Chapter 35

@Tweets4Lavander: Day 454: Everyday I look into the sky because everyday I miss you. Although I can’t see you there, I still felt happy knowing that you’re just there because we’re still under the same sky.

SA TUWING kasama ni Christoff si Lavander ay nakakaramdam siya palagi ng tensyon. There was just this electrifying aura na hindi niya maipaliwanag. Palagi kasi ang lakas ng tibok ng puso niya. Lahat rin ng mga bagay-bagay ay gusto niyang bigyan ng kahulugan ng dahil rito. Nagiging komplikado ang payapa lang naman talaga dapat niyang buhay dahil sa mga nararamdaman rito. Pero ngayong araw ay mas lalo pang lumakas ang tensyon.

Mag-aalas siyete nang umalis sila ng bahay. May allowance na iyon para hindi sila ma-late sa pagpasok sa Brookshire. Pero alas-siyete y medya na ay mabagal pa rin ang usad ng sasakyan. Male-late na sila. Kailangan nila na makarating ng alas otso sa Brookshire para maipasa ang proyekto. Ang professor pa naman nila ay hindi gusto na magpasa ng late. Sabi rin ng mga higher year, kapag late na magpasa ng proyekto sa professor na ito ay madalas na hindi nito tinatanggap.

Bilang scholar, hindi maaari na payagan iyon ni Christoff. Kailangan niya na panatilihin ang kanyang grade. Pinagpapawisan na siya.

“Wala na po ba ibibilis ang bus na ito, Kuya?” tanong ni Christoff. Malayo pa sila sa Brookshire.

“Nakikita niyo naman na traffic `di ba?” sarkastikong sagot ng driver.

“May aksidente daw. Anong oras ba ang pasok niyo?” wika at tanong ng konduktor. Bus ang sinasakyan patungo sa Brookshire dahil iyon lang ang dumadaan sa harap ng Brookshire. May LRT naman sa malapit pero maglalakad pa ng kaunti kaya mas convenient pa rin na sakyan ang bus. Palagi rin kasing mahaba ang pila at puno ang LRT kapag ganoong oras.

Sinagot ni Lavander ang konduktor. Napailing-iling ito. “Late kayo panigurado. Mag-LRT na lang kayo,”

Nagkatinginan sila ni Lavander. Umiling siya, maaaring ma-late rin kasi sila kapag ganoon. Pero hinawakan ni Lavander ang kamay niya. “Tara na,”

“Ha?”

“Wala na tayong choice. Ang pinakamagandang daan ay ang LRT,”

Pinagbuksan ng driver sila ng pinto. Saktong nasa tapat rin naman sila ng isang LRT station.

“Ang haba ng pila!” lalo pang natensyon si Christoff. Hindi siya madalas nag-LRT kaya hindi siya nag-a-avail ng beep card. Malamang ay wala rin na ganoon si Lavander. Jeep naman kasi ang palaging sinasakyan nito kapag papasok sa school. Kapag pumila pa sila, malamang ay hindi na sila makakarating sa tamang oras kahit dalawang estasyon na lang ang layo ng station kung nasaan sila ngayon at ang station na malapit sa Brookshire.

Hinawakan na naman ni Lavander ang kamay ni Christoff. Lalo yata siyang natensyon. Pinaharap pa siya nito bago sila tuluyang makisali sa pila.

“Makinig ka sa akin,” walang tensyon ang mukha ni Lavander. Nakangiti pa ito. Bahagyang nahawa si Christoff...though pakiramdam niya ay matutunaw siya. Lumalambot ang puso niya makita lamang na nakangiti si Lavander.

“A-ano iyon?”

“Hold me like you care for me.”

Napalunok si Christoff. The thought made him tenser. Kaya naman niyang gawin iyon...pero baka hindi niya mapigilan na totohanin talaga iyon. Natatakot siya. Alam naman kasi niya kung ano ang katayuan niya kay Lavander. “What?”

Hindi na nagpatumpik-tumpik si Lavander. Kinuha nito ang kamay niya at inilagay iyon sa baywang nito. Nanghina si Christoff...yet it felt so good. It felt so good to be so close to her like this...

