag-aasikaso niyan. Nag-uwian na ang ibang staff. Sarado na rin ang computers. Hindi ko pwedeng i-approve iyan o tumanggap ng bayad dahil hindi ako authorized.”
“W-Wala na bang extension?” tanong niya habang pilit na ngumiti.
Umiling ang babae. “Pasensiya ka na, Miss. Last day na talaga ngayon.”
Lulugo-lugong umalis si Aurora. Parang pinagsakluban siya ng langit at lupa. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag kay Ethan ang nangyari.
“Anong nangyari, Ma’am?” tanong ng driver niya.
“Hindi na po ako nakaabot. Huwag na lang po ninyong banggitin kay Ethan.”
“Saan po tayo, Ma’am?” tanong ng driver.
“Sa MERALCO Theater po.”
ITINAGO ni Aurora ang pangamba at lungkot sa make up na maingat niyang inilagay. Sa Robinson’s Galleria muna siya nagbihis bago tumuloy sa Meralco Theater kung saan gaganapin ang ASEAN Critic’s Choice Award, isa sa pinagpipitaganang award-giving body kung saan maglalaban-laban ang mga magagaling na pelikula sa buong rehiyon ng Timog-Silangang Asya. Kaya naman malaking karangalan na makasama si Ethan sa nominado pati ang pelikula nito.
Simple lang ang dress na suot niya pero elegante. Inilugay niya ang mahabang buhok dahil wala na siyang oras para ayusin pa iyon. Kahit paano ay di nakakailang na dumikit sa mga artista at celebrity na dadalo din sa pagtitipon.
Pagpasok ng lobby ay naliyo siya sa dami ng mga tao at kislapan ng camera. “Aurora, kanina ka pa hinihintay ni Kuya Ethan,” sabi ni Echo na nakaabang na pala sa kanya. “Dito tayo.”
Iginiya siya nito sa bahagi ng lobby kung saan ini-interview si Ethan ng isang reporter na may nakalagay na flag ng Malaysia sa didbib.
“Aurora!” anang si Ethan at nilapitan agad siya matapos ang interview. “Hey! Akala ko hindi ka dadating.” Hinalikan siya nito sa pisngi.
“Bakit nandito ka pa?” aniya at luminga sa paligid. “Hindi ba malapit nang magsimula ang awarding?”
“Hinihintay kita. How’s the registration at PNU? Mabilis ka bang natapos? Hindi ka ba nahirapan sa pila?”
“Ethan, tungkol pala diyan...” Dapat ba niyang sabihin dito bago ang awarding ceremony? Hindi kaya masira niya ang mood ng okasyon?
Nilapitan ito ni Shaira na siyang “date” nito para sa gabing iyon. Ipapalabas ang pelikula ng mga ito sa key ASEAN cities kung saan may fans si Ethan. At magandang exposure iyon para sa babae. “Ethan, we must go inside. The program is about to start.”
Tumango siya kay Ehan. “Pumasok ka na sa loob. Sana manalo ka.”
HINDI mapakali si Aurora sa habang nakaupo sa balcony area sa bandang likuran ng entablado. Ang area na iyon ay para sa mga fans habang tanaw naman nila ang VIP section kung saan naroon ang mga nominado at mga celebrity.
Oras na malaman ni Ethan na hindi niya naaasikaso ang pagpapa-register sa entrance exam ng magagandang unibersidad ay tiyak na aalisin na siya nito bilang PA nito. Nangako siya dito na kapag nakakaapekto na sa plano niya ang trabaho niya ay aalisin na siya nito sa trabaho. Dadalang na naman ang pagkakataon na magkikita sila.
Gusto niyang maging bahagi ng tagumpay at paghihirap ni Ethan sa industriyang iyon. Gusto niyang malaman nito na naroon lang siya lagi sa tabi nito, naghihintay sa panahong ipapakilala siya nito bilang babaeng mahal nito.
Bakit hindi nangyayari ang lahat ayon sa plano niya?
Bumalik lang ang atensiyon ni Aurora nang marinig niya ang pagbanggit sa pangalan ni Ethan. “Our last nominee for best actor - Ethan Ravales for Ikot ng Mundo.”
Napuno ng hiyawan ang buong teatro nang ipakita ang eksena ng binata kung saan isa itong mahirap na magsasaka na natutong lumaban para sa kapakanan ng mga kasamahan nitong maliliit na magsasaka laban sa panggigipit ng mga mayayamang panginoong may lupa.
Nakihiyaw na rin si Aurora. Saka lang niya naalala na sa sobrang pag-aalala niya sa problema niya ay nakalimutan na niya si Ethan. Kailangan nito ng suporta at panalangin niya ngayon.
Nanlamig ang kamay niya nang pinagsalikop ang palad at ipinagdasal na sana ay manalo ang binata. Sana naman ay may magandang mangyari sa araw na iyon.
“And the best actor is... Ethan Ravales!”
“I love you, Ethan!” tili niya at tumayo sa sobrang tuwa.
Pero walang pumansin sa kanya dahil lahat naman ay iyon ang isinisigaw. Bilang nobya niya ay ipinagmamalaki niya ang karangalan nito. Napausal siya ng panalangin ng pasasalamat. Parang maiiyak si Aurora lalo na nang tumayo si Ethan sa entablado at tinanggap ang tropeo. Napakaguwapo nito sa malaking LED screen.
“This is an emotional and meaningful night for me. The past few months, I went on a journey to discover myself and I did.” Pinasalamatan nito ang lahat ng importanteng tao sa buhay nito hanggang tumingin ito nang direkta sa camera na parang siya ang kinakausap nito. “I want to thank this very special girl who inspires me a lot She is my lucky charm. The girl who makes everything seems right.” Inangat nito ang kamay. “This is for you.”
Ako iyon. Ako iyon. Sasabihin na ni Ethan na ako ang babaeng mahal niya. Na ako ang lucky charm niya. Na ako ang natagpuan niya sa paglalakbay niya na iyon. Sa wakas ay ipagsisigawan na ni Ethan na ako ang babaeng mahal niya.
Sa wakas ay mababawi na ang lahat ng hindi magagandang nangyari sa kanya sa araw na iyon. Malaking bagay sa kanya kung sa wakas ay makikilala na siya bilang nobya ni Ethan. Matagal na niyang hinihintay ang sandali na iyon.
Hindi na itinuloy ni Ethan ang sasabihin dahil bumaba na ito ng entablado matapos pasalamatan ang mga fans.
Nagsigawan na ang mga tao. “Shaira! Shaira! Shaira!”
Kumunot ang noo ni Aurora. Hindi si Shaira ang mahal niya. Ako iyon! Ako iyon!
Inaasahan niya na babawi si Ethan. Na hahanapin siya nito sa audience at sa kanya ito pupunta. Yayakapin siya nito sa gitna ng mga tao.
Subalit di siya nito hinanap. Hindi siya nito nilapitan. Kay Shaira ito lumapit matapos manalo at ipinakita pa sa LED screen na hinalikan nito sa pisngi ang babae. Lalong lumakas ang sigawan ng mga tao.
Palabas pa rin ba ang nakikita niya? Isang pagpapanggap? Parte ng trabaho ng mga ito? Parte ng promo sa pelikula?
Bakit parang sinampal siya sa magkabilang pisngi?
Nang makita iyon ay parang sasabog ang dibdib niya sa sakit. Pakiramdam ni Aurora ay mali ang lahat ng nangyayari sa buhay niya nang mga oras na iyon. Parang gumuho ang lahat ng pangarap niya. Hindi na niya kaya.
Nangilid ang luha niya at nagmamadaling lumabas ng teatro.