@Tweets4Lavander: Day649: A day without you is like a day without sunshine. I’m incomplete without you.
HALOS kakatulog lamang ni Lavander nang tumunog ang kanyang cell phone. Naggising siya dahil nagmistulang mp3 player at kahit hindi na sana niya gustong sagutin iyon dahil ayaw niyang maistorbo ay napilitan siya. Mukhang walang balak magpatigil ang tumatawag. Nang makita niya ang caller, napaungol siya. Si Nick iyon. Tama nga siya ng hinala, hindi talaga ito titigil. Sadyang makulit at maloko ang kaibigan para gawin iyon. Hindi rin naman iyon ang unang beses na ginawa nito iyon.
Sinagot ni Lavander ang tawag. “O bakit, anong problema?”
“Nandito kami sa harap ng dorm mo, Ava.”
Napabalikwas si Lavander sa higaan. Nang tumingin siya sa binata ng dorm ay nakita nga niya na nakaparada roon ang kotse ni Nick. “What?! `Wag mong sasabihin na magyaya ka na naman ng road trip?”
Tumingin si Lavander sa orasan sa loob ng kuwarto niya. Alas onse na. Wala naman silang pasok bukas kaya kung ganoon man ang gustong gawin ni Nick ay walang problema. Hindi rin naman mahigpit ang namamahala ng all girls dormitory niya sa oras. Minsan na rin kasi siyang sinundo nito ng gabi para lang mag-roadtrip silang tatlo ni Christoff sa Tagaytay. Alas tres na siya nang umaga nakauwi noon.
“Hindi. Iba ito. Just get down here, all right?”
“T-tayo lang ba na dalawa?”
“Hindi. Kasama ko si Christoff.”
“All right.” Natetensyon si Lavander kapag magkasama lamang silang dalawa ni Christoff. Pero parang mas nakakatensyon ang isipin na sila lamang dalawa ni Nick. In Christoff’s arms only, she felt uncomfortable. But with Nick, pakiramdam niya ay nasa panganib siya. Kaya ang marinig na kasama si Christoff ay maayos para sa kanya.
Sandaling nag-ayos lamang si Lavander ng sarili at bumaba na. Binuksan ni Christoff ang passenger seat. Pinaupo siya nito roon.
“Pero---“
“Come on, Ava. Nakakasawa rin na palaging si Christoff ang katabi ko rito sa unahan,”
Tumango si Christoff. Sa back seat ito umupo.
Nang makasakay at mag-umpisang umandar ang kotse ni Nick na ito mismo ang nagda-drive ay tinanong niya kung saan sila pupunta.
“Just showing you another part of my world.” Kumindat pa sa kanya si Nick.
Kumunot ang noo ni Lavander. Nang mapatingin siya sa rearview mirror ay napansin niya na hindi komportable si Christoff. Hindi ba maganda ang sinasabing part of the world ni Nick para maging ganoon ang reaksyon nito?
Pero hindi naman nagtagal ay nahawa rin siya sa nararamdaman ni Christoff. Pinaharurot ni Nick ang sasakyan nang makarating sila sa high way.
“Nick!” saway ni Lavander. Muntik na siyang sumubsob sa dashboard sa lakas ng pagpapahururot ni Nick.
Tumawa lang si Nick. “Nagpa-practice lang ako. At dapat, nagsusuot ka rin ng seat belt mo.”
Inayos ni Lavander ang seatbelt pero parang hindi pa rin iyon nakatulong sa bilis magpatakbo ni Nick ng kotse. Dahil sa bilis rin noon ay mabilis silang nakarating sa pupuntahan nila. Nagkaroon na naman nang hula si Lavander kung ano ang gagawin nila at nakumpirma iyon nang makita ang marami rin na magagandang sasakyan at mga kabataan na nasa paligid. May mga winawagayway pang improvise flag ang mga ito.
“Nasali ka sa mga drag racing...”
Ngumisi si Nick. Mukhang proud pa sa ginagawa nitong kalokohan. “Welcome to the world, Ava.”
Tumingin si Lavander kay Christoff. “A-at ikaw?”
Umiling ang lalaki. “Sinasamahan ko lang palagi si Nick.”
Tumawa si Nick. “Ano ba naman na klaseng tanong `yan, Ava? Paano sasali si Christoff eh wala naman siyang sariling kotse?”