“Ano bang gusto mo na gawin?”

Kinindatan lang siya ni Lavander. “Just hold me like you care for me...ako na ang bahala para hindi na natin kailangang pumila at makarating tayo ng tama sa oras sa klase natin.”

Natetensyon man ay pumayag na rin si Christoff. Nagtiwala siya kay Lavander. Umakyat sila sa lane kung saan tanging may mga beep card, senior citizen, disabled at mga buntis lamang ang puwede. In short, fast lane.

“Nasaan ang card niyo?” tanong kaagad ng guard.

Si Lavander ang nagsalita. “Buntis ako, Manong.”

Napanganga si Christoff.

Kumunot noo ang guard. Tumingin ito sa tiyan ni Lavander. “Sigurado ka ba? Hindi ka mukhang buntis.”

“Ako nga, Manong. Two months. Hindi mo ba napapansin ang mukha ko? I’m pale. Palagi kasing masama ang pakiramdam ko...”

“Pero---“ pinaglipat nito ang tingin sa kanilang dalawa ni Christoff. “Napakabata niyo pa! Mga estudyante.”

Hindi nagsalita si Lavander. Sa halip ay um-acting pa ito na parang mahilo-hilo. Humilig ito sa kanyang dibdib. Natuliro sandali si Christoff pero kinuha naman niya ang ulo nito. Sumabay siya sa acting.

“Hmmm...”

“You’re going to be okay. Phase lang ito ng paglilihi mo, H-honey.” Shit, magandang endearment ba iyong honey? “I mean, Lav...oh, Honey Lav!” natuliro na si Christoff.

Sandaling tinignan pa sila ng guard pero bumuntong-hininga sa huli. “O siya, umakyat na nga kayo. Ang mga kabataan talaga ngayon...”

Naramdaman niya na ngumisi si Lavander. Umakyat na sila. Nang makabili ng ticket at makapasok na sila, hihiwalay na sana siya rito. Pero hinila siya ni Lavander sa pinakauna kung saan mga babae, disabled, pregnant at senior citizen lamang ang puwede.

Namula nang husto si Christoff. Tumawa naman si Lavander.

“Honey, baka balikan tayo ni Manong Guard. Dapat dito tayo...” kumapit pa sa braso niya si Lavander.

Napailing-iling si Christoff sa kalokohan ni Lavander. Kagaya niya ay mahiyain rin naman ito dati. Pero ngayon ay na-feel niya ang loka-lokang side nito. Though nagustuhan naman niya iyon. Para rin naman iyon sa sake nilang dalawa. Pero mas magugustuhan niya sana kung totoo ang lahat.

Nakakiliti sa pandinig ni Christoff ang tawag na “Honey” ni Lavander. Nakakakilabot ang pakiramdam na hinahawakan siya nito at ngayon ay patuloy pa rin na hinahawakan. Gusto niyang mapangisi sa ginawa nilang pagpanggap at sa thought na buntis si Lavander at siya ang ama kaya naggawa rin siyang papasukin ng guard sa LRT para maalalayan ito. Though masama rin ang isipin na nabuntis niya si Lavander sa edad nila pero ang isipin ni siguro sa future ay maaaring mangyari iyon ay nagbibigay ng masayang pakiramdam sa kanya.

Masaya siya basta ba si Lavander ang pinag-uusapan. Si Lavander na unang babae na nagustuhan niya nang husto. Na minahal niya sa kanyang sariling paraan...pero hindi siya naggawang makita. Siguro nga ay minsan sa buhay niya ay naramdaman rin niya na naging espesyal siya rito. Pero kung ganoon nga, kung totoo nga iyon, bakit hindi siya nito pinaglaban? Kung totoo ang nararamdaman nito sa kanya, hindi ito susuko at ibabaling ang atensyon kay Nick.

Pero ngayong wala ng Nick sa pagitan nila...maaari na nga kaya nila na maituloy ang pag-ibig na hindi kailanman niya naggawang malimot kahit nakadaan na ang mga taon?

