Chapter Marcoe, French God of Wine: 9

Nakataas ang kilay na tiningnan ni Reese ang lalaking humarang sa kanya. Nakataas ang buhok nito na parang mohong. Humihitit ito ng sigarilyo at may hikaw sa kilay at ilong. Sa tantiya niya ay nasa early twenties pa lang ito o baka mas bata pa. Amoy alak din ito.

“Sorry. Ayokong makipagsayaw.” matigas niyang sabi. Mainit na ang ulo niya kaya huwag na itong dumagdag pa. Ang gusto lang niya ay makaalis sa maingay at magulong lugar na iyon nang makauwi na siya.

Lalagpasan sana niya ito nang may humarang sa kanyang isa pa. Semi-kalbo naman ang lalaki at may hikaw sa labi at sa ilong. “Sa akin ka na lang makipag-sayaw, Miss,” anito at umindak-indak sa harap niya. “Hamak na mas magaling akong sumayaw sa kanya. At bibigyan pa kita nito.”

Mula sa bulsa ay naglabas ito ng pakete. Sa tulong kaunting liwanag ay nakilala niya ang tabletas na laman ng pakete. Ecstacy.

“Saan mo nakuha iyan?” tanong niya.

“In house ito!” pagmamalaki nito. Ibig sabihin ay sa lugar na iyon din nito nabili ang droga. Kumpirmado na. May dealer nga ng droga sa lugar na iyon. “Pero naitabi ko lang ito. Wala kang mabibili nito ngayon.”

“Kanino mo iyan nabili?”

Pumalatak ito at umiling. “Makipagsayaw ka muna sa akin at sasabihin ko sa iyo,” kondisyon nito. Iyon na ang pagkakataon niya para makumpirma kung si Marieta nga ang tunay na drug dealer sa club o hindi.

Makikipagsayaw na sana siya dito nang may pumigil sa balikat niya. “Hindi siya makikipagsayaw sa iyo!”

Nilingon niya ang may-ari ng boses. Hindi ito bata na tulad ng dalawa at hindi rin mukhang rave partiers. Si Marcoe. Nanlaki ang mata niya. Anong ginagawa nito doon? Wala naman sa itsura nito ang makiki-party rin. He looked so casual though. Naka-pantalon ito na maong at black na t-shirt. It made him younger. But he still won’t fit in the crowd. He was too classy.

“Anong sabi mo?” maangas na tanong ng lalaki.

Inakbayan siya ni Marcoe. “Ang sabi ko, layuan mo ang girlfriend ko. Kung hindi magsisisi ka.” Saka nito matalim na tiningnan ang mas batang lalaki.

Parang asong bahag ang buntot na umamo ang mukha ng lalaki. Mas matangkad at mas malaki nga naman ang katawan ni Marcoe dito. Habang ito naman ay may kapayatan. Baka isang pitik lang ni Marcoe ay tumalsik na ito.

Pinagsalikop ng lalaki ang dalawang kamay at yumuko. “Pasensiya na, bosteng! Hindi ko naman alam na may boyfriend na pala si Miss. Iba na lang ang isasayaw ko.” Saka ito nagkukumahog na bumalik sa mga kagrupo nito.

Natigagal na lang siya habang pinagmamasdan ang umalis na lalaki. Hinapit siya ni Marcoe sa baywang. “Let’s get out of here,” he said in a firm voice.

“S-Sandali lang. Hindi pa ako pwedeng umalis.” Makakakuha na sana siya ng dagdag na lead na kukumpirma kung sino ang tunay na drug dealer sa club.

Hinawakan siya nito sa braso nang pumalag siya. “I said let’s go!”

Hinatak siya nito palabas ng club. Di na niya magawang magprotesta dahil ayaw niyang makakuha pa sila ng atensiyon. O mas tamang sabihin na tinitimpi niya ang inis niya. “What the hell do you think you are doing?” tanong nito nang makarating siya sa parking lot ng club kung saan nakaparada ang kotse nito.

“I am trying to save you from trouble,” kaswal nitong sagot at ipinagbukas siya ng pinto. “Get inside.”

Humalukipkip siya. “Ayoko!”

“If you think you can go back inside the club and ask for trouble, you can think again. I will just hurl you back here. Kaya sumakay ka na para maiuwi na kita. Malamang nilalamig ka na rin sa suot mo. Baka magka-pulmonya ka pa,” anito at nakakunot ang noo na pinagmasdan ang suot niya.

“Yeah! Great!” Bigla siyang nagkaroon ng tatay na magsesermon sa kanya. “Ikaw na lang ang umuwi. Just leave me alone.”

“Pumasok ka na at habang biyahe tayo mag-usap,” anito at di pinansin ang pagtataboy niya. His blue-gray eyes were almost black because of controlled rage.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakuha nito ang atensiyon niya. Walang kibo siyang pumasok sa kotse. Parang ayaw niyang magalit ito sa kanya. Pero di rin naman niya maiwasang mainis dito.

“Anong ginagawa mo dito?” nakahalukipkip niyang tanong nang paandarin nito palayo ang sasakyan. “Nagpa-party ka rin ba o sinusundan mo ako?”

“Ikaw ang dapat kong tanungin. Anong ginagawa mo doon? It’s a dangerous place. Nakita mo ba kung anong klaseng mga tao ang nandoon?”

“Alam ko kung anong klaseng tao sila. But I can take care of my self.”

Tumiim ang anyo nito. “Ito ba ang trabahong sinasabi mo?”

“Oo. Dapat sana makukuha ko na ang ebidensiya na kailangan ko. Pero nakialam ka. Sinira mo ang trabaho ko kaya hindi agad siya matatapos. At dahil hindi agad siya matatapos, malamang matagalan pa bago ako makipag-date sa iyo. O malamang, hindi na tayo mag-date,” bulalas niya sa sobrang iritasyon.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.