@Tweets4Lavander: Day 104: I miss you. More so, I miss the old you. I miss the old you that cared about me.
@LoveLavander: Day 19: #NowPlaying: Plain White T’s 1234 – “There’s only 1 thing, 2 do, 3 words, 4 you. I love you. For you, Honey. I love you.
MABILIS na nakahanap sina Christoff at Lavander ng company kung saan sila makakapag-internship. Iyon na lamang at one unit para sa thesis nila ang subject sa semester na iyon. Pero dahil wala na naman silang aasikasuhin ni Christoff sa thesis nila, tanging ang internship na lamang ang pagkakaabalahan nila. Maganda rin ang grade nila sa mga naging subjects nila last sem.
Nanatili na maganda pa rin ang takbo ng buhay nilang dalawa. Maayos ang relasyon nila at bihira sila na mag-away. Pakiramdam tuloy ni Lavander ay perpekto ang relasyon nila. Masaya siya. Almost all goes in their way. Kung siguro ay may kinababahala siya nang kaunti sa relasyon nila, iyon ay ang pangyayari rin ngayong sem. Naging maayos man ang paghahanap nila ni Christoff ng internship company, sa magkaibang kompanya naman sila. Malalayo sila sa isa’t isa.
Ganoon pa man, hindi na iyon ganoong ikinabahala ni Lavander. Inisip na niya na maaaring mangyari iyon. Darating rin ang panahon na hindi sila palaging magkasama lalo na kapag dumating sila sa real world. Hindi na iyon kagaya ng sa college na maaari ka pa na pumili ng mga ka-block mo o mag-request na gusto ko sa block na ito. Ang tanging kailangan lamang niya ay magtiwala kay Christoff. Pero hindi naman mahirap iyon sa kanya. Christoff was a nice guy. Hindi kailanman niya naisip na lolokohin siya nito. At alam niya na ganoon rin ito sa kanya. May tiwala sila sa isa’t isa.
Magandang kompanya ang napuntahan nilang dalawa. Pero kung si Christoff ay marami ng naggawa sa unang araw pa lamang nito, hindi ganoon ang kay Lavander. Wala kasi ang trainer niya. Sa isang linggo pa raw ang balik nito dahil out-of-town. May kanya-kanyang intern naman ang iba kaya hindi siya nabibigyan ng gawain o kung may nagbibigay man sa kanya, kaunti lamang iyon at pawang mga maliliit na utos lamang. Example: Magpa-file ng mga papel, magpapa-receive o `di kaya ay iuutos na dalhin ang isang papel sa kabilang department. Sobrang nainip si Lavander kaya naman pinanabikan talaga niya ang araw na pagdating ng trainer niya.
Pero hindi akalain ni Lavander na magiging isang malaking gulat sa kanya nang makilala ang trainer niya. Naisip na niyang pamilyar sa kanya ang pangalan ng trainer niya---Mary Anne Fradejas. Parang pangalan ng kapatid ni Nick. Pero napaka-common ng pangalan na iyon pati na rin ng apelyido. Maliit lamang ang chance na kapatid iyon ni Nick. Hindi rin sa kompanya na iyon dati nagtatrabaho ang Ate nito. But it turns out na iyon nga ang Ate ni Nick. Pakiramdam ni Lavander ay pinaglaruan siya ng tadhana.
“Lavander....Ava!” nakakilala naman siya ng Ate ni Nick. Naipakilala na rin siya ng huli sa pamilya nito. “Oh my God! What a coincidence. Kumusta ka na?”
Sinagot ni Lavander ang tanong ng Ate ni Nick. Maayos naman ang lahat. Pero pakiramdam ni Lavander ay binagabag siya. Hindi na niya talaga masyadong inabala ang sarili sa pag-iisip kay Nick. Pero pakiramdam niya ay ginawang cue iyon ng Diyos ngayon. Hindi siya maaaring maging tunay na masaya habang hindi niya naayos ang gusot ng nakaraan.
Nagkaroon na naman ng kapaliwanagan si Lavander tungkol kay Nick pero kulang pa iyon. Baka may ibig sabihin ang pagdating ng Ate ni Nick sa buhay niya. Siguro nga ay oras na para malaman niya ang nakaraan.
“S-si Nick po kumusta na?” naggawa rin naman na itanong ni Lavander.
