"Hindi pa kumpleto ang impormasyon mo. Lalo lang gugulo ang lahat. Huwag kang magpadalos-dalos," pangungumbinsi ni Cattleya dito.
"Hindi ako uuwi hangga't di ko nalalaman ang totoo."
"Kuya, please..." Subalit itinaas lang nito ang isang kamay para patahimikin siya. Wala na siyang magagawa pa para baguhin ang isip nito. Gagawin nito kung anuman ang gusto nito.
"Sir, nandito na tayo," anang driver na humimpil di kalayuan sa gusali.
Tumawag si Pierro,sa cellphone. "Nandito na ako. Nakuha mo na ba kung anong numero ng kuwarto. Room 2020?" Tumigil sa pagtibok ang puso niya. Iyon ang numero ng condo ni Liam. Humigpit ang pagkakahawak ni Pierro sa cellphone. "Sigurado ka ba? Pupunta na ako."
Mahigpit niyang hinawakan ang braso nito sa pagtatangkang pigilin ito. "Kuya..." Gusto na ni Cattleya na maiyak sa takot. Ito mismo ang pangyayaring iniiwasan niya.
Nanginginig ito sa galit at anumang oras ay sasabog na. "May ahas sa tauhan ko. Humanda sa akin kung sinuman sila. Titiyakin ko na madudurog sila sa panggagago nila sa akin." Bumaba ito ng kotse at sumunod agad ang mga bodyguard nito.
Hindi na talaga niya alam kung paano pa pipigilan ang mga susunod na mangyayari. Nanginginig ang tuhod niya habang nakasakay ng elevator.Ang alam niya ay mag-isa lamang si Liam sa condo nito ngayon dahil gusto daw nitong panoorin ang DVD na ipinahiram niya dito. Nabasa niya ang tweets nina Jerry at Yu. Nasa labas ang mga ito at kumakain sa isang Japanese restaurant para sa hapunan. Nanganganib si Liam. Gusto niya itong bigyan ng babala pero naka-off ang cellphone nito nang tawagan. Mamamatay talaga siya sa sobrang kaba.
"Ako na ang kakatok, Kuya. K-Kumalma ka lang diyan," aniya at inunahan ito sa pinto.
Marahan niyang kinatok ang pinto at pinagbuksan siya ni Liam. Nagulat ito nang makita siya. "Cattleya, akala ko may iba kang appointment?"
Bago pa siya makasagot ay sumingit na si Pierro. "Nasaan si Raiza? Ilabas mo siya."
"Liam, ano bang ingay iyan?" tanong ni Raiza at lumabas mula sa kusina.
Wala na siyang nagawa para pigilan ang mga susunod na pangyayari. Mistulang bulkan nang sumabog si Pierro. Isang ungol ang pinakawalan nito. "Gaano katagal na ninyo akong niloloko at pinaiikot na dalawa?"
Inambaan ito ng suntok ni Pierro. Pinigilan niya ang braso ng pinsan para di nito pagbuhatan ng kamay si Liam. "Kuya, huwag mo silang sasaktan. Please. Pag-usapan natin ito ng maayos."
"Wala akong ginagawang masama," mariing wika ni Liam at direktang tiningnan si Pierro sa mga mata.
"Nagkakamali ka ng iniisip mo. Makinig ka muna," pakiusap ni Raiza.
Binitiwan ni Pierro si Liam at maagap naman ang bodyguards na hawakan si Liam sa magkabilang braso para di makawala.
Hinaklit ni Pierro ang braso ni Raiza. "Ano pang pakikinggan ko? Ang mga pagpapalusot mo. Kaya lagi kang gumagawa ng pag-aawayan at pagtatalunan natin ay dahil may ibang lalaki ka."
Naiiyak na umiling si Raiza. "Hindi totoo iyan."
Naningkit ang mata ni Pierro. "Nagsinungaling ka sa akin kanina. Sabi mo may duty ka. Dito ba ang duty mo? Sinadya mo bang akitin ang tauhan ko? O baka naman dati pa kayong may relasyon?"
"Sir, nasasaktan na si Raiza," wika ni Liam sa mababa ngunit matatag na boses.
Dinuro ito ni Pierro. "Tumahimik ka kung ayaw mong masaktan."
"Hindi kita niloloko," may himig ng pakiusap na wika ni Raiza.
"Kundi mo ako niloloko, anong ginagawa mo dito sa condo ni Liam?" angil ng pinsan niya. "Ano kasi..." Nakagat ni Raiza ang pang-ibabang labi at nagbabanta ang muling pagpatak ng luha nito.