DALAWA lamang ang klase nila Lavander ngayong araw. Alas-otso hanggang alas nuwebe y medya ang kanilang thesis at ang sumunod noon ay alas diyes y medya hanggang alas dose. Pero dahil absent ang kanilang professor sa sumunod na subject, maaga silang nakauwi. Lahat ay nagdiwang ng dahil roon. Halos lahat kasi ay nagkaroon ng last minute preparation para sa software design presentation nila. Puyat ang marami sa mga kaklase at ganoon rin sina Lavander at Christoff. Umuwi na sila pagkatapos ng klase upang makapagpahinga.

Pero si Lavander, kahit puyat na maituturing dahil kaunti lang rin naman ang kanyang naitulog, ay hindi pa rin maggawa na makatulog. Naalala niya ang mga nangyari sa nagdaang oras. Sinubukan niyang i-satisfy ang kanyang sarili. Nagbukas siya ng kanyang laptop at nagpunta sa twitter. Nagpadala siya ng direct message kay Christoff.

@AvaBanana: Thanks...honey?! :*

Pumikit si Lavander. Hindi niya sigurado kung sasagot si Christoff roon...pero umasa siya na oo. Kaya ang saya ng puso niya nang wala pang isang minute nang mag-reply rin ito sa kanyang direct message.

@CLozada: What for...honey? :D

Napangiti si Lavander. Was he being naughty? Pinatulan nito ang kanyang kalokohan. Nag-enjoy rin kaya ito sa ginawa nilang pagpapanggap sa LRT kanina para lang hindi sila mahuli sa klase? Dahil siya...sobrang nag-enjoy siya roon.

Minsan na nakita ni Lavander na ginawa iyon nang estudyanteng male-late sa klase. Alam niya palabas lang rin iyon dahil narinig niya ang pag-uusap ng dalawa para magpanggap. Kinagat iyon ng guard at masaya siya na kinagat rin iyon nang sila naman ang gumawa. Pero mas masaya siya na naggawa nila iyon ni Christoff...ang isipin na mag-nobyo nga sila ni Christoff.

@AvaBanana: For the perfect project. Hehe! Congrats!

Kahit kakagawa lamang nila ng panibagong software design ay mataas pa rin ang grade nila. Perfect, in fact. Gusto niyang pasalamatan nang husto si Christoff roon dahil ito naman talaga ang may pinakamalaking itinulong.

@CLozada: No worries. And don’t take many credits on me. Isa ka rin sa gumawa nito, remember?

@AvaBanana: Yeah. Pero ikaw ang pinakamarami. Ikaw ang talagang napuyat. And speaking of that, bakit gising ka pa? Shouldn’t you be resting?

@CLozada: Yeah. I was about to. Nag-notify lang bigla ang message mo na ito.

@AvaBanana: Okay then. `Di na kita istorbohin for that. Salamat muli and good night...I mean mornight 

@CLozada: Okay...and its okay. Thanks, too...and good mornight! Tweet later? 

Lavander’s heart skipped a beat. Naalala niya ang palagi nilang pag-uusap ni Christoff sa Twitter dahil sa tweet later na iyon. Maaari na kaya nilang ibalik ang kagaya sa dati? Ang isang gabi ba ay puwedeng magpabalik muli sa dati?

Hindi masama. Gusto niyang mag-move on pero hindi sa buong nakaraan. Kay Nick lang talaga ang gusto at kailangan niya. Dahil ang malaking parte ng nakaraan niya noon kay Christoff? Mas gusto niyang mag-move forward roon...ang ituloy ang dating naudlot.

@AvaBanana: Yeah, tweet later, Honey. :D

@CLozada: Nah, parang mas better yata ang tweet later, Lav. Kagaya ng dati. 

Yeah...sana ito na talaga ang inaantay kong pagbabalik ng dati at panibagong simula.

@Tweets4Lavander: Day 432: I made myself busy with all the things to do. But every time I took a break, I cannot stop thinking of you.

NAGING maayos ang mga sumunod na araw. Pakiramdam ni Lavander ay naging normal na magka-partner sila ni Christoff. Hindi na lamang sila sa online gumagawa---sa school library ay ganoon na rin sila kapag free time. Pakiramdam niya ay may nagbabago na nga. Bagong simula.

