“Ethan, di dahil aalis ako, di na kita mahal. Nagiging totoo lang ako sa sarili ko.” Kumalas siya sa pagkakayakap nito. “Ikaw ang nagturo sa akin na ipaglaban ang nilalaman ng puso ko at maging totoo. Ganoon din naman ang mangyayari kahit na hintayin kita. Magagalit pa rin ang mga fans mo. Di nila tayo patatahimikin. May pagkakataon na kailangan ko na namang magpanggap. Ayoko nang mabuhay sa pagtatago o sa pagpapanggap o sa kasinungalingan.”
“If you leave me, my soul will die. Please stay. I love you. Alam ko na kapag pinakawalan kita ngayon, pagsisisihan ko habambuhay,” anito at idinikit ang noo sa noo niya. “We just have to go through this phase. Give me a chance.”
Akala niya ay madali lang umalis. Akala niya ay madali lang talikuran si Ethan. Parang winawasak ang puso niya sa pakiusap nito. Pero kung hindi siya aalis, magpapaikot-ikot lang silang dalawa. Walang magbabago sa buhay nila. Pareho silang di makakalaya sa sirkulo na kinabibilangan nila.
“Ethan, makinig ka sa akin. Kung hindi ako aalis, parang di ko na rin makikilala ang sarili ko. Konti na lang kamumuhian na rin kita. Gusto kong umalis dito habang mahal pa kita. Palayain mo na ako,” pakiusap niya at mariing pumikit. Dahil hindi niya kayang sabihin iyon habang nakikita ang lungkot sa mukha nito. Ayaw niyang mawalan ng saysay at mawalan ng silbi ang kaunting tapang na natitira sa kanya.
“At anong gagawin mo kapag umalis ka dito?” tanong ng binata.
Dumilat siya at humakbang paurong dito. “Babalik ako sa isla. Doon lang ako makakahanap ng katahimikan. Kahit paano alam ko kung sino talaga ako doon.”
“Paano kung di ka tanggapin ng tatay mo?”
“Si Amay lang iyon. Nariyan si Tiya Manuela at ang mga kaibigan ko. Hindi nila ako pababayaan. Ang Isla Juventus pa rin ang tahanan ko.”
Ngayon pa lang ay naririnig na niya ang bulong ng alon at pagaspas ng hangin sa mga puno ng niyog na nakalinya sa dalampasigan. Animo’y tinatawag na siya ng isla. Pinauuwi na siya upang makapagpahinga ang pagal niyang puso.
“Paano ang pag-aaral mo?” tanong ni Ethan.
“Hindi ko pa alam.” Nangangamba siya na kapag tumapak siya sa isla ay di na siya makalabas pa. Doon na lang siya habambuhay.
“Tatalikuran mo ang pangarap mo dahil sa akin? Aurora, huwag mong gawin iyan. Dahil kung hindi mo ipapangako sa akin na magiging teacher ka pa din pagdating ng panahon, hindi kita paaalisin dito. Kung kinakailangan kong ikulong ka dito sa bahay, gagawin ko para tiyakin lang na magagawa mo pa rin ang lahat ng napag-usapan natin. Na makakapag-aral ka pa rin.”
Pilit siyang ngumiti. “Gagawa ako ng paraan. Hindi na ako ang babaeng nakatungo na lang at itatago ang nararamdaman ko. Alam ko na kung paano ipaglaban ang gusto ko. K-Kailangan ko nang mag-empake, Ethan. Gusto ko nang umuwi bukas.”
Kukunin lang niya ang damit na dala niya noong dumating siya. Wala naman siyang paggagamitan ng mga damit na binili ni Ethan para sa kanya. Pati rin ang cellphone. Di na niya kailangan pa iyon. Magpapaalam lang siguro sa mga kaibigan at kakilala niya sa industriya.
“Ipapa-book ko kay Icca ang ticket mo at pakikiusapan ko si Echo na ihatid ka.”
