Chapter Wyndham, TB-EHD: 39

“Ibig sabihin girlfriend ka talaga ni Wyndham?” hindi makapaniwalang usal ni Margaret. Nasapo nito ang noo at napahagulgol. “Ano ba naman ang anak ko na iyon? Bakit ginawa niya ito?”

Manhid na ang pakiramdam ni Jezzie. Her world suddenly stopped. Ang pag-ibig ni Wyndham na nagpapaikot ng mundo niya ay isa palang malaking kasinungaligan. Palabas lang nito ang lahat.

Kaya ba hinabol-habol siya nito noon? Dahil alam nitong napakahina niya dito at hindi ito mahihirapang papaniwalain siya na mahal siya nito? Na kaunting lambing lang nito ay bibigay na siya kagaya nang unang beses silang nagkasama?

Sa dinami-dami ng babaeng naghahabol dito ay siya ang pinili nito dahil magugustuhan siya ng lolo nito. She was nothing like his usual bimbo conquests. At hindi rin siya ang tipo ng babae na pera lang ang habol dito. Nakatitiyak ito na kapag na-in love siya dito, madali para sa lahat na kumbinsihin ang lahat na totoo ang relasyon nila. Na hindi niya matutuklasan ng kasinungalingan nito. Sa sobrang dami ng karanasan nito sa mga babae, madali na lang dito ang magpanggap.

His confession of love. Everything he did for her, lahat iyon ay paraan lang para makuha ang loob niya. Walang anuman doon ang totoo.

“Huwag na po kayong umiyak. Okay lang po ako,” usal niya sa matatag na boses kahit ang puso niya ay durog na durog na. “Kailangan ko lang po ng panahon para makapag-isip.”

“Huwag mo sanang isipin na masama ang anak ko. Maybe he is fond of you even if you are...”

“Not his usual type,” dugtong niya at mapait na ngumiti. Umiiyak ang puso niya pero masyado na siyang manhid para maiyak. “Naiintindihan ko po kung bakit ginawa iyon ni Wyndham. Para sa pamilya niya. Kung may pamilya po ako, baka ganito rin po ang gawin ko. Kaya po nagtataka ako kung paano niya akong nagustuhan samantalang iba ko sa mga babaeng naging girlfriend niya. I am not sophisticated and I am not even beautiful enough.”

Matagal na niyang tinanggap ang katotohanang iyon. Na hindi siya ang babaeng mamahalin ni Wyndham. Lumayo na nga siya pero hinabol pa rin siya nito at pinapaniwalang may pag-asa silang dalawa.

“Huwag mong maliitin ng sarili mo, hija. Mabait kang bata. Kung ako ang papipiliin, ikaw ng gusto ko para sa anak ko. Hindi ko matanggap na ganito ang gagawin niya sa iyo.”

Humugot siya nang malalim na hininga. Parang dam ng tubig na unti-unting naipon at handa nang sumabog ng emosyon niya. Nangilid ang luha sa mata niya at unti-unti niyang naramdaman ang kutsilyo na sumusugat sa puso niya. The shock was fading and she was in for the real pain.

Naisubsob niya ang mukha sa palad at humagulgol ng iyak. She had never been so hurt and betrayed her whole life. Sana hindi na lang siya umasa. Sana ay hindi na lang siya nagpadala sa nararamdaman niya.

Humupa ang pag-iyak niya nang muling naramdaman ang yakap ni Margaret. “T-Thank you po. Naa-appreciate ko po ang pagsasabi ninyo sa akin ng totoo. Susubukan ko na rin pong tanggapin na hindi ako mahal ng anak ninyo.”

“Huwag ka sanang magalit sa kanya. Hindi naman niya sinasadyang saktan ka. Hindi ko lang kasi matiis...”

“Tama lang po ng ginawa ninyo.” Hindi pwedeng habambuhay siyang walang alam at nagmumukhang ilusyunada sa harap ni Wyndham. “At least po hindi ako magugulat kapag nag-decide siyang makipaghiwalay sa akin o kaya ay may makikita akong babaeng maganda at sexy na makukuhanang kasama niya sa party. Baka mamatay lang po ako sa sakit at kahihiyan.”

“My son should apologize to you. Ungentleman siya. Hindi niya ito dapat ginawa sa babaeng nagmamahal sa kanya kahit para pa sa pamilya.”

“H-Hindi ko na po kailangang marinig ang sorry niya. Ayoko nga pong magkita o magkausap pa kami.” Ayaw na niyang makinig sa mga paliwanag ni Wyndham. At masyado nang masakit para sa kanya na magpanggap na wala siyang alam sa tunay na motibo nito.

“May maitutulong ba ako sa iyo?”

“Tulungan po ninyo ako na bumalik ng Africa.”

DALI-DALING bumaba ng Cadillac niya si Wyndham. Sa wakas ay nai-close na niya ang deal sa ASCORP matapos ang mahabang deliberasyon. Tatlong taong kontrata ang pinirmahan nila dito. Bukod sa ASCORP ay ilang malalaking kompanya pa ang nagpakita ng matinding interes na maging kliyente nila lalo na’t bumalik na siya sa Royal Air.

Malaking advantage para sa mga ito ang bumili ng shares sa kanila, bumili ng eroplano at sila na ang bahala sa pagme-maintain at sa crew o kaya naman ay mag-a-avail lang ng chartered flight. Kahit ano para sa convenience ng mga customers nila. Pagdating sa negosyo ay ginto ang oras. Malaki ang advantage kung kukuha ang mga ito ng chartered services nila kaysa sa commercial flight dahil malaking oras ang matitipid ng mga ito sa pagbiyahe.

“Jezzie! Jezzie!” tawag niya sa nobya pagpasok ng mansion. Excited na siyang makita ito dahil iti-treat niya ito sa isang football game.

Hindi niya ito naasikaso nang nakakaraang araw. Kailangan niyang bumawi dito. Alam niyang hindi sapat na naisasama ito ng Mama niya na mag-shopping at mamasyal. Ang eroplano ang buhay ni Jezzie. She breathed in it. Baka mabaliw ito kung isang linggo na itong di nakakahawak ng manibela ng eroplano. Ayaw niyang bumalik agad ito sa Kenya. Gusto niya itong kasama palagi.

“Master, please slow down,” pakiusap sa kanila ng butler nilang si Angus.

“Angus, where is Jezzie?” tanong niya. Sa bahay pa rin pinipiling mag-dinner ni Jezzie dahil iyon lang ang pagkakataon para magkasama sila.

“She is not here, Master,” magalang na sagot ni Angus.

“Umalis na si Jezzie,” anang Mama niya na isang malungkot na mukha ang isinalubong sa kanya. “Bumalik na siya sa Kenya kanina.”

“Bakit po? May emergency ba? Bakit hindi niya sinabi sa akin? Nagbilin naman ako sa sekretarya ko na ipasa sa akin ang tawag niya.”

Ang mahirap kay Jezzie ay hindi ito demanding. Pagdating sa trabaho ay hindi siya nito inaabala dahil alam nito kung gaano kahalaga ang trabaho niya.

“Mag-usap tayo sa library habang wala pa ang Lolo at Papa mo,” anito sa malamig na boses.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.