Chapter FH 2: TWS 32

Nakahinga nang maluwag si Cattleya nang sumara ang pinto ng condo ni Liam at umalis sina Raiza at Pierro kasama ang bodyguard nito. Akala talaga niya ay katapusan na ng lahat kanina.

Hinaplos niya ang balikat at braso ni Liam. "Are you okay? Hindi ka ba nasaktan?"

Umiling ito. "Hindi naman ako sinaktan ng mga bodyguards ni Sir Pierro. Si Raiza lang ang inaalala ko. Baka ano na ang nangyari sa kanya."

"Hindi siya sasaktan ni Kuya Pierro. Galit man si Kuya pero hindi siya nananakit ng babae."

Pero hindi lang siya nakakatiyak kanina kung naabutan ni Pierro sina Raiza at Liam sa isang nakakakompromisong sitwasyon. Hindi niya alam kung ano ang kayang gawin ni Pierro.

"Sana nga. Hindi ko naman gustong magkagulo," sabi ni Liam at ibinagsak ang sarili sa sofa.

Tinabihan niya ito at hinaplos ang balikat. "Pasensiya na kung naipit ka sa gulo nila Kuya at Raiza. Kaya nga sumama ako sa kay Kuya Pierro papunta dito. Alam ko na malaking gulo kung walang pipigil at magpapakalma sa kanya."Malaki ang pasasalamat niya na walang nagkasakitan at walang dumanak na dugo.

Lumungkot ang mga mata ni Liam."Wala akong masamang intensiyon. Wala akong ginagawang masama. Hindi ko ugali na makipagrelasyon sa may ibang karelasyon. Lalo na sa asawa ng may asawa."

"Kahit na dati mo siyang girlfriend?" tanong niya at di napigilang tumaas ang kilay.

"Ikaw na ang nagsabi na ibang tao na siya ngayon. Ibang tao na rin ako. May kanya-kanya na kaming buhay." Mataman siya nitong tinitigan. "Naniniwala ka ba?"

Natatakot si Cattleya makinig at maniwala. Sinasabi ng utak niya na palusot lang ni Raiza na gustong mag-propose ni Liam sa kanya. Gusto niyang magalit dahil nagamit siya para pagtakpan ang totoo. Pero kaya ba niyang ipahamak si Liam? Kaya ba niyang magalit dito? Kaya ba niyang talikuran ang lahat ng sayang nararamdaman niya kung iisipin niyang siya talaga ang gusto nito?

Mariin siyang pumikit at pilit na pinatahimik ang sigaw ng isipan niya. Kapag hinarap niya ang totoo ay mawawala sa kanya si Liam. Parang ipinamigay niya ito kay Raiza at hindi iyon kakayanin ng puso niya. "Naniniwala ako sa iyo, Liam. Naniniwala ako na wala kayong relasyon ni Raiza. Naniniwala ako na ako ang gusto mo."

Kumislap ang saya sa mga mata ng binata at niyakap siya. "Maraming salamat. Wala namang halaga ang lahat ng ito kung hindi ka naniniwala sa ain. Hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya." Inilayo siya nito sa sarili at hinaplos ang buhok niya. "Pero paano pa kita sosorpresahin? Alam mo na ang lahat. Alam mo na ang mga plano ko. Nalaman mo pa sa ganito kagulong sitwasyon."

"Kasi bakit kailangan mo pang tanungin si Raiza?" paninisi niya dito. Bakit pa nito pinapasok sa condo nito si Raiza samantalang walang ibang idinala si Raiza sa buhay nito kundi gulo.

"Siya ang pinakamalapit na babae sa iyo. Sa palagay ko marami siyang alam tungkol sa iyo. Gusto kong maging perfect lahat para hindi mo na ako matanggihan."

Ito pa ba ang tatanggihan niya? Hindi niya kayang tanggihan ang lalaking nagpapasaya sa kanya. Ang lalaking nagparamdam sa kanya na espesyal siya. Kahit sabihin nitong mahal siya nito at hindi totoo ay maniniwala siya. Kahit anong kasinungalingan ay maniniwala siya basta huwag lang itong mawala sa kanya.

Hinaplos niya ang labi nito. "Shhhh! Its okay. Hindi ko naman kailangan ng perfect. Simple lang naman ang gusto ko. Isang tao na magmamahal sa akin ng totoo."

"Kaya kong..."

Hinaplos ni Cattleya ang pisngi nito at ngumiti. "Kalimutan na nating nangyari ito."

Natigagal ito. "Anong ibig mong sabihin?"

