“It’s different. Ako ang immediate boss ni Jezzie noon. Kung saan ko gustong pumunta, doon niya ako dadalhin. Now, it’s different. Hindi ako ang pasahero niya,” sabi ni Wyndham. “Flint, is it okay to send your girl to dangerous places?”
Bahagya niyang nilingon si Wyndham at binigyan ng nagbababalang tingin. Gusto ba nitong i-discuss kay Flint ang tungkol sa paglipad niya sa delikadong lugar?
“I am a man with a mission. Gusto kong naroon din ang girlfriend ko sa tabi ko kapag tumutulong kami. Kailangan malakas din ang loob niya,” sagot ni Flint.
“I don’t know. Kahit malakas pa ang loob niya, hindi ko pa rin siya ie-expose sa mga delikadong lugar. Di ako papayag na mapahamak siya,” matigas nitong sabi. “Kaya kung boyfriend ako ni Jezzie, hindi iyan makakalipad sa mga delikadong lugar.”
“Sorry, boss! Hindi na uso ang fairy tale. Hindi na namin kailangan ng knight in shining armor,” sagot naman niya. “At kailangang maging malakas ng isang babae para kapag may lalaking nanloko sa kanila, di sila magiging miserable habambuhay. Saka ano ba ang mga delikadong lugar. Delikado rin naman ma-involve lalo na kung babaero at walang konsiderasyon ang lalaki sa nararamdaman ng babae. Daig pa niya ang nasa gitna ng warzone at tinamaan ng bala.”
Take that, Wyndham Archer! Bago siya nito pakialamaan, ayusin muna nito ang sarili nito. Nag-aalala ito sa kanya pero mas masakit naman ang ginawa nito.
“Naku! Magkantahan na lang tayo. Masyado nang mainit dito sa Africa, mainit pa iyang topic ninyo,” awat ni Flint sa kanila.
Dahan-dahang sumilay ang ngiti sa labi niya. “Naku! Magaling kumanta si Sir Wyndham. Pambato namin iyan.”
“Ako?” tanong ni Wyndham. “Hindi ako kumakanta.”
“Magaling kang kumanta ng I’m Sorry, My Love ni April Boy Regino. Wahoo! Idol!” kantiyaw niya kay Wyndham.
Nang lumingon siya ay namumutla si Wyndham. Sekreto siguro nitong alam ang kantang iyon. Samantalang dati ay narinig niya sa mga kaibigan nito na hindi nito trip si April Boy. Pero malamang ay secret fan ito. Sira na ang high end na imahe nito sa kanya.
“Alam ko ‘yan! Ako na lang ang kakanta!” prisinta ni Flint at sinimulan na nito ang marubdob at makabagbag-damdaming pag-awit.
PARANG binabayo ang ulo ni Jezzie dahil hanggang ngayon ay naririnig pa rin niya ang April Boy Regino Medley ni Flint. Lumapag sila sa pamayanan ng mga Maasai sa Amboseli National Park matapos wala pang isang ilang oras na biyahe. Pero sapat na iyon para dumugo ang utak niya. Hindi talaga hilig ng kanta si Flint.
Hindi pa ito nasiyahan dahil kinakantahan pa nito ang mga pasyente nito kanina. Mabuti na lang iba ang standard ng musika sa mga Maasai kaya na-appreciate ng mga ito ang kanta ni Flint.
“Doc, sa labas lang ako,” sabi niya. Nakikipag-kwentuhan lang naman si Flint sa mga tao sa village. Kanina rin ay tumulong sa kanila si Wyndham. O mas tamang inalipin niya ito. Mabibigat na trabaho ang ibinigay niya dito gaya ng pagbubuhat ng mga kahon hanggang pagpapatahan sa mga batang takot sa injection. Wala naman itong angal at nanatili itong nakangiti.
Sukbit niya ang kamera sa leeg at kinukunan ang magandang view ng Mount Kilimanjaro na kitang-kita mula sa village. Mula sa magandang view ay naagaw ng tawanan ng mga bata ang atensiyon niya. Naglalaro ng soccer ang mga ito. Nag-iisa si Wyndham laban sa sampung batang Maasai.
Kahit na may sariling kultura ang mga Maasai ay bahagya na ring napasok ang mga ito ng popular na kultura dahil isa ang mga ito sa dinadayo ng mga turista. Kinuhanan niya ng picture si Wyndham. Hindi nito suot ang T-shirt nito kaya naman mahal na mahal ng camera niya ang matipuno nitong katawan.
Maya maya pa ay palapit na ito sa kanya. Ngumiti ito habang nakatutok ang lente ng camera niya dito. Mabilis niyang ibinalik ang focus ng camera niya sa Mount Kilimanjaro. Nang maramdaman niyang papalapit sa kanya si Wyndham ay dali-dali siyang umakyat sa bubong ng isang safari jeepney na nasa di kalayuan. Hindi niya ito pinansin kahit na sinamahan siya nito sa bubong.
“Patingin naman ng picture mo sa akin,” ungot nito.
“Anong picture mo? Wala kang picture sa akin,” aniya at patuloy sa pag-click ng camera. “Huwag kang magulo diyan. Busy ako sa mga impala.”
Malawak na brown na damuhan ang nasa paligid ng park. It was a perfect safari. Malayang nakakagala doon ang mga hayop. Habang ang pamayanan naman ng mga Maasai ay nakatira sa simpleng bahay na tinatawag na Inkajijik. Mga kababaihang Maasai ang gumawa ng mga iyon. Kundi iyon hugis star ay pabilog iyon at gawa sa nilalang maliliit na sanga ng kahoy, putik, damo at dumi ng baka.
Marami pang interesante sa lugar na iyon kundi lang isang malaking distraction sa kanya si Wyndham. At ngayong nasa tabi na niya ito, hindi na niya alam kung anong focus ang gagawin niya sa camera. Nanginginig ang kamay niya dahil nararamdaman niya ang init ng katawan nito. At kahit na pawis na pawis ito ay parang mabango pa rin ito. Nagdedeliryo na yata siya sa init.
“Gusto mo bang magpaiwan dito?” tanong niya kay Wyndham. “Men here are naturally polygamous. And your amorous attitude is welcome to women here. Mag-enjoy ka lang. Hindi mo ako kailangang bantayan.”
Bigla itong inubo. “Jezzie, ni minsan hindi ko pinagsabay-sabay ang girlfriend ko. Asawa pa kaya. Saka date natin ‘to.”
“Date? Wala na tayong magiging matinong date. At hindi mo na kailangang magpalusot on my account. You were gracious with women here.”