Mukhang desidido talaga itong pabulaanan ang akusasyon niya. At totoo naman. Malapit ito sa mga fans at di ilang beses na may mga proposal itong natanggap sa mga kababaihang umaaligid dito pero nanatili pa rin ito sa tabi niya. "Fine. Wala na akong sinabi."
Ginagap ni Liam ang kamay niya. "Cattleya, ikaw lang ang gusto ko."
Parang may bumundol sa dibdib niya lalo na nang titigan siya nito sa mga mata. She saw the emotion and sincerity in his eyes. And she believed him.
Akmang sasabihin niya iyon nang may tumawag na babae kay Liam. "Liam! Liam, ikaw nga! Naaalala mo ba ako?" Morena ang babae, nakasuot ng plain na blusa at saya na hanggang sakong. Hawak nito sa braso si Kigoy. Sa palagay niya ay di nalalayo ang edad nila ni Liam dito pero mukhang mas matanda na ito dahil na rin marahil sa bigat ng trabaho.
Umaliwalas ang mukha ni Liam na nakilala ang babae. "Oo naman, Arian. Anak mo pala ang batang ito," anito at ginulo ang buhok ni Kigoy.
"Idol na idol ka niya. Gusto nga niyang maging katulad mo," excited na kwento ni Arian. "Lalo kang naging guwapo at sikat na sikat ka pa ngayon. Maiba pala ako, di ba kayo nagkita ni Raiza sa Maynila? Magandang-maganda na siya ngayon at maganda na rin ang kabuhayan. Asensado na nga siya. Naikasal kasi sa isang mayaman."
Natigilan si Liam. Hindi niya mabasa ang ekspresyon sa mukha nito. Sasabihin ba nito na nagkita ito at si Raiza sa Maynila? Oras na mangyari iyon ay baka isipin ni Arian na may ugnayan pa rin ang mga ito o ang mas masama ay may relasyon pa rin. At masakit iyon sa parte niya. Naroon siya pero si Raiza pa rin ang iniisip ng mga tao pagdating kay Liam.
Umiling si Liam. "Hindi kami nagkikita. Si Cattleya pala girlfriend ko," pagpapakilala ni Liam sa kanya. "Si Arian pala kalaro ko noong bata pa ako."
Kinamayan niya si Arian. "Hello, Arian."
Natutop ni Arian ang bibig. "Ay! Pasensiya na. May girlfriend ka na pala. Paano, aalis na rin kami."
"Bakit di mo sinabi ang totoo sa kanya na nagkita na kayo ni Raiza? Sinabi mo pang girlfriend mo ako," tanong ni Cattleya kay Liam nang makalabas na ng gate si Arian.
"Ayokong pag-usapan si Raiza. Saka kasama kita. May asawa na rin si Raiza."
Tiningala niya ito. "At kung hindi mo ako kasama?"
"Kasama kita at iyon ang mahalaga. Basta gusto ko nang iwasan ang isyu tungkol kay Raiza. May kanya-kanya na kaming buhay. May sarili siyang buhay at may sarili na akong buhay." Tumigil ito sa paglalakad at hinawakan ang kamay niya. "Ikaw ang buhay ko."
Nanlambot ang tuhod niya nang titigan siya nito. Sinabi nito na siya ang buhay nito. Nang mga oras na iyon ay parang gusto niya itong yakapin at halikan at mukhang iyon din ang tumatakbo sa utak nito. He wanted to kiss her senselessly, devour her and forget about everything else.
Siya ang unang umiwas ng tingin. "Liam, nasa school tayo."
Napakamot ito sa ulo. "Ang hirap namang makatiyempo. Kapag nasolo kita lagot ka sa akin."
"LIAM, sobrang ganda dito. This is paradise. Wow! Puro pine trees sa paligid, the grass is lush at natatanaw pa ang dagat mula dito. Bakit ba hindi ko ito napuntahan nang nasa Davao ako?"
Nasa Eden Nature Park sila ni Liam na kalahating oras ang layo mula sa farm nila Liam. Manghang-mangha siya sa magandang lugar at magandang tanawin. Walumpung ektarya daw ang buong park na maraming magagandang tanawin at maraming amenities. Kapag nga daw pumasok sa lugar na iyon ay parang di na gustong lumabas ng kahit sino. Naiintindihan niya kung bakit dahil kulang na sabihing maganda para ilarawan ang lugar na iyon.
"Baka sobrang busy ka pa. Malamang di ka naman nagpunta dito para magbakasyon kundi magtrabaho. Ikaw pa. Kapag nakatutok ka sa trabaho, puro trabaho lang ang naiisip mo."
Niyakap niya ang sarili. "Malamig dito."
Umakyat sila sa hagdan kung na nagdadala sa mga bisita sa open field. "Nasa bundok tayo na katabi ng Mount Apo. Mataas din ang elevation dito at kapag umulan ay bumababa ang fog."
Hinubad niya ang sapatos at nagyapak sa damuhan. "Wow! Sana pala nagdala ka ng soccer ball. Tingnan mo maganda ang damuhan nila dito."
