PALAKAD-LAKAD si Aurora sa SM North para mamili ng mga gamit niya sa bahay. Hindi siya makapaniwala na nakabalik na siya ng UP at mag-aaral na. Sinukuan na niya ang pangarap na iyon. May isang kaibigan ang Tiya Manuela niya na may bahay sa Quezon City na malapit lang sa UP. Papunta itong abroad at naghahanap ng magbabantay sa bahay nito na mapagkakatiwalaan. Magkasundo naman sila kaya ipagkakatiwala na nito ang bahay sa kanya.
Natigilan siya nang makita ang poster ni Ethan. Nahigit niya ang hininga. Napakaguwapo talaga nito at nakakahipnotismo ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya. Di pa rin nagbabago ang epekto nito sa kanya.
Nagulat na lang siya nang may bumangga sa likod niya. “Ay, kabayo!” bulalas ng babae.
Gulat siyang lumingon dito at nakitang naibagsak nito ang hawak. “S-Sorry.”
“Ako ang dapat mag-sorry dahil di ko tinitingnan ang dinadaanan ko.” Inangat nito ang tingin sa kanya at nagulat pa silang dalawa nang makilala ang isa’t isa. “Aurora? Ikaw si Aurora, ang dating PA ni Ethan.”
“Ako nga. Kumusta na, Paola?”
“Heto. PA ng sariling boyfriend. Ang dami naman kasing gusto ni Shandie sa buhay. Napaka-arte. Ewan ko ba kung bakit minahal ko ang isang iyon.”
“Nakatagal ka naman kay Ethan ng limang taon bilang PA, hindi ba? Gasino ba naman na pagsilbihan mo ang boyfriend.”
“Well, Ethan is... Ethan. Nag-iisa lang siya. Kahit sinong babae handang magpaalipin sa kanya. Si Shandie mas gusto kong alipinin.” At humagikgik ito. “Ikaw, kumusta ka na? Basta ka na lang nawala. Nang huling dalaw ko sa presscon ni Ethan, si Bambie na lang ulit ang PA niya.”
“Umuwi ako sa probinsiya. Pero bumalik ako ngayon para mag-aral. Nakapasa kasi ako sa UP. Enrollment ko bukas,” excited niyang sabi.
“Uy! Congratulations! Nagkita na ba kayo ni Ethan?”
“H-Hindi.” Baka nga ayaw na siyang makita ng lalaki. “Kumusta na ba siya? N-Naiwala ko kasi ang numero niya at di pa ako nag-i-internet kaya wala akong balita. Kumita ba ang pelikula nila ni Shaira?”
“Mabenta naman ang pelikula nila. Blockbuster nga. Pero na-shock kaming lahat dahil sa mismong presscon ng movie sinabi ni Shaira na may iba siyang boyfriend.”
“Si Tyrone?” tanong niya.
Sinapo ng babae ang pisngi. “Shocks! Alam mo rin? Sabi na nga ba may something sa kanila nang sunduin namin sa isla si Ethan. Di man lang nag-share ang isang iyon.”
“A-Anong sabi ni Ethan?” tanong niya. Alam niya na ingat na ingat sina Ethan at Shaira sa image sa publiko para sa pelikula ng mga ito.
“Masaya siya para sa dalawa. At sinabi din niya na iyon na ang huling pelikula na gagawin niya. O at least di muna siya gagawa ng movie.”
“Paano ang offer sa kanya sa Hollywood saka Thai film at Malaysian teleserye?”
“Tinanggihan niya.”
“Nasaan na si Ethan ngayon?”
“Nawawala na naman,” anito at bahagyang tumawa. “Kahit paano di na kami mag-aalala sa kanya ngayon. Ang alam ko backpacker siya sa ibang bansa. Nagpapadala siya minsan ng postcard at nagpo-post sa internet. Dati pa naman niya gustong magbakasyon sa ibang bansa. Di lang niya magawa sa dami ng trabaho.”
“K-kailan daw siya babalik?”
“Walang nakakaalam. Hinayaan na namin si Ethan sa buhay niya. Sa buong panahon naman ginawa niya ang lahat para mapasaya ang ibang tao. Sarili naman niya ang intindihin niya. Malay mo pagbalik niya may kasama na siyang blondie.”
Pakiramdam ni Aurora ay may palasong tumama sa puso niya. Hinanap na nito ang sarili. Ibang babae na ang magpapasaya dito. Hindi na siya.
“O-Oo nga. Sana nga maging masaya siya.”
Hindi matahimik si Aurora kaya bago umuwi ay tumuloy siya sa internet shop para panoorin kung ano ang nangyari sa press conference ng pelikula. “Are you in love right now, Shaira?” tanong ng isang reporter sa babae.
Abot hanggang tainga ang ngiti ni Shaira. “Yes. Very much in love.”
