Chapter HNL 114

ISINARA ni Phoenix ang laptop niya nang walang matinong nagagawa. Wala na siya halos maintindihan sa mga bagong data na ipinadala sa kanya. Ni wala siyang naisulat kahit isang matinong salita. Nasira na ni Vance ang mood niya sa pagtatrabaho.

Hindi naging maganda ang komprontasyon nila kanina sa library. Hindi rin maganda ang pakiramdam niya. She made her point. She got what she wanted. And she still felt wretched.

"Nakakainis! Hindi tama ito!" usal niya at isinuklay ang daliri sa buhok niya.

Akala niya ay sapat na mapa-oo niya si Vance sa lahat ng gusto niya. Ngayong hinayaan siya nito ay may kulang pa rin. Dahil hinayaan lang siya nito. Sinukuan. Nasasaktan siya dahil di pa rin niya nakuha ang respeto at totoong permiso mula kay Vance. Dahil di pa rin nito kinikilala ang kakayahan niya. Hindi pa rin ito masaya na masaya siya at fulfilled sa trabaho niya. At malamang ay mas tumindi pa ang galit nito sa kanya kaysa dati dahil iniisip nito na kinakalaban niya ito dahil lang matindi ang galit niya dito.

They were back to zero. Negative pa nga ata.

Sabi niya sa sarili ay wala naman siyang pakialam kahit na magalit ito. Ano ngayon kung mas maging malamig ang pakikitungo nito sa kanya? Basta magagawa niya ang gusto niya ngayon at magiging masaya siya sa trabaho niya gaya ng ninanais niya.

Pero bakit di pa rin siya masaya? At ang masaklap, parang nakokonsensiya pa siya sa ginawa niya kay Vance. Kahit anong pangangatwiran ang gawin niya sa sarili na tama ang ginawa niya. She had to sneak behind his back because he was too domineering and she was jealous because he was free to do whatever he wanted. Nagseselos din siya sa mga babaeng nakakasama nito kapag wala siya. Hindi rin naman lahat ng galaw nito ay sinasabi nito sa kanya. Serves him right. Amanos na lang sila.

Sinapo niya ang noo. Humihiyaw pa rin ang konsensiya niya na kasalanan niya ito. Na sana ay hindi siya nagpadala sa galit at selos niya. Sana ay sinunod na lang niya ito na huwag munang magtrabaho sa loob ng ilang buwan. Sana ay di ganoon kasama ang imahe niya dito. Baka sakaling mahalin pa siya nito… katulad kung paano ito natuwa dahil sa inayos niya ang nursery. Noon lang niya nakitang lumambot ang anyo ni Vance sa kanya at sinagot ang yakap niya dito. And it was the best feeling. Baka di na niya maramdaman pa iyon. Ngayon ay nasaktan niya ito at ininsulto. Their gap was wider than ever.

Ayaw na niyang pakinggan ang konsensiya niya. Tapos na ang lahat. Nandito na sila ni Vance sa sitwasyon na ito at hindi na niya ito mababago. Kailangan niya ng kakampi. Kailangang matahimik ng konsensiya niya. At isa lang ang pwede niyang maging kakampi. Isa lang ang alam niyang pwedeng magsabi na tama ang ginagawa niya.

Tinawagan niya si JK sa Viber account nito. "Hello, bestfriend!” bati nito sa hinihingal na boses. “Kumusta ang buntis?”

"Busy ka ba?” Kumunot ang noo niya nang muling marinig ang paghahabol nito ng hininga. “Hinihingal ka. Nagwo-work out ka ba?"

Narinig niyang may umungol sa likuran nito. "I am in the middle of... Joshua will kill me for this."

"You are making out?” tanong niya.

"Yes!" she answered in an exasperated tone.

"I'm sorry. Sana pala nag-text muna ako kung pwede kang tawagan,” nahihiya niyang usal. “Importante lang kasi.”

"Marital problem again, I figure?" her friend suspected.

Tumikhim siya. "Medyo lang naman,” nahihiya niyang pag-amin. “Uhmmm...do you have time? Pwede namang tawagan na lang kita mamaya kasi nakakaabala ako."

It was so embarrassing. Her friend was in the middle of making out. Heto siya ngayon at maglalahad ng problema tungkol sa kanila ng asawa niya. Wala na siyang ibang matatakbuhan kundi ito. How pathetic!

“Hindi na. Nakaabala ka na kaya lubus-lubusin mo ito. Sandali.” Narinig niyang humina ang boses nito. "Honey, can you give me five minutes? This is just an emergency. Phoenix needs my attention so badly. I will make it up to you later.”