Dahil rin sa pagiging abala nila sa iba’t iba pang gawain sa iba pa nilang subject kaya masasabi ni Lavander na nagkalapit muli silang dalawa. Napakarami nilang proyekto sa school at mahihirap na assignments. Para maka-survive, kailangang sumangguni ni Lavander sa mga kaklase. Iyon nga lamang, dahil si Christoff ang pinakamatalino sa kanila, ito ang palaging nakakasagot at nakakatulong sa lahat.

Pero hindi kagaya noong una, hindi na nahiya pa si Lavander na magtanong kay Christoff. Pakiramdam niya ay binago talaga siya ng pag-overnight nila na iyon. Naging at ease ang nararamdaman niya rito. Hindi niya alam pero nawala rin ang tensyon na nararamdaman niya simula nang mag-overnight sila at ang mga nangyari pagkatapos noon. Paano kasi ay nararamdaman niya na hindi na rin si Christoff kagaya ng dati. Wala ng pagkailang kapag nagkakasalubong sila...sa halip, nagngingitian at nagtatanguan na silang dalawa.

Masasabi ni Lavander na kahit masyado silang abala, ito na ang pinakakomportableng panahon niya simula nang maglaho si Nick.

Naging abala sila sa mga nagdaang araw na pakiramdam ni Lavander ay nawalan na siya ng oras para totoong mag-relax. Gustong-gusto niyang manood ng movie. Natapos naman ang lahat ng pagiging abala nila sa mismong araw kung saan last showing na ng matagal na niyang inaantay na pelikula: Ang Fantastic Four.

Mahilig si Lavander sa mga Marvel Movies. Lahat ng movies na base sa sikat na comic book na iyon ay pinapanood niya---lahat ay sa sinehan. Hindi rin niya palilipasin ang pagkakataon ngayon. Kaya lang ay may problema siya: wala siyang kasama. Palagi kasing ang Ate Pinky niya ang kasama niya kapag nanonood siya ng sine. Hindi siya nakauwi sa mga nakaraang linggo dahil na rin sa pagiging abala niya nga. Nanood na rin ito kasama ang isang kaibigan.

Hindi napansin ni Lavander na hanggang sa klase, mukha pala talaga siyang namomroblema. Nilapitan siya ni Christoff. “Hmmm... Bakit mukhang malungkot ka?”

“Ha? Ah, eh---“ hindi pa sa tingin ni Lavander ka-close talaga ni Christoff para i-share niya rito kadali ang problema. Pero problema nga ba talaga iyon? Napakaliit lang naman noon kung ituturing. Isa pa, kung pipilitin niyang iwasan si Christoff, hindi ba at parang sisirain lang noon ang nag-uumpisa na nilang magandang samahan?

Sinabi na ni Lavander ang problema.

“Problema ba iyon? Sasamahan kita. Hindi pa rin ako nakapanood.”

Lumundag ang puso ni Lavander. Pakiramdam tuloy niya ay natigilan siya dahil roon. Well, hindi naman niya kasi iyon inaasahan.

Tumikhim si Christoff. “Kung iyon ay gusto mo lang naman.”

Bakit hindi? Hindi ba at iyon ang matagal na niyang gustong mangyari at inaantay pa rin hanggang ngayon? Si Christoff ang magkusa. Ang magkaroon ng lakas ng loob.

“Sige,” pagpayag ni Lavander. Ang laki ng ngiti ni Christoff at nahawa rin si Lavander. Pagkatapos ng klase ay dumiretso na sila sa mall.

Pagdating sa ticket booth ay nag-insist si Christoff na magbayad ng ticket. “Uy, ano ka ba, ako na ang magbabayad ng ticket.”

“Hindi, ako na.”

“KKB!”

Nagtalo sina Christoff at Lavander. Nakakuha tuloy sila ng atensyon.

“Ikaw naman, Miss. Normal lang na ang boyfriend ang magbayad. Hayaan mo siya. Mabuti nga `yan, gentleman at galante. Samantalang `yung boyfriend ko...” umismid ang babaeng sa tingin ni Lavander ay mas matagal lang sa kanya ng ilang taon.

