Binalik ko ang tingin sa harap at nagkunwaring hindi siya nakita. Ano bang ginagawa niya rito? Bigla, naalala ko ang sinabi niya sa EGL. See you there then... nice. Nice talaga.
Napagdesisyunan kong alisin sa isip ang tungkol sa attendance niya sa concert. Dapat mag-enjoy ako ngayon. Saka, wala akong pakialam kung nandito siya, no? Mabuti ngang nakatulong siya sa ekonomiya nang bumili siya ng concert ticket at bumiyahe rito.
Binalik ko ang tingin sa stage at nakisabay sa kanta ng Vine. "I am drowning in your lifeless eyes meet mine. In deepest you captivated my soul. Oh, I am under your spell." Sumigaw pa ako. "Vine! I love you!"
Para akong nalasing sa kanta. Umikot-ikot pa ako at tumalon-talon. Nag-headbang ako at sumigaw nang pagkalakas-lakas. "Oh! I'm under your spell! Kyaaah! I love you, Vine!"
"Who are you shouting to?" biglang tanong ni Lyndon pero dahil malakas ang tugtog, hindi ko masyadong narinig ang salita niya.
Napairap ako at hinayaan siya. Nanatili ang tingin ko sa harap. Rishell, 'wag pansinin si Lyndon. Okay?
"Miss Larica, I asked you. Who are shouting to?" sigaw na niya para marinig ko.
Nagusot ang mukha ko at pinagpatuloy ang pag-deadma sa lalaking Engineer. Kaso, tanong siya nang tanong kaya narating ko ang puntong narindi sa boses niya. Hindi ako maka-concentrate sa concert!
"Shhh!" saway ko sa kanya. Tinaas ko pa nang bahagya ang palad sa gawi niya habang nakatingin pa rin sa harap. "Wag kang KJ diyan," sabi ko pa.
"I need to talk to you."
"Mamaya na, pwede? Nasa concert pa tayo." Umirap ako saglit bago pinagpatuloy ang pagsigaw at pagtalon kasabay nang ibang fans.
Natahimik siya saglit, at sumigaw pagkaraan ng ilang minuto. "It's about the crime happened at Arbor two months ago. I've found an evidence!"
Doon ako natigilan. Kunot ang noo akong bumaling kay Lyndon. Seryoso ang mukha niya at mariing nakatitig sa akin pababa. Napalunok ako. "Totoo?"
"Yes. And maybe you'll be surprised."
"B-Bakit?"
Ngumisi siya. At parang... hindi ko gusto ang ngisi niyang 'yon.
Sinenyasan niya akong sumunod sa kaniya. Para akong natatae na ewan habang nagpalipat-lipat ang tingin sa Vine na tumutugtog sa stage, at kay Lyndon na seryosong nakatitig sa akin. I'm torn between happiness and curiosity!
In the end, pinili ko ang huli. Kailangan kong makita ang ebidensyang sinasabi niya. Na-curious ako bigla. Kasi walang nahanap ang pulisya ng ebidensya, tapos nakahanap siya? Parang... imposible naman. But still, kailangan ko pa ring usisain ang ebidensyang tinutukoy niya. Baka... baka ano 'yon...
NANINGKIT ang mga mata ko at humalukipkip. Kanina, halos masubsob ako sa kani-kaninong lalaki habang nakipagsisikan para lang makalabas ng auditorium.
Ayun, dahil sa siksikan, may isang maskuladong lalaking pumalo sa pwet ko! Sasapakin ko sana kaso naunahan ako ni Lyndon. Sinapak niya 'yong lalaki. Mabilis niyang hinawakan ang kamay ko at hinigit ako palabas. Narinig ko pa ang malakas na mura ng lalaki. Tumahimik bigla ang mga tao sa parteng 'yon ng auditorium. Mabuti na lang at hindi sumunod sa amin 'yong lalaking nasapak ni Lyndon.
"O, ano na?" inip kong tanong.
Dinala niya ako sa isang madilim na alley na ilang lakad mula sa auditorium. Natatanglawan ng liwanag na mula sa auditorium ang ilang parte ng alley, pero hindi 'yon sapat para maliwanagan ang buong paligid.