Ngumiti si Ate Anne. “Okay naman siya. Actually, nandito siya sa Pilipinas. Tinamad kasing pumasok ngayong taon, eh. Kaya iyon, kinuha ko muna sa Australia para makapagbakasyon naman kahit papaano. Mas naging pasaway pa kasi kaysa dati iyon. Third year college pa nga lamang iyon ngayon doon.”
“Oh...”
“Gusto mo ba siyang makita? I’ll call him and oh...! May dinner date rin kami mamaya. Isasama na lang kita. Okay lang ba sa `yo?”
Tumango si Lavander. After all, oras na nga siguro para harapin niya ang nakaraan.
Kinapa ni Lavander ang damdamin habang parating ang oras na muli silang magkikita ni Nick. Nanabik siya pero hindi iyon sa makita si Nick dahil na-miss niya ito nang husto. Sa totoo lang ay nawala na iyon. Mas nami-miss pa nga niya si Christoff kahit kahapon lang sila muling nagkita kaysa rito. Nanabik siya dahil gusto lang niyang malaman ang iba pang nangyari rito sa nakalipas na mga taon.
“Hey, Ava! Long time, no see. Kumusta ka na?” cool lang naman si Nick sa muli nilang pagkikita. Walang tensyon na naramdaman si Lavander. Naggawa rin niyang ngumiti. Hindi niya sigurado kung tama ba iyon. Galit siya dapat kay Nick `di ba? Iniwan siya nito noon. Pinag-antay siya nito sa wala. Niloko rin. Pero kakatawang hindi niya naramdaman ang kahit ano sa mga iyon.
Masasabi ni Lavander na dahil roon, naka-moved on na talaga siya. Wala siyang kahit anong bitterness na nararamdaman sa lalaki.
“Okay naman ako. Masaya. Ikaw?”
Sinagot ni Nick si Lavander. Ang dami kaagad nitong kuwento---kuwentong puro kalokohan. Hindi pa rin talaga nagbabago ang lalaki. Parang mas lumala pa nga iyon. Hanggang sa mapunta ang usapan nila kay Christoff. Hindi naman maiiwasan talaga iyon dahil naging malaking parte nila ang lalaki.
“May balita ka pa ba kay Christoff?”
“Oo naman,” masayang sagot ni Lavander. “Actually, kami na.”
Nanlaki ang mata ni Nick. “Really? `Di pa tayo nagbe-break, ah?” tumawa ito sa huli.
Binatukan niya ito. “For sure naman, naka-ilan ka na.”
Ngumisi si Nick saka nagkamot ng ulo. “I’m sorry about that, Ava.”
“Bakit mo ba kasi ginawa iyon, Nick? Nag-antay kaya ako sa `yo.”
Nagkibikit-balikat si Nick. “Hindi ko rin alam, eh. H-hindi ko naman masasabi na mahal kita, Ava. I mean, mahalaga ka sa akin. Espesyal ka sa akin. Pero sa tingin ko ay hanggang doon lang iyon. Kaibigan kasi kita. Isa pa, natuwa talaga ako nang mag-alala ka sa akin. Iyon ang unang beses na may gumawa sa akin noon. You know, magulo ang pamilya ko. Palaging busy sila Ate, Mommy at lalo na si Daddy. Walang nagbibigay sa akin ng pag-aalaga, eh. Samantalang sa `yo, naramdaman ko iyon. Isa pa, you’re a breath of fresh air. Bago ka sa akin...so I wanted to have you.
“Ang tungkol naman sa pang-iiwan ko sa `yo, alam ko na aalis na talaga ako after that day. Hindi ako enrolled that sem pero pumasok lang ako at dahil wala pang class list ang mga professors natin dahil hindi pa ayos, hindi mo nahalata iyon. Pinatulan ko rin ang mga pinagsasabi mo that day dahil masaya ako. Gusto ko rin na masaya. Hindi rin naman pala nauwi sa wala ang pinaghirapan ko. Iniwan kita at hindi nagpaalam sa `yo dahil well, ano ba ang sasabihin mo? Ang ituloy ang relasyon natin sa pang-long distance? Hindi ko rin naman kaya at gusto ko iyon.”
“So you just left me hanging.” Naipaikot ni Lavander ang mga mata. “You’re a jerk, Nick.”
Tumawa si Nick. “I’ll accept.”
