"Kayo na ba ni Liam Aramis, Miss Cattleya Bautista?"
Sumimangot si Cattleya nang tingnan ang paying na ginawa ni Foxx na mikropono. "At kailan ka pa naging reporter, Foxx?"
Nasa game sila ng El Mundo Football Club na ginaganap sa football field ng University of Makati. Kalaban ng mga ito ang Voltz Football Club na isa sa matitinding kalaban ng El Mundo dahil nasa team ng mga ito ang pinakamagaling na striker sa bansa. Sinusubukan niyang mag-concentrate sa laro kundi lang sumingit si Foxx.
"Malamang bukas kasi nag-resign na ako sa trabaho ko. Sawa na akong maging language instructor. Nakakadugo ng ilong ang mga estudyante ko. So kapag napaamin kita, pwede na akong maging reporter," nakangisi nitong sabi.
Mariin niyang pinagdikit ang labi. "I am not saying anything."
Si Liam mismo ang nagsabi na kung pwede ay huwag muna nilang sabihin sa ibang tao na may relasyon sila. Gusto nitong makausap nang personal si Pierro na nasa bakasyon at business trip sa India at Thailand kasama si Raiza. They were trying to work out their relationship as well.
Kahit naman di pa niya sabihin ay alam niyang matutuwa si Pierro. Botong-boto kasi ito kay Liam. At lalo pa nitong nagugustuhan si Liam dahil sa magandang performance bilang manlalaro ng El Mundo.
Umamin ka kaysa naman mauwi kayo sa eskandalo kapag nabuko kayo sa huli," wika ni Emcel. "Tingnan mo ang nangyari kay Angel at Jaidyleen."
Isang malaking eskandalo ang nangyari sa pag-iibigan nina Angel Aldeguer at Jaidyleen Ruiz. Inilihim kasi ng mga ito ang relasyon hanggang manalo ang El Mundo at hinalikan ni Angel si Jaidyleen sa harap ng maraming tao. Mahigit isang linggo pa lang ang nakakaraan at matinding damage-control ang kailangan nilang gawin. Di naging maganda ang epekto nito sa reputasyon ni Jaidyleen na siyang guro ni Angel. Muntik pa itong mawalan ng trabaho.
Hindi naman ganoon kasama ang magiging epekto kung maglilihim man sila ni Liam. Wala naman silang ethical issue na lalabagin. Humahanap lang ito ng tamang panahon.
"Kayo ba okay lang na nagde-date si Chef Martinique at Van Joshua Sanders?" balik niya ng tanong kay Emcel na alam niyang bigo dahil nakipag-date ang pinakamamahal nitong football player na si Joshua sa chef ng Goal Sports Bar.
"Moving-on-dot-com na kami," sabi ni Emcel subalit bakas pa rin ang sakit sa mga mata nito. Malaking insulto kasi nang di ito siputin ni Joshua sa date nito.
"Pero parang may nangyayaring kakaiba sa dalawang iyan," wika ni Lime at sumulyap sa taas ng stadium kung saan magkatabing nakaupo sina Joshua at Martinique. Asikasong-asikaso ni Martinique si Joshua na parang devoted girlfriend… or slave. "Hindi ko lang matukoy kung ano."
"Okay. Let's cheer for our boys," wika niya nang tumugtog na ang FIFA Hymn bilang hudyat ng pagpasok ng mga manlalaro at mga opisyales ng laro.
Gitgitan ang naging laban. Walang sinuman ang gustong magpalamang. Ang masama pa ay maraming goal opportunities at shot on goal ang mga manlalaro ng Voltz FC. Pakiramdam niya ay anumang oras ay makaka-goal ang mga ito at wala silang magagawa.
