Nangalumbaba si Crisanta. “Kasi bakit wala akong ganyang pag-ibig? Bakit di man lang ako nakatagpo ng mayaman bago ko pinakasalan si Iking.”
“Maging masaya ka na kay Iking. Mahal ka niya. Gusto mo pa ng kwentong di masaya ang ending?”
“E kasi nagkaroon ka ng jowang rich and handsome. Samantalang puro mga hampaslupa naman ang minahal ko.”
“Huwag ka nang maghanap ng wala. May Iking na nagmamahal sa iyo at magkakaanak na kayo.” Habang siya ay masaya nang alalahanin si Ethan at ang masasayang sandali nila na magkasama. Parang isang magandang panaginip lang ang lahat.
“Hindi mo ba nami-miss ang Maynila? May TV doon. Nakakapag-cellphone ka. May internet ka pa at malapit lang ang Luneta at mall.”
“Hmmm... Hindi gaano. Masakit sa tainga ang ingay doon. Walang sariwang hangin. Pero nami-miss ko ang mga taong nakasama ko doon. Gusto ko rin sana na maipagpatuloy ang pag-aaral ko.”
“E si Alvaro?” tanong nitong may nanunuksong ngiti sa labi.
“Siyempre nami-miss ko,” aniya at niyakap ang sarili.
“Sana ipinaglaban mo. Ang tunay na pag-ibig daw ay ipinaglalaban kahit na masaktan ka. Hahamakin lang lahat, masunod ka lamang.”
“Mahirap pag kalaban mo ang mundo, Crisanta. Mahirap magmahal kapag ikaw mismo, hindi mo na kilala ang sarili mo. Na hindi ka na masaya.”
“Pero ayos ka na ba nang ganito lang? Nakatunganga dito sa isla. Sa ating dalawa, ikaw ang may potensiyal na magtagumpay sa pangarap niya. Kahit sa Samar o sa Leyte ka mag-aral kung ayaw mong bumalik ng Maynila.”
“Pinag-iisipan ko.” Di lang niya alam kung paano sasabihin sa ama.
“At kung babalik si Alvaro, tanggapin mo ulit,” nakangising sabi nito at tumaas-taas ang kilay. “Tapos regaluhan ninyo ng educational plan ang anak ko tutal mayaman ka na rin no’n.”
“Baliw! Hanggang panaginip lang iyan ngayon.”
Wala nang Alvaro sa buhay niya o Ethan. Kung may magiging posible man sa buhay niya ngayon, iyon ay ang maipagpatuloy ang pag-aaral. May kaunti pa siyang perang natitira dahil naipon niya ang sweldo niya at binigyan siya ni Icca ng separation pay pati ang bonus niya kahit na sandali lang naman siyang nagtrabaho. Hahanap na lang siya ng pagkakakitaan hanggang dumating ang pasukan.
“Aurora! Aurora!” narinig niyang tawag ng isang boses ng babae sa kanya.
Tumayo siya. “Si Tiya Manuela iyon, ‘di ba?”
Di nagtagal ay nakita na nila ang tiyahin niya na tumatakbo palapit sa kanila. Isang papel ang iwinawagayway nito. “Aurora, may sulat ka.”
Kumunot ang noo niya nang makita ang pangalan at logo ng University of the Philippines Diliman sa sobre. Nanginginig ang kamay niya nang mabas ang nilalaman ng sulat. “Pasado ako sa UP! Mataas pa ang average ko sa exam!” tili niya at halos mangiyak-ngiyak na niyakap ang tiyahin.
“BFF Fries, ang bonggabels mo. Makakapag-aral ka na sa UP. Araw-araw na kayong magkikita ni UP Oblation. Magiging teacher ka na,” anang si Crisanta at pinisil ang braso niya. “Pagbalik mo dito sa isla may high school ka nang pagtuturuan.”
Nasulit ang mga pagre-review niya kung saan halos mapiga ang utak niya. Nasulit ang pagpupuyat niya at ang pagsisikap ni Ethan na ikuha siya ng tutor. Nasilayan niya ang pag-asa para matupad ang pangarap niya gaya ng gusto nito para sa kanya.
Subalit nawala ang ngiti niya. “P-Pero wala naman po akong panggastos paluwas. Saka malamang may babayaran pa rin po ako.”
“Nakausap namin ni Kapitan Robredo si Governor noon pang pista. Kung may tagadito daw na gustong mag-aral ng kolehiyo ay susuportahan niyan. Lalo na ang mga teachers, kailangang-kailangan sa panahon ngayon. Tapos sa UP ka pa,” anang tiyahin niya. “Minsan lang dumating ang ganitong pagkakataon.