Namula si Lavander. “H-hindi ko naman siya boyfriend.”

“Hindi?” nanlaki pa ang mata ng babae. “Hala, bagay pa naman kayo!”

“Thanks,” si Christoff ang sumagot. Ang laki ng ngiti nito.

“Nagliligawan pa lang yata kay nag-iinarte,” komento naman ng isa na nakarinig ng usapan.

How I wish ganoon nga!

Hindi na pinansin nina Christoff at Lavander ang mga tao. Sa huli ay nagwagi rin si Christoff. Nalibre siya ng sine kaya sinigurado niyang siya naman ang manlilibre ng mga pagkain. Kakamot-kamot ito nang halos sigawan niya ito dahil sa ayaw pa rin nito na pumayag na magpalibre.

Hindi na ganoon karami ang mga tao nang pumasok sina Lavander at Christoff sa sinehan. Hanggang sa magsimula ang sine ay ganoon rin. Hindi niya masyadong gusto ang ganoon dahil pakiramdam niya ay kakaunti lamang ang taong makikita na engross sa panonood hindi kagaya kapag blockbuster ang tao. Pero nawala rin naman ang masamang pakiramdam ni Lavander nang mag-umpisang magkomento si Christoff. Halatang gusto rin nito ang pinapanood dahil sa iba’t ibang komento nito. Ganoon rin sila ng kanyang Ate kapag nanonood.

Nagustuhan ni Lavander ang pelikula pero pakiramdam niya ay mas nagustuhan niya iyon ngayon dahil sa company ni Christoff. Noon ay hilig rin naman nila na mag-date ni Nick sa sinehan pero hindi nangyari sa kanya ang ganoong klase ng enjoyment. Pero magtataka pa ba siya? Ramdam niyang sa kabila ng pagpigil niya ng nararamdaman kay Christoff noon at pagbigay na lamang ng atensyon kay Nick, ay may iba pa rin. Napatunayan niya iyon ngayon.

She was still supposed to be mourning for Nick’s loss. Pero bakit tila nalimutan niya ang lahat at ginusto na lamang na mag-move on simula nang mabasa niya ang tila sagot sa posts niya sa BSU Secret Files? At ang account na @Tweets4Lavander...

Malaki pa rin talaga ang nararamdaman niya sa lalaking gumawa niyon.

Paglabas nila ng sinehan, sinalubong sila ng booth ng mga Fantastic Four merchandises. Nakaugalian na ni Lavander na bumili kapag ganoong Marvel show ang palabas. Dumiretso siya roon at sumunod naman si Christoff. Namili siya ng design ng T-shirt. Tatlo lamang ang design dahil ayon sa sales lady ay nagkaubusan na raw. Nakapili naman siya at luckily ay may available na size na kasya sa kanya. Hindi ganoon ang kapalaran ng napiling design ni Christoff na nagkaroon rin ng interes na bumili. Walang size nito ang available sa napiling design.

“`Yung kagaya na lang naman po noong nabili ni Ma’am ang size na kasya sa inyo, Sir.” Ipinakita pa ng sales lady ang damit.

“Maganda naman pero...” tumingin si Christoff kay Lavander. Tila nanghihingi ng permiso. “Okay lang ba sa `yo?”

“Ha? Bakit naman hindi magiging okay sa akin?”

“Magkasintahan ba kayo, Ma’am? Okay `yan. Parang couple shirt!” humagikgik ang sales lady.

Ah, so ganoon ba ang iniisip ni Christoff? Nakita niyang mukhang ganoon nga nang mapatingin siya rito. Kakamot-kamot na ngumisi ito sa komento ng sales lady.

Ngumiti si Lavander. “Well...I don’t mind.”

Sandaling natigilan si Christoff pero ngumiti rin naman sa huli. In fact, naging napakalaki na naman ng ngiti nitong iyon. Kung makikita niya palagi ang ngiting iyon ni Christoff, balewala na sa kanya kung makikita ng mga tao na couple nga sila. Bakit pa? Samantalang positive pa nga iyon sa kanya. Sa tuwing nakikita niya si Christoff sa ganoong lagay, pakiramdam niya ay kasama niya ang pinakaguwapong lalaki sa buong mundo.

