Naalimpungatan siya nang maramdaman niyang may nakatingin sa kanya. Nang dumilat siya ay nakita niyang isang matangkad at madilim na pigura ang nakatunghay sa kanya. Sa tulong ng malamlam na ilaw ng lamp sa ulunan niya ay naaninag niya si Vance. Nakasuot ito ng black suit at nakapamulsa ang mga kamay sa pantalon nito. Her heart kicked against her chest. Why is he so beautiful even if she hates him?
“Vance?” usal niya at marahang bumangon. “Anong ginagawa mo dito? Alas siyete na ba?” Nang tingnan niya wall clock ay alas singko pa lang. “Maaga kang dumating,” aniya at kinusot ang mata niya.
Ngayon lang yata ito dumating ng maaga. Anong oras pa lang naman. May nangyari ba at napauwi agad ito?
Hindi naman kasi ito basta-basta umuuwi nang ganoon kaaga maliban kung may emergency. O baka naman susunduin pa siya nito para dalhin sa salon at paayusan. Baka ganoon kaimportante ang party na pupuntahan nila at gusto nitong magandang-maganda siya kapag ihinarap sa publiko.
“Tumawag sila sa akin dito sa bahay. Hindi ka daw nagmiryenda. Nakalimutan mo rin daw inumin ang vitamins mo kanina,” anito at itinuro ang baso ng tubig sa mesa sa tabi ng laptop niya at ang pill box kung saan nakalagay ang mga dapat niyang inumin at anong oras niya dapat inumin ang mga iyon.
Umungol siya. “Nakatulog din kasi ako. P-Pero iinumin ko naman ang vitamins ko,” aniya at pilit na ngumiti.
Akmang tatayo siya pero nanatiling nakatitig si Vance sa kanya. She had a bad feeling about this. Parang may mangyayaring di maganda.
“Mukhang masyado ka daw… pre-occupied,” anito at nilingon ang mesa niya kung saan nakapatong ang laptop niya at ang mga journal ng mga kasamahan niya na naglalaman ng notes at findings ng mga ito sa site. “Mukhang interesante ang pinagkakaabalahan mo ngayon.”
“M-Medyo…” aniya at tumayo. Kailangan niyang itago ang mga iyon pero wala na siyang oras. Sana lang ay hindi nakialam si Vance sa mga gamit niya. Sana lang ay wala itong pakialam sa ginagawa niya. “Gusto mo bang kumain muna tayo? Baka gutom ka. Gutom kasi ako.”
Itinaas nito ang kamay. “Later.” Tumayo ito at lumapit sa mesa kung saan siya nagtatrabaho. “Interesado ako sa pinagkakaabalahan mo. Hmmm.. let me see.”
Dinampot nito ang isa sa mga notebook na nakatalaksan doon. Tumigil ang pagtibok ng puso niya nang buklatin iyon ni Vance. May pangalan pa iyon ni Dr. Pietro Ambrosio. Oh, no! Gusto sana niyang tumakbo para hablutin iyon mula kay Vance pero lalo siyang magmumukhang guilty kapag ginawa niya iyon. Pinakalma niya ang sarili.
There must be some way to get through this. Basta huwag lang akong magpa-panic. Huwag magpa-panic.
Hindi siya humihinga habang hinihintay ang susunod na sasabihin o gagawin ni Vance pero nanginginig na talaga ang tuhod niya.
Walang ekspresyon sa mga mata nito nang tingnan siya. “Magiging masyado ka ngang busy kung nasa iyo ang mga ito.” His voice was flat but with a hint of danger.
Pilit siyang ngumiti. “I-Interesado lang ako na basahin ang findings nila sa El Nido. Alam mo naman kung gaano kaimportante ang project na iyon sa akin. I really hate leaving them in a lurch. Tutal wala naman akong ginagawa dito kaya…”
“Kaya ikaw ang nagprisinta na gumawa ng journal nila para sa publication?” dugtong nito sa sasabihin niya at tumiim ang mga mata. “Tumanggap ka ng trabaho?”
Nahigit niya ang hininga. Di siya makagalaw sa kinatatayuan niya nang mga oras na iyon. Parang tumigil ang mundo niya nang mga oras na iyon. He knows. He knows.
Hindi niya napaghandaan ang sandaling ito. She was too wrapped up in her cocoon world. Di niya naisip na baka malaman ni Vance ang tungkol dito.
Lumunok siya at tinatagan ang loob. Hindi ito ang oras para manghina siya. Pinili niya ang labang ito. At hindi siya papayag na umurong. Kailangan niyang ipanalo ito kung gusto niyang manatili pa ang dignidad niya. Hindi siya papayag na kunin na naman iyon ni Vance sa kanya sa pangalawang pagkakataon.
“I am just helping them out with the journal. Kulang sila ng tao at gusto ko lang naman na makatulong,” palusot niya.
“…behind my back,” nagngangalit nitong sabi. “Sinadya mo talaga itong itago sa akin.”
“Hindi iyon katulad ng iniisip mo.”
Namaywang ito at kinagat ang labi na parang pinipigilan lang nito na tuluyang sumabog. “Kaya naman pala di mo ako kinukulit nitong nakakaraang araw tungkol sa trabaho. Kaya pala mukha kang pagod at distracted. Nakakalimutan mo nang kumain at pati ang vitamins mo hindi mo naiinom sa oras. Mas inuuna mo pa ang trabaho kaysa sa kapakanan ng magiging anak natin.”