“Pero si Amay po, hindi ko kayang basta-basta na lang siya iwan,” sabi niya.
“Kami ang bahala sa kay Kuya Gener. Gusto mo bang kausapin ko siya?”
“B-Baka po hindi siya pumayag,” nausal niya.
“Aurora, huwag mong sabihin na hindi mo itutuloy? Sayang naman ang mga nagawa para sa iyo ni Alvaro. Kung nalaman niya na nakapasa ka sa UP at di ka rin tutuloy, baka kidnap-in ka no’n para lang makapag-aral ka,” anang si Crisanta at siniko siya. “Ibabandera ko sa Internet ang tungkol sa kanya. Luluwas ako ng Calbayog para lang sa signal, sige ka.”
“Baka nga gusto niyang si Alvaro pa ang sumundo sa kanya dito para lang mag-aral siya,” nanunuksong sabi ni Tiya Manuela.
Itinaas niya ang mga kamay. “Ako na po ang magpapaalam mismo kay Amay. Huwag na po ninyong idamay si Alvaro. Tahimik na po ang buhay niya.”
Pangarap niya ito kaya kailangang siya ang gumawa ng paraan para matupad iyon.
HINDI makapakali si Aurora habang pasilip-silip sa labas. Nasa kusina siya at nag-iinit ng tubig para sa kape bigas habang inaabangan ang ama na tapusin ang pakikipag-usap kay Kapitan Robredo. Kahapon pa siya humahanap ng tiyempo para makausap ito pero hindi niya alam kung paano sasabihin dito ang pagpasa niya sa UP at ang desisyon niyang bumalik sa Maynila para mag-aral.
Higit sa salapi ay kailangan niya ng moral na suporta mula sa ama. Nang huling lumuwas siya ng Maynila para sumunod kay Ethan at mag-aral ay di maganda ang paghihiwalay nila. Ayaw niyang mangyari ulit iyon.
Maya maya pa ay idinulot na niya ang kape sa dalawa. “Aurora, luluwas ako bukas ng Calbayog. Aasikasuhin ko na ang scholarship mo kay Governor.”
Nakagat ng dalaga ang labi. Number One talaga si Kapitan Robredo pagdating sa kadaldalan. Maang siyang nilingon ng ama. “Mag-aaral ka?”
“Siyempre naman. Sa Unibersidad ba naman ng Pilipinas pumasa ang anak mo.” At tinapik ni Kapitan ang balikat ng ama niya. “Sa iyo nagmana ng talino ang anak mo. Kundi ka lang nag-asawa noon sana agriculture engineer ka na.”
Napangiwi na lang si Aurora. Nagpaalam siyang papasok na sa loob kaysa naman sa harap pa mismo ni Kapitan Robredo sila magkomprontahang mag-ama.
“Natanggap ka sa UP?” tanong ni Manoy Gener habang itinutupi niya ang inakas na sinampay.
Marahan siyang tumango. “Opo.”
“Plano mo palang mag-aral sa Maynila pero di mo sinasabi sa akin.”
Nagkibit-balikat siya at nagpatuloy sa pagtitiklop. Di niya matingnan nang direkta ang ama. “Hindi pa naman po sigurado kung makakaluwas nga ako ng Maynila at makukuha ko po ang scholarship.”
“Pero gusto mong mag-aral?”
“Opo. Pero hindi ko naman po kayo kayang iwan dito kung din ninyo ako papayagan.”
Tinanggap siya ng maluwag ng ama nang walang tanong-tanong pag-uwi niya. Ni hindi siya nakarinig ng kahit anong masama dito o paninisi kung bakit di siya nakinig ito. Ni hindi ito nagtanong kung anong nangyari sa kanila ni Ethan. Binigyan siya nito ng pangalawang pagkakataon. Ayaw na niyang sayangin pa iyon.
“Lumuwas ka na ng Maynila,” anito sa magaang boses.
Kumunot ang noo ni Aurora. “Amay, itinataboy po ninyo ako?”
Magaan itong tumawa dahilan para magulat siya. “Pinapayagan na kitang tuparin ang pangarap mo. Mag-aral ka at maging guro kung iyan ang magpapasaya sa iyo. Oras na para magawa mo ang bagay na gusto.”
“T-Totoo po ba iyan, Amay?” tanong niya. Parang gusto niyang salatin ang noo nito at tingnan kung may lagnat ito. O magpatingin kay Doktor Tagle dahil baka sinapian na ito ng engkanto.
