Sa isang condominium sa Makati nagkita sina Cattleya at Raiza. Nagtaka pa siya noong una lalo na nang buksan nito ang pinto ay naka-nightgown pa ito na pantulog. “Pasensiya na. Di pa ako nakakapag-ayos ng gamit kaya magulo itong condo. Kalilipat lang namin ni Pierson dito.”
“A-Anong nangyari?” naguguluhan niyang tanong sa babae nang sundan niya ito.
“Iniwan ko ang pinsan mo.”
“Iniwan mo siya kahit na ikaw ang pinili niya kaysa kaysa Shayla?”
“Mas gustuhin ko nang umalis kaysa makasama ang isang lalak na walang tiwala sa ak in. Hangga’t di ko napapatunayan na anak niya ang dinadala ko, hindi ako babalik sa mansion,” sabi nito sa matatag na boses na parang handa itong patunayan ang katotohanan.
“Goodluck with that,” sabi niya at di maiwasang tumaas ang kilay. “Hindi ko alam kung paano mo gagawin iyon. Di magkakaanak si Kuya Pierro.”
Nangilid ang luha nito. “Alam ko na mahirap paniwalaan pero wala akong ibang lalaki sa buhay ko kundi ang totoo. At tungkol sa kawalan niya ng kakayahan na magkaanak...”
Naningkit ang mga mata niya. “Alam mo rin ang tungkol doon bago ka niya pinakasalan, hindi ba? Buntis ka na at ipinaako mo lang sa kanya ang bata. Anak ninyo ni Liam ang batang iyan. Pati si Pierson anak nniya.”
Umiling ito. “Hindi totoo iyan.”
“Huwag kang mag-alala. Wala na akong pakialam. Break na kami. Pwede na siguro ninyong ituloy ang pangarap ninyong pamilya,” aniya at inilahad ang kamay. Masakit dahil nangarap din siyang magkaroon ng pamilya kasama si Liam. Pero nasira ang lahat ng iyon. Malabo nang matupad.
“Hindi si Liam ang ama ni Pierson kundi si Bert Aramis.”
Parang sinabugan ng bomba si Cattleya sa rebelasyong iyon. “N-Nagkaroon kayo ng relasyon ni Tito Bert? Sa ama ni Liam.”
“Iyon ang bahagi ng nakaraan na ayaw ko nang maalala. Pero mabuti nang malaman mo na ang totoo. I was a daughter of the town whore, Cattleya. Ipinangako ko sa sarili ko na di ako matutulad sa nanay ko na ibebenta ang katawan niya para sa droga. I became smarter. Sabi ko na aahon ako sa hirap at mag-aasawa ng mayaman. Noong college ako saka ko nakilala si Sir Bert. Mabait siya sa akin at nang malaman niyang walang-wala ako, kinuha niya akong assistant ko. But that’s not enough. Nalaman ko na wala siyang pamilya sa Pilipinas kaya inakit ko siya. Until Liam came. He treated me like a decent woman. Nirespeto niya ako. Ni wala siyang alam na may relasyon kami ng ama niya. Kaya nang matuklasan niya ang sekreto ko, hiyang-hiya ako sa sarili ko. Noon ako lumuwas ng Maynila gamit ang perang bigay ng nanay ni Liam para layuan ang mag-ama niya. Nagtrabaho ako na waitress sa bar at doon ko nakilala ang pinsan mo. Makalipas ang isang buwan, nalaman kong buntis ako at ipinaako ko sa kanya. Tinanggap naman niya. Pero bumalik si Liam at... Sinabi niya na gusto niyang makasama ng ama niya si Pierson. H-Hindi ko matanggihan basta nangako siyang walang ibang makakaalam ng katotohanan.”
Naging mapait ang panlasa niya. “At ngayong nakita mo ulit si Liam, naisip mo ba na mahal mo pa rin siya?”
Umiling ito. “Wala kaming relasyon. Mabuting lalaki si Liam. Kahit na sabihan mo pa akong oportunista at masamang babae, hindi karapat-dapat si Liam na magdusa dahil sa mga kasalanan ko. Nang makita mo kami sa condo niya, nakikiusap ako noon na kung maari ay hayaan na kami ng pamilya ko. Mahal na mahal ko ang pinsan mo. At baka hindi mo rin maintindihan ang lahat kapag nalaman mo ang totoo. Mahal ka ni Liam.”
Iyon din ang sinabi ni Liam sa kanya. Iyon din ang sinabi ng puso niya pero hindi siya naniwala. "Break na kami."
Nagulat ito. "Akala mo mahal mo siya. Bakit ka nakipag-break? Ikaw pa itong nagsasabi na dapat magtiwala ako sa taong mahal ko."
"Mahal ko siya. Pero sawa na akong mabuhay sa kasinungalingan. Pakiramdam ko lahat ng tao nagsisinungaling sa akin."
"Pinakamasakit sa isang taong nagmamahal na iwan siya ng taong mahal niya at hindi siya paniwalaan." Ginagap nito ang kamay niya. “Nagmamakaawa ako na balikan mo siya. DI kakayanin ng konsensiya ko kung may nasira pang relasyon dahil lang sa mga sekreto ko. Ito man lang ang magagawa ko para sa nagulo kong pamilya nila Liam.”
Niyakap niya ito. “Maraming salamat.”