“AHEM. Mukhang may nagkaka-develop-an yata dahil sa thesis, ah? Couple shirt alert!” bumungad ang boses na iyon ng isang kaklase ni Lavander pagkapasok pa lamang niya ng classroom. Sumipol pa ito. Pinaglipat-lipat ng mga kaklase niya ang tingin sa kanya at kay Christoff.

Namula si Lavander. Wash day nila ngayong araw. Isinuot niya ang nabiling Fantastic Four at ganoon rin si Christoff. Ito na nga ang sinasabi ng sales lady na magmumukhang couple shirt nga nilang dalawa!

Tumayo ang isa nilang kaklase na palaging katabi ni Christoff. “Dito ka na, Ava. Para mukha talaga kayong mag-jowa ni Christoff!”

Umupo ang kaklase sa normal na inuupuan ni Lavander. Dahil siya ang pinakahuli sa klase, occupied na ang lahat ng upuan. No choice siya kung hindi umupo sa tabi na nga ni Christoff na binakante ng kaklase. Nakakahiya pero tiniis niya. Pagkatapos ng lahat, pumayag naman siya na bilhin rin iyon ni Christoff `di ba? Nakaramdam rin siya ng kilig and she just wanted to make the most of it.

“I’m sorry. Dapat pala bago ko isinuot ay tinanong kita,” nahihiyang ngumisi si Christoff kay Lavander.

“Okay lang,” Okay lang naman talaga dahil nagustuhan talaga iyon ni Lavander.

“At okay rin kayong dalawa,” ang pinakatsismosa sa klase nilang si Maan na nasa unahan nila Christoff at Lavander ngayon ang nagsalita. Sa totoo lang ay ito ang kaklaseng pinakaiiwasan niya, lalo na noong mga panahon na nagkagulo sila ni Christoff. Natatakot siya sa pag-iintriga nito.

“Ha?”

Ngumiti si Maan. “Okay kayong dalawa. Bagay kayo.”

Tumingin si Lavander kay Christoff na nagliwanag ang mukha. Nagkatinginan sila at bago pa man sila makapag-react sa komento ng kaklase ay nagsalita na muli si Maan.

“Dati ko pa naman napapansin na bagay kayo, Ava at Christoff. Ewan ko ba dito kay Ava at mas pinili na magpaligaw kay Nick.” Ngiti-ngiting komento nito. “And speaking of that, baka naman puwede niyo ng ibunyag ang nangyari kay Nick, o.”

Sumabat ang iba pang kaklase nina Christoff at Ava. “Oo nga. Ang tagal na namin na curious kay Nick. Curious rin kami sa nangyari sa barkadahan niyo. Pero ngayong mukhang okay na naman kayong dalawa, baka naman puwede niyo ng ikuwento?”

Ang daming umayon. Lahat ng mga kaklase ay ibinaling ang tingin sa kanilang dalawa. Uhaw na uhaw ang mga ito sa impormasyon. Pero hindi masisisi ni Lavander ang mga ito. Kahit siya ay ganoon rin.

Tumingin si Lavander kay Christoff. Namutla ito. Hindi mapakali.

“Ano na?” kulit pa ng ilan.

Hindi nagsalita si Lavander. Paano niya gagawin samantalang kahit matalik rin siyang kaibigan at girlfriend nga ni Nick ay wala rin siyang kaalam-alam? At kung tutuusin, sa kanilang dalawa, si Christoff talaga ang nakakaalam. Parehong nakatira sa iisang bahay ang mga ito. Imposibleng hindi nito alam kung bakit biglang naglaho na lamang na parang bula ang lalaki...

Ginaya rin ni Christoff si Lavander. Nanahimik ito. Nanahimik rin naman at napangiwi ang mga kaklase ng walang kahit sinong nagsalita sa kanila. Nalungkot ang mga ito na walang napigang impormasyon. Pero mas nalungkot si Lavander. Naalala niya ang nakaraan.