Ano nga bang ginagawa nito sa condo ni Liam? May relasyon ba talaga ang mga ito? Paano na siya? May halaga ba siya kay Liam?
"Sabihin mo na ang totoo," mariing sabi ni Liam.
Ano ba ang totoo? Na hindi siya mahalaga kay Liam? Handa ba itong magkabali-bali ang buto para lang maipaglaban si Raiza? Was it worth it?
Parang pinipiga ang puso ni Cattleya. Kung ito ang katotohanan, parang ayaw na niyang harapin.
Lumunok si Raiza. "Kasi nagpapatulong sa akin si Liam kung paano magpo-propose kay Cattleya."
Tumigil ang puso ng dalaga. Akala niya ay aamin ang mga ito sa "lihim na relasyon" ng mga ito at kung sino ang tunay na ama ni Pierson. Hindi niya inaasahan na maisasangkalan ang pangalan niya. Totoo bang gagawin ni Liam ang bagay na matagal na niyang hinihintay mula dito? Magpo-propose na ba talaga ito sa kanya.
"Totoo ba iyon?" tanong ni Pierro.
"Oo. Gusto ni Liam ng babaeng nakakakilala sa iyo. Gusto kasi niya na maging perfect ang pagtatapat niya sa iyo. Gusto sana niyang maging sorpresa ang lahat pero di na sorpresa ngayon." At bahagyang ngumiti ang babae sa kanya.
Di niya alam kung sisimangutan si Raiza dahil naghuhumiyaw sa isipan niya na sabihin kay Pierro ang katotohanan - na di iyon ang unang beses na nahuli niya ito sa condo ni Liam at dating magkasintahan ang mga ito.
Subalit pinigilan ng dalaga ang sarili. Hindi niya kayang ilaglag si Raiza dahil mapapahamak si Liam. Hindi niya magagawang saktan si Liam.
Huminga ng malalim si Liam at tiningnan siya sa malamlam na mga mata. "Gusto ko sana pagpunta natin ng Davao masabi ko sa iyo pero huli na. Alam na ninyong lahat."
"Totoo ba na wala kayong relasyon ni Raiza?" tanong ni Pierro.
"Yes, Sir. Magkaibigan lang talaga kami. I respect her as your wife. Si Cattleya ang gusto ko."
Nang mga oras na iyon ay wala siyang pakialam sa totoo at kay Raiza. Ang mahalaga sa kanya ay galing mismo sa bibig ni Liam na gusto siya nito at plano nitong mag-propose sa kanya pagpunta nila sa Davao.
Hinampas ni Raiza sa dibdib si Pierro. "Ang lakas ng loob mong maghinala sa akin samantalang ang sekretarya mo ang di mo mapaalis sa buhay mo. Nanggugulo lang siya ng relasyon natin at ako pa ang pag-iisipan mo ng hindi maganda."
"Will you shut up? Ikaw ang kahina-hinala ang kilos. Masisisi mo ba ako? Sa bahay na tayo mag-usap,” sabi ni Pierro at hinaklit ang braso ni Raiza.
"Kuya, tama na iyan," saway ni Cattleya. "Tama na ang eskandalong ginawa natin dito. At kung pwede utusan mo na ang bodyguards mo na pakawalan si Liam."
Tumango si Pierro sa mga bodyguards at pinakawalan si Liam. Pinagpag pa ng mga bodyguard ang damit nito. "Pasensiya na, brad. Trabaho lang."
Kinamayan ni Pierro si Liam. "Pasensiya na kung pati kayo ay nadamay sa gulo ng relasyon namin. Hindi ko naman gustong mangyari ito."
"Mag-usap na lang po kayong mabuti, Sir. Pasensiya na po kung hindi nasabi ni Raiza ang tungkol sa plano namin. Sorpresa talaga para kay Cattleya iyon."
"Naiintindihan ko. Pasensiya rin sa pang-aabala. Hindi ko naman inaaasahang magkakagulo ng ganito."
"I can't believe that you are thinking that I am having an affair with another man. How could you? Tatlong taon na tayo," galit na galit na wika ni Raiza kay Pierro.
"Masisisi mo ba ako? Ikaw itong bigla na lang gustong pakialaman ang buong buhay ko pati ang trabaho ko." Hinawakan nito ang braso ni Raiza at hinila palabas ng condo. "Let's go. Di dahil hindi kita nahuli kasama ang lalaki mo, di ibig sabihin wala kang ibang karelasyon."