Chapter 32

@Tweets4Lavander: Day 607: There will always come a point that you have to realize that some people can stay in your heart, but not in your life.

“WELCOME back, Ava! Na-miss kita!” kinurot ni Nick ang pisngi ni Lavander nang magkita muli sila sa mismong araw ng pasukan. Inakbayan rin siya nito. “Ikaw ba, na-miss mo ba ako?”

“O-oo naman.” Sagot ni Lavander. Pagkatapos ay kumalas siya sa pagkakaakbay. Tinignan niya si Christoff.

“Hey. Welcome back,”

Binigyan siya nito ng nahihiyang ngiti. “Welcome back,”

Bumalik muli sa dati si Christoff. Tahimik. Parang nawala ang taong araw-araw siyang kinukumusta sa Twitter. Pero inintindi na lang ni Lavander na baka mahiyain talaga ito sa personal.

Sa kabila ng mga naramdaman niya na may nagbago sa pagitan nila dahil sa pag-uusap nila sa Twitter, hindi naman nagbago ang pakikitungo nito sa kanya sa personal. O siguro ay hindi lang nito maipakita. Kapag kasi magkakasama sila, palaging parang si Nick na lamang ang bida. Ang dami nitong kuwento at hindi rin ito umalis kaya walang oras na naiiwan silang dalawa ni Christoff.

Haay, buti na lang may Twitter. At least roon, parang amin ang mundo ni Christoff. Hi-hi!

Hindi naman sa hindi niya gusto ang kompanya ni Nick. Na-miss naman talaga niya ito. Pero sa munting mundo na binuo nila ni Christoff sa Twitter, pakiramdam niya ay mas na-e-enjoy na niya iyon ngayon kaysa kapag magkakasama silang tatlo na hindi naman niya nakakausap ang lalaki. Bihira lang ito na magsalita. Pinagsisihan niya noon nang maisip niya na ang boring kapag wala si Nick. Nadiskubre na kasi niya na mas masarap pala sa bagong mundo na nabuo nila ni Christoff online. Mas gusto niya itong makasama. Pinagbago ng sembreak na iyon ang pananaw niya.

Natapos ang unang araw ng second semester. May panggabi silang klase sa unang araw pa lamang---hanggang alas nuwebe. Kadalasan ay hinahatid siya ng dalawa kapag uwian, lalo na kapag ganoong gabi na. May dala na namang sasakyan si Nick. Nagyaya itong kumain muna sila ng late dinner sa isang fast food restaurant. Nagpaunlak silang dalawa ni Christoff. Pero sa halip sa dorm niya ang diretso pagkatapos, nagpunta muli sila sa lugar kung saan ito nakipag-drag racing dati siya nito dinala. Mukhang maaga kaysa sa dati ang laro ngayon. Halos puno na ng nanonood at mga sasakyan ang lugar.

“Nick?” kahit si Christoff ay nagtaka rin. Malamang ay hindi sinabi ng kaibigan rito ang balak.

Hindi pinansin ni Nick si Christoff. Sa halip, may ibinigay itong pulang flag sa kanya.

“Para saan ito?”

“Kapag winagayway mo ang flag na `yan, titigil ako sa pangangarera. Ngayon at panghabang buhay. But with a consequence, papayag ka na magpaligaw sa akin.” Kumindat ito pagkatapos.

Nanlaki ang mga mata ni Lavander. “Ano? Seryoso ka ba?”

“Indeed I am. I like you. Napagtanto ko iyon sa buong sembreak natin. Na-miss kita nang husto and I think, it just indicates something, right?”

Napatingin si Lavander kay Christoff na mukhang nagulat rin sa sinabi ni Nick.

“P-pero Nick...”

Hinawakan ni Nick ang kamay niya. “I love the way you care for me, Ava. Noong nakita ko kung gaano ka nag-aalala sa akin noong una akong nag-drag racing, I really felt so special. Noon lang ako nakakita ng babaeng nagpahalaga sa buhay ko ng ganoon. Simula noon ay nagustuhan na kita...”