Paano niya magagawang mahalin pa rin ang isang taong nagtago sa kanya ng sikretong karapatan naman talaga niyang malaman? Bakit niya naisip na makipag-ayos rito, ang kiligin rito, samantalang hindi pa nga nila naaayos ang gusot ng nakaraan?

Two Years Ago

ISANG LINGGO ng hindi pumapasok si Nick. Isang linggo ng walang balita si Lavander rito. Kahit sa cell phone ay hindi ito nagpaparamdam. Masyado siyang nanibago kung bakit. Walang nangyaring masama sa kanila sa araw nang huli niya itong makita. In fact, masaya ang huling araw na nakita niya ito. Sinagot na niya si Nick. Magnobyo na sila. Kaya ang laking pagtataka niya kung bakit hindi na ito muling nagpakita sa mga sumunod na araw.

Naging mahirap para kay Lavander na ibaling ang atensyon niya kay Nick mula kay Christoff. Pero sa huli ay naggawa rin naman niya. Sa tingin niya. Pinakiramdaman niya ang sarili sa buong bakasyon na malayo siya sa dalawa. Na-miss niya si Nick. Halos linggo-linggo rin naman siya na dinadalaw nito sa Batangas pero kapag nagkakahiwalay sila ay nami-miss niya ito. Dahil roon, masasabi niya na siguro ay may nararamdaman rin siya kay Nick. Napagpasyahan na niyang sagutin ito, tutal pumayag na rin naman ang kanyang mga magulang.

Pero sa isang hindi maipaliwanag na kadahilanan ay nagbago ang lahat. Nawala si Nick.

Sa tuwina ay kinukulit ni Lavander si Christoff. Sino pa ba ang makakapagsabi sa kanya ng impormasyon tungkol kay Nick kundi ito na rin lang naman?Malapit si Christoff kay Nick. Magkasama pa sa bahay. Pero sa tuwina rin ay hindi siya sinasagot ni Christoff. Pero mahahalata naman na sa tuwing kinokompronta niya ito ay magulo ang mukha nito.

“Wala nga akong alam,” naglihis sa kanya ng tingin si Christoff. Sinubukan niyang puntahan ito sa bahay dahil sa wala pa rin siyang mahita kay Christoff. Isang kasambahay ang nakausap niya at kagaya ni Christoff, hindi rin daw nito alam ang sagot.

Lumayo si Christoff kay Lavander. Sa totoo lang, simula nang sagutin niya si Nick ay lumayo na talaga ito sa kanya. Iniiwasan siya nito. Inisip niya na ayaw lang nitong mangulit siya sa ilang beses niyang pagtatangka na magtanong tungkol kay Nick.

“Ikaw na lang ang pag-asa ko, Christoff...” paiyak na si Lavander. Kinakabahan siya sa nangyari. Ano ba talaga iyon? May nangyaring masama ba kay Nick? Nag-aalala siya nang husto para rito. “Kumusta na si Nick? Okay lang ba siya? Kumakain ba siya nang ayos---“

“Okay lang siya. Masaya ka na?”

“Kung ganoon ay alam mo talaga kung nasaan siya para masabi mo iyan. Sabihin mo sa akin ang nangyari...”

“Can’t you just let him go, Lav?”

“What?! Paano ko ile-let go ang isang taong kakakuha ko lamang? At paano mo naggawang sabihin sa akin ito, Christoff?”

Sandaling tinitigan ni Christoff si Lavander. Yumuko rin ito pagkatapos. Nag-umpisa na naman itong maglakad, lumayo sa kanya.

Pinigilan ni Lavander si Christoff. Mahigpit na hinawakan niya ang braso nito. “`Wag mo namang gawin sa akin ito...”

“Nasasaktan rin ako, Lav...” Mariing pumikit si Christoff. Binitawan ni Lavander ang braso nito pero hindi pa rin ito nagmumulat. Nag-alinlangan tuloy siya kung ang tinutukoy nga ba talaga nito ay ang mahigpit niyang paghawak niya sa braso nito o iba na iyon.

“K-kung nasasaktan ka...paano pa ako?” nagsimula ng umiyak si Lavander. Nagmulat si Christoff at nanlaki ang mga mata nang makumpirma ang nangyari sa kanya.

