YAKAP ni Aurora ang sarili habang humahagulgol ng iyak. Nakakulong siya sa isa sa mga cubicle sa restroom kung saan siya tumakbo matapos umalis ng teatro kung saan ginaganap ang awarding.
Pakiramdam niya ay nilindol siya ng Intensity 10 na lindol. Nayanig ang buong pagkatao niya at bumagsak sa pagkatao niya ang nagkapira-piraso niyang pangarap. O mas tamang sabihin na ilusyon.
Ano bang ginagawa ko dito? Ano bang ginagawa ko sa sarili ko? Bakit hinahayaan kong mangyari ito sa akin?
Nang mahalin niya si Alvaro Baltazar at ipaglaban sa ama niya, akala niya ay kaya niyang harapin ang lahat ng pagsubok na dadating sa kanila. Para sa kanya, pinakamalaking pagsubok na ang salungatin niya ang kanyang ama sa kagustuhan nito at iwan ang Isla Juventus para sa lalaking mahal niya.
Nang kinailangan niyang harapin ang mga pagsubok bilang nobya ni Ethan Ravales at maging PA nito, akala niya ay kaya niya ang lahat. Kaya niyang magtiis na hindi aminin ni Ethan sa lahat na siya ang nobya nito. Kaya niyang ngumiti kahit parang pinipitpit ang puso niya sa selos habang ibang babae ang isinisigaw ng mga tagahanga nito na nababagay dito. At siya? Isang dakilang utusan.
Pero kaya pa ba talaga niyang ipagpatuloy ito? Kaya pa ba niyang mabuhay sa gitna ng pagpapanggap? Tatagal pa ba siya kahit na isang araw o isang oras? Kaya pa ba niyang paulit-ulit na masaktan, mabigo at umasa para lang sa wala?
Gusto sana niyang umuwi na lang at huwag nang magpakita pa kay Ethan o sa iba pa pero nakatanggap siya ng text mula kay Ethan. Wer r u?
Napilitan siyang sagutin iyon. PA pa rin siya nito at boss pa rin niya ito. Ladies room.
See you at the lobby. We will party.
Huminga ng malalim si Aurora. Wala siya sa mood na mag-party ngayon. Pero hindi pa tapos ang trabaho niya. Anuman ang sama ng loob niya kay Ethan, di niya pwedeng basta na lang itong iwan. Pag-uusapan nila iyon sa tamang panahon at oras.
Sa kabila ng dinadamdam ay naghilamos siya at nag-retouch. Kasalukuyan niyang sinusuklay ang buhok niya nang biglang pumasok ang reporter na si Joseau Contreras na nakatagpo sa kanya sa isla para ma-interview tungkol kay Ethan.
“Hello, Aurora! It is good to see you again.”
Namutla siya. “Nandito ka rin?”
“Of course. Dito ang trabaho ko.”
Kapag nga naman sinusuwerte, daig pa ang minamalas. Bakit naman ngayon pa nagsasabay-sabay ang mga di magandang pangyayari sa buhay niya? Sa dinami-dami ng reporter ay ito pa ang makakatiyempo sa kanya.
Masyado siyang naging komportable nang nagdaang linggo dahil wala naman ito sa mga reporter na laging dumadalaw sa set. Mukhang naghahanap lang ito ng magandang pagkakataon para bulabugin siya.
“Dito? Sa loob ng restroom?” Ikiniling niya ang ulo. “Fine. Maintenance ka na ba ngayon? Kasi nasa labas ang reporters at di dito sa restroom tumatambay.”
“O! Masyadong mainit ang ulo mo,” sabi nito at naghugas ng kamay. “Dapat nga happy ka dahil nanalo ang boyfriend mo. Congratulations, Ethan Ravales’ girlfriend. Best actor ang boyfriend mo. At balita ko pupunta na siya sa Hollywood next month. Sasama ka ba?”
Luminga siya sa paligid para tingnan kung may ibang tao doon. Mabuti na lang at walang nakarinig dito. “Hindi ko boyfriend si Ethan Ravales,” sagot niya sa pagitan ng naggigiyagis na ngipin.