Nainis si Lavander sa komento na iyon ni Nick. Bakit ba may pakiramdam siya na palaging minamaliit ni Nick ang kaibigan? Naiinis siya dahil pakiramdam niya ay nasasaktan rin siya para kay Christoff. Pero bago pa siya makapagsalita ay may pumito. Mag-uumpisa na raw ang laro. Sa gulat niya ay hinapit ni Nick ang baywang niya at hinalikan ang kanyang pisngi. Mas lumala yata ang kanyang inis.
“Para saan iyon?”
“For good luck. I will consider you as my lucky charm tonight, Ava!” kinindatan pa siya nito bago lumayo.
Nang tumingin si Lavander kay Christoff, napansin niya na madilim ang mukha nito. Nainis rin ba ito sa ginawa ng kapanghasan ng kaibigan sa kanya? Ganoon pa man, hindi ito nagsalita at ginaya na rin naman niya ito. Magkatabi sila habang nanonood ng makapigil na hininga na laro.
“Oh my God!” hindi na napigilan ni Lavander na mapahawak sa dibdib sa kaba. Napakabilis ng pagpapatakbo. Paikot ang track na iyon kaya nakikita nila kung ano ang nangyayari.
Hinawakan ni Christoff ang balikat ni Lavander nang maramdaman nito ang kaba at pagkataranta niya.
“Paano kung may mangyaring masama kay Nick?!” napasigaw si Ava nang makitang halos tumaob ang isang sasakyan ng isang kasali. Out na ito sa laro. Napaiyak na rin siya nang may sumunod pang isa rito. Wala naman na nasaktan pero masyado na siyang nilukob ng pag-alala sa kaibigan.
Niyakap ni Christoff si Lavander para kumalma. Niyakap rin niya ito. Nawala ang tensyon na nararamdaman niya. Hindi rin niya naramdaman ang tensyon na palagi niyang sinasabi na nararamdaman niya kapag sila lamang dalawa ang magkasama. Naging komportable siya sa yakap ni Christoff. Nagustuhan niya ang init na dinala ng katawan nito sa kanya.
May pakiramdam rin si Lavander na kaya siguro niyang mabuhay habang buhay sa yakap na iyon ni Christoff. Gustong-gusto niya ang warmth ng katawan nito na kung hindi nga lamang rin siya kinakabahan para kay Nick, malamang ay napasubsob pa siya para namnamin ang yakap.
Nang matapos ang laro at makabalik sa starting point si Nick, saka lamang kumawala si Lavander kay Christoff. Pinagalitan niya si Nick. Hindi pa rin nawawala ang inis niya sa kabila ng ginawa ni Christoff. Pinagsusuntok niya ang dibdib nito.
“Nakakainis ka talaga!”
Nakangisi si Nick. “Why? Nanalo naman ako, ah.” Ibinigay pa nito sa kanya ang trophy nito.
Itinapon iyon ni Lavander sa inis. “At sa tingin mo ay ikatutuwa ko `yan? Tinakot mo ako nang husto!”
Hinawakan ni Nick ang balikat ni Lavander. Itinaas nito ang mukha niya para magsalubong ang tingin nila. Tinitigan siya ng lalaki. “You cared for me.”
“Siyempre naman!”
Natulala sa kanya si Nick. Pero nang makabawi ay niyakap siya nito. “Thanks for that, Ava. Na-appreciate ko iyon nang husto.”
Halos lunurin si Lavander nang higpit ng yakap ni Nick. Pero sa halip na maging komportable kagaya nang ginawa sa kanya ni Christoff, wala siyang maramdaman na ganoon. Sa halip, nakakaramdam pa siya ng takot. Wala rin init kagaya ng yakap ni Christoff ang dala ni Nick sa kanya.
Pero teka, bakit ba niya kailangang ipagkumpara ang dalawa?
DUMATING ang sembreak. Halos tatlong linggo rin ang bakasyon nina Lavander. Umuwi siya sa bahay nila sa Batangas. Pero pakiramdam niya ay parang umuwi lamang siya para ma-bored.