“Sa mga iyak mo, lalo mo lang akong binibigyan ng dahilan para---“ hindi nito naituloy ang sasabihin. Ipinikit muli nito ang mga mata. “Hindi talaga...”

“Kaibigan ka ni Nick. Kaibigan kita...hindi pa ba sapat iyon para sabihin mo sa akin ang katotohanan?”

“I’m sorry. Pero hindi. Wala kang makukuha sa akin, Lav. I’m sorry...”

“I trust you. Both of you. Ang sakit na naggawa niyo pareho sa akin ito.” Sinimulan niyang pagsusuntukin si Christoff. Naiinis siya. Kaibigan niya si Christoff. Wala man lang ba itong pakialam na nasasaktan siya sa pagtatago nito ng impormasyon sa kanya? Ramdam naman kasi niya na may alam ito. Hindi lang nito iyon sinasabi.

Hinayaan lang ni Christoff si Lavander. “Okay lang na saktan mo ako. Pero tandaan mo na hindi ako ang may kasalanan sa `yo, Lav...”

Umiling si Lavander. “Hindi lang si Nick. Ikaw rin. Sa pagtatago mo sa akin ng tunay na nangyari sa kanya, sinasaktan mo na rin ako, Christoff!”

Nang hindi pa rin maggawang magsalita ni Christoff, alam na ni Lavander ang gagawin. Simula na iyon ng pagtatapos ng pagkakaibigan nila.

@AvaBanana: I hate getting flashbacks from things I don’t want to remember.

NANG mabasa ni Christoff ang tweet na iyon ni Lavander ay pinindot niya ang favorite button. Bahagya siyang naginhawaan na ganoon ang nararamdaman ni Lavander. Pakiramdam kasi niya ay galit ito sa kanya. Kung hindi man galit, masama ang loob. Kibuin-dili muli siya nito sa buong araw at naisip niyang dahil iyon sa pag-ungkat ng mga kaklase tungkol kay Nick.

Kahit hindi man gustong isipin ni Christoff at pinili na lang na mag-move on, palaging mamagitan sa kanila ni Lavander si Nick.

@AvaBanana: But then...in able to move on, someone needs closure. Sana dumating na ang tamang panahon para maibigay mo sa akin iyon. Sana malaman ko na ang lahat.

Walang kahit sinong naka-mention sa bagong tweet ni Lavander. Pero may pakiramdam na siya na para kay Nick iyon.

But of course, walang magiging pakialam si Nick roon. Wala itong twitter. At hindi niya nga sigurado kung naiisip pa rin nito ang katarantudahan na ginawa nito kay Lavander.

Naisip na niya na maaaring saktan ni Nick si Lavander noon. Hindi ito madalas na seryoso sa mga bagay-bagay. He was naughty, wild. Pero gusto man niya ito na pigilan noon, ipinakita at minsan na rin siya na naniwala na seryoso ito kay Lavander. Niligawan nito si Lavander at matagal rin iyon. High school ay mabarkada at nakailang girlfriend na rin si Nick. Pero tanging si Lavander lamang ang niligawan nito at masasabi niya na determinado ito na makuha.

But it all turns out na sinira lang rin niya ang paniniwala ko. May choice siya pero hindi niya ginawa.

Bumuntong-hininga si Christoff. Alam niyang hindi magagawa ni Nick ang gusto ni Lavander. Pero siya...kaya niyang gawin iyon. At least, ang ibigay kaalaman ang nangyari dalawang taon na ang nakakaraan.

Pero tama na ba ang panahon? Makakaya na ba ni Lavander? At si Nick...nangako siya rito. Pero importante pa ba talaga ang pangako niya gayong alam na alam niyang naka-move on na naman ito? Si Lavander na lang ang hindi. Gusto naman niyang tulungan ang babae. May pag-aalinlangan siya noon. Pero napakarami ng pagbabago ng noon at ngayon.

@CLozada: @AvaBanana: Are you free tonight?

@AvaBanana: @CLozada: Para saan?

@CLozada: @AvaBanana: To answer all your questions...

@AvaBanana: @CLozada: Matagal na akong libre para sa bagay na iyon.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.