“Ayokong makaabala pa sa kanya,” tutol niya.
“O gusto mong ako mismo ang maghatid sa iyo?”
Umiling siya. “Si Echo na lang.” Pinipilit niyang maging kaswal sa pag-uusap nilang ito. “Ethan, ayokong maghiwalay tayo nang may samaan ng loob.”
“I don’t want you to leave at all. Aurora, kung dumating ang panahon na nagawa kong isuko ang lahat, tatanggapin mo pa ba ako?”
“Hindi ko iyon hihingin sa iyo. Alam ko na mahalaga sa iyo ang mundong ito. Marami ang nangangailangan sa iyo bilang si Ethan Ravales. Ito ang mundo mo at di ako kabilang dito. Siguro hindi lang tayo para sa isa’t isa,” malungkot ang usal niya.
“No. Don’t say that. Gusto kong maniwala na babalik ka pa rin sa akin. Na may tamang panahon para sa ating dalawa.”
Ginagap niya ang kamay nito. “Magkaiba ang mundo natin. Pero salamat dahil tinuruan mo akong maging matapang. Nalaman ko na pwede pala akong maging masaya kapag sinunod ko kung anong nasa puso ko. Sana ganoon ka rin, Ethan. Sana masaya ka rin sa lahat ng desisyon mo.”
“Aurora...”
“Aalis ako pero sa isang isla kung saan walang kuryente o internet, may isang babaeng laging nagmamahal sa iyo at iisipin ka. Ako iyon.” Kinintalan niya ng halik ang pisngi nito. “Paalam, Alvaro.”
KAY kon tingali an ak pagla-lum
Bangin daw la nim kawangon
Pumailanlang ang boses ni Aurora sa dalampasigan. Tinatangay ng hangin ang tinig niya sa malawak na karagatan. Gaya ng awit ay iniisip niya ang lalaking mahal niya na nawalay sa kanya habang di tumitigil sa pagluha ang puso niya. Ang lalaking maaring di na niya makita pang muli.
“Rora, sumisipa na ang baby ko,” masayang sabi ni Crisanta at sinapo ang tiyan na may anim na buwan na. Ngumiwi ito. “Nagustuhan niya ang pagkanta mo sa kanya.”
Nilingon niya ang kaibigan na nakahiga sa rattan na duyan. Nasa harap sila ng bahay nito at ng asawa nitong si Iking. Katatapos lang nilang magtanghalian at sinasamahan niya ang kaibigan habang nasa Calbayog pa ang asawa nito at nagbenta ng kopra doon.
“Bakit kasi di mo kinakantahan ang anak mo? Baka mamaya puro away lang ninyo ni Iking ang naririnig niya.”
“Hindi kami nag-aaway. Lambingan lang namin iyon. Ganoon naman kasi kapag buntis. Madalas masungit at masyadong sensitibo. Saka nandiyan ka naman para kantahan ako at alisin ang stress mo.”
Tumawa siya. “At ginawa mo pa akong radyo.”
“Pagbigyan mo na ako. Sa mga dadating na buwan, magkakaroon na kami ng sariling radyo. Malapit nang matapos ang wind farm at magkakakuryente na tayo.”
Dalawang buwan nang nakakauwi si Aurora. Marami nang nagbago sa isla. Bukod sa mga ilaw sa kalsada at bahayan dahil sa tulong ng NGO na Liter of Light, maliwanag na ang mga kalsada nila. Isa ring solar farm ang itinatayo para tuluyan nang magkaroon ng kuryente sa lugar nila. May proposal na rin para sa high school doon kaya sa isa o dalawang taon mula ngayon ay di na kailangang dumayo ng mga bata sa kabilang isla para mag-high school. Isang foundation ang tumutulong sa kanila kaya naman masaya ang lahat. Di niya alam kung may kinalaman si Ethan sa lahat ng magagandang nangyayari sa isla nila.