"Fine. You must double your efforts later,” narinig niyang sabi ni Joshua. Di niya maiwasang mangiti sa pagkukulitan ng mga ito. Nami-miss niya ang ganoong kulitan nila ni Vance dati.

Narinig niyang sumara ang pinto. “Okay. So anong problema?” tanong ni JK sa kanya.

"Alam na ni Vance na nagtatrabaho ako.”

“Sandali! Nagtatrabaho ka pero di alam ni Vance?” bulalas nito. “Aba! Baliw ka ring talaga, no? Alam mo naman na pag-aawayan ninyo iyan pero sumige ka pa rin.”

Napangiwi siya. Sabi na nga ba niya’t sesermunan siya nito. “He is not supposed to know. Bigla na lang siyang umuwi ng maaga kanina habang natutulog ako. Nakalimutan ko daw kumain ng miryenda at uminom ng vitamins kaya umuwi siya agad. Nakita niya ang mga note ng mga kasamahan ko. Tinawagan din niya si Doctor Ambrosio. Ayun!”

“Walang lihim na hindi nabubunyag.”

Bumagsak ang balikat niya. “Nagkasagutan kami. Sabi niya bahala daw ako kung gusto kong magtrabaho. At ine-expect pa niya na sumama ako sa kanya sa party. Sabi ko hindi ako sasama sa party sa inis ko sa kanya. Galit na galit siya sa akin at nilayasan niya ako."

"Kasalanan mo naman pala. Nagpabuko ka. Sabi ko naman sa iyo hindi magandang idea na ilihim mo sa kanya ang tungkol sa pagtatrabaho mo," anito at pumalatak. “Tapos kinalimutan mo pa palang uminom ng vitamins mo at kumain.”

"Minsan lang naman. And it was no big deal. Nakatulog kasi ako. Paggising ko naman kakain naman ako at iinom ng vitamins," apela niya. “I mean it isn’t so bad.”

"Na pwede pang maulit at makasama sa anak ninyo."

Bumuga siya ng hangin. “You sound like Vance.”

“Ikaw ba ay tumawag sa akin dahil naghahanap ka ng kakampi o dahil gusto mo talagang makarinig ng sane advice para maayos ang problema na ito?” tanong ng kaibigan sa mataray na tanong.

“I need… I need someone who will understand me.”

“Because?”

Huminga siya ng malalim. “Kasi… kasi nakokonsensiya ako dahil nagalit sa akin si Vance. Kasi naglihim ako sa kanya.”

“Iyon naman pala. Alam mo naman pala na may mali ka. Mag-sorry ka na lang para tapos ang usapan.”

Naipadyak niya ang paa at pinisil ng daliri ang pagitan ng mga mata niya. “Ako pa ang magso-sorry ngayon? Sino ba ang domineering? Sino ba ang akala mo kung sino kung makautos?”

“He is your husband and he cares about your baby?”

Huminga siya ng malalim. “Pero kung umasta siya parang pag-aari niya ako. Nagagawa niya ang lahat ng gusto niya pero ako gusto niyang magmukhang tanga sa bahay. indi naman ako magtatrabaho nang di sinasabi sa kanya kung nakinig sana siya sa akin. Ginagantihan niya ako."

“Kaya ginantihan mo rin siya sa pamamagitan ng pagtatrabaho?”

“No. Sinusubukan ko lang bawiin ang sarili ko. Is that so bad? Hindi ko naman gagawin ito kundi ako nasasakal. Kung nararamdaman ko kahit paano na pinahahalagahan ako ni Vance. Na hindi niya ako tinatrato na parang gamit. Suportahan mo naman ako dito,” naluluha niyang sabi.

“Sige na. May katwiran ka na. Nagawa mo naman ang gusto mo. Ngayong nalaman ni Vance na nagtatrabaho ka nang di niya alam, anong ginawa niya sa iyo? Ikinulong ka sa kuwarto mo at kinandaduhan? Mistula ka bang prinsesa sa tore?"

"No. Sabi niya bahala na daw ako. Gawin ko daw lahat ng gusto ko. Magtrabaho daw ako kung gusto ko. Bahala na daw ako."

"O! Okay na pala. Dapat magpa-party ka,” anito sa masayang boses. “Imbitahan ang buong village.

"Nagalit siya sa akin. Dapat kasama niya ako na pumunta sa party ngayon pero sabi ko ayoko kaya umalis siyang mag-isa,” aniya sa nagrerebeldeng tono.