Pakiramdam ni Lavander ay nagkaroon ng kulay ang buhay niya simula nang mag-aral siya sa Maynila. Masaya kasi siya sa company nina Christoff at Nick. Hindi kagaya sa bahay na wala naman siyang madalas na ginagawa. Madalas na nanonood lamang siya ng TV ngayon pero nagsasawa na siya. Hindi rin naman kasi niya hilig iyon. May pakiramdam siya na gusto niya na kahit papaano ay makasama o makausap man lamang ang dalawang kaibigan. Pero paano niya magagawa iyon kung nagkaroon ng technology failure ang bakasyon niya?
Nasira ang cell phone ni Lavander. Halos hindi rin siya nakakagamit ng internet. Ano ba naman kasi ang gagawin niya sa internet kung naka-blocked ang pinakanangungunang social networking site sa mundo? Isang computer engineer ang ama ni Lavander kaya naggawa nitong i-block ang ilang social networking site sa home connection nila. Kaya raw nito ginawa iyon ay dahil sa Ate Pinky niya. Nakita raw kasi ng kanyang ama na nag-post ito ng mga malalaswang larawan ng sarili nito sa Facebook. Hindi iyon nagustuhan ng kanyang Papa kaya minabuti nito na i-block ang ilang social networking sites. Pakiramdam tuloy ni Lavander ay wala siyang mundo dahil roon. Wala siyang connection sa mga kaibigan. Wala rin siyang kaibigan sa mga kapitbahay kaya hindi niya ma-enjoy ang bakasyon. Isa pa, ang tanging gusto lang naman talaga niyang makausap at makasama ay sina Nick at Christoff. Hindi niya maggawa ang mga iyon dahil sa kawalan niya ng technology.
Sabi ng Papa ni Lavander ay bibilhan naman daw siya ng bago. Pero lumipas na ang isang linggo ay hindi pa rin. Pakiramdam tuloy niya ay nade-depress na siya. Iyon nga lamang, hindi na rin naman niya ganoong pinalaki ang kanyang expectation. Alam niyang sa kanilang magkakapatid, siya ang least priority.
Tatlong magkakapatid sina Lavander at siya ang nasa gitna. Ramdam niya na mas gusto ng kanyang mga magulang ang Ate Pinky niya at ang bunso nilang lalaki na si Red. Lahat ng luho ng dalawa ay mabilis ng mga itong nakukuha. Hindi rin pinag-aral ng mga magulang niya si Ate Pinky sa Maynila dahil delikado raw roon. Ingat na ingat ang mga ito sa Ate niya. Samantalang siya ay ang mga ito pa mismo ang nagsabing doon siya mag-aral na para bang ipinatapon na lang sa lugar. Kapag kumakain sila, ang dalawa muna ang tinatawag bago siya. Mas alaga ng mga ito ang dalawa kaysa sa kanya. Minsan ay iniisip niya na dahil may pagkasakitin ang dalawa, pero madalas na naiisip niyang unwanted child siya. Ayon kasi sa kuwento ng Lola niya, dalawa lang naman talaga ang balak ng mga magulang na anak. Isang babae at isang lalaki. Pero dahil hindi siya lalaki, nabigo ang mga ito at sinubukan pa na mag-anak ng isa.
Isa rin iyon siguro sa dahilan kung bakit malungkot siya sa bahay. Sinubukan na lang niyang manghiram ng cell phone kay Red para kumustahin ang dalawang kaibigan. Sinabi niya sa mga ito ang iisang lugar para ma-contact siya ng mga ito dahil sa mga technology failures nga niya. Doon lang siya puwedeng makausap kung interesado ang mga ito.
Sa twitter.
Ibinigay ni Lavander ang username niya sa twitter para i-follow siya ng mga ito. Hindi niya masyadong nagagamit ang Twitter niya pero iyon lang ang social networking site na mayroon siyang account na hindi naka-blocked sa home connection nila.
Ilang sandali pagkatapos ipadala ang text message, nagbukas si Lavander ng laptop. Nagpunta siya sa twitter. May isang nag-follow sa kanya---si Christoff!
Awtomatikong tinignan niya ang profile ng lalaki. Isa lang ang tweet nito, isa lang rin ang pina-follow---siya. At nang tignan niya kung kailan ito nag-member, ngayon lang nito ginawa.
Teka, nag-member ba si Christoff para lang makausap ako? Sa isipin na iyon ay nakaramdam ng masarap na kilabot sa katawan si Lavander. Na-miss kaya siya ng lalaki?