Huminga nang malalim si Lavander. Saka umiling-iling. Napaka-lame ng dahilan ni Nick. Pero hindi na rin siya nagtaka. For a spoiled like him, puro kalokohan at immaturity ang alam nito. She just wished na sana ay someday, matuto rin ito na magseryoso. She wished him good just like what is happening to her. Ayaw niyang maging bitter kahit na ba dapat ay masakit sa kanya ang lahat. Pero sa wala talaga siyang maramdaman.
“Anyway, paano naging kayo ni Christoff? Ang lalaking iyon...kaya naman pala hindi na nagre-reply sa mga messages ko. Busy na pala sa `yo.”
Nahalata niya na may contact pa rin ang dalawa pero binalewala na niya iyon. Nawala na rin naman kasi sa isip niya si Nick. Hindi na niya iyon pinahalagahan dahil masaya na siya kay Christoff. Nilimot na niya ang nakaraan. Pero masaya rin naman siya na nagkaroon siya ng kaliniwan at maayos ang dating gulo.
“Well, speaking of messages, nakalimutan ko pala na i-message siya na pumunta rito! Teka, tatawagan ko na lang. You do want to meet him, too, naman `di ba?”
Kasama nila ang Ate ni Nick pero binigyan rin sila nito ng space para makipag-usap. May isinama pa itong isang kaibigan at lumipat ng lamesa para mabigyan sila ng privacy.
Ngumisi si Nick. “Reunion it is.”
Ngumiti si Lavander. Ganoon na nga siguro ang nangyari. Masaya siya na maayos ang lahat at magkita-kita silang muli na tatlo. Pero mukhang hindi ganoon si Christoff. Iba ang boses at naging reaksyon nito nang sabihin niya na kasama niya si Nick. Though sinabi nito na pupuntahan sila nito, mahahalata na hindi ito masaya at maganda ang pagtanggap sa nangyari.
At ganoon nga ang naging reaksyon ni Christoff nang magkita-kita silang tatlo. Ngumingiti ito, pero hindi masayang-masaya na kagaya nilang dalawa ni Nick. Mukhang napilitan lang ito at bihira na rin na magsalita.
Binagabag si Lavander ng naging kilos ni Christoff. Hindi pa rin ba ito nakaka-move on sa nakaraan?
NAGULAT si Lavander nang pagbaba niya mula sa dormitory kinabukasan ay inaantay siya ni Christoff. Naka-uniform ito papasok ng internship company nito kaya paniguradong hindi naman ito absent.
“Ihahatid na kita sa intern company mo,”
Kumunot ang noo ni Lavander. “Bakit?”
“Gusto ko lang,” nagkibit-balikat si Christoff.
“Hindi kaya ma-late ka?”
Magkaiba ng schedule sina Lavander at Christoff. Alas otso ang pasok sa opisina nila samantalang alas nuwebe naman ang kay Christoff. Alas singko ang uwi niya at alas sais naman ang dito. Pero kahit may isang oras na pagitan ay malaki pa rin ang chance na mahuli ito sa trabaho. May kalayuan ang internship company nito sa kanya. Nasa Maynila pareho kaya naman kailangan na magkaroon ng extra-time para sa traffic.
“Hindi naman siguro.” Kinuha nito ang bag niya. Inihatid siya nito sa opisina.
“Text me later kapag pauwi ka na, ha? Or maybe puwede mo akong antayin para masundo ka.”
“Ite-text na lang kita. Masyado naman na hassle sa `yo kung hatid sundo mo pa ako,”
Pinisil ni Christoff ang kamay ni Lavander. “I want to, okay?” hinalikan siya ng nobyo pagkatapos.
Nagpaalam na si Lavander sa nobyo. Pero ramdam niyang nag-aalinlangan pa ito. Para bang ayaw nitong mahiwalay sa kanya. Napapansin niya ito kagabi pa na ganoon. Napaka-sweet nito. Medyo clingy. Ilang beses siya nitong tinawagan bago matulog.
“Sige na. Baka ma-late ka pa. Malapit na rin na mag-alas otso. Alam mo naman tayo na mga intern, nagpapalakas sa mga boss `di ba?” Ganoon ang payo sa kanila para ma-absorb sa company at hindi na maging hassle mag-apply sa iba.
