Chapter FH 2: TWS 36

Nakatulog na si Cattleya sa kaiiyak. Naramdaman niya na may humahaplos sa noo niya pero pinili na lang niyang huwag pansinin iyon at huwag dumilat. Ayaw pa niyang humarap sa realidad. Ayaw pa niyang harapin ang mundo.

Matapos kausapin si Shayla ay umuwi agad siya ng townhouse niya at doon nagkulong. Di na niya kaya pang magtrabaho matapos malaman ang lahat ng sekreto sa araw na iyon.

Kasinungalingan. Lahat ng mga taong mahal niya ay nagsinungaling sa kanya - si Raiza, si Pierro at si Liam. Pakiramdam niya ay paulit-ulit siyang sinaksak sa likod. Ginawa siyang tanga. At ang masakit sa lahat, siya mismo ang nagprisintang gawing tanga ang sarili at nagbulagbulagan.

“Cattleya, gumising ka na at kumain. Gabi na,” anang malambing na boses ni Liam. “Magugutom ka.”

Mistulang palaso sa puso niya ang boses ni Liam. Ito ang huling tao na gusto niyang makasama. “Go away! Di kita kailangan!” angil niya at tinabig ang kamay nito.

“Please. Kumain ka na. Sabihin mo sa akin kung anong masakit sa iyo. Gusto mo bang tumawag ako ng doktor?”

Matapang niyang inangat ang tingin. "Ikaw ba ang ama ng bata?"

“B-Bata?” naguguluhang tanong nito.

Sa wakas ay inangat niya ang tingin dito. “Si Pierson. Ikaw ba ang ama niya?”

Namutla ang binata. "Of course not.”

“Ikaw ba ang ama ng dinadala ni Raiza ngayon?” tanong pa niya.

“Wala kaming relasyon ni Raiza. Walang nangyari sa amin. Kahit noon wala."

Bumalikwas si Cattleya ng bangon. “Huwag mo nga akong gaguhin! Hindi ako tanga. Di pwedeng magkaanak si Kuya Pierro. Kayo ang may relasyon noon. Di siya makikipagkita sa iyo ng palihim at lalong di niya dadalhin sa iyo si Pierson kung walang ibang ibig sabihin iyon. Ikaw ang ama ng mga anak niya. Hindi si Kuya Pierro at hanggang ngayon gusto mong maglokohan tayo?”

Napaurong si Liam. “Cattleya, di ko talaga alam.”

“Ang tanga ko, Liam. Sobrang tanga ko. Nagpakatanga ako para sa iyo. Pinrotektahan kita mula kay Kuya Pierro. Mahal kita kaya ayokong masaktan. Kahit na noon ko pa alam sa condo mo pa lang na anak mo si Pierson, di ako kumibo. Inisip ko na baka gusto mo lang makasama si Pierson dahil anak mo siya. Siya ag dahilan kung bakit gusto mong bumalik ng Pilipinas. Pero di ko na matatanggap kung nagpatuloy pa rin ang relasyon ninyo at magkakaanak na naman kayo.” Pagak siyang tumawa. “Ang tanga ko naman kung maniniwala pa rin ako sa iyo na ako pa rin ang mahal mo, di ba? Maaawa ka naman sa akin kahit konti. Kung mahal mo ako, sabihin mo sa akin ang totoo.”

Naging matiim ang anyo nito."Anong klaseng lalaki ba ang palagay mo sa akin, Cattleya? Walang paninindigan? Magtatago sa likod ng isang kasinungalingan? What for? Ano naman ang mapapatunayan ko?"

"B -Baka gusto mong alagaan ang career mo…"

"Career ko? Hindi career ang pinakamahalagang bagay para sa akin. Hindi football. Iyon ba ang iniisip mo? Natatakot akong mawalan ng trabaho?" Umiling ito at tumingala. Nang tingnan siya nito ay matalim ang mata nito. Nasaktan niya ito. "Now you make me feel sick. Ganoon pala kababa ang tingin mo sa akin. I have rules, Cattleya. Hindi ako pumapatol sa babaeng may boyfriend na o may asawa. Kaya nang malaman ko na may ibang boyfriend noon si Raiza ay lumayo na ako sa kanya. Pangalawa, kung may mahal akong babae, handa akong lumaban ng patas. Kung mahal ko siya at may nangyari sa amin, di ko na siya hahayaang bumalik sa ibang lalaki. At lalong di ko ipapaako ang anak ko sa iba. And for the record, walang nangyari sa amin ni Raiza. Kaya imposibleng ako ang ama ng anak niya. Pero ikaw, ipaglalaban kita.”

Nagsasalimbayan ang lahat sa isipan niya. Sinasabi ng puso niya na paniwalaan ito. Na siya naman talaga ang mahal nito. Pero sinasabi ng isipan niya na maging maingat. Mahirap na magpakatanga dahil baka sa huli siya labis lang siyang masaktan kapag nagkamali siya. Ayaw na niyang mabuhay sa mundo ng ilusyon.

"N-Naguguluhan ako, Liam. Kung walang nangyari sa inyo ni Raiza, bakit nag-insist kang makita ng pamilya mo ang bata? Sino ang totoong ama ni Pierson?”

Idinikit nito ang dila sa loob ng pisngi. “Si Raiza lang ang makakasagot niyan. Hindi ko masasagot iyan sa ngayon.”

“At may mga sekreto ka pa ring itinatago sa akin. Hindi ko kayang mabuti nang ganito, Liam.”

Nawalan ng ekspresyon ang mukha ng lalaki. "So where will that leave us?"

"Kung hindi naaayos ang pamilya nina Kuya Pierro at natitiyak kong di mo na guguluhin ang pamilya nila, baka may pag-asa pa tayo. Baka tanggapin pa kita.”

“Ipapamahala mo sa relasyon ng ibang tao ang pagmamahalan natin?”

"Akala mo ba hindi ako nasasaktan? Mas madali para sa akin na pumikit na lang at isiping hindi nangyayari ang gulong ito. Na sa akin ka lang talaga. Hindi nababawasan ang pagmamahal ko sa iyo, Liam. Maghihintay lang ako sa panahong iyon kung ako pa rin ang gusto mo."

Napuno ng kalungkutan ang mga mata nito. "Cattleya, not like this."

Akmang hahaplusin nito ang mukha niya nang umiwas siya. "No, Liam. Mas mabuting umalis ka na lang.”

Mabigat ang dibdib niya nang naglakad ito patungo sa pinto. She couldn't even kiss him goodbye. Parang wala na siyang karapatan.

"Patutunayan ko sa iyo na mula nang makilala kita, ikaw lang ang babae sa buhay ko. Patutunayan kong mahal kita."

"Until then, Liam."

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.