Napaka-welcoming ng atmosphere ng paglapag pa lang nina Cattleya at Liam sa international airport ng Davao. Pero sadyang maganda ang mood niya paggising pa lang nang umagang iyon. Tatlong linggo na niyang hinihintay ang bakasyon na iyon at sigurado siya na mag-e-enjoy siya.
Inaasikaso naman siya ni Liam at napaka-attentive sa pangangailangan niya. Kulang na lang ay sayawan siya nito para di mainip sa flight nila.
Hindi siya hiniwalayan ni Eleonor mula nang umalis sila sa airport. Sa driver pa lang ng van na sinasakyan nila ay kuntodo pagmamalaki na ito sa kanya.
She was seeing Davao City in a very different light now. Lumabas kasi sila ng downtown at patungo sa mas maberdeng bahagi ng Davao.
Nang dumating sa farm ay sinalubong agad sila ng mga tao. Mukhang may fiesta at may dala pang pagkain ang iba. "Naku, Eleonor! Napakaganda naman pala ng mamanugangin mo," anang babae na halos kasing edad ni Eleonor.
"Maswerte si Liam diyan. Matalino pa at masipag. Mabait din kaya botong-boto ako," sabi ni Aling Eleonor at hinawakan siya sa braso. "Ito pala ang mga tiyahin ni Liam. Si Esmeralda. Mga pinsan ko at kapatid nandito rin para salubungin ka."
"Magandang hapon po," aniya at isa-isang kinamayan ang mga ito. Naroon din ang mga kamag-anak ng ama ni Liam. Kung anong init ng pagsalubong ng mga ito kay Liam ay ganoon din sa kanya.
"Mama, baka po ma-pressure si Cattleya. Hindi pa naman niya ako sinasagot," protesta ni Liam.
Nagulat si Eleonor. "Hindi mo pa girlfriend? Anak, bakit naman sobrang bagal mong pumorma? Nasaan na ang pagiging matinik mo sa mga babae?"
Hinawakan ni Liam ang kamay niya. "Hindi ko naman kailangang madaliin si Cattleya. Basta nagkakaintindihan na kami."
Pinisil ni Eleonor ang pisngi nito. "Huwag kang mag-alala, anak. Ako na ang manliligaw para sa iyo."
Natawa siya sa sweetness ng mag-ina. "Si Tita Eleonor talaga."
"Ganyan ko kamahal itong anak ko."
Hindi man niya kayang pantayan ang pagmamahal ni Eleonor pero gagawin din niya ang lahat para kay Liam.
Nakipag-kwentuhan sa kanya ang mga kamag-anak ni Liam. Lahat ay gustong mag-share sa kanya tungkol sa kabataan ni Liam bago ito pumunta sa Germany. Sa huli ay parang na-overwhelm siya. Noon lang niya naranasan na pagkaguluhan ng ganoon karaming tao.
Mukhang napansin ni Liam na gusto rin niyang makahinga mula sa maraming mga tao. Inalok ni Liam ang kamay sa kanya matapos niyang kausapin ang isa sa tiya nito. "Halika. Maglakad-lakad muna tayo. May batis malapit dito."
Ginagap niya ang kamay nito. "Gusto kong pumunta iyan."
Sinamantala nila na nasa kusina pa si Eleonor nang lumabas sila ng bahay. Sinundan lang nila ang daan sa pagitan ng taniman ng mangoosteen. Hitik na hitik sa bunga ang mga puno. Makalipas ang ilang minutong paglalakad ay narinig na niya ang lagaslas ng tubig. Tumakbo siya hanggang bumulaga sa kanya ang malinaw na batis.
"Wow! Nakakatuwa naman dito. Malamig ang tubig," sabi niya at nagmamadaling hinubad ang sapatos niya. Inilusong niya ang paa sa tubig. "Lumusong ka rin."
Namaywang lang ito at nanatili sa kinatatayuan. "Hindi. Panonoorin na lang kita."
"Sobrang ganda dito. Parang nasa kaharian ka mga mangoosteen at durian. Iuunat mo na lang ang kamay mo at mamimitas ka na lang. Alam mo ba na noong bata ako magaling akong umakyat sa puno? Marami kasing mga puno sa paligid ng bahay namin. Na-miss ko bigla ang simpleng buhay namin sa probinsiya."
"Ano pang nami-miss mo?" tanong nito at umupo sa batuhan sa tabi niya.
"Ang magulang ko." Nilingon niya ito. "Naiinggit nga ako dahil may nanay ka na nag-aalaga pa rin sa iyo. Masarap siguro na may nanay ka pa rin. Tapos may mga kamag-anak ka pang sasalubong sa iyo at matatakbuhan kapag may problema ka. Actually nami-miss ko rin sa probinsiya na lahat ng tao ay nagdadamayan. Parang isang malaking pamilya."