Tumango si Christoff. Pero makalipas lamang ang ilang minuto ay nagtext ito sa kanya. Maaaring gumamit ng cell phone sa kanila kaya naggawa niyang reply-an ang mga messages nito. Naputol ang pag-uusap nila ng alas nuwebe na. Bawal mag-cell phone sa kompanya nila Christoff habang nagtatrabaho. Pero sinigurado ni Christoff na kada-break at lunch nito ay nagpapadala ito ng message sa kanya.
Nang mag-alas singko, nakatanggap si Lavander ng tawag mula rito. “O, hindi ka ba nagwowork?”
“I am. Nagpunta lang ako sa rest room. Wait for me, okay? I will pick you up.”
Hindi na pinagsalita ni Christoff si Lavander. Pinag-antay siya nito ng dalawang oras bago ito dumating. Wala naman itong kahit anong espesyal na ginawa. Sinundo lamang siya nito at sinigurado na makakarating siya ng ayos sa dorm.
Sa mga lumipas na araw ay naging ganoon si Christoff. Ilang beses na niya itong sinita na huwag na iyong gawin sa kanya. Nahihirapan ito at ganoon rin naman siya, lalo na kapag hapon. Sa halip na makauwi siya ng maaga, nale-late pa siya ng uwi para lamang maantay ang pagsundo nito sa kanya. Pero naging mapilit si Christoff. Para rin naman daw sa kanya ang ginagawa nito. Para protektahan siya.
Gustong i-appreciate ni Lavander ang ginagawa ni Christoff. Pero hindi niya maggawa. Pakiramdam kasi niya ay nasasakal siya sa ginagawa nito. Nagkakaroon na kasi siya ng mga bagong kaibigan sa kompanya, mga co-intern niya. Ilang beses ang mga itong nagyaya na mag-dinner date o `di kaya ay mag-night out sila pero hindi niya maggawa dahil kay Christoff. Isang araw ay hindi na niya napigilan na ilabas ang inis.
“Gusto kong sumama sa kanila pero palagi ka naman naka-guard sa akin. Malaki na ako, okay? `Di mo na ako kailangang araw-araw ay sunduin.”
“Fine. Sumama ka sa kanila. But first, ipakilala mo sila sa akin.”
Sa pamamagitan ng facebook, ipinakilala ni Lavander ang mga naging kaibigan sa kompanya.
“All right. Kailan ka ba nila madalas na niyaya? Sabihan mo na lang ako kapag niyaya ka so I won’t pick you up.”
Friday night ay nagyaya ang mga co-intern ni Lavander na lumabas. Sa bar sila nagpunta. Nakaramdam ng kalayaan si Lavander---pero kaunti lamang iyon. Paano kasi ay maya’t maya ang pagtawag ni Christoff.
“Ang OA ng boyfriend mo, Ava, ha.” Komento pa ng isa nilang kasama.
Ganoon rin ang tingin ni Lavander kay Christoff. Hindi naman ganoon dati si Christoff. Hindi naman ito ganoon ka-sweet, ka-clingy. Pakiramdam niya ay may nagbago rito. Kung ano iyon at anong dahilan ay hindi niya alam. Minsan na niyang tinanong si Christoff pero paulit-ulit ang sagot nito na pinoprotektahan lang siya nito dahil nga nagkalayo sila ngayon.
Alas-diyes ng gabi ay pinauuwi na ni Christoff si Lavander. Ginawa na nitong Mp3 player ang cell phone niya nang umayaw siya.
“Graduating na tayo, Christoff. And its Friday! Hayaan mo naman akong sumaya after a week of stress!” mabait naman ang Ate ni Nick na trainer niya pero marami pa rin itong pinapagawa sa kanya.
“Iyon na nga. Graduating tayo. What if may mangyaring masama sa `yo diyan? Alam mo naman ang kasabihan kapag graduating. Umuwi ka na!”
Hindi pumayag si Lavander. Patuloy na nangulit si Christoff. Nang mainis siya, pinatay niya ang cell phone.
“Nag-away pa yata kayo ng boyfriend mo dahil sa night out na ito,” komento ng isang kaibigan na nakakita ng pagkainis niya.
“Hayaan mo siya,” gusto niyang intindihin si Christoff pero nasagad na yata ang pasensya niya. Hindi naman kasi ito dating ganoon.
