“Ano pong problema kay Jezzie?” tanong niya pagpasok ng library.
“Ikaw! Ikaw ang problema niya,” galit na akusa ng Mama niya.
“Ako po? Bakit? Dahil ba wala akong masyadong oras sa kanya? O dahil ayaw kong pabalikin siya sa Africa at nami-miss niya ang trabaho niya? Sabi ko naman sa kanya magtiis lang siya nang konti.”
Mariing hinawakan ng Mama niya ang magkabilang braso niya. “How could you deceive an innocent woman, Wyndham? At ang babae pang mahal ka.”
“Ma, hindi kita maintindihan! Wala akong ginagawang masama kay Jezzie.” Ang alam niya ay naging mabuti siyang nobyo dito. Nagsisikap siyang bigyan ito ng panahon kahit na nahihirapan siya. At ni minsan ay hindi niya ginawa ang gesture na iyon sa ibang naging nobya niya.
“Pinapaniwala mo siyang mahal mo siya. Ginamit mo lang siya para may maipakilala kang matinong girlfriend sa Lolo mo.”
“What?” bulalas niya at maang na napatingin sa Mama niya. Magkahalong takot at galit ang naramdaman niya nang mga oras na iyon. “Ma, anong sinabi ninyo kay Jezzie para iwan ako?”
“The truth! Ang kasunduan ninyo ng lolo mo. Lahat! Hindi mo naman talaga siya mahal, hindi ba?”
Nanlaki ang ulo niya. “Sinabi ninyo kay Jezzie na hindi ko siya mahal?” Mariin siyang napapikit at namaywang. “How could you, Mother? I love her! Hindi ninyo alam kung gaano kahirap para sa akin na kunin ang tiwala niya. Do you think I’d deceive an innocent woman just to get my place in the company back? At sa palagay ba ninyo magsisinungaling ako sa inyo?”
“You will do everything for our family, Wyndham. You care about us.” Hinaplos nito ang mukha niya. “Hindi madali sa iyo ang malayo sa amin. Ginawa mo lang ang naiisip mong paraan para tanggapin ka ulit ng lolo mo. Kundi mo iyan gagawin, mawawala rin ang lahat ng pinaghirapan ninyo.”
Napatiim-bagang siya. Ano ba ang tingin ng nanay niya sa kanya? Na sa desperasyon niyang tanggapin muli ng lolo niya ay lolokohin niya si Jezzie? Na wala siyang konsiderasyon sa nararamdaman ng iba?
“Ma, hindi ko alam na ganito kababa ang tingin ninyo sa akin. I hate deception! That’s why I escaped from my blasted engagement with Kesca because I don’t want to live a lie. Ayokong magpanggap sa harap ng marami na kaya kong sikmuraing pakasalan ang isang babaeng hindi ko mahal. At sa palagay ba ninyo pangangatawanan ko ang pagkakamaling tinakasan ko para lang sumayaw sa tugtog na gusto ni Lolo? No! I love Jezzie! And she’s the only real thing that ever happened to me.”
Jezzie was pure. Anumang emosyon na ipinapakita nito sa kanya ay walang halong pagkukunwari. At sa mundong ginagalawan niya na mahirap alamin kung ano ang totoo at maraming maskara ang tao para makasunod sa standard na itinakda ng lipunan para sa mga ito, nanatiling totoo si Jezzie sa kanya.
It was refreshing to listen to her unrehearsed laughter. Humaharap ito sa kanya nang hindi nagsusuklay but she was still beautiful in his eyes. Kaya nitong sabihin ang laman ng isipan nito nang hindi natatakot. And she bared her heart to him. Alam niyang totoo ang pagmamahal nito. Walang ulterior motive.
Pero ngayon ay ano pa ang paniniwalaan nito sa kanya. Iniisip marahil nito na puro kasinungalingan lamang ang pagmamahal niya.
Pinagsalikop ng Mama niya ang palad at yumuko.Narinig niya ang mahinang pag-iyak nito. “I am sorry, Wyndham. Akala ko kasi...”
“No, Mother. I am sorry. I am not good enough to be your son. Iniisip siguro ninyo kung saan kayo nagkamali ng pagpapalaki sa akin.”