Nilabas niya ang cellphone at humakbang palapit sa akin. Gulat akong umatras. Natawa siya. "I thought you want to know?"
"Oh." Ako na ang lumapit sa kaniya.
Inabot niya sa akin ang cellphone na agad kong tinanggap. Isang video. Naningkit ang mga mata ko at nag-angat ulit ng tingin sa kaniya. "CCTV?"
"Yes." Bumuntong-hinga siya. "That's two hundred kilometers CCTV camera footage from the crime scene. Nakakabit 'yan sa isa sa mga private residence ng Arbor."
"And... this is the evidence? How come?"
Naningkit ang mga mata niya. "January 8, 2021 at 1:45 A.M. Isang itim na sasakyan ang dumaan sa highway, nakasunod dito ang isang puting sasakyan na mas maliit kaysa sa nauna. If you flash-forward it, you will notice that no other vehicle for the next 30 minutes except for that white car travelling opposite to the two prior cars."
"What do you mean by t-that?" Napalunok ako.
"Papuntang timog ang itim at puting sasakyan, minutes after, may puting sasakyan na papuntang hilaga. Rishell, iisa lang ang plate number ng puting sasakyan na sumunod sa itim at bumalik. When I checked the owner's record at LTFRB with the help of my investigator friend for that crime, it was registered to your name. That white car was yours, Rishell Joy Larica. You were there at the crime scene."
"H-Ha?" Nag-iwas ako ng tingin. "Ano bang pinagsasabi mo riyan? Wala akong alam sa sinasabi mo!"
"Tell me the truth. Are you a victim, a witness, or a suspect?"
Nanlisik ang mga mata ko. Dinuro ko siya. "How dare you accuse me! Ni hindi mo ako nakitang nag-drive! Paano ako magmamaneho ng kotse?"
"Hindi nagsisinungaling ang government records, Rishell. At tinanong ko ang ama mo." Kumunot ang noo niya at humalukipkip. "You were given a student permit before you had your accident. When I asked your father about that accident, he said that it was January 8. The exact date of that incident."
"Nakikialam ka na naman, Lyn -"
"That accident was not an accident. Binangga mo ang kotse. Tell me the truth... are you hiding something?"
Huminga ako nang malalim. "How sure you are na binangga ko talaga ang kotse sa poste? Don't make your assumptions without proving it to me, Engineer."
"You never like to commute. You always used your car to travel to and from Cebu City. You loved your car as much as you love your idols." Natawa si Lyndon. "Well, that's what your father told me about your fascination of cars. Even your father, Mister Larica, is wondering why you gave up your student permit that easy. And I had concluded that it has something to do with that incident two months ago."
Napaatras ako sa sinabi niya. Anong - paano siya naka-conclude nang gamit lang ng isang record, CCTV footage, at kuwento ni Papa? Napalunok ako.
Pinaningkitan ko siya ng mata. "Ano bang pinupunto mo? Diretsuhin mo ako!"
Bumuntong-hinga na naman siya. Mabilis niyang binawi ang cellphone sa kamay ko. Sheems! Sana tinapon ko kanina!
Ngumisi si Lyndon. "That letter, and that necklace."
"W-What about those?" pigil-hininga kong tanong.
"That letter is for Levitus, and that necklace is your gift to him. Am I right, Rishell?"
Nanlaki ang mga mata ko. Napakuyom ako ng kamao nang manlamig ang pakiramdam ko. Kung hindi pa madilim ay tiyak kong makikita ni Lyndon kung paano ako mamutla sa sinabi niya. "W-Who are y-you?" nanghihina kong tanong.
Hinabol ko ang hininga nang bumilis ang tibok ng puso ko. Matagal kong kinimkim ang nakita ko sa gabing 'yon, at dahil lang sa isang inyehero, mabubuking ang sikreto ko? Hindi pwede!
"Anong karapatan mo para manghimasok sa buhay k-ko?" Pinatatag ko ang boses. "Isa ka lang inyehero! Ni wala kang background sa crime investigation! You have no license to investigate a crime, Engineer!"
