Nakikisimpatya siya sa nangyari dito. Pero sana naman ay ayusin nito ang pakikisama sa kanila dahil maayos naman magtrabaho ang mga kasamahan niya. At mababait na tao ang mga ito.
“Girl, itong itsi-chika ko sa atin-atin lang. Huwag nang makakalabas. Naku! Ayokong masesante. Hindi ko ugaling mag-tsismis ng mga naririnig ko sa usapan ng mga Archer…”
Privacy ang isa sa mahalagang parte ng trabaho nila sa mga Archer bilang kasama ng private staff ng mga ito. Anuman ang makita at marinig nila ay mananatiling sekreto.
“Oo. Alam ko. Basta magkwento ka lang.”
“Narinig kong nag-uusap ang parents ni Sir Wyndham nang papunta kaming Carribean galing ng London. May matinding away daw si Sir Sebastian at si Sir Wyndham. Nalaman kasi ni Sir Sebastian na tinulungan pa ni Sir Wyndham si Miss Kesca na makipagtanan sa boyfriend niya.”
“Bakit naman niya gagawin iyon?”
“Ayaw nga nilang pakasalan ang isa’t isa. Hindi kasi maatim ni Sir Wyndham na pakasalan ang isang babaeng bina-blackmail lang. Iyong baronessa, tinakot si Lady Kesca na ipapaurong ang donasyon para sa foundation niya para sa mga batang ulila kundi daw magpapakasal kay Sir Wyndham. Nalaman ni Sir Wyndham kaya ginawan niya ng paraan para ma-neutralize ang pamba-blackmail ng baronessa kay Lady Kesca. Hindi daw sila magiging Masaya nga naman kung ipipilit nila ang mali.”
“Really? Ginagawa niya iyon?”
Hindi niya inaasahan na may matinding paninindigan si Wyndham. Basta ang alam lang niya, ugali na nitong manakit ng babae. Pero naging tunay na lalaki ito na humarap sa maraming tao kahit na ito ang lumabas na kahiya-hiya. She caught a glimpse of the man she loved once.
“Itinakwil siya ni Sir Sebastian dahil doon. Kasi pangarap daw ni Sir Sebastian na magkaroon ng apong ipapakasal sa aristocrat.”
“And Wyndham ruined it.”
Hindi rin si Wyndham ang tipong sunud-sunuran. Tama lang ang ginawa nito. Pero nalulungkot siya na itinakwil ito ng lolo nito.
“Pero buti na lang nakiusap sila Sir Raddison. Hindi na daw itatakwil si Sir Wyndham pero kailangan diyan muna siya sa Africa. Hindi ko na lang maintindihan kung ano ang kondisyon ni Sir Sebastian para makabalik siya. Kasi iyak nang iyak si Ma’am Margaret. Baka daw habambuhay na sa Africa si Sir Wyndham. Tapos wala na sa kanya ang mga privileges ng isang Archer. No private jets, no parties, etc, etc.”
“Kaya siguro mainit ang ulo niya. Nakita ko kung paano siya magtrabaho noon para sa Royal Air. Tapos mauuwi lang sa wala.”
He had the whole world at his feet. Tapos ay mauuwi lang ito sa East Africa habambuhay. That must be a curse to a man of the world like him. She believed that Wyndham was a city boy by heart. Hindi magiging madali ang lahat para dito. Malayo ito sa nakasanayan nitong buhay. Malayo ito sa pamilya.
As if he was suddenly alone. Kung may magagawa lang sana siya para dito.
KUMATOK si Jezzie sa opisina ni Wyndham. Malapit nang mag-alas otso ng gabi noon. Kadarating lang niya mula sa Kabunku Lodge mula sa isang medical mission ni Flint pero tumuloy agad siya sa opisina ng Swan’s Flight at nagbabaka-sakaling maabutan pa doon si Wyndham.
Naikwento sa kanya ni Elai na hindi agad umuuwi ng apartment nito si Wyndham. Puro lang ito trabaho hanggang hatinggabi. Kahit na yayain itong lumabas ay tumatanggi ito at pinipiling magtrabaho na lang.
Wala pang tinanggihang gimmick si Wyndham. ANo ba ang nangyayari dito? Kung nakakaapekto na ang trabaho at social life nito sa problema nito, wala namang masama kung susubukan niyang tumulong. Hindi lang niya maatim na nagsa-suffer ang mga kasamahan niya dahil sa kasungitan nito.
At parang concern na rin siya dito. Huminga siya nang malalim. Okay. Hindi langh parang. Concern talaga siya dito. Mas komportable siya sa Wyndham na palaging nakangiti at nagpapasaya sa mga tao sa paligid nito.
“Sir Wyndham, si Jezzie po ‘to,” sabi niya nang hindi ito kumatok.
“What do you want?”
“Pwede bang mang-abala?” tanong niya at marahang binukssan ang pinto. “Galing ako sa Kabunku Lodge. Ipinapadala ni Tita ALita. Chicken pie.”
“Pakilagay na lang sa table ko. Thank you,” anito at inangat ang tingin sa computer. He looked tired but still impossibly handsome. How did he do that? Haggard na nga ito pero gwapo pa rin. “It’s late. Bakit di na lang bukas?”
“Mas masarap iyan kapag bagong luto kaysa reheat na lang sa microwave. Baka daw kasi masyado kayong pagod sa trabaho. Naikwento ko kasi kay Tita Alita na medyo busy kayo sa trabaho,” maingat niyang sabi.
“Nagsusumbong ka ba dahil medyo nagtaas ako ng boses sa mga staff?” nakakunot ang noo nitong tanong at sinilip ang chicken pie mula sa foil.