Nagawang sungkitin ni Jerry ang bola mula sa striker ng Voltz na si Fil. Sinipa nito ang bola palayo na napunta naman di kalayuan kay Misagh. Itinakbo iyon ni Misagh hanggang maka-engkwentro ang tatlong defender ng kalaban. Minanipula ni Misagh ang bola para makawala at ipinasa kay Angel na nasa tapat na ng goal. Sinipa nito ang bola subalit nagawang itulak ng goalkeeper ang bola palayo. Tumama iyon sa dibdib ni Liam, pinagulong nito sa paa nito at saka sinipa ang bola patungo sa goal. Pumasok iyon sa pagitan ng binti ng goalkeeper at nanlak ang mata nila nang tuluyang pumasok sa goal.
"That's a goal! Liam!" tili niya at nagtatalon sa sobrang tuwa.
Nag-tumbling si Liam at itinaas ang jersey. Nahantad sa katawan nito ang painting na may hugis ng puso na may pangalan niya. Nagtilian ang mga kasama niya at halos malamog siya sa sobrang kilig. "Kayo na! Umamin ka na!" tili ni Foxx.
"Kami na. I am a proud girlfriend."
It was a great feeling. Naka-goal si Liam at sinabi pa nito sa buong mundo kung sino ang babaeng mahal nito. Lumulutang pa rin siya. Hindi niya iyon inaasahan.
Biglang pumito ang referee at binigyan ito ng yellow card. "Bakit?" tanong niya.
"Bawal daw ang nakahubad," wika ni Lime na nadismaya.
"Itinaas lang ang T-shirt, yellow card na?" angal niya.
"Yellow card para sa pag-ibig mo. Di bale may goal naman."
Nanalo ang El Mundo sa larong iyon. Sinalubong niya si Liam ng yakap. "I feel bad. Dahil sa akin may yellow card ka."
"Kahit na red card pa iyan basta alam na ng lahat na mahal kita," wika nito.
"Akala ko ba sasabihin mo muna kay Kuya Pierro ang tungkol sa relasyon natin?"
"Pakulo ko lang iyon para sorpresahin ka. I love you."
"And you are the sweetest boyfriend in the world. I love you, too."
"MAGKAKAANAK na ulit sina Kuya Pierro at Raiza," balita ni Cattleya kay Liam habang nagmimiryenda sila sa isang café sa The Fort. Katatapos lang ng meeting niya habang ito naman ay may oras pa bago ang training nito sa BGC Turf. “Ibinalita sa akin ni Pierson.”
"Buntis si Raiza? Dapat pala magpainom si Boss. Magkakaroon na ng kapatid si Pierson. Di naman niya nai-announce sa amin.”
Nangalumbaba siya habang hinahalo ang kape. "Masaya siguro na magkaanak. Nakakainggit sila."
Hinawakan ni Liam ang kamay niya at kinintalan ang likod ng palad. "Pwede ko namang pagbigyan ang wish mo. Sabihin mo lang sa akin. Kahit ngayon mismo."
"Heh! Pumunta ka na sa practice ninyo para di ka mapagalitan ni Coach. Ako pa ang masisisi kapag na-late ka."
Kinintalan siya nito ng halik sa labi. "I love you."
"I love you, too."
Di maalis ang ngiti niya habang nagmamaneho pabalik sa opisina niya sa Makati. Hindi ang matagumpay niyang meeting ang iniisip niya kundi ang bagong pangarap na nabuo sa puso niya. Gusto niya na magpakasal sila ni Liam at magkaroon ng sariling pamilya. Dati ay hindi pa iyon sumasagi sa isipan niya. Pero sa pagdating ni Liam sa buhay niya ay di niya maiwasang asamin na magtatagal ay sila naman ang bubuo ng sarili nilang pamilya.
“Ma’am, nasa loob po si Miss Shayla. Gusto daw po kayong makausap,” sabi agad ng sekretarya niya.
Pinagmamasdan ng babae ang isa sa mga painting nang pumasok siya. She was one classy lady. Nauunawaan niya kung bakit nai-insecure si Raiza dito. Anak ito ng dating abogado ng lolo nila ni Pierro, nagtapos sa isang magandang paaralan sa ibang bansa at ngayon ay personal assistant ng lalaki. Naisip niya noong una na training lang iyon ng babae bago makakuha ng mas mataas na posisyon sa kompanya. But now, she was thinking it must be something else. Something more.