Masyadong nagulat si Lavander na nabitawan na ni Nick ang kamay niya at nakaalis na rin sa harap niya ay hindi na muli niya maggawang mag-react. Hindi niya maggawang iproseso. Gusto siyang ligawan ni Nick!

Kung naiibang babae lang siguro si Lavander, baka kanina pa niya naiwagayway ang flag. Maraming babae ang nakakagusto kay Nick at siya ang napili nito.

Pero hindi niya ito gusto.

Tumingin si Lavander sa lalaking nahiling niya na sana ay dito niya narinig ang mga salita ni Nick. Nakatiim-bagang at madilim ang mukha ni Christoff. Pero kagaya ng dati, tahimik na naman ito.

Nagsimula na ang racing. Bumangon na naman ang takot sa puso ni Lavander. Isinisigaw ng kanyang isip na iwagayway na ang bandila. Napakabilis ng pagpapatakbo ng mga kasali sa drag racing. Kaunting mali lamang ay maaaring ikamatay iyon ni Nick. Pero kung papayag siya na magpaligaw rito gayong wala naman siyang nararamdaman rito...hindi ba at parang pinatay na rin niya ang puso niya?

Ano ba ang mas mahalaga? Ang kapakanan ng sarili niya o ang buhay ng kaibigan niya?

Gusto pa na mag-isip ni Lavander pero nang makita niya na may gumigitgit sa kotse ni Nick, alam na niya ang kailangan niyang gawin. Itinaas niya ang bandila.

Kagaya ng ipinangako ni Nick, tumigil na ito. Lumabas ito ng kotse at niyakap siya.

“You really are special to care like that for me...and I promise you, sooner ay magagawa mo rin na aminin sa akin na espesyal ako sa `yo.”

Kaya nga kaya ni Lavander? Kung sa halip na intindihin ang sinabi at mga maaaring susunod na mangyari sa buhay niya sa pasabog ni Nick ay mas gusto niyang intindihin ang nararamdaman ni Christoff na hindi pa rin nawawala ang pagdidilim ng mukha...

BUKOD sa wala naman nararamdaman si Lavander kay Nick, kinakabahan rin siya sa mga susunod na gagawin nito sa kanya. Makulit si Nick at may pagkamahangin rin. Sa paraan rin kung paano nito sinabi na may gusto ito sa kanya, hindi na rin siguro kataka-taka kung bakit siya natatakot. Baka pilitin siya ng lalaki.

Pero hindi naman ganoon ang nangyari. Isang buwan na ang nakalilipas simula nang sabihin ni Nick ang nararamdaman sa kanya. Masasabi naman niya na may nagbago. Araw-araw kasi siyang binibigyan ng bulaklak ni Nick. Pinagdadala rin siya nito ng mga gamit niya. Dati ay madalas lamang kung ihatid at sunduin siya nito sa dorm niya pero ngayon ay palagi na iyon. Araw-araw. Nararamdaman niya ang pagpapahalaga at pag-aalaga nito.

Nawala rin ang takot ni Lavander hindi katagalan. Hindi naman kasi siya pinilit muli ni Nick. Matiyaga itong nanligaw sa kanya. Wala rin bakas ng pagkainip. Inintindi rin nito na nalito at nagulat pa rin siya sa lahat. Bago sa kanya ang lahat. Palagi nitong sinasabi na masasanay rin siya sa mga ginagawa nito at masasabi na kapag nagtagal, magugustuhan rin niya ang lahat ng iyon. Magugustuhan rin niya ito.

Hindi masasabi ni Lavander na lubos na nagugustuhan na nga niya si Nick. Pero ang mga ginagawa nito sa kanya, gusto niya iyon. Pakiramdam niya ay alagang-alaga siya. Espesyal siya. Hindi niya kasi naramdaman iyon noon, eh. Walang atensyon ang mga magulang niya sa kanya samantalang si Nick, proud pa na binibigyang atensyon siya nito. Palagi rin nitong sinasabi na kapag daw nagkaroon ng family gathering ay isasama siya nito. Masyado kasing busy ang magulang at kapatid ni Nick kaya naman kahit ilang beses na siyang dinala nito sa bahay ng mga ito ay wala ni isa pa ang nakikita ni Lavander sa personal. Nasa ibang bansa rin ang ama ni Nick. Gusto ni Nick na kapag ipinakilala siya nito sa pamilya nito ay buo ang mga iyon.

