Chapter Wyndham, TB-EHD: 16

“Tita, ano pa po ang pwede kong gawin?” tanong ni Jezzie sa nanay ni Raschid na si Alita. Ito ang tumatayong head cook ng lodge at parang nanay na nag-aalaga sa lahat ng mga bisita. Sabik siya sa nanay kaya naging malapit siya dito.

Nagluluto ito para sa kakainin ng mga kasamahan niya. Abala ang lahat ng mga staff. Parang isang royalty kung tratuhin ng mga ito si Wyndham. Iniwan niya ang mga ito sa camping ground habang nagkakantahan at nagsasayawan sa saliw ng Swahili African music. Mukhang nag-e-enjoy naman si Wyndham.

“Hindi ka ba sasali sa party ni Wyndham? Nagkakatuwaan sila sa labas,” sabi nito. Dinig nga niya ang biruan at tawanan ng mga kasamahan.

“Wala po akong hilig sa mga party.”

PUmalatak ito. “Naku! Hindi pwede iyan. Kapag nandito ka sa lodge, hindi pwedeng hindi ka mag-enjoy kapag may party. Ayaw naming nabo-boring ang mga bisita namin.”

“Pero wala naman po akong isusuot. Magmumukha lang akong tagasilbi sa mga iyon.” Talagang pinaghandaan ng mga staff nila ang party. They put their best dress on. Habang siya ay simpleng jeans at long sleeve polo lang ang suot. Maikli pa ang buhok niya kaya mukha siyang lalaki. “Dito na lang po ako. Please?”

“Hindi problema ang isusuot. Marami akong damit diyan na naiwan ng mga dating girlfriend ni Raschid,” sabi nito.

“Ma, huwag naman ninyong ipaglakasan. Matsitsismis ako niyan,” sabi ni Raschid na kapapasok lang ng kusina at kumuha ng yelo sa refrigerator. “Wala akong hilig sa mga babae. Inosente pa ako.”

“Hindi na ikaw si Raschid ko kapag sinabi mo iyan,” anang si Alita at hinalikan ito sa pisngi. “Guwapo talaga ang anak ko kahit amoy barbeque.”

“Ma, bihisan na ninyo ang Barbie doll ninyo,” anito at inginuso siya. “Matagal ko nang iniisip kung ano ang itsura ng legs ni Jezzie. Hindi ba may ruffled white dress si Monica na naiwan diyan. Perfect iyon.”

“Oo nga!” Kumislap ang mata ni Alita. “Bagay iyon sa iyo.”

Pinanlakihan niya ng mata ni Raschid. “Pervert!” sigaw niya at sinipa ito sa binti nang dumaan siya habang hila-hila naman siya ni Alita.

“Huwag kang mag-alala, hija. Babagay tiyak sa iyo ang mga dress dito.” Pinapasok siya ni Alita sa kuwarto nito at nakahilera doon ang iba’t ibang naggagandahang dress. “Ipina-laundry ko ang mga ito. Huwag kang mag-alala.”

Pawang may tatak at mamahalin ang mga damit na naroon. Magaganda nga ang mga iyon. Pero parang wala namang babagay sa kanya. Mukhang siyang cross dresser kapag isinuot niya ang isa sa mga iyon.

Isang white dress na may layered skirt ang napili nito. Umabot iyon lagpas ng tuhod niya kaya walang problema. Di lang siya komportable dahil sleeveless iyon.

“Isuot mo na,” nakangiting sabi ni Alita.

Hindi na siya nakipagtalo pa dito at napilitang sumunod. Ayaw niyang magtampo dito dahil ginagawan lang siya nito ng pabor.

Napapalakpak ito sa tuwa nang sa wakas ay makita siya. “Ayan! Saktong-sakto. Medyo mainit ngayong gabi kaya bagay lang sa iyo ang sleeveless.” Pinaupo siya nito sa upuan sa harap ng dresser. Sinuklayan siya nito at sinuutan ng headband. Nilagyan din siya nito ng make up at pinahiram ng hikaw.

“Hindi na po kailangan,” angal niya.

