“Ang ibig mong sabihin, magtatago ulit ako. Patago ulit tayong magkikita. At kailan mo naman ako ipapakilala bilang nobya mo?”
“Kailangan pa ba sa ngayon iyan? As long as we are okay and we are together, I don’t think it matters.” Sinapo nito ang pisngi niya. “Sa ngayon, ang mahalaga di mo na kailangang problemahin ang pagiging PA ko at iba pang may kinalaman sa trabaho ko.”
“I am quitting, Ethan.” Tinitigan niya ang nakangiti nitong mga mata. “Tapos na ako dito.” Inalis niya ang palad nitong nakasapo sa pisngi niya. “Tapos na ako sa trabahong ito. Tapos na ako sa relasyon natin.”
“What? A-Anong ibig mong sabihin.”
Isinubsob niya ang mukha sa palad at bumulanghit ng iyak. “Pagod na pagod na ako. Ayoko na ng ganito. Ayoko nang maging nobya mo.”
“Aurora, you don’t mean that. Mahal natin ang isa’t isa. Hindi mo pwedeng basta na lang sabihin na tapos na tayo. Marami na tayong napagdaanan. Hidi ba kaya ka nga pumunta dito dahil ako ang pinili mo. Ako ang mahal mo.”
Inangat niya ang mukha. “Pagmamahal? Hindi ko maramdaman ang pagmamahal na sinasabi mo, Ethan. Siguro noong Alvaro ka pa, oo. Pero ngayon bilang Ethan Ravales, hindi ko na alam.”
Natigagal ito. “Mahal kita. I... I did everything to make you happy. Gusto kitang tulungan sa pangarap mo. Ano pa bang kulang sa ginawa ko?”
“Pagkilala. Akala ko kapag nagmahal ka, ipagsisigawan mo sa buong mundo. Akala ko ganoong klaseng pagmamahal ang kaya mong ibigay sa akin. Gaya nang nasa Isla Juventus tayo. Gaya nang matapang mo akong ipagtanggol sa ama ko.”
“Kaya ko pa rin namang gawin iyon. Ako pa rin iyon, Aurora.”
“Hindi na, Ethan. Hindi na.” Niyakap niya ang sarili. “Sa awarding kanina, nang sabihin mo na nagpapasalamt ka sa espesyal na babae sa buhay mo, masaya ako kasi alam kong ako iyon. Hanggang magising ako sa magandang panaginip dahil pangalan ng ibang babae ang isinisigaw nila. Nang bumaba ka ng stage, sa kanya ka pumunta.”
“Aurora, kung ako ang masusunod, gusto ko na sa iyo lumapit pagbaba ng stage. Gusto ko na sabihin sa buong mundo na mahal kita at nagpapasalamat ako na dumating ka sa buhay ko. Pero alam mo na hindi pa pwede ngayon.”
“Dahil sa mga fans mo. Dahil makakaapekto sa love team mo. Ayaw nila kasi na masira ang ilusyon nila at iyon ang ibinebenta mo - ang ilusyon at pagkukunwari para mapasaya sila sa buhay nila. Ni hindi nga ata usapan ng talento ito dahil mas importante kung ano ka sa likod ng camera. Kailangan mo silang bentahan ng kasinungalingan.”
“Aurora...”
Tumayo siya at naglakad paikot ng mesa. “At nadadamay ako sa kasinungalingan mo. Pangarap kong maging guro at turuan ang mga bata ng tama at mali. Kung paano sabihin kung ano ang totoong nasa puso nila. Pero anong nangyari? Wala akong natutunan habang nandito kundi pagpapanggap at kasinungalingan. Kailangan ko ring umarte gaya mo. Kailangan kong magpanggap na hindi kita mahal. Kailangan kong magpanggap sa katrabaho ko na may nobyo ako na nakatira sa malayo at di ko man lang maipagmalaki sa mga kaibigan ko. Minsan nga iniisip nila na baka nag-iilusyon lang ako na may nobyo ako kahit wala naman.”