In-enjoy ni Lavander ang sarili sa pag-party. Uminom siya ng cocktails, sumayaw at nagpakilala sa iba. Hindi siya sanay sa mga ganoong bagay. Pangalawang beses pa nga lamang niya itong nakapasok sa bar. Ang una ay noong kasama niya ang Ate Pinky niya at sa probinsya pa iyon. Limited lang rin ang oras nila at hindi rin siya makakilos ng ayos kaya hindi siya masyadong nag-enjoy. Ngayon ay nag-enjoy siya. Mahiyain siya kaya bago sa kanya ang mga ganito. Pero masaya pala. Marami-rami rin na nakilala si Lavander. At coincidence pa na nakita niya rin sa lugar si Nick.
“Hey!” binati at niyakap pa ni Nick si Lavander.
Hindi naman na masyadong nagulat si Lavander na makita roon si Nick. Noon ay palagi rin na pumupunta ito sa bar. Mabarkada kasi talaga ang lalaki. Hindi nga lamang siya sumasama kapag nagyaya ito dahil hindi naman niya hilig iyon. Alam rin niya na nasa Pilipinas pa rin ito. Pero simula nang muli nilang pagkikita ay hindi na iyon naulit. Hindi kasi sila nakapagpalitan ng number at hindi rin naman ito gumagawa ng paraan para magkita sila o kaya silang tatlo ni Christoff. Hindi na naman mahalaga sa kanya iyon. Masaya na siya na nagkaroon sila ng closure.
“Hey, Nick.”
Kumurap-kurap si Nick. “Sigurado ka ba talaga sa lugar na pinuntahan mo?”
“Oo naman. Minsan lang naman ito,”
Ngumisi si Nick. “Good. It’s good to have fun once in a while, right?”
Ngumiti si Lavander. Ganoon na nga siguro ang nararamdaman niya.
Niyaya siya ni Nick na sumayaw sa dance floor. She had fun. Its an upbeat song. Maya-maya ay tumunog ang sweet song. Nag-alinlangan pa siya kung tutuloy.
“Walang malisya, all right?”
Inilagay ni Nick ang kamay nito sa baywang ni Lavander. Nagkalapit sila sa isa’t isa.
“How do you feel?”
Sinubukang pakiramdaman ni Lavander ang nararamdaman niya. There was no tension, no sparks. Parang wala lang. Normal lang na hawak ang nararamdaman niya kay Nick. Ganoon rin naman talaga ang nararamdaman niya sa mga hawak nito dati.
Napailing-iling si Lavander. “Hindi ko ba maintindihan kung bakit pinatulan talaga kita dati.”
Natawa si Nick. “We’re not meant for each other. Dala lang siguro `yun noong kabataan natin.”
Tumaas ang isang kilay ni Lavander. “Bata pa rin naman tayo, ah?”
“Yeah. Ganoon siguro ako. Pero hindi kayong dalawa ni Christoff. You’re getting serious na, eh. Samantalang ako, I’m still on the playing part. Immature pa rin ako. Sa totoo lang, naggawa ko rin sa girlfriend ko sa Australia ang naggawa ko sa `yo. Iniwan ko siya ng walang paalam at parang wala lang akong pakialam. Kayo ni Christoff, mature na. Tignan mo, pinayagan ka pa ng loko na iyon na pumunta rito sa bar. May mga taong hindi basta-basta nakakaintindi ng ganoon. Overprotective masyado sa girlfriend at---“
Marami pang sinabi si Nick pero hindi na iyon gaanong ikinabahala ni Lavander. Kung alam lang nito ang nangyari sa kanya! Mature na nga ba ang relasyon nila ni Christoff? Mature na nga ba ito? Maaaring nice guy nga ang lalaki pero napa-sobra na ang pagka-nice nito dahil kuntodo effort na ito sa mga bagay na kaya na naman niya at pinagkakatiwalaan siya nito.
Saktong natigil sa pagsasalita si Nick nang pareho silang mapalingon sa isang matangkad na bulto na lumapit sa kanila.
“Christoff...” pagbanggit niya sa lalaking nakita. Saktong lumiwanag sa parte nila kaya nakita niya ang itsura nito. Madilim na madilim ang mukha nito. Galit.
Binitawan ni Nick si Lavander. Ang mga kamay ni Christoff ang pumalit rito. At ang mga sumunod na nangyari ay nagpatunay lamang na hindi totoo ang mga sinabi ni Nick tungkol kay Christoff.
Hinila ni Christoff si Lavander palabas ng bar at inihatid pauwi. Hindi man lang siya binigyan ng pagkakataon para ipaliwanag ang side niya sa natagpuang eksena.