Dumating ang Christmas Vacation. Dahil nasa ibang bansa ang ama ni Nick, doon gugulin ng mag-anak ang pasko. Tradisyon na rin daw iyon. Isang araw pagkatapos ng exams, lumipad ang mga ito patungo sa Australia. Pero kahit ganoon, hindi pa rin pinabayaan ni Nick si Lavander. Kinausap nito si Christoff na umalalay sa kanya sa pag-uwi naman niya sa Batangas.

“May flower pa rin?” namilog ang mata ni Lavander nang makita na may dalang bulaklak si Christoff.

Walang emosyon ang mukha na tumango ito. “Utos ni Nick na padalhan ka pa rin.”

“Oh...” Ang sweet ni Nick. Gusto naman niya iyon...pero parang mas magugustuhan niya kung mahahawa naman kahit kaunti noon si Christoff. Tinanggap niya ang bulaklak. Kinuha ni Christoff ang mga gamit niya at ito na ang nagdala. Biyahe lamang sila hanggang bus station dahil hindi marunong mag-drive si Christoff at underage pa rin naman na kagaya niya. Pareho silang seventeen years old.

Pagdating sa bus station ay mahaba ang pila.

“Ipipila na kita. Maupo ka muna sa isang tabi,”

Umiling si Lavander. “Ayaw ko. Nakakahiya naman sa `yo.”

Tinaasan ng isang kilay ni Christoff si Lavander. Ginaya rin niya ito.

“Lav,” saway naman nito nang mapansin na niloloko niya ito.

Tumawa si Lavander. “Ang seryoso mo talaga. Minsan ay napapaisip ako kung paano kayo naging magkaibigan ni Nick...”

Naglihis ng tingin si Christoff. “Mayroon talagang mga bagay na kahit hindi mo gusto, kailangan mo na gawin.”

Kumunot ang noo ni Lavander. “Anong ibig mong sabihin?”

Napipilitan lang ba na makipagkaibigan si Christoff kay Nick? Dahil parehong empleyado ng pamilya Fradejas at sa mismong bahay rin nina Nick nakatira si Christoff, malaki ang utang na loob nito kay Nick. Ang utang na loob lang ba ang dahilan ng pagpayag ni Christoff na maging kaibigan si Nick gayong kakaiba ang ugali ng mga ito?

Nagkibit-balikat si Christoff. “Wala.”

“Wala eh may sinabi ka nga. Hmmm... o siguro ay may mga bagay rin na kahit may ibig kang sabihin, hindi mo na kailangan na sabihin.”

Tumawa si Christoff dahil ginaya ni Lavander ang seryosong hugot nito. Nawala na ang kuryosidad ni Lavander sa nararamdaman ng lalaki tungkol kay Nick. Nag-focus na lang ang isip niya sa tawa na iyon ni Christoff. Why, iyon lang naman ang pinakaunang beses na narinig at nakita niya itong tumawa!

Napatitig na lang si Lavander kay Christoff. Wala na siyang pakialam kung para siyang tanga na nakatanga rito. She wanted to savor the moment.

“Hmmm...?” untag naman sa kanya ni Christoff nang mapansin ang ginagawa niya.

“Ah, ang cute mo pala kasi...” hindi na napigilan ni Lavander na masabi ang tunay na nakikita at nararamdaman sa lalaki. Kung naiisip niya na guwapo si Christoff kahit palaging seryoso, napaka-refreshing ng mukha nito kapag ganoong tumawa. Tila bigla rin na nawala ang tensyon na palagi niyang nararamdaman kapag magkasama sila. May kung ano pa na natunaw sa puso niya sa nasaksihan.

Namula si Christoff na lalo pang nagpa-cute sa tingin niya rito. “T-talaga?”

“Yeah. Dapat tumatawa ka palagi, Christoff.”

Nagkamot ito ng ulo. “I’ll try.”

“No. Gawin mo palagi.” Inilagay ni Lavander ang kamay sa mukha nito. She forced his lips to form a smiley. “There. Para cute ka palagi.”