Pagak siyang tumawa subalit nangilid na naman ang luha niya. Tumingala siya para di iyon tuluyang pumatak. Isang kabalintunaan na nobyo niya ang isa sa pinakaguwapong lalaki sa Pilipinas pero di naman niya maipagmalaki at hindi rin siya maipagmamalaki. Parang isa lang din itong isang ilusyon.
Dumilim ang mukha ni Ethan. “Akala mo naiintindihan mo ang trabaho ko. Kaya ako pumayag na maging PA kita dahil sabi mo makakatulong iyon para sa relasyon nating dalawa. That you will probably appreciate me more.”
Tumango si Aurora. “Oo. Naiintindihan ko ang kalakaran ng mundo mo. Kumikita kayo para aliwin ang mga tao sa puntong nakakalimutan mo na kung sino ka. Kaya ka tumakas dati, hindi ba? Kasi gusto mong makita kung ano ka talaga. Kung sino ka kapag ikaw si Ethan Ravales,” malungkot niyang usal.
“Yes. At natagpuan ko iyon habang nasa Isla Juventus ako. At natagpuan kita. Ikaw ang nagsilbing angkla ko sa realidad. Kapag nadadala ako ng mundo ng ilusyon at nakakalimutan ko ang sarili ko, nariyan ka para ibalik ako sa katotohanan. Kung sino ako at kung sino ang mahal ko.”
“Pero hindi na kita kayang protektahan mula sa mundo mo, Ethan. Malapit ko na ring maiwala ang sarili ko, Ethan. Dahil madaling beses ko ring nakalimutan ang sarili ko. Mas madalas na PA mo ako, isang propesyunal na PA na kailangang itago ang nararamdaman ko para sa iyo. Kailangan kong ngumiti kahit na nasasaktan.”
“At ito ang dahilan kung bakit ayaw kong sabihin sa iyo ang totoo tungkol sa trabaho ko. Gusto kitang protektahan. I just didn’t expect that you will hate me for this.”
Sinapo niya ang noo. “Hindi ko maintindihan, Ethan. Naiintindihan ko ang sining ng pag-arte. Nirerespeto ko. Pero iba ang showbiz. Bakit kailangang magpanggap ang mga taong di naman nagmamahalan na gusto nila ang isa’t isa habang kinamumuhian naman ng mga tao ang mga totoong nagmamahalan at gusto nilang sirain?”
Tumiim ang anyo nito. “That’s... That’s just how it works. Isang kultura iyan na nakamulatan ko na. Kaya kailangan nating itago ang relasyon natin. The press will hound you because of me. Fans will hate you. At hindi ko alam kung ano ang pwede nilang gawin sa iyo. It is safer to keep our relationship a secret.”
Malungkot niyang pinagmasdan ang nobyo. “Pati buhay mo ay kailangan mong iarte. Puro kasinungalingan ang inaangat. Wala na bang totoo sa mundong ito? Kahit ikaw hindi ko alam kung sino ka talaga. Kilala mo ba kung sino ka talaga, Ethan? Alvaro?” Umiling siya. “Sa palagay ko di mo rin alam. Di ka magiging si Alvaro hangga’t nandito ka sa mundong ito. Hindi ka rin magiging totoong masaya.”
Hinawakan nito ang balikat niya. “Alam ko na nagkakaganyan ka dahil gusto mong aminin sa mga tao na ikaw ang mahal ko. I just need a little more time, Aurora. Konting panahon pa. I will discuss this with Icca. Tutulungan niya tayo na makahanap ng magandang pagkakataon.”
Umiling siya. “Kung mananatili ako dito, kahit aminin mo pa na mahal mo ako bukas, di pa rin matatapos ang pagpapanggap natin. Hindi ko na kayang magpanggap ngayon o bukas. Dahil kung tatanungin ko ang puso ko, gusto ko na lang maging malaya sa mundong ito at sa lahat ng kasinungalingan at pagpapanggap.”
Niyakap siya nito. “Aurora, don’t leave me. I need you. I will give you time to think things through. You love me. We can work this out.”