"Kunyari hindi ito nangyari. Kunyari hindi ko nakita na nandito si Raiza para tanungin ng mga bagay-bagay tungkol sa akin. Kunyari hindi ko alam na plano mong mag-propose sa akin. Kunyari wala talaga akong alam. Sorpresahin mo ulit ako." Yumakap siya sa leeg nito. "Ano sa palagay mo?"

"That's a silly idea. Salamat sa paniniwala sa akin. Gagawin ko ang lahat para patunayang totoo ang sinabi ko at hindi kita niloloko."

"Patunayan mo na lang, Liam." If it was a lie, she'd pretend that she had no idea that it was a stupid lie. Lulunukin niya ang pride niya basta lang maramdamang mahal din siya nito.

Ito lang ang paraan para manatili ito sa tabi niya. Dahil kahit na hindi siya nito mahal ngayon, alam niyang mamahalin din siya nito. She would turn that lie into reality.

"CATTLEYA, tumawag sa akin si Liam kahapon. Naka-book na daw ang flight ninyo papuntang Davao," excited na wika ni Eleonor nang tawagan siya sa cellphone niya.

Ngumiti siya at inikot ang swivel chair. Nasa opisina siya at katatapos lang ng nakakatensiyon niyang meeting sa mga department heads. "Opo. Siya po mismo ang nagpa-book para hindi na ako makatakas."

"Excited na nga ako. Ipinagkakalat ko sa mga kamag-anak ko na dadalhin ng anak ko ang mamanugangin ko. Ipinagmamalaki ko sa kanilang lahat na maganda ka, matalino, titulado, mabait at maganda ang pagpapalaki ng magulang. Bagay na bagay kayo ni Liam ko. Itinuturo nga kita sa mga dito kapag nahahagip ka ng camera tuwing may game si Liam. At mawiwili ka dito sa amin. Maganda dito at tahimik. Parang nakarating ka sa paraiso."

"Excited na nga po akong pumunta."

Mukhang kailangan niya ang biyaheng iyon para mawala ang tensiyong nararamdaman niya. Kung tutuusin ay wala siyang problema kay Liam. Normal pa rin ang lahat sa pagitan nila. Mula sa condo nito ay sinamahan siya nito sa hotel para kunin ang kotseng naiwan niya. Nag-late dinner pa nga sila na parang walang gulong nangyari sa condo nito.

Hindi pa niya ito nakakausap si Raiza o si Pierro. Pero kung makakaharap niya si Raiza ay baka di niya mapigilan ang sarili at makatikim ito ng maaanghang na salita. Sinisira nito ang lahat ng magagandang bagay kasama na ang sarili nitong kaligayahan. Anong klaseng babae ba ito na hindi masiyahan sa pagmamahal ni Pierro kahit na ibinigay na dito ang lahat?

Di nagtagal ay nagpaalam na si Eleonor sa kanya. Mapapanatag daw ang loob nito hangga't nasa tabi sya ni Liam.

Nag-beep ang intercom niya. Pinindot niya ang buton at pumailanlang ang boses ng sekretarya niyang si Darla. "Ma'am, nandito po si Ma'am Raiza. Dadalawin daw po niya kayo."

Tumaas ang kilay niya. Heto na ang malaking sakit ng ulo niya. "Send her in."

Ihinanda niya ang sarili sa muli nilang paghaharap. Hindi niya alam kung anong kailangan nito sa kanya pero kagabi pa niya ito gustong sampalin sa gulong idinala nito sa buhay nina Pierro at Liam.

Nakangiti itong pumasok sa opisina niya. May dala itong kahon na may tatak ng isang sikat na bakeshop. "Kumusta?" kaswal na tanong nito at inilapag ang kahon ng cake sa harap niya. She looked so cool. Na parang di ito nagdeklara ng World War Three kagabi. Nang di siya sumagot at nakatitig lang dito ay naging maingat ang ngiti nito. "Cake nga pala para sa iyo. Naalala mo nagustuhan mo ang matcha cake sa Japanese restaurant na kinainan natin dati?"

"Para saan iyan?" puno ng disinteres niyang tanong.

"Gusto kong magpasalamat dahil wala kang sinabing kahit ano kay Pierro. Natatakot talaga ako na baka sabihin mo na..."

Dinukwang niya ito at isang malakas na sampal ang pinakawalan niya. "Para sa panggagago mo kay Kuya Pierro." Sana naman ay natauhan na ito sa sampal na iyon para malaman nito kung gaano karaming sakit ang idinulot nito di lang sa kanya kundi sa mga mahal niya.

Nahintatakutan siya nitong tiningnan at sinapo ang nasaktang pisngi. "Wala kaming ginagawang masama ni Liam."

Humalukipkip siya. "Wala nga siguro pero hindi rin ako naniniwala na pinapunta ka niya sa condo niya para lang magpatulong sa pagpo-propose sa akin."