“What can I do for you, Shayla?”
“I am here for a chitchat about your cousin dearest.”
"Alam ko na gusto mo rin si Kuya pero sana naman hayaan mo na siyang maging masaya lalo na't dalawa na ang magiging anak nila.”
Ngumisi ito. "Iyon ay kung siya nga ang tatay ng ipinagbubuntis ng babaeng iyon."
"Anong ibig mong sabihin?" tanong niya.
Inilapag nito ang brown envelope sa mesa. "Hindi magkakaanak si Pierro. Nariyan ang ebidensiya sa loob ng sobre.
Humalukipkip siya. Ayaw niyang hawakan iyon. Ni ayaw niyang makita. Pakiramdam niya ay napakaruming bagay ng nasa loob at mako-contiminate siya kapag hinawakan niya iyon. Kung anuman ang misyon nito na sirain ang pamilya ng pinsan niya, ayaw niyang maging bahagi nito.
“What do you want to achieve, Shayla?”
Ngumisi ito at naglakad paikot sa kanya. “You see, hindi naman ako nagtapos ng pag-aaral sa isang magandang university para maging sekretarya lang. Anak ako ng abogado ng lolo ninyo. Sabihin na nating sinuwerte akong nagka-access sa documents ng pinsan mo lalo na ngayong sekretarya na niya ako. Alam ko ang mga lihim niya.”
“Ang ibig mong sabihin, hindi anak ni Kuya Pierro si Pierson?”
“Do the Math! Masyadong maagang ipinanganak si Pierson samantalang kailan lang sila nagkakilala. Kung hindi niya gagawin iyon, hindi mapupunta sa kanya ang kayaman ng pamilya ninyo. As a matter of fact, ikaw dapat ang tagapagmana ng lolo mo kung hindi nakapag-produce ng apo si Pierro bago mamatay ang matanda. So, you should have been the heiress.”
Naningkit ang mga mata niya. “At sino ang ama ng dinadala ni Raiza?”
Humalakhak ito. "Huwag kang tanga. Maroon ka nang mahuli sila ni Pierro sa condo ni Liam. May relasyon na sila dati. Itinuloy nila iyon nang magkita ulit sila sa Pilipinas. Siya ang ama ni Pierson at ama naman ngayon ng dinadala ni Raiza.”
Namutla siya subalit kinalma niya ang sarili. Ang nais lang niya ay protektahan si Pierro at si Liam. "Wala kang ebidensiya. It is just a wicked idea to ruin my cousin and his family. Di ka ba nahihiya?”
“Ikaw na nga ang ginawan ko ng pabor, ikaw pa ang galit.” Nanghaba ang nguso nito. “Wala kang si Pierro. Pinagmalasakitan ko na nga, ako pa ang masama sa huli. Inalis niya ako sa trabaho at pinili pa rin niya ang makating asawa niya. Dapat lang niyang pagsisihan ang mga kasinungalingang ginawa niya sa iyo. Ikaw ang totoong tagapagmana. Hindi si Pierro. Hindi ang pekeng pamilya niya.”
Nanlamig ang buong katawan niya. Naalala niya ang mga panahon kung paano siyang ipahiya at sigaw-sigawan ng pinsan na parang di sila magkadugo. Kung paanong ang mga paghihirap niya minsan ay di naman nito napapahalagahan. Kung paanong maraming beses niyang hiningi ang approval nito pero di nito ibinigay sa kanya.
“Bakit hindi mo iapela ang kaso ng pinsan mo? Mag-demand ka ng DNA test sa anak niya.” Inilahad ni Shaula ang kamay. “This should have been yours. Di ka dapat isang alalay lang ng pinsan mo. You should have been an heiress. He cheated on you. Oras na para bawiin mo ang dapat na sa iyo. I can even help you with your lawyer.”
“Get out!” utos niya sa mariing boses.
“What?” natigilan ang babae.
Hinampas ni Cattleya ang mesa. “I said get out!”