Sumandal ito sa likuran niya. "Iyan din ang na-miss ko sa Pilipinas. Nagdadamayan lahat. Di tulad sa Germany na walang pakialamanan ang mga tao."
"Basta gusto ko ng ganito. Maraming nagmamahal sa iyo."
"Pwede mo namang maging probinsiya ito. Pwede mo ring maging nanay ang nanay ko at kamag-anak ang buong angkan ko kung magiging girlfriend na kita. Be my girl at tatamasahin mo ang lahat ng mayroon ako."
Humarap si Cattleya dito at sinapo ang pisngi nito. "Oh, Liam."
That was the sweetest gesture ever. Kaya siguro gusto niyang kasama ang binata. Kung anuman ang kakulangan sa buhay niya ay handa itong punan. Kung anuman ang mayroon ito ay handa nitong i-share sa kanya.
Ito na ba ang oras para sagutin niya ito? Oras na ba para ibigay niya ang matamis niyang "oo"?
"Liam! Saan mo idinala si Cattleya?" narinig niyang tawag ni Aling Eleonor mula sa bahay. "Bumalik na kayo dito. Oras na ng pagkain!"
Ibinaba niya ang kamay na nakahawak sa pisngi nito at tumayo. "Bumalik na daw tayo sa bahay ninyo."
Napakamot si Liam sa ulo. "Si Nanay talaga wrong timing. Pambihira talaga. Nagmo-moment ako dito."
May tamang panahon ang lahat. Di magtatagal at makukuha rin nito ang matamis niyang "oo".
NAGING sentro ng atraksiyon si Liam matapos itong imbitahan para magpakita ng exhibition sa isang kalapalit na paaralang pang-elementarya at i-encourage ang mga kabataan na maglaro ng football. Nagulat siya dahil maging ang mayor ay dumating para batiin ito. Local celebrity nga naman ito. May nagpa-autograph pa at nagpa-picture. Nakaupo si Cattleya sa isang upuan habang pinapanood ito na pinagkakaguluhan.
"Astig! Gusto ko rin maging football player balang-araw," sabi ng isang bata di kalayuan sa kanya. Nakasuot pa ito ng football jersey. Ang ibig sabihin ay kasali ito sa football club ng naturang paaralan.
"Ako sasali na rin sa football club, Kigoy. Gusto ko rin maging sikat at makita sa TV. Tiyak na dudumugin pa ako ng magagandang babae. Masarap siguro ang ganoong klaseng buhay," sabi ng isa pang bata na isa sa mga dumalo sa programa. Ayon sa name tag nito ay Glen ang pangalan nito.
"Ma'am, sa Maynila po ba maraming fans ang mga football players? Dinudumog ba sila ng mga tao?" tanong ni Kigoy sa kanya.
"May iba na sikat. Meron din naman na magagaling pero naglalaro sila dahil gusto nila ang football. Meron pa ngang iba na handang maglaro ng football kahit na walang bayad basta masaya sila sa ginagawa nila. Hindi lang tungkol sa kasikatan ang football. Nariyan din ang pagkakaibigan at pakikisama sa iba. At higit sa lahat, di madaling maging football player. Marami sa kanila ang napipilayan o nababalian sa laro. Hindi lahat tungkol sa kasikatan. Kailangan mahal mo ang laro," paliwanag niya sa mga ito.
"Basta gusto ko pa rin maging magaling na football player," wika ni Kigoy at itinaas ang dalawang kamay.
"Mag-aral kayo kung ganoon," singit ni Liam at humawak sa baywang niya.
Napakamot sa ulo ang bata. "Kailangan pa ba iyon? Di ba pwedeng maglaro na lang?"
"Kailangan ng isang atleta ng disiplina at kagustuhang matuto," wika naman ni Liam. "Hindi ba sinabi ko iyan sa program kanina? Kailangan mahalin mo rin ang pag-aaral mo."
"Sige po. Mag-aaral din po kami," sabi ni Kigoy at inakbayan si Glen saka inakay palayo para puntahan ang ibang kamag-aral.
Huminga ng malalim si Liam. "Nakakatuwa pag bata. Parang napakasimple lang ng lahat. Punong-puno pa sila ng pangarap."
Umingos si Cattleya. "Maglalaro daw ng football para maraming maging girlfriend."
"Lokong iyon ah!" nailing na wika ni Liam. "Elementary pa lang pero may alam na sa girlfriend."
"Ikaw ang idol. Alam na kung saan niya nakuha."
"Wala akong itinuturong ganyan," protesta agad ng binata. "Saka nakailang na akong girlfriend mula nang dumating dito? Ikaw na nga ang tinatiyaga kong pormahan pero di pa rin ako sinasagot. Tapos babaero pa rin ako?"