Naghiyawan ang ibang fans at nag-focus ang camera kay Ethan na tipid ang ngiti. “Pwede bang malaman kung sino siya?”
Nagningning ang mga mata ni Shaira. “This man loves me ever since I was a nobody. Inintindi niya ako kahit na alam kong nasasaktan siya. Inunawa niya ang pagmamahal ko sa trabahong ito. Pero ngayon, oras na para malaman ng lahat kung sino siya. Everyone, meet my boyfriend - Tyrone!” Nakalahad ang kamay na sabi ni Shaira at ngumiti sa lalaki na nasa bandang likuran ng function room.
Lumipat ang camera sa lalaki na nakasandal lang sa dingding ng silid at nagulat sa deklarasyon ng nobya nito. Nilapitan ito ni Shaira at niyakap. Naluha ang mga mata ni Aurora dahil di niya inaasahan ang ganoong klase ng pag-amin mula sa babae. Sa pagitan nina Ethan at Shaira, mas mabigat ang impact sa career ng babae kung magkakaroon ito ng ibang karelasyon. But she took the risk. Naging matapang ito sa pagsasabi kung sino ang totoo nitong mahal. Anuman ang mangyari dito, sa palagay niya ay handang ipaglaban ni Shaira ang nilalaman ng puso nito. And she won. Dahil sa huli ay pinili nito ang totoong magpapasaya dito.
Sa video na konektado doon ay ipinakita naman ang interview kay Ethan. Ito naman ang dinumog ng reporters. “Ethan, anong masasabi mo dito? Ang akala ng lahat ay may relasyon kayo ni Shaira. Are you hurt? Affected?””
“I am happy for them,” sabi ni Ethan. “Shaira is a good friend. Look at her. She’s so happy. Love is a beautiful thing. It should be celebrated, just like our movie.”
“Hindi mo ba naiisip kung ano ang pwedeng maging epekto nito sa pelikula ninyo?”
“Shaira and I appreciate the support that the fans give us. Pero oras na siguro para seryosohin kami ng mga tao bilang totoong artista. Na di na nila kailangang isipin na magkatuluyan ang mga bida nila sa totoong buhay. I commend Shaira for being brave. In an industry where the people’s opinion matters, it is a big risk to be true to yourself. Kaya dapat hangaan si Shaira. Sana suportahan ng mga tao ang pelikula bilang mga artista at dahil sa aming talento at suportahan din natin ang kaligayahan nina Shaira at Tyrone.”
“Ikaw, Ethan, may isang babae ba na sana ipinaglaban mo pero di mo nagawa?”
Nawala ang ngiti ng lalaki. “Yes.”
“Kung ibabalik mo ang panahon, ipaglalaban mo ba siya at ipapakilala gaya ng ginawa ni Shaira kay Tyrone?” Kilala niya ang boses na iyon. Ang boses ng reporter na ang reporter na sunod nang sunod sa kanya noon.
“Minsan di talaga tama ang panahon para sa mga bagay-bagay. Pero naniniwala ako na kung kami ang para sa isa’t isa, dadating din ang panahon kung saan handa na kami. Wala nang hahadlang para sa amin. O kahit may humadlang man, I am sure we will be matured enough to handle everything. We will be happy.”
Nag-comment siya sa video. I am happy for you.
Para iyon kay Shaira at Tyrone na ginawa ang lahat para magtagumpay ang pag-iibigan ng mga ito. Para kay Ethan na hinahanap ang kaligayahan nito.
Siguro hindi ako ang babaeng iyon. Siguro hindi kami para sa isa’t isa. Hindi niya ako pinuntahan sa isla. Kung mahal talaga niya ako, susundan niya ako.
Sinubukan niyang buksan ang Facebook account niya at email. Walang kahit anong mensahe doon si Ethan. Parang di siya nag-e-exist sa buhay nito. Parang isang magandang panaginip. Gusto sana niyang sabihin na mag-aaral na siya sa UP at magpasalamat sa tulong nito pero di na rin niya itinuloy. Hindi na rin naman updated ang social media account nito. Baka di rin naman nito mababasa. Siguro... Siguro ay gagawin niya iyon sa ibang panahon. Baka pagbalik nito sa Pilipinas.
Masakit isipin na baka pagbalik niya ng Pilipinas ay may blonde na nga itong kasama. Kung saan ka masaya, Ethan. Masaya na rin ako.
Masaya naman din siya dahil natutupad na rin niya ang pangarap niya. Ayaw na sana niyang umasa na magkikita pa sila ni Ethan pero sa puso niya ay ayaw niyang tuluyang alisin ang pag-asa na iyon. Nabubuhay ang pakiramdam niya kapag naiisip si Ethan. Ito pa rin ang nagpapasaya sa kanya.
Kahit na di na sila magkasama o kahit na may mahalin itong iba, di niya ito buburahin sa puso niya.