Nang inalis ni Lavander ang mga kamay niya sa mukha nito ay tuluyan na itong ngumiti. Napangiti na rin si Lavander. Medyo maulan kaya madilim ang paligid pero sa ginawa nitong iyon ay tila naging summer ang panahon. Napakaliwanag.

Umandar ang pila. Ilang sandali pa ay nakasakay na rin naman si Lavander ng bus. Sinigurado pa ni Christoff na nakasakay na siya ng ayos. Sumakay rin ito ng bus para hindi na talaga siya mahirapan sa kanyang mga gamit.

“Thank you so much,”

“You’re welcome,” ngumiti na muli ang lalaki nang ngumiti rin siya. May kinuha ito sa bag nito pagkatapos. Maliit na paper bag iyon, color Lavander pero may mga Christmas designs. “Merry Christmas,”

Bahagyang namilog ang mata ni Lavander nang ibigay nito sa kanya ang paper bag. “Oh... thank you lalo. Nakakahiya, wala man lang akong nabili para sa `yo!”

Ganoon ka rin naman kay Nick ng bigyan ka niya pero bakit hindi ka nahiya? Sutsot ng isang bahagi ng utak ni Lavander. Isang mamahaling relo ang regalo ni Nick sa kanya. Maaga itong nagbigay pero hindi man lang sumagi sa isip niya na bigyan niya ito ng sukli sa ginawa.

“It’s okay. Paano ba `yan, paalis na ang bus?”

Tumango si Lavander. “Yeah. Thank you ulit. I’ll see you soon...and tweet later?”

Tweet later...like laters, Baby? Napangisi si Lavander nang maisip iyon. Mahilig rin naman kasi siya na magbasa at minsan na niyang nabasa ang libro na fifty shades of Grey. Paborito kasi iyon ng kapatid na si Pinky at kahit wala pa sa tamang edad para magbasa noon ay pinilit siya nito para raw may kakuwentuhan ito sa libro. Hindi niya masasabi na nagustuhan niya ang libro dahil hindi siya na-in love sa character ni Christian Grey. Pero nagustuhan niya ang mga conversations nila Anna at Christian. Lalong-lalo na ang katagang Laters, Baby.

But well...hindi dapat itaas ni Lavander ang kanyang pag-asa. Pagkatapos ng lahat, walang namamagitan sa kanila ni Christoff kundi pagkakaibigan lang. Wala pa. Nag-uusap pa rin naman sila sa Twitter pero hindi na iyon kagaya noong sembreak. Umaasa siyang babalik muli sa dati ngayong hindi na sila araw-araw nagkikita.

“Yeah, tweet later.” Wika ni Christoff at nagpaalam.

May nagbago na sa mundo ni Lavander simula nang ligawan siya ni Nick. Pero kung papipiliin siya...mas gusto niyang bumalik muli sa mundo na binuo nila ni Christoff kahit through social media lang naman iyon.

PAG-UWI ni Lavander ay saka lamang niya binuksan ang regalo ni Christoff. Hindi pa rin naman dapat dahil hindi pa pasko. Pero hindi niya napigilan ang kanyang sarili. Nang mabuksan ang regalo ay medyo napakunot noo pa siya.

Isang supot na naglalaman ng dried flowers iyon. Potpourri---naalala niyang tawag roon. Lavander potpourri to be in fact. Na-touch rin naman si Lavander dahil parang binibigyang specialty rin ng lalaki ang kanyang pangalan. Pero hindi niya expected iyon. Ganoon pa man, sinubukan niyang tanggalin sa supot ang dried flowers at ilagay sa ibang lalagyan. Ayon sa nalaman niya, pampabango raw iyon ng paligid.

Hindi inaasahan ni Lavander ang regalo pero hindi rin niya inaasahan ang nakita sa loob ng dried flowers. May necklace sa loob! Pinakatitigan niya iyon at nakitang kagaya ng Lavander dried flowers ay ganoon rin ang kulay ng heart-shaped na bato na pendant noon. Inilagay niya iyon sa leeg niya kahit hindi siya mahilig magsuot ng necklace. Hindi niya lang feel. Pero maganda pala. Nagustuhan niya ang lapat ng necklace sa leeg niya.

