Habang wala naman halos nagbago sa kanya. Nang umuwi siya ay tinanggap naman siya ng amang si Manoy Gener nang walang tanong-tanong o panunumbat. Ni hindi na nga nagtanong kung anong nangyari as kanila ni Ethan. Masaya daw ito na nakabalik na siya.
Hindi na rin siya ginugulo pa ni Omar dahil naikasal na ito kay Inez. Ayon kay Crisanta at napikot daw ang lalaki. May nangyari daw dito at sa kay Inez nang kasal ni Bert at ng nobya nito dahil parehong lasing.
Suma-total ay tahimik ang buhay niya sa isla. Nakakainip kung ikukumpara sa buhay sa Maynila pero hindi niya hinahanap-hanap ang maiingay na sasakyan. Ang tanging kaligayahan lang yata niya ay ang mga libro na inuwi niya mula sa Maynila. Hindi naman kasi ang mga damit ang mahalaga sa kanya kundi ang mga libro na si Ethan mismo ang namili para sa kanya. Kapag nagbabasa siya ng libro ay parang nasa tabi din niya ang binata. Ito lang naman ang nami-miss niya.
Nilingon niya si Crisanta na inuugoy ang sarili habang nagpapaypay. Sa kanilang dalawa ay ito ang mas gustong makaalis sa isla. “Hindi mo ba nami-miss ang buhay mo sa Cebu? Alam mo na, maingay, maligalig at madaming sasakyan. Tapos nandoon pa ang trabaho mo at araw-araw kang may internet.”
Kaya pala hindi na niya ito ma-contnact sa cellphone noon dahil buntis na ito kay Iking at nanirahan sa Isla Juventus.
“Ang totoo, parang mababaliw ako nang unang linggo ko dito sa isla. Iyak lang ako nang iyak dahil gusto ko naman talaga na sa Cebu pa rin tumira at magtrabaho. Pero pinangatawan ni Iking na kapag umalis ako, hindi niya ako susundan. Kung gusto daw niyang pangatawanan niya ako, dito kami sa isla. Dito daw namin bubuhayin ang anak namin.”
“At pumayag ka naman?” nakataas ang kilay niyang tanong.
“Siyempre. Mahal ko siya. Kahit naman ayaw ko dito, di ko naman makukuha ang pagmamahal na maibibigay sa akin ni Iking sa iba. Nang maibaba ko ang pride ko, naisip ko na kapakanan ko lang ang iniisip ni Iking.”
“Mas mahal mo kaysa sa kay Ethan Ravales?”
Tumawa lang ang babae. “Naku! Wala na nga akong balita kay Ethan mula nang makabalik ako dito sa isla. Alam mo ba kung tungkol saan ang pelikula nila ni Shaira? Mabenta ba?”
“Oo. Tungkol sa babaeng dating magkasintahan pero inagaw ng lalaki ang posisyon na para sa kanya. Maganda ang pelikula. Magagaling silang umarte at nakita mo na pinaghirapan nilang lahat.”
Maipagmamalaki naman niya ang pelikula nila Ethan. Kahit na di niya napanood, naroon naman siya habang ginagawa iyon. Nakita niya ang dedikasyon di lang ng mga artista kundi pati ang ibang nasa produksyon ng pelikula pati sa mga simpleng PA at crew. Di mabubuo ang magandang pelikula kundi dahil sa mga ito. Sa aspetong iyon ay nakuha ng industriya ang respeto niya.
Bumangon ang kaibigan sa duyan at maang siyang tiningnan. “Paano mo naman nalaman? Di pa nga sila tapos mag-shooting nang bumalik sa Maynila.”
Natigilan siya. “T-Trailer. Ipinakita ang trailer nila. Ang ganda trailer pa lang. Sayang mga dahil di ko na inabutan ang palabas.”
“Mabuti naman okay na sa iyong pag-usapan si Ethan,” sabi ng kaibigan.
“Oo naman.”