“Vance, hindi iyon kasing sama ng iniisip mo. Hindi ako nagpapagod. At kumakain ako kapag gutom ako kahit na di oras ng pagkain. Ngayon lang din ako nakalimot uminom ng vitamins dahil nakatulog ako,” pangangatwiran niya. Minsan lang naman ito nangyari pero parang araw-araw na niyang ginawa.
“At hindi iyan mangyayari kung hindi ka nagtatrabaho,” giit nito at mistulang nag-aapoy ang mga mata nito sa galit habang tinitingnan siya. Kung literal ang apoy na iyon ay baka kanina pa siya natupok. Inilahad nito ang mga kamay. “Bakit ba ayaw mong makinig sa akin? Do you hate me so much that you will put our child in jeopardy?”
“Vance, ano bang sinasabi mo? Hindi ko magagawa iyon sa anak natin. Hindi naman delikado ang pagtatrabaho ko. May iba ngang babaeng buntis na mas mabigat pa ang trabaho kaysa sa atin. Alam ko kung anong limitasyon ko. Kung gusto mo magpatingin pa tayo sa doktor ko ngayon…”
Iwinaksi nito ang kamay para patigilin siya. “Don’t give me those lines. At kahit na sabihin mong ngayon mo lang nakalimutan na kumain o uminom ng gamot, paano kung sa susunod makalimutan mo ulit? Katulad nang hindi ka lang isang beses na nagsinungaling sa akin. Sinabi ko sa iyo na hindi ka pwedeng magtrabaho. Gusto ko na mag-focus ka sa anak natin. Mahirap bang intindihin iyon?”
“At ano naman ang gagawin ko dito sa bahay?” naghahamon niyang tanong at itinukod ang palad sa balakang niya.
Inilahad nito ang palad at inikot ang mata sa paligid. “You fix the house. Marami pang pwedeng asikasuhin dito.”
“Subukan mo kayang maiwan dito sa bahay at tingnan natin kung may magagawa ka pa. Everything is running smoothly here. Hindi na nila ako kailangan. Mababaliw na ako dito. Pakiramdam ko wala akong silbi dito. Hindi mo kasi alam ang nararamdaman ko. I am pregnant. Most of the time I feel ugly. I feel unwanted. I feel like my self-confidence is slipping away everyday I still inside this house doing nothing.”
“You are my wife. Ano bang sinasabi mo?” tanong nito na parang di nito naiintindihan ang sinasabi niya o ayaw lang siya nitong intindihin.
Nakuyom niya ang palad at idinikit sa noo niya. Mariin siyang pumikit at parang maiiyak na siya kay Vance sa sobrang frustration. Sobrang bigat ng dibdib niya at pakiramdam niya anumang oras ay sasabog na siya. “I don’t feel like a wife, Vance. I don’t feel like your wife. Hindi mo ipinaparamdam sa akin na gusto mong maging asawa ako. Parang isa lang akong preso na kailangan mong parusahan sa pamamagitan ng pagtatali sa akin sa kasal na ito. You are punishing me by taking away my self-worth. I am just a vessel to you. Isang babaeng magdadala ng anak mo. Isasama mo lang ako sa parties para ipakita sa mga tao na responsable kang lalaki dahil may asawa ka na. Gusto mong alagaan ang image mo. Parang gamit lang ako na dadamputin mo kapag kailangan mo at isasantabi kapag wala nang silbi ay hahayaan mo lang akong maalikabukan sa isang tabi,” mapait niyang sabi.
Matigas ang anyo nito habang nakatingin sa kanya. “Ikaw lang ang umiisip niyan.”
“Hindi ko ito iniisip. That’s what you make me feel like. Tao ako, Vance. Nasasaktan din ako. Gusto ko naman na pasayahin ang sarili ko. Na maramdaman ko na may silbi ako. Gusto ko paglabas ng anak natin na malaman niya na may silbi din ang nanay niya at hindi isang palamuti lang sa buhay mo o sa bahay na ito.”
Iwinasiwas nito ang kamay. “You want to work? Fine. Gawin mo kung anong gusto mo. Basta maghanda ka na sa party. May thirty minutes ka para maghanda. Tatawag na lang ako para sabihin na male-late tayo.”
“Hindi ako sasama sa party,” matigas niyang sabi at namaywang.
“Then don’t!” sigaw nito na parang naubusan ng pasensiya sa kanya. “Huwag mo na akong hintayin mamayang gabi. Matulog ka na lang agad at huwag ka nang magpuyat sa trabaho. Kahit man lang iyon magawa mo para sa anak natin.”
Nangingilid ang luha sa mata ni Phoenix pero hindi niya hinayaang tumulo iyon habang pinagmamasdan si Vance na papalayo. Ininom niya ang tubig na nasa mesa para paluwagin ang paninikip ng dibdib niya. Kailangan niyang maging malakas. Nanalo na siya. Nanalo na siya. Sumuko na si Vance sa kanya.
Kanya-kanya na sila mula ngayon. Gagawin niya ang gusto niya. Pwede siyang magtrabaho at di na siya pakikialaman pa ni Vance.
Pero bakit parang hindi siya masaya? Bakit parang di pa rin niya nakuha ang rekognisyon at respeto na hinihingi niya mula dito?
Dahil kahit ano pang sinabi nito ay di pa rin mababago ang opinyon nito sa kanya. Hindi pa rin siya nito mahal. Hindi pa rin magiging ganoon kasaya ang magiging pamilya nila gaya ng pangarap niya.
Naramdaman na lang niya ang pagpatak ng luha sa mga mata niya. Pakiramdam niya ay mas bigo pa siya kaysa dati.