"Wrong move, my friend. Dapat sumama ka pa rin. Ang mga ganyang party ang delikado kapag katatapos lang ng away. Susceptible ang mga lalaki sa tukso. Because he felt betrayed, baka mamaya i-betray ka rin niya sa ibang babae. Marami pa manding babaeng umaali-aligid sa asawa mo. Mas may sabit, mas gusto nila dahil may challenge."

Nahigit niya ang hininga. "M-Mambababae si Vance?"

"Sabi mo okay lang,” kaswal na sagot ng kaibigan niya. “Ang pagkakatanda ko ikaw ang nagbigay ng permiso sa kanya. So he might take up whatever offer he can get.”

She saw red with the image her friend painted. “No! Hindi ako papayag,” nausal na lang niya. Kaya nga siya nagkakaganito dahil nagselos siya sa mga babaeng umaaligid kay Vance, di ba? Dapat nga siguro ay di siya nagmatigas. Dahil niloloko lang niya ang sarili niya kung sasabihin niya na wala siyang pakialam kahit mambabae ang asawa.

"Ginusto mo iyan. Masyado kasing mataas ang pride mo. Ikaw rin ang nahihirapan sa huli. Kung nag-aalala ka, i-check mo siya o kaya puntahan mo sa party. Ipaalala mo na mag-asawa pa rin kayo. Pero parang alanganin yata iyan dahil hindi ka makakapag-demand sa kanya. Katatapos mo lang kontrahin ang gusto niya. Sabi mo wala na kayong pakialamanan. Ewan ko lang kung makikinig siya sa iyo."

Tatawagan niya si Vance para i-check kung may ibang babae ito o kung anong oras ito uuwi? Parang ibinaba na rin niya ang pride at nag-sorry dito. Ganoon din pala ang babagsakan niya. Tiyak na pagtatawanan siya nito dahil iisipin nito na di niya ito matitiis. Na mahina siya pagdating dito.

At ano na naman ang itsura niya? Na naghahabol siya dito. He won’t miss the chance to pounce on her again with the slight hint of weakness. Kung mambababae man ito, mabuti nang huwag na lang niyang malaman ang totoo.

"Hindi ko siya tatawagan," nakasimangot niyang wika.

"Mas matatahimik ka pa rin kung malalaman mo ang ginagawa niya. Ikaw din. Sino ba ang mai-stress habang iniisip mo kung may ibang babaeng dumidikit sa asawa mo? Hindi ba ikaw? Hindi ka makakatulog. Mababaliw-baliw ka. Pati baby ninyo mai-stress din. Paano kung may mangyaring masama sa anak ninyo? Lalong magagalit sa iyo si Vance? Hindi pwedeng di ka niya pakialaman kapag concern na ang anak ninyo,” paalala nito.

Mariin siyang pumikit. “Hindi ko ipapahamak ang anak ko. Fine. Di ko na lang iisipin si Vance para hindi ako ma-stress. Wala akong pakialam sa babae niya. Wala talaga.”

“Talaga? Hindi mo siya iisipin? Sabi mo rin iyan dati pero anong nangyari sa iyo? Di ba buntis ka? Tapos sabi mo okay lang sa iyo na mambabae siya. Kaya ka nga nagrerebelde nang ganyan dahil na rin sa selos kay Vance. Tapos sasabihin mo sa akin ngayon na hindi mo na siya iisipin. Kaya mo ba talaga iyan? Tried and tested na kasi na hindi. Kaya tawagan mo na lang siya para matahimik ka na at matahimik na rin ang anak mo na stress na stress na sa iyo.”

“So tatawagan ko talaga?”

“Oo. Kung ayaw mong kausapin si Vance, pwede mo namang itanong sa ibang tao na kasama niya sa party. O, paano? Babalikan ko na si Joshua. Baka siya naman ang mag-walk out sa akin."

“Kinakabahan pa rin ako. Sabi ko kasi okay lang na mambabae siya.”

“Naku! Ngayon ka pa kinabahan. Ang lakas mo ngang magtrabaho sa likuran niya pero di ginawa mo sa likuran niya. Iyan pa kayang karapatan mo naman na alamin kung may ibang babae siya. Saka kahit gaga ka na sinabi mong okay lang na mambabae siya, sa batas may karapatan ka pa rin. Wala namang tangang husgado sa Pilipinas ang tatanggap ng depensa ng asawa na binigyan siya ng permiso ng asawa niya na mambabae. Last na ito na kakausapin mo ako tungkol dito. Kapag di mo inalam ang kilos niya ngayon, bahala ka na diyan. Bye!”

"Thank you, bestfriend! Bye," napipilitan niyang sabi. Alam niyang kailangan na rin nitong balikan si Joshua o baka love life naman nito ang magkagulo-gulo dahil sa kanya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.