“Kasi nag-aalala ako dahil kahawig niya si Alvaro mo kaya di ko na binabanggit. Alam mo matagal-tagal ka nang nakabalik dito pero di ka pa rin nagku-kwento kung anong nangyari sa iyo sa Maynila. Puro ako lagi ang pinapa-chika mo.”
“Chika ka naman nang chika.”
“Kasi lagi mong iniiba ang usapan.” Hinawakan nito ang braso niya at niyugyog. “Sige na. Magkwento ka na ng nangyari sa iyo doon. Nang nakaraang nag-usap tayo, masaya ka naman.”
Pinagsalikop niya ang palad. Marami nang nagtanong tungkol sa kanila ni Ethan pero wala siyang sinasagot nang direkta. Lalo naman si Crisanta na kilala si Ethan Ravales mismo. Tanging ang Tiya Manuela lang niya ang nakakausap niya tungkol doon. Alam kasi niya na mapagkakatiwalaan siya nito at mauunawaan siya.
“Pinili ko na umalis. Mas gusto kong dito ipagpatuloy ang buhay ko.”
“Hala! Akala ko pa mandin masaya ka kasama siya at pinaghahandaan mo na ang pag-aaral mo. Nambabae ba si Alvaro? Niloloko ka ba niya?”
Umiling siya. “Hindi. Kahit maraming babaeng may gusto sa kanya, alam ko na ako ang pinili niyang mahalin.”
“Kung mahal ninyo ang isa’t isa, bakit mo iniwan si Pogi?”
“Sabihin na nating magkaiba ang mundo namin. Iba ang mundo sa Maynila. I-Iba ang mundong ginagalawan ni Alvaro. Kahit mahal namin ang isa’t isa, hindi naman magkakasundo ang pananaw namin. Hindi kami compatible.”
“Alam mo, nagtatago ka pa rin ng sekreto sa akin. Ano ba kasi itong si Alvaro sa mundo niya? Baka naman pinagtatakpan mo lang. Sabihin mo lang sa akin kung sinasaktan ka niya, masyadong possessive o seloso.”
“Mabuting tao si Alvaro. Hindi ko naman siya mamahalin kung hindi siya mabuting tao. Ginawa naman niya ang lahat para sa akin. May mga bagay lang na hindi ko talaga masakyan at maintindihan.” Huminga ng malalim si Aurora. “Nasabi ko ba sa iyo na mayaman siya?”
“Hindi mo na kailangang sabihin sa akin. Nang masira niya ang cellphone ko, akala ko babayaran niya ako ng six gives. O kaya tatakbuhan ako. Pero basta na lang niya akong inabutan ng ten thousand. Naku! Five thousand lang naman ang cellphone ko. Huhulaan ko. Mayaman siya kaya gusto ng pamilya niya na sa mayaman lang din siya mapunta. Tapos itinago niya ang relasyon ninyo.”
Ngumiwi siya. “Parang ganoon na nga.”
“Nagmamahalan kayo pero kailangan ninyong maghiwalay dahil magkaiba ang mundo ninyong dalawa. Nagmamahalan kayo pero ayaw ng mga tao sa paligid ninyo na magkatuluyan kayo. At kapag nalaman nila ang tungkol sa inyo, paghihiwalayin nila kayong dalawa, ipapa-kidnap ka habang ipapakasal siya sa babaeng ayaw niya para manatili ang kayamanan ng pamilya. Tapos makakatakas ka sa simbahan para pigilan ang kasal pero huli na dahil kasal na sila. Ang sakit!” anito at sa gulat niya ay pumalahaw ng iyak ang kaibigan.
“O! Bakit ka umiiyak?” tanong niya at binigyan ito ng nagtatakang tingin. “Saka hindi naman ganyan ang kwento namin ni Alvaro. Mas makakabuti lang talaga sa amin kung maghihiwalay kaming dalawa. Minsan may taong nagmamahalan pero sa huli di naman pala sila ang para sa isa’t isa.” Iyon marahil ang pinakamasakit na maaring maging kwento ng dalawang nagmamahalan. Dahil kahit anong gawin nila ni Ethan, di nila kayang kalabanin ang buong mundo.