O dahil gusto mo lang talaga ang taong nagbigay?

Na-bother si Lavander sa tanong ng isang bahagi ng kanyang isip. Bakit niya naisipan na isuot agad? Samantalang ang regalo ni Nick ay binuksan lang niya at nang makita ang laman ay ibinalik muli niya sa lalagyan?

Pero hindi na muna niya inisip iyon. Hindi pa naman talaga kasi niya napapagdesisyunan ang nararamdaman niya para kay Nick. Gusto niya ang mga ginagawa nito. Pero hindi ang lubos na ito. Hindi ang mga pakiramdam na pinaparamdam nito.

Kinuhanan ni Lavander ng larawan ang sarili habang suot ang necklace. Ipinadala niya iyon kay Christoff sa direct message. May ilang mga kaklase na silang naka-follow sa kanila at dahil sa estado niya ngayon at ni Nick, inisip niya na maging discreet kahit papaano. Regalo lang iyon at wala dapat bigyan ng kahulugan dahil alam rin naman ng iba na barkada niya si Christoff. Pero ano ang iisipin na ang munting regalo na iyon ay naggawa niyang i-post samantalang ang kay Nick ay hindi?

@AvaBanana: Thanks!

Naka-attach sa direct message niya ang photo.

@CLozada: You’re welcome. How was it? Nagustuhan mo ba?

@AvaBanana: Of course. Ang ganda! :D

@CLozada: I know..that’s why it suits you. :’>

Kinilig si Lavander. Sinabi ba ni Christoff na maganda siya?

@AvaBanana: Hehe... Gustong-gusto mo talaga ang pangalan ko ano? Ang daming touch ng Lavander.

@CLozada: I like your name, eh. :D

Errr... Puwede bang I like you na lang?

@AvaBanana: Ganoon?

@CLozada: Yeah. Sabihin mo pa sa akin ang reaction mo about sa necklace...

@AvaBanana: Isusuot ko ito araw-araw. Gusto ko talaga siya...

@CLozada: No...anong napansin mo sa itsura niya?

@AvaBanana: Gusto mo na i-describe ko? Well, kulay lavender at heart shaped ang pendant...

Pagkatapos i-type at i-send ni Lavander ang tweet ay natigilan siya. Wait, may gusto ba na sabihin si Christoff tungkol roon...lalo na sa heart shaped?

Napakamahiyain ni Christoff para umamin. Pero masyadong curious si Lavander na malaman.

Habang nagsisimula pa lamang si Nick... Habang hindi pa huli ang lahat.

@AvaBanana: May gusto ka ba na sabihin about doon?

Matagal rin bago nag-reply si Christoff. Mga twenty minutes.

@CLozada: Wala naman. Anyway, good night. Maaga nga pala ako bukas. Tweet you tomorrow!

Lavander hate goodbyes...lalo na sa mga bagay na na-e-enjoy niya. Pero mas nakaramdam pa siya ng pagkainis ngayon. Nahalata naman kasi niya na parang may tinatago si Christoff. May gusto itong sabihin. May gusto nga yata talaga ito sa kanya!

Maaaring nahihiya lang talaga si Christoff. O sadyang naunahan lang ito ni Nick kaya hindi rin nito diretsahan na masabi iyon sa kanya? But then...maraming oras noon. Ramdam niya noon na may kakaiba na. Hindi lang nito gustong kumilos. At kung totoong gusto talaga siya nito, hindi ba dapat ay matuto rin ito na ipaglaban siya? Hindi dapat nito hinayaan si Nick.

Nahihirapan ng intindihin ni Lavander si Christoff. Naggawa tuloy niyang tanungin sa kanyang sarili kung bakit nga ba sa kabila ng ugali nitong iyon ay mukhang mas ito pa ang nagugustuhan niya kaysa kay Nick. Hindi dapat niya magustuhan ang isang tao na hindi naman siya kayang ipaglaban o iparamdam man lang sa personal ang pagkagusto nito sa kanya.