“Deny all you want. Aminin mo na kasi. Bakit kailangan mo pang itago? Ayaw mo bang malaman ng buong mundo na ikaw ang babaeng mahal niya?”
Umirap siya at nagkalkal ng lipstick sa labi. “Wala akong kailangang sabihin.”
Kahit na gusto niyang ipagsigawan ni Ethan sa mundo na siya ang mahal nito, di iyon kailangang sa kanya manggaling. At di sa pamamagitan ng isang reporter na di naman karespe-respeto para sa kanya.
“This is showbiz, honey. Walang true love. Mabuti pa sabihin mo na ang nalalaman mo tungkol sa relasyon ninyo ni Ethan. You see, kapag nalaman na ng mundo na ikaw ang girlfriend ni Ethan, hindi mo na kailangang magtago. Mukhang duwag si Ethan na sabihin ang totoong relasyon ninyo. I think you are braver.”
“Tantanan mo ako dahil wala kang mapapala sa akin. Kung karespe-respeto kang reporter, mas makabuluhan sana ang ibalita mo. Huwag mong pakialaman ang buhay ko o ni Ethan,” singhal niya.
Humalakhak ito at itinaas ang mga kamay. “Hindi mo ako kaaway, Aurora. Kakampi mo ako. Nakita ko ang nangyari sa stage. Hindi sinabi ni Ethan ang pangalan mo. Basta sinabi niya na alam niya kung sino iyon. What kind of speech is that? Pa-mysterious effect. Kung mahal ka talaga niya, pangalan niya ang sasabihin mo dahil mahal ka niya at binago mo ang buhay niya. But he didn’t. Hindi ba masakit na si Shaira ang isinisigaw ng mga tao at hindi ikaw? Ayaw mo bang magkaroon ng boses? Pwede kitang tulungan. Ako ang kakampi mo.”
Kakampi? Isang bahagi niya ang nag-uudyok sa kanya na kunin ang pagkakataong iyon na sabihin sa mundo na siya ang nobya ni Ethan. Pero mabilis din niyang pinatahimik ang boses sa isipan. Kahit na nasasaktan siya, hindi niya kayang traidurin si Ethan. Sa kanila lang dalawa ang relasyon nila.
“Alam mo ba kung bakit kailangang itago ng mga tao dito sa showbiz ang mga totoong pangyayari sa buhay nila? Dahil sa mga katulad mo na kung ano na lang ang maisulat para lang mabenta ang diyaryo nila. Puro basura ang ibinebenta ninyo.”
Pumalatak ang babae. “No. I am not that type. Ako ang tumutulong sa kanila para ilabas ang totoo. Ako ang tutulong sa iyong maglabas ng totoo. Di ko na kasalanan kung mas gusto ninyong itago ang katotohanan.”
“Maraming tiwali sa gobyerno. Mas mapapakinabangan ng Pilipinas kung pagnanakaw ng pera ng taumbayan ang pinoproblema mo,” pambabara niya at isinukbit ang bag sa balikat.
“Makipagtulungan ka man sa akin o hindi, malalaman din ng mga tao ang totoo. May mga picture ako sa magkasama kayo ni Ethan...”
Tumaas ang kilay niya. “Sige. Ituloy mo. Wala akong pakialam. Kung gusto mong sumaya habang ginagawang miserable ang buhay ng ibang tao at ang kabuhayan nila, ituloy mo. Basta tapos na ako dito. Ikayaman at ikasaya mo sana ‘yang gagawin mo. Pero tinitiyak ko sa iyo na hindi ko tatraidurin si Ethan kahit na kailan.”
At iniwan niya ang reporter na nagngingitngit. Basta ang alam niya, di siya papayag na sa ganito matapos ang relasyon niya kay Ethan. Hindi sa diyaryo o sa isang malaking eskandalo.
Pero natitiyak niya na matatapos na ngayong gabi ang lahat. Silang dalawa lang ni Ethan ang magtutuos.