“Oh, no! anong ginagawa niya dito?”
Si Wyndham? Sa Africa? Parang sinabi na rin niyang umuulan ng yelo sa Sahara desert. Subalit bago pa siya makapag-isip ay awtomatiko ang naging kilos ni Jezzie. Ibinaba agad niya ang cap niya at mula sa ilalim ng mata ay inobserbahan ang papalapit na si Wydham.
No. Hindi ito si Wyndham. Maaring isa lang itong estrangherong kahawig ni Wyndham. May ganoon naman, di ba?
Pero hindi niya pwedeng pasinungalingan ang nararamdaman niya. Naroon pa rin ang kakaibang kaba sa dibdib niya na kay Wyndnam lang niya nararamdaman. Nanlalamig ang kamay niya na parang namamanhid habang nararamdaman ang malakas na presensiya nito. There was no doubt. It was Wyndham.
Nanuyo ang lalamunan niya dahil hindi siya makahinga. Sumandal siya sa malaking poste para obserbahan ito habang hindi siya nito nakikita. Anong ginagawa ni Wyndham sa Africa? Si Raddison ang susunduin niya at hindi ito.
Hinintay niyang lumabas si Raddison. Baka naman may ibang pakay si Wyndham sa Africa. Anak ng isang baronesa ang mapapangasawa nito. Maaring may aasikasuhin ito tungkol sa kasal nito. Nasaan ang fiancée nito?
Lumipas ang ilang minutong pag-oobserba. Walang Raddison na dumating. Naiwan si Wyndham na tumitingin sa relo nito. naiinip na ito.
Anong gagawin niya? Lalapitan ba niya ito at sasabihing siya ang sundo nito? Ano ang magiging reaksiyon nito kapag nakita siya nito? baka mamaya ay magalit pa ito at isipin na desperado siya para maagaw ito sa nobya niya.
Paano naman ang magiging reaksyon niya? Sa sobrang sakit ng ginawa nito sa kanya, mas mabuti pang huwag na lang niya itong makita.
Pero may mapagpipilian ba siya? Hindi niya alam na ito ang susunduin niya. Hindi kasi niya binasa ang instruction na iniwan ni Elai sa desk niya. Nang sabihin nitong Archer, si Raddison agad ang naisip niya. sana ay nilinaw ni Elai sa kanya nang hindi siya naiipit sa ganitong sitwasyon.
Napapitlag siya nang mag-vibrate ang cellphone niya. It was Elai. Napilitan siyang sagutin iyon. “Nasaan ka? Alam mo bang kanina ka pa hinihintay ni Sir Wyndam?” sermon nito. “Huwag mong sabihing nag-nightgown ka pa?”
“Kinailangan kong i-double check ang eroplanong sasakyan namin papunta diyan. O gusto mong mag-crash kaming dalawa?”
“Siyempre ayoko. Pero bilisan mo naman. Baka mamaya biglang magbago ang isip niyan. Masisira ang lahat ng pagpapaganda namin.”
“Oo na. Malapit na ako,” pagpapalusot niya. Malapit lang naman siya kay Wyndham pero malayo pa niyang maihanda ang sarili na harapin ito. Huminga siya nang malalim at bumilang ng sampu. Saka niya dahan-dahang nilingon si Wyndham.
Eksaktong paglingon niya ay nagtama ang tingin nila. Naalarma siya at tumalikod dito. Parang isa siyang takas na bilanggo na natatakot mahuli pulis. No! Himdi niya ito kayang harapin. Naglakad siya palayo. May isa pang piloto sa hangar kanina. Ito na lang ang pagsusunduin niya kay Wyndham.
Wala siyang pakialam kung magalit man sa kanya ang mga kasamahan niya. Aaminin niyang duwag siya. Kapag humarap siya ulit kay Wydham, gusto niyang ipakita dito na wala na itong halaga sa kanya. Hindi ganitong wala siyang ipinagkaiba sa dating JEzzie. Nanghihina pa rin kapag nakita ito. Kailangan pa niyang panahon. Mga isang araw, isang linggo, sampung buwan.. oh, hell! Perhaps a lifetime. Whatever it takes! Maalis lang si Wyndham Archer sa sistema niya.
Narinig niya ang papalapit nitong yabag. Naramdaman niya ang presensiya nito. Tumakbo siya palayo at kasunod lang niya ito. “Hey! Hey, wait!”
Binilisan pa niya ang paglalakad. Parang hinahabol siya ng demonyo. Isang demonyo naman talaga ang humahabol sa kanya. A handsome devil who broke her heart and didn’t even feel guilty about it.
Nahigit niya ang hininga nang humarang ang malaking bulto ng katawan sa harapan niya. She caught the whiff of his cologne. Humakbang agad siya paurong upang makaiwas. Lumayo. Makatakas.
Subalit mabilis si Wyndham. Pumulupot ang kamay nito sa baywang niya. Tinanggal din nito ang cap niya. “What the…”
“Gotcha! Jambo, Jezzie!” bati nito sa salitang Swahili na siyang pambansang salita sa buong Kenya at ibang bahagi ng East Africa.
“S-Sir Wyndham,” usal niya at di na magawa pang iwasan ang tingin nito. She suddenly felt exposed and weak. Anumang oras ay tuluyan na siyang matutunaw sa mga bisig nito? Paano pa niya masasagip ang sarili niya?
“Where do you think you are going?” naniningkit ang mata nitong tanong. “Tinatakasan mo ba ako?”
Umiling siya. “N-No!”
“Ang alam ko dapat susunduin mo ako. Hindi tinatakbuhan.”
“Hindi ko talaga kayo tinatakbuhan, Sir,” giit niya. Ano pa bang gusto nito sa kanya? Ang lumuha ng dugo. Hindi pa ba sapat na minsan na siya nitong ipinahiya? Kaunting konsiderasyon naman sana.But he was the devil. Wala itong konsiderasyon.
Pakawalan na sana siya nito. Nanginginig na ang buong katawan niya. Hindi iyon ang panahon o lugar para sa interogasyon nito. How could he casually talk to her after what he did?
“I don’t believe you.” Binitiwan nito ang baywang niya ngunit braso naman nito ang hinawakan niya. “Naglakad ka agad palayo pagkakita mo sa akin.”
Pinigil niyang tumirik ang mga mata niya. How could he be so dense? Ano bang ginagawa ng mga babaeng sinaktan nito matapos itong makitang muli? Naglalakad ng paluhod palapit dito at nagmamakaawang balikan muli nito? Gusto ba nitong magka-eksena pa sila sa airport? She hated scenes and scandals.
“No. Papunta po ako sa ladies room, Sir. Pwede bang pumunta muna ako? Medyo urgent lang po talaga,” palusot niya.
Mabuti nang maging kahiya-hiya kaysa naman tuluyan na siyang malusaw sa kahihiyan kapag inamin niya na nasasaktan pa rin siya sa ginawa nito. Na kailangan niya itong layuan dahil hindi niya ito kayang makita pa o makausap.
“Then I am coming with you.”
Maang niya itong tiningnan sa kaswal na pahayag nito. “Ladies room ang punta ko, Sir. Hindi men’s room,” paglilinaw niya.
“I know. Kaya nga sasamahan kita para mabantayan kita.”
Kinamot niya ang dulo ng kilay niya. Pambihira! Nagpapatawa ba ‘to?
“Sir, hindi po ako tatakas. Babalik din po ako agad.”
TIningnan nito ang relo. “Okay. Five minutes is enough perhaps. Kapag di ka pa bumalik dito, papasukin kita sa restroom.”