Galit na galit siyang lumabas ng library. He went to his car and aimlessly drove around. Her mother didn’t even give him the benefit of the doubt. Sa mga pagkakataong humaharap siya sa matitinding pagsubok, ang Mama niya ang laging nasa tabi niya. Kapag kalaban niya ang mundo, ito ang naniniwala sa bawat salita niya. Pero ngayon ay ito pa ang unang nanghusga sa kanya. Pakiramdam niya ay sinaksak siya ng sarili niyang ina.
HINDI magkamayaw ang mga tao sa stadium matapos mapanalunan ng Manchester Team ang laro para sa gabing iyon. Tahimik na tinungga ni Wyndham ang matapang na bourbon habang pinapanood ang laro na dapat sana ay kasama niyang manonood si Jezzie. But she was gone.
Ayon sa report na natanggap niya mula sa airport ay ilang oras pa bago lumapag si Jezzie sa airport ng Nairobi. Gusto niya itong sundan pero hindi niya ito pwedeng harapin nang di malinaw ang isip niya.
“Walang mangyayari kung iinom ka,” sabi ni Ryuji na naka-Indian seat sa ibabaw ng sofa sa living room niya. “Mag-meditate ka para mawala ang impurities sa isipan mo. Di ka makakapag-isip kung galit ka.”
Nasa London din ang mga kaibigan niya para sa sa kanya-kanyang business engagement. Bukas ay may dinner sana sila kasama si Jezzie pero malamang ay cancel na rin iyon. Nang sabihin niya sa mga ito ang malaking problema ay nagpuntahan agad ang mga ito sa condo niya.
“Magpaliwanag ka sa kanya,” kaswal na sabi ni Andreas at inilipat sa BBC News ang palabas.
“Anong ipapaliwanag ko? It’s my mother’s words against mine.”
And her immaculate mother was pretty convincing. Anong ilalaban niya kahit pa nagsasabi siya ng totoo? Baka di na nanaisin pa ni Jezzie na huwag siyang tingnan man lang. He hurt her again. And this time, it was not his fault.
“Hindi pa nga kayo nag-uusap,” sabi ni Marcoe.
“Iba ang utak ng babaeng iyon. Sa dami ng pinagdaanan namin, hindi na siya maniniwala sa akin. She won’t take me back anymore.”
“Nasabi mo na ba sa kanya na mahal mo siya?” tanong ni Alonzo.
Napangiwi siya sa tanong nito. “Hindi ko pa nasasabing mahal ko siya. At hindi ko na pwedeng sabihin ngayon dahil iisipin niya pinaiikot ko siya.”
“Baka!” singhal ni Ryuji sa kanya.
“Kung baka ako, unggoy ka naman!” ganti niya dito.
“Baka means stupid!” paglilinaw ni Ryuji.
“Oo na. Baka na ako. Kalabaw, zebra, rhinoceros... lahat na! I am not used to the “L” word.” Di niya ugaling sabihin iyon sa mga babae. Sa palagay niya ay hindi na iyon kailangan dahil di naman niya naranasang may magtagal na nobya sa kanya. Si Jezzie lang. At di niya alam kung paano sasabihin dito. Pero hindi pa ba sapat na ipinaparamdam niya dito ang pagmamahal niya? Inaalagaan niya ito at pinoprotektahan.
“Action speaks louder than words,” wika ni Alonzo.
“Oo nga!” Kundi siya kakausapin ni Jezzie, may paraan naman para maipakita niya ang pagmamahal niya. “Anong gagawin ko para maniwala siya sa akin?” tanong niya sa mga kaibigan.
“Problema mo na iyan!” anang si Nikos.
“Ikaw na ang ultimate loverboy, di ba? Kaya mo na iyan,” wika ni Andreas.
Nagkibit-balikat si Alonzo. “I really hate it when I have to deal with your love problems. Pwede bang economic crisis na lang ipa-problema mo?”
Tiningnan niya si Ryuji pero busy pa ito sa pagme-meditate. Malabong may makuha siyang sagot dito. Tinapik ni Marcoe ang balikat niya. “Sundan mo siya sa Kenya. Hindi ito magiging madali pero kailangan mong magtiis kung ayaw mo siyang isuko.”