APAT na araw pagkatapos ang pasko ay nagulat si Lavander nang gisingin siya ng ina. Ang akala niya noong una ay dahil sa tanghali na siyang gumising. Ganoon kasi siya kapag nasa Batangas siya. Malamig kasi ang panahon, lalo na ngayong Disyembre. Mag-alas nuwebe na nang maggising siya. Pero ang dahilan pala kaya siya ginising ay may bisita raw siya. Nang makita kung sino iyon ay lalo siyang nagulat. Si Nick iyon!

“Anong ginagawa mo rito?”

Ngumisi ang lalaki. “Ipinagpapatuloy ang panliligaw sa `yo,” wika nito saka binigyan siya ng boquet ng pulang rosas. Nang tumingin siya sa kanyang pamilya ay nakita niya na may ganoon rin ang Ate Pinky at Mommy niya. Mas maganda nga lamang ang kanya at mas malaki. Ang Daddy naman niya ay may hawak na mamahaling alak. Si Red naman ay mayroong bagong game disc ng Xbox nito.

“Ang suwerte mo, girl! Pati kami nililigawan nitong manliligaw mo,” tila kinikilig na wika pa ng Ate Pinky niya.

Tinignan ni Lavander si Nick. Nagtataka pa rin siya. Masyado siyang nagulat sa pangyayari. “Paano mo nalaman ang bahay namin? At saka `di ba dapat ay nasa Australia ka?”

“Ipinilit ko na umuwi na kami agad. Na-miss na kasi kita, eh. Isa pa, magkaibigan tayo. Nasabi mo na sa akin ang tungkol sa pamilya mo at tungkol dito sa bahay niyo. Madali lang naman hanapin. Ano ba kasi ang akala mo? `Di ako nakikinig sa mga kuwento mo para hindi ko malaman ang tungkol sa `yo at sa pamilya mo?”

Minsan ay ganoon nga ang nasa isip niya. Paano kasi ay kapag may pakiramdam siya na gusto palagi ni Nick ay nakasentro ang atensyon rito na kapag nagsasalita silang dalawa ni Christoff ay pumapasok at lumalabas lamang iyon sa tainga nito.

“Well, salamat kung ganoon...” tumingin muli si Lavander sa pamilya. Gusto niyang malaman kung ano ang reaksyon nito. Masaya ang kanyang Ate at si Red. Nakangiti ang kanyang ina. Pero ang kanyang Daddy...parang walang emosyon. Ayaw ba nito ng ginawa sa kanya ni Nick?

Hindi naman masisisi ni Lavander ang Daddy. Bata pa siya kung maituturing. Ang Ate Pinky nga niya nang magka-boyfriend ay hindi nito nagustuhan. Iniisip niya na malamang, ganoon rin ito sa kanya.

Pero ganoon nga ba samantalang hindi naman nila ako ganoong pinapapahalagahan?

Nagsalita si Nick. “Kung puwede po sana ay i-date ko ang anak niyo?”

Tumingin ang Daddy ni Lavander sa kanya. “Kakagising lang ng anak ko.”

“I’m willing to wait, Sir.”

Pinakatitigan ng Daddy niya si Nick. Tumingin ito sa kanya pagkatapos. “Then its up to my daughter.”

Umalis na ang Daddy niya. Pumayag na siya na makipag-date kay Nick. Paano ba siya makakatanggi? Pakiramdam niya ay naistorbo niya ang lalaki. Mahigit dalawang oras ang biyahe sa kanila mula sa Maynila.

Inayos ni Lavander ang sarili. Lagpas alas-diyes na nang makaalis sila ng bahay. Medyo mabagal kasi siyang kumilos, lalo na ngayong malamig ang panahon. Inihatid siya ng Ate Pinky niya hanggang sa gate. Humanga pa lalo sa lalaki nang makitang may dala na sasakyan si Nick.

Siniko si Lavander ng kanyang Ate Pinky. “May kapatid ba `yan, Ava? Ipakilala mo naman ako, o!”

“Sige. Sabihin mo lang sa akin kapag babae na ang preference mo, ha?”

Nalukot ang mukha ng kanyang Ate. “Ay sayang.”

Sumakay na ng sasakyan ang dalawa. Doon sinubukang magtanong pa ni Lavander kay Nick. “S-si Christoff nga pala?”