“You are a woman. Kahit nasa liblib na lugar ka pa katulad nito, kailangan handa ka. Dapat hindi mo itinatago ang ganda mo.”

She looked fresh after the makeover. Simple lang ang ayos niya at mukha rin siyang bata. May phobia na kasi siya kapag nag-aayos siya gaya nang nakaraang magkasama sila ni Wyndham. It brought her to her downfall. Hindi na lang niya sinabi kay Alita ang takot na nararamdaman niya.

Sapo niya ang dibdib nang lumabas ng kuwarto. One inch lang ang sandals na ipinasuot nito sa kanya pero naiilang pa rin siya. Bakit ba hindi pwedeng magsuot ng rubber shoes sa ganoong klase ng damit?

“Hey, gorgeous!” bungad sa kanya ni Flint na nakasalubong niya sa hallway. Nag-bow ito. “Or should I say goddess?”

“Goddess ka diyan!”

“Ako ang nag-ayos sa kanya,” pagmamalaki ni Alita.

HInalikan ito sa pisngi ni Flint. “Look, Tita! She’s the prettiest girl in this continent. Nagpaganda talaga siya para sa akin, no?”

Tinampal niya ang noo ni Flint. “Huh! The nerve!”

Nanunukso itong ngumiti. “Ayaw pang aminin. Nagpaganda ka para sa akin.”

“Jezzie, kanina pa kita hinanap. Nandito ka lang pala,” singit ni Wyndham. Natigilan siya. And her whole world just zeroed in on him.

What the heck! ANo bang mayroon sa lalaking ito? Kapag pumasok ito sa eksena, tumitigil na lang ang mundo niya. And she couldn’t help but notice him. He looked tattered with his light gray long sleeve polo. Ni hindi na nga nito napalitan ang suot nitong trousers. His hair was rumpled. Halatang wala itong tulog pero guwapong-guwapo pa rin.

At hinahanap siya nito? Ibig sabihin ay napansin nito ang presensiya niya? May magagandang babae siyang kasamahan. Bakit kailangan pa siya nitong makita?

“Sabi ko nga hahanapin mo siya. Ayaw mong may nawawala sa parties mo,” sabi ni Alita at hinawakan siya sa balikat. “Wala daw siyang damit kaya pinahiram ko muna. Hindi na siya dapat mahiya ngayon, di ba?”

Tinitigan siya ni Wyndham. Iyong tinging tumatagos sa kaluluwa siya. He didn’t smile but his eyes lit up. “She’s worth the wait,” he said in a low, sexy voice. She hated that. Inaakit ba siya nito? Pwes, naaakit na siya. At hindi pwedeng magpaakit siya dito o masasaktan na naman siya.

“Ah… this is Doctor Flint Soriano,” pagpapakilala niya kay Wyndham. “Flint, this is my boss, Wyndham Archer.”

“Of course. Nagkakilala na kami sa Warsaw,” sabi ni Wyndham at kinamayan si Flint.

“Naalala pa pala ninyo ako. Thank you for the aide that you gave our foundation. Marami na kaming mga communities dito sa Africa na naaabot. Valuable talaga sa amin ang service ng mga aircraft at bush pilots ninyo.”

“Kung may maitutulong naman ako, walang problema,” sabi ni Wyndham at muling tumingin sa kanya. Parang may gusto pa itong sabihin pero pinili na lang na titigan siyang mabuti.

Naputol ang koneksiyon nilang dalawa nang biglang sumingit ang kasamahan nilang si Ivy na parte ng accounting department. “Sir, bumalik na tayo sa labas. Miss na miss na po namin kayo.” At kumapit agad ito kay Wyndham. Bawat kababaihang kasama nila ay kanya-kanya ng pagpapa-cute at pagkuha ng atensiyon ni Wyndham. “Jezzie, isama mo na iyang boyfriend mong si Doc Flint. Let’s party.”

Nagulat siya nang sabihin ni Ivy na boyfriend niya si Flint. Wyndham stiffened then looked at her direction. Naniningkit ang mga mata nito. Anong problema nito? May ginawa ba siyang mali?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.