Napailing na lang ang ama niya habang di nawawala ang ngiti sa labi. “Aurora, marami nang nagbago sa isla at sa akin. Nang umalis ka, saka ko naisip na masyado kitang sinakal. Ipinasa ko sa iyo ang mga takot ko sa buhay. Dahil ayoko nang masaktan at natatakot ako na maiwan na naman, kinontrol ko pati ang kaligayahan mo. Patawarin mo ako dahil naging makasarili ako, anak. Sana hindi pa huli ang lahat para maibigay ko sa iyo ang kaligayahan mo.”
Niyakap niya nang mahigpit ang ama. “Salamat po, Amay. Di ko po talaga inaasahan ito. Itinalaga ko na po talaga ang sarili ko dito sa isla nang umuwi ako. Parang wala na akong pag-asa na makakaalis dito at di na ako magiging guro. Akala ko po hindi na ninyo ako sasamahan sa pangarap ko.
“Kung ako lang ang nakakapigil sa iyo, huwag mo na akong alalahanin. Malaya ka na ring mahalin kung sino ang gusto mo. Kung gusto mong balikan si Alvaro, hindi na rin ako tututol. Malaya ka nang tuparin ang pangarap mo at pati ang lalaking makakapagpasaya sa iyo.”
“Malabo na po ang kay Alvaro. Hiwalay na po kami at wala na po kayong kinalaman doon. Gusto ko pong ituon ang atensiyon ko sa pag-aaral at hindi ang pakikipagnobyo.”
Pinisil nito ang kamay niya. “Hindi mo masasabi. Huwag mong isara ang puso mo. Minsan nasa isang sitwasyon tayo na tama ang pagmamahal pero hindi pa panahon o hindi pa natin naihahanda o naia-angkop ang sarili natin sa mga sitwasyon. Pero sa tamang panahon, mas malalaman natin kung ano ang gagawin. At kahit sino pa ang pumigil ay walang makakapigil sa atin at sa taong mahal natin.”
“Mahal ko, sinabi mo na ba ang sorpresa mo kay Aurora?” sabi ni Manay Soling na pumasok ng bahay.
“Oo,. Pinayagan ko na siya na bumalik sa Maynila at mag-aral.”
“A-Alam na po ninyo?” tanong ni Aurora sa ama.
“Kinausap ako ni Manuela. Kausapin ko daw ang amay mo para payagan ka.”
“Sinabi ko na rin na kung gusto niyang balikan si Alvaro, hindi na rin ako kokontra, mahal ko,” malambing na sabi ng ama niya kay Manay Soling.
“Mahal ko?” tanong niya.
Nakangiting hinapit ng ama niya si Manay Soling sa baywang. “Oo. Sinagot ko na si Soling.”
Tinampal ng babae ang ama niya sa balikat. “Ikaw kaya ang basta na lang nag-kiss sa akin.”
“Ayaw mo?”
“Siyempre gusto ko.”
Nang muling humalakhak si Manoy Gener ay di maiwasang maluha ni Aurora. Matagal na panahon na niya nang huling narinig na tawa ang ama at naging masaya. Sa wakas ay natupad na ang isang ipinagdadasal niya.
Niyakap niya si Manay Soling. “Salamat sa pagmamahal kay Amay. Pwede bang tawagin na rin kitang Iroy?” Iyon ang tawag sa nanay sa mga Waray.
“Oo naman.” May buo na siyang pamilya. Di na siya matatakot na iwan ang ama dahil alam niyang aalagaan ito ni Manay Soling. Iroy Soling na ngayon. At alam niya na may pamilya siyang babalikan Isla Juventus.
Mahiwaga talaga ang pag-ibig. Nagagawa nitong baguhin ang anumang nasa pawiin ang anumang bigat na nasa puso. Nagagawang tunawin ang maraming taon ng galit at hinanakit para magbigay-daan sa kaligayahan.
Huminga siya ng malalim at tinanaw ang malawak na dapat. Kung nandito lang si Ethan ngayon, tiyak na gagawa ito ng paraan para magkasama sila at mag-celebrate. Nahaluan ng lungkot ang nararmdaman niya. Kung may paraan lang para sabihin niya dito ang resulta ng exam niya. Siguro naman ay dapat nitong malaman dahil ito ang tumulong sa kanya para makapasa sa UP. Ito ang unang sumuporta sa lahat ng pangarap niya. Gagawin marahil niya iyon kapag lumuwas na siya - kung magkakaroon na siya ng lakas ng loob.
Kumusta na kaya si Ethan? Masaya na kaya ito sa buhay nito ngayon?