Nagkibit-balikat siya at humakbang palapit sa akin. Napaatras ako. Kalahati ng mukha niya ang natanglawan ng ilaw na mula sa auditorium. Nakita ko kung paano siya ngumiti. Isang ngiting nagbabanta. "You never know who I am. But I know a lot about you."
"Sino ka ba talaga! Sino ka ba, Lyndon Ephraim Davies! At... at bakit mo 'to ginagawa? Case-close na ang insidenteng 'yon!"
"Hindi para sa biktima, Rishell. Hindi para sa mga idolo mong may lihim na tinatago. Hindi para sa 'yong mailap. Mas maganda kung sabihin mo na ang totoo. Sabihin mo kung anong papel mo sa krimeng 'yon."
"N-No! I don't know what are you talking about!"
Mabilis akong pumihit at tumakbo palayo.
"Rishell!" tawag niya.
Mas binilisan ko ang takbo. Niyakap ko na ang shoulder bag at walang-lingong tumakbo. Lumiko ako sa mga eskinita, at lumiko papunta sa kabahayan. Huminto lang ako nang marating ko ang isang malaking covered court.
Covered court...
Naalala ko ang gabing 'yon, kung saan tumakbo ako sa ilalim ng ulan habang hinahabol ng mga tambay na lasing! Kumuyom ang kamao ko. Dahil sa kanila, lumunok ako ng putik!
Akala siguro ng mga lalaking 'yon na napatawad ko na ang ginawa nilang paghabol sa akin... akala nila tatahimik na ang buhay nila. Pero hindi. Pagkatapos kong mag-aral, at kapag nasa akin na ang fishing port, hahanapin ko ang tatlong lalaking 'yon at sila naman ang pakakainin ko ng putik! Walang 'ya sila!
Mananahimik ako sa ngayon, oo! Pero kahit-anong gawin ko ay hindi mabura-bura sa isip ko ang nangyari. Pagbabayarin ko sila! Maghintay lang ang mga lalaking 'yon!
"Rishell!"
Nanlaki ang mga mata ko at lumingon kay Lyndon. Tiim bagang siyang tumatakbo palapit sa akin at matalas ang titig. Napalunok ako at pikit-matang pumasok sa bukas na covered court. Nasilaw pa ako sa lakas ng ilaw sa loob kaya pumikit ako at patuloy sa pagtakbo hanggang marating ko ang gitna.
Doon ko lang minulat ang mata at natigilan ako nang mapansing may mga tao sa loob. May monoblock at ilang balloons. May nakahandang pagkain sa gilid. Mukhang may celebrasyon...
"Miss?" takang tanong ng isang babae. May munting ngiti sa labi niya. "Naligaw ka yata?"
"Uhm... oo. P-Pasensya na," hingal kong sambit.
Tumango siya. "May gagawin ka ba ngayon?"
"Uh... w-wala. Wala naman po."
Yumukod ang babae at may kinuha sa cooler. Isang bote ng tubig. Nakangiti siyang lumapit sa akin. "Halika, uminom ka muna ng tubig. Mukhang hiningal ka."
Lumingon ako sa likod pero hindi ko nakita si Lyndon. Baka nandoon pa 'yon sa labas. Bumaling ulit ako sa babae at hilaw na ngumiti. "P-Pwede bang dito na muna ako? Kahit one hour lang?"
"Walang problema. Tamang-tama, may activity kami ngayon. Sali ka sa amin?"
Nilibot ko ang tingin sa paligid. Iilan lang ang tao sa loob. Nasa bente hanggang trenta. Kadalasan ay mga teenagers. Lumunok ako. "S-Sige."
Inaya ako ng babae sa isang monoblock. Aniya, magsisimula pa lang ang activity. Napansin kong sobrang active ng mga tao, at pansin ko na gustong-gusto nila ang ginagawa nila.
Nang mapatingin ako sa munting platform, natigilan ako nang mabasa ang nakasulat sa blue background.
JESUS SET THE CAPTIVES FREE