“MAY mga offer na sa amin ni Shaira na makipag-tie up sa isang sikat na love team sa Thai movie at isa pa sa Malaysian series. Hindi ako makasagot dahil... It is up to Icca. At naka-line up din ang Hollywood movie ko. Plano ko nang ibigay ang sagot ko kay Jeremy Buckheimer kapag pumunta kami sa premiere ng movie sa LA,” masayang kwento ni Ethan habang bumibiyahe sila pauwi. Kagagaling lang nila sa party ng ASEAN Critic’s Choice kung saan dinumog ng mga tao ang binata sa party. Bukod sa pagiging best actor ay
Tahimik lang si Aurora sa masayang kwento ng nobyo. Tuwid lang ang tingin niya sa harap habang nakakadama ng pagkaliyo. Pagod na ang katawan niya pati ang puso at kaluluwa niya. Halos di na tumatagos sa kamalayan niya ang sinasabi ng nobyo.
“I wish I could bring you to the States but your papers are not ready yet. Pero kung maasikaso mo ang passport mo at tinanggap na namin ang offer sa Thailand at Malaysia, pwede kitang isama doon.”
“Okay,” sagot lang niya sa malamyang boses.
Nakakunot ang noo siya nitong nilingon. “Napapansin ko na tahimik ka mula kanina. Ni hindi mo pa nga ako binabati sa pagkakapanalo ko.”
“Congratulations,” matabang niyang bati.
“May problema ba tayo, Aurora?”
Sumandal siya at pumikit nang mariin. “Pagod lang ako.”
Muli ay gusto niyang umiyak. Di man lang ito na-guilty na di siya nito binanggit sa speech? Ni hindi binanggit kung kailan nito sasabihin sa mga tao na mahal siya. Kung hanggang kailan siya mananatiling PA lang nito sa harap ng mga tao. Kung patuloy na magkakaroon ng pelikula sina Ethan at Shaira, patuloy pa rin silang magpapanggap.
Hinaplos ni Ethan ang buhok niya. “Poor you. Pagpunta ko sa States, magbibilin ako kay Icca na bigyan ka ng day off. Kahit na gusto kitang makasama sa States, maganda rin na makapagpahinga ka. Hindi biro ang schedule natin nitong nakakaraan. How’s the registration for the exam?”
“Hindi ako nakahabol,” kaswal niyang sagot.
“Paano nangyari iyon?” bulalas nito at tumigil ang van.
Hindi niya nasagot ang tanong nito dahil bumukas ang pinto ng van at bumaba sila. Ang totoo ay wala siyang balak na sagutin ngayon dahil pagod siya sa komprontasyon. Dahil konting kibot lang ay baka sumabog na lang siya.
“Hindi ba buong araw mo dapat inayos iyon? Ito na ang last day ng registration, Aurora. PNU is a fine school for aspiring educators,” patuloy na sabi nito habang papasok sila ng bahay.
“Good evening, Sir Ethan. Congratulations po sa award ninyo,” bati sa kanila ni Yaya Edwina. “Gusto po ba ninyo ng kape o tsaa?”
“Coffee for me. Tea for Aurora.”
“Salamat na lang po, Manang. Gusto ko nang matulog,” sabi niya sa malamyang boses. “Magpahinga ka na rin, Ethan. Good night.”
Hinawakan ni Ethan ang siko niya. “No. We will talk,” anito at binalingan si Yaya Edwina. “Pakidala po sa library ang tsaa at kape.”
Walang nagawa si Aurora kundi magpatangay kay Ethan. “So, what happened? Day off mo ngayong araw na ito.”
Umupo siya sa deep red velvet sofa habang nakatayo naman ang binata sa harap niya at nakasandig sa mahabang mahogany table. Matiim at titig nito sa kanya at walang balak na patulugin siya hangga’t di siya nagpapaliwanag dito. “Tinawagan ako ni Bambie kaninang umaga. May sakit daw siya at walang ibang gagawa ng mga trabaho niya.”
“And you didn’t bother to tell Icca? Magagawan niya ng paraan iyon.”
“Busy ang lahat. Aabalahin ko pa ba siya kung kaya ko naman? Isa pa, di ko gusto na basta-basta ipagkatiwala ang pag-aasikaso sa iba kung kaya ko naman. Nagawa ko naman lahat. Sinubukan ko namang humabol pero traffic na at sarado na ang registration pagdating ko,” aniya at bumagsak ang balikat. “Nandoon na ako. Konti lang naman ihinuli ko pero di na nila tinanggap...”
Huminga ito ng malalim. “Okay. Mag-focus ka na lang sa exam ko sa NTC.”
Yumuko siya. “Hindi rin ako nakapagpa-register.”
“What?” bulalas nito.
“Busy ka nang panahong iyon at puro out of town ang shooting mo. Paano ko naman hahatiin ang katawan ko?” paliwanag niya.
“Di ka na nakapagpa-register sa NTC, di ka na rin nakapag-register sa PNU. Great. Just great.”
“Madami pang universities diyan.”
Mariin itong pumikit na parang napipikon na sa kanya. “That is not the point. Nami-miss mo ang tsansa na makapag-aral sa magagandang university dahil di doon naka-focus ang atensiyon mo.”
“Dahil importante ang araw na ito sa iyo. Ikaw ang uunahin ko. Dahil ako ang PA mo. Dahil ikaw ang lalaking mahal ko. Kung kailangan kong magsakripisyo, gagawin ko para sa iyo.”
Umuklo ito sa harap niya at hinawakan ang kamay niya. “Aurora, may ibang pwedeng gumawa para sa akin. Di mo kailangan na gawin iyon. Hindi ka na dapat nagtrabaho in the first place. Ang gusto ko talaga ay mag-focus ka sa pag-aaral mo. Hindi na nakakabuti sa iyo ang pagtatrabaho bilang PA ko.”
“Hindi mo na gustong magtrabaho ako sa iyo? H-Hindi ako naging magaling na PA?” nangingilid ang luha niyang tanong sa binata. Ibig sabihin lahat ng pinaghirapan at sakripisyo niya para dito ay balewala lang? Hindi nito napapahalagahan?
“You are good. I appreciate that you sacrifice a lot for me. At ayoko nang mangyari iyon. I want you to be a teacher. At hindi mo magagawa iyon kung magiging PA pa kita. Mami-miss mo ang tsansa na makapasok sa magagandang university kung laging ang focus mo ay ang pagsilbihan ako.”
“Tama ka,” usal niya. Nawawalan siya ng focus sa lahat ng importanteng bagay sa kanya - ang pag-aaral niya, ang pagiging guro, ang pangarap niya na makapagturo sa pagbalik niya sa Isla Juventus. Lumalabo na lahat iyon dahil mas importante sa kanya si Ethan. Walang ibang gagawa ng pangarap niya para sa kanya kung hindi siya. Nagsasakripisyo siya para sa wala. Para mabalewala.
“You should quit your job as my PA,” walang gatol na sabi nito. “Huwag mo nang intindihin kung walang mag-aasikaso sa akin. I am sure Icca can a replacement for you. I want you to focus on your studies.”
“Yes. Tama ka. I am quitting.” Hindi na talaga ito nakakabuti sa kanya. Hindi na nakakabuti sa katinuan niya. Hindi na nakakabuti sa puso niya.
Ngumiti ang binata at kinintalan siya ng halik sa noo. “Good. I am glad that you don’t argue with me on this one. You shouldn’t be have taken that job in the first place. At gusto ko na bumalik tayo sa dati. Ayokong iisipin mo ang tungkol sa trabaho ko at sa lahat ng isyu tungkol sa akin. Are we clear?”