Sandaling tumingin sa kanya si Nick. “`Di ba puwedeng tayong dalawa lang naman minsan? We’re not talking about friendship here, Ava.”

Napayuko si Lavander. “`Sorry. Nanibago lang kasi ako.”

“It’s okay,” tanggap ni Nick saka ngumiti.

Dinala ni Nick si Lavander sa mall para doon ay i-date. Napansin niyang napangiwi ito nang makita ang mall. “Ganito pala ang mga mall sa probinsya.”

“Yeah. Walang masyadong magagawa dito. Pero may sine naman, kung gusto mo?”

“Why not?” hinila siya ni Nick sa sinehan. Maraming tao dahil buwan ng Disyembre---Metro Manila Film Festival. Inaasahan niya na maiinip si Nick dahil likas na iyon sa lalaki. Kaya nagtaka siya na wala man lang kahit anong reklamo ang lalaki.

“It’s because I am with you. Paano ako maiinip kung kasama ko naman ang taong nagpapakulay sa mundo ko?”

Ganoon ba talaga siya ka-interesting? Marami naman ang nagsasabi kay Lavander na maganda daw siya. May pagka-mestiza siya, may kahabaan ang tuwid na buhok pero may pagkamaliit siya. Five feet lamang ang height niya kaya masasabi niya na hindi siya perpekto...pero sa mga ginagawa sa kanya ni Nick, pakiramdam niya ay napakaperpekto niya. She felt special...lalo na at talagang ipinapakita pa iyon ni Nick sa lahat. Ang lakas ng loob nito na dumalaw sa kanyang pamilya.

Naging maayos naman ang date. Alas singko nang ihatid siya nito sa bahay nila. Nagpaalam na rin ito hindi katagalan. Gagabihin ito sa daan.

Nang makaalis si Nick ay nagkomento ang Daddy ni Lavander. “Mukha naman siyang mabait.”

“Gusto niyo po siya, Daddy? Okay lang po sa inyo kung ligawan niya ako?”

Tumango ang kanyang ama. Nagreklamo ang Ate Pinky niya.

“Ang daya mo, Daddy! Bakit noong dinala ko rito si Robert ay nagalit kayo sa akin?” Si Robert ang first boyfriend ng Ate niya pero isang taon na rin nang maghiwalay ang dalawa.

“Dahil dinala mo siya rito noong boyfriend mo na siya. Hindi noong nililigawan ka pa niya,” tumingin ang Daddy kay Lavander. “Mabuti ang ginawa niya, Anak. Gusto ko iyon.”

“Dahil dinalhan ka niya ng alak, Daddy?” sabat ni Red. Mahilig sa alak ang ama pero hindi naman ito lasenggero. “Ako kasi gusto ko siya kasi binigay niya sa akin na game disc. Ang astig noong laro. Na-try ko na!”

“Of course not. Gusto ko siya kasi marunong siyang gumalang. Marunong siya na manligaw. Ganoon ang gusto kong lalaki para sa mga anak kong babae. Iyong marunong rumespeto at sa bahay nanliligaw at hindi sa daan,” binigyan nito nang makahulugan na tingin ang kanyang Ate Pinky. “Maigi iyong ganoon. Malakas ang loob. Matapang. Marunong ipaglaban ang nararamdaman. Alam ko na magiging mabuti iyon sa anak ko sa mga ugali na iyon. Hinayaan rin niya ang sarili niya na makilala namin. Hindi kagaya noong mga ibang lalaki na kung saan-saan nanliligaw. Madalas pa nga ay sa text at online lamang. Anong klaseng lalaki ang ganoon? Mahihina. Takot. Duwag. Layuan niyo ang mga ganoong klase, ha?”

Sa mga huling sinabi ng ama ay medyo naliwanagan pero nalungkot si Lavander. Naalala kasi niya si Christoff. Ang pagpapalipad hangin nito sa kanya ay palaging sa Twitter lang nito ginagawa. Tama ba ang ganoong lalaki para sa kanya? Kahit masasabi niya na gusto niya ito...mukhang hindi nga tama na ganoong lalaki ang kanyang magustuhan.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.