Bumaba ang mata ni Lavander sa nag-iisang tweet ni Christoff. Noon lang niya napansin na m-in-ention pala siya nito. Para sa kanya ang nag-iisang tweet nito.
@CLozada: @AvaBanana: Hey
@AvaBanana: @CLozada: Hello. Kumusta na?
Sumagot si Christoff. Naging mahaba pa ang usapan nila sa Twitter ng lalaki---bagay na hindi nila nagagawa sa personal. Paano ay hindi naman talaga ito palasalita sa personal. Hindi rin sila masyadong nag-uusap sa text, depende na lamang kapag may itatanong sila sa isa’t isa tungkol sa mga assignments o projects. Pero siguro nga, na-miss siya nang husto ni Christoff kaya ganoon.
Nawala ang kalungkutan niya sa bahay sa pakikipag-usap lamang kay Christoff gamit ang Twitter.
@CLOZADA: I don’t want to miss you but always in the end, I cannot help but do.
Ang tweet na iyon ni Christoff ang unang bumungad kay Lavander nang magbukas siya ng laptop. Tatlong araw na rin na hindi siya nakapag-online. Nagbakasyon kasi silang pamilya sa Puerto Galera. Tatlong araw sila roon at hindi siya pinayagan na magdala ng magulang ng laptop. Bukas pa raw siya ibibili ng cell phone ng mga ito kaya kahit may wifi sa resort na pinuntahan nila, wala rin siyang contact sa mga kaibigan. Well, at least kay Christoff. Hindi naman kasi mukhang pinansin ni Nick ang text message niya. Tumawag ito isang beses kay Red para kausapin daw siya pero hindi na umulit nang sabihin niyang hindi dapat. Palaging gamit ni Red ang cell phone nito at nainis pa nga nang makigamit siya. Sinabihan niya si Nick na gumawa na lamang ito ng twitter para makausap siya pero hindi naman ito naging interisado.
Pinindot ni Lavander ang favorite button. Hindi naman siya naka-mention sa tweet pero na-feel niya na para sa kanya iyon. Sino pa ba ang paparinggan ni Christoff samantalang hanggang ngayon ay siya pa rin ang nag-iisang pina-follow nito? Isang linggo na silang nag-uusap palagi sa twitter. Siya lang rin ang kausap nito. Gusto niyang mag-assume pero mas masasabi niya na gusto rin talaga niya ang tweet dahil nakaka-relate siya roon.
Na-miss rin niya si Christoff hindi man niya gustuhin iyon. Bata pa siya para maramdaman ang mga ganoong feeling kaya gusto rin niya na pigilan. Pero gaano man niya gawin, hindi niya maggawa. Sa totoo lang ay nanabik siyang umuwi na ng bahay para makausap lang ito kahit papaano. Kaya paano pa kaya kapag nag-umpisa na ang pasukan? Block section sila kaya panigurado na magkaklase pa rin sila. Nang i-enroll rin siya ng magulang at makita ang section at tanungin rin niya ng kaparehas si Christoff ay ganoon rin raw ang rito. Nasasabik na siya sa pasukan para makasama ito. And well, sige, isama na rin si Nick. Na-miss rin naman niya ang kalokohan nito. Pero nakakatawang ang maisip at makausap lang niya online si Christoff ay napapangiti na siya. Hindi na niya kailangan ng kalokohan ni Nick. Ang makausap lamang pala si Christoff ay masaya na siya.
Ni-reply-an ni Lavander ang tweet na iyon ni Christoff.
@AvaBanana: Uy, may nami-miss! :’> Care to tell me about it?
@CLozada: He-he. Just that... Welcome back, Lav! Kumusta ang bakasyon?
Itinaas ni Lavander ang hopes niya na baka kahit papaano ay magparamdam sa kanya si Christoff na tama ang kanyang iniisip. Hindi tuloy niya maiwasan na ma-disappoint sa sagot nito. Ganoon pa man, ipinagsawalang-bahala na muna niya ang disappointment. Baka nahihiya lang ang lalaki. Darating rin ang tamang panahon at masasabi na rin nito sa kanya ang nararamdaman. Hinayaan na lang muna ni Lavander ang sarili na manabik sa tamang panahon na iyon.