"May sarili daw silang soccer field dito na nasa kabilang parte ng park. Ayoko munang isipin ang football ngayon. Come. Magsisimula na ang tour natin."
Iginiya siya ni Liam pabalik sa harap ng souvenir shop kung saan naghihintay sa kanila ang golf cart na sasakyan nila para sa guided tour. Nasasakop nito ang malawak na kagubatan na dinevelop para maging park. Bukod sa malawak na kagubatan, magagandang cottages at villa ay may bahagi din ng park na nagpapakita ng kultura at kasaysayan ng Davao. May organic farm din doon ng mga gulay at mga herbs.
Di nagtagal ay tumigil sila sa isa sa pinakamagandang bahagi ng park. "This is the amphitheater. Dito ginaganap ang mga weddings at events," wika ng guide nila.
Sa halip na upuan ang porma ng amphitheater ay parang bowl iyon na berde dahil sa mga damuhan. Maganda din ang view doon. May mga bulaklak din sa paligid na lalong nagpaganda sa paligid. It was actually romantic. Pumikit siya at dinama ang malamig na simoy ng hangin at bango ng mga bulaklak.
Ibinuka ni Cattleya ang kamay. "Parang masarap ikasal dito." Nai-imagine niya kung dito man sila ikakasal ni Liam. Iyon siguro ang magiging pinakamasayang araw ng buhay niya.
"Tapos dito rin ang honeymoon," bulong ni Liam at niyakap ang baywang niya.
Tiningala niya ito. "Honeymoon agad? Hindi pa nga kita sinasagot."
"Sir, nakahanda na po ang picnic ninyo," singit ng guide nila.
"Thank you," wika ni Liam at iginiya siya sa gitna ng flower field. Naka-set up na doon ang picnic blanket na may picnic basket sa ibabaw. Nakahanda na rin ang mga prutas at pagkain. "Para ito sa atin? Liam, this is a surprise. Sana pala isinama natin sila Tita Eleonor..."
"At ang buong angkan? Hindi na nga kita masolo dahil laging may mga tao sa paligid nila." Umupo ito sa picnic blanket at hinila siya sa tabi nito. "This is our only time alone. This is a special place here and I want to be with my very special girl."
Romance was impractical for her. Overrated. Hindi para sa kanya ang romance ngayon. Akala kasi niya ay hindi niya mararanasan na may isang lalaki na magpapahalaga sa kanya ng ganito. Na may lalaking tulad ni Liam na gagawin ang lahat para kiligin siya at maging masaya. Na maramdaman niyang maganda siya at karapat-dapat lang siya sa ganoong klase ng espesyal na atensiyon.
"Liam, thank you so much. Ikaw lang ang nagparamdam sa akin na babae ako. Na espesyal ako at maganda. I don't have to be Pierro Dante's assistant. Pwede akong maging ako. I can still be me without so much expectations. But you make me happy just the same. Tatlong araw lang ang bakasyon na ito pero sobrang saya ko. Pakiramdam ko napunuan ang kulang sa buhay ko. Na pwede akong maging masaya sa mga simpleng bagay lang kasama ang mga taong nagpapahalaga sa akin."
Hinaplos nito ang pisngi niya. "And that's all I want to do. To make you happy. To see you smile."
The place was perfect. Maganda kahit saan siya tumingin pero ang pinakamaganda sa paningin niya ay si Liam. He made her so happy. At gusto niyang masuklian niya ang kaligayahan na ibinibigay nito sa kanya. Gusto niyang maging masaya din ito.
"Sasaya ka ba kung magiging girlfriend mo ako?" habang kumakain sila.
"Ano ba namang klaseng tanong iyan? Bakit di mo ako sagutin para malaman mo ang sagot?"
Sinubuan niya ito ng wild berry. "Yes."
"Anong yes?"
"Sinasagot na kita. Girlfriend mo na ako. Tayo na."
"Yes!" sigaw nito at tumayo. Nagulat siya nang buhatin siya nito at iikot-ikot. "Yes! Girlfriend ko na si Cattleya Bautista."
" I love you, Liam!" sigaw niya at humalakhak nang malakas. Sa wakas ay nasabi na niya ang salitang iyon. At labis-labis ang sayang nararamdaman niya dahil nobya na siya ni Liam.
Idinikit nito ang noo sa noo niya. "Oh, perfect. You made me a very happy man."
Ihiniga siya sa damuhan Liam at hinalikan siya. It was beyond her expectations. His kiss was electric and exciting. But it made her very emotional as well. He was owning her, branding her with that kiss. At pakiramdam niya ay mabilis na mabilis ang pag-ikot ng mundo niya.
"That's a wow! You taste better than berries," wika nito at hinaplos ang labi niya.
"Liam, totoo naman na mahal mo ako, di ba?" tanong niya. Hindi niya alam kung bakit siya nakadama ng takot ngayong nobyo na niya ito.
"Cattleya, huwag mong sabihin sa akin na sinagot mo ako pero di ka naman naniniwala?"
"Naniniwala ako sa iyo. Naniniwala ako," aniya at pinaliguan ng halik ang mukha nito. Gagawin niya ang lahat para lalo pa siya nitong mahalin. She would do everything for his love.