"Hindi ka naniniwalang mahal ka niya."

"Hindi ako sigurado," pag-amin ni Cattleya at tinalikuran ito.

Masakit mang aminin pero hindi siya nakakasiguro sa pagmamahal ni Liam lalo na kung totoong may anak ito at si Raiza. Gusto man siya nito pero naroon ang insecurity niya. Si Raiza ang una nitong minahal. Kahit na sinaktan ito ni Raiza noon ay ine-entertain pa rin nito sa buhay nito.

"Bakit hindi mo sinabi kay Pierro ang palagay mo?" untag ni Raiza sa kanya.

Marahan siyang humarap dito. "Una, dahil ayokong saktan ni Kuya Pierro. Mahal niya kayo ng anak mo. Gusto niya ng buong pamilya. Hindi ko rin kayang ipahamak si Liam. Kahit ano gagawin ko basta huwag lang siyang mapahamak."

"Kahit na baka di ka naman talaga niya gusto?"

"Kung sinabi ni Liam na mahal niya ako, maniniwala ako. Kahit anong sabihin niya paniniwalaan ko," aniya sa matatag na boses.

"Kahit na hindi totoo?"

Taas-noo niya itong tinitigan. "Ganoon ko siya mahal. Kahit na sabihing niloloko ko ang sarili ko, wala akong pakialam. Mas gugustuhin ko na ito kaysa hayaan siyang mapahamak sa iyo."

She could handle the truth herself. Pero di niya maaatim na hayaan si Raiza na tuluyang guluhin ang buhay ni Liam. Tama si Eleonor. Wala itong buting maidudulot kay Liam. Wala itong pakialam sa mga taong masasaktan nito basta mapasaya nito ang sarili nito.

Minahal ito ni Pierro. Tinanggap ito sa kabila ng nakaraan nito. Bakit handa pa rin nitong saktan? Minsan na itong minahal ni Liam pero sinaktan lang nito. Ngayong naka-recover na si Liam sa pananakit nito ay gusto na naman nitong guluhin? Hindi niya maintindihan. Nang panahong may lalaking nagmamahal dito ay di naman nito kayang pahalagahan. Wala ba itong kasiyahan?

May sakit sa mga mata nito nang pagmasdan siya. "Sobrang sakit mo namang magsalita. Ni hindi mo nga alam kung ano ang buong istorya."

"Hindi ko kailangang malaman ang buong istorya mo. Basta ang alam ko lang mas makakabuti para sa lahat kung puputulin na ninyo ang ugnayan ninyo. Hindi ka paghihinalaan ni Kuya Pierro at hindi mapapahamak si Liam. Ayusin mo na lang ang relasyon mo kay Kuya Pierro. Patahimikin mo na ang lahat," angil niya.

"For the record, I love Pierro. Hindi ko siya niloloko. Pero may mga isyu kami na kailangang ayusin ni Liam... Mahirap ipaliwanag."

"Hindi ba pwedeng sabihin mo sa akin? Magkaibigan din naman tayo."

"You are biased where your cousin is concerned. Hindi mo siya makumbinsi na paalisin ang sekretarya niya."

"Dahil walang basehan ang mga hinala mo. Marami nang nagtangkang akitin si Kuya Pierro. Sa huli ikaw pa rin ang pinili niya. Let's leave it like that. Ayusin mo ang relasyon ninyo ni Kuya Pierro at hayaan mo na sa akin si Liam."

Mataman siya nitong tiningnan. Ngumiti ito subalit may lungkot sa mga mata nito. "Gusto mo talaga si Liam."

"Sobra. Sa susunod na magkaproblema na naman si Liam sa presensiya mo at magkagulo ulit kayo ni Kuya Pierro, ako na ang makakalaban mo. Maliwanag?"

Di agad ito sumagot. Akala niya ay lalabanan siya nito subalit kalaunan ay tumango ito. "Maliwanag."

Nakahinga si Cattleya ng maluwag. Siguro naman ay malinaw na dito ang lahat. Maliban na lang kung gusto nitong masaktan dahil oras na lokohin nito si Pierro ay baka di na ito maging ganoon kaswerte sa susunod. "You may go now and bring the cake with you. Dalhin mo kay Kuya Pierro. I am sure he will appreciate it."

Kinuha nito ang cake. "Kahit na hindi mo ito tinanggap maraming salamat pa rin."

Hindi na ito banta sa kanya ngayon. Tama ang ginagawa niya. Inilalagay lang niya sa tama ang lahat. Nasa ayos ang pamilya ng Kuya Pierro niya at masaya sila ni Liam.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.