Chapter HNL 116

The telephone conversation didn’t make Phoenix feel any better. Maaga pa ang gabi. Kung umiinom sa bar si Vance, marami pang pwedeng mangyari. Paano kung malasing ito nang tuluyan? Paano kung habang mahina ito ay lapitan ito ng ibang babae at maakit ito? May magagawa pa ba siya doon? Mapipigilan ba niya si Vance? Paano kung siya pa pala ang tuluyang magtulak sa asawa niya para pumatol sa ibang babae? Na mas gugustuhin nitong kalimutan na may asawa ito na hindi naman nito mahal at kinamumuhian nito. Paano kung hindi na ito umuwi sa kanya?

Kahit sabihin niyang wala silang pakialamanan sa isa’t isa, it was not making her feel any better. Palakad-lakad lang siya sa library. Nakabukas lang ang laptop niya pero matapos ang kalahating oras ay nag-sleep mode na iyon dahil wala siyang napindot kahit isang key.

Hindi na siya nakapagtrabaho dahil doon. Nasira na nang tuluyan ang mood niya at nahiga na lang sa kama. Hindi siya mapakali at pabiling-biling sa higaan. Wala na siyang ibang iniisip kundi ang lahat ng scenario na may kinalaman kay Vance at sa ibang babae. Ligalig na ligalig ang buong sistema niya. Hindi niya alam kung paano mawawala ang pakiramdam niya na parang may barenang tumatagos sa dibdib niya.

Kasama pa ni si Vance si Deutsch na numero-uno sa pambababae. Alam ni Deutsch ang sitwasyon sa kasal nila ni Vance. Malay niya kung anu-anong ipayo nito kay Vance. Na pwedeng mambabae tutal ay di naman sila talagang nagmamahalan.

Okay. That’s going too far. Pero di naman na bago ang mga lalaking pumapatol sa ibang babae kahit na may asawa na. Sinabi niya na okay lang na mambabae ito basta hindi niya malalaman. Paano kung hindi na ito maging discreet para lang makaganti sa kanya?

Parang sasabog na ang utak at dibdib niya sa kaiisip. Dagdag pa ang kaba niya na posibleng magkatotoo ang hinala niya sa bawat oras na lumilipas na hindi pa rin umuuwi si Vance. Paano kung hindi na ito umuwi nang gabing iyon? Paano kung hayaan na siya nito nang tuluyan? Na hindi na siya nito pakialaman pa? Na mas malamig pa ang maging pagtrato nito sa kanya kaysa dati habang sa bisig ng ibang babae na ito nagpapakasaya? Paano kung pag-uwi nito ay maaamoy niya ang nakakasukang amoy ng pabango ng ibang babae sa damit nito? Could she really take that?

Mahabang sandali siyang nakatitig sa kisame habang paulit-ulit na tino-torture ang sarili niya. Hindi niya alam kung gaano katagal na ganoon ang itsura niya. Hindi talaga siya matatahimik kung mananatili siya doon. Pupunta siya sa party. Susunduin niya si Vance. Di siya pwedeng manatili lang doon habang hinihintay ito na umuwi. Bahala na kung anong sasabihin ni Vance kapag nakita siya. At kung may ibang babaeng naka-angkla dito, bahala na rin kung anong gagawin niya. Gagawin siguro niya kung ano ang unang naisip niya gaya ng sabunutan kung sinumang bruha iyon. Saka na siya magpapaliwanag pagkatapos.

Hinablot ni Phoenix ang maroon gown na siyang una niyang nahawakan sa hilera ng mga gown niya na binili ni Vance para sa kanya nang marinig niya ang ugong ng sasakyan at tumigil iyon sa harap ng bahay. Kumabog ang dibdib niya. Si Vance. Umuwi na si Vance. Hindi niya alam kung paano niya nalaman. Basta alam niyang si Vance iyon.

Parang may pakpak ang mga paa nang bumaba ng hagdan at mabilis na naglakad papunta sa hagdan. Subalit laking dismaya niya nang makitang sports car ni Deutsch ang nakaparada sa harap ng mansion. Nanlamig siya makita si Deutsch na nakatayo sa tabi ng kotse. Wala si Vance.

“D-Deutsch, n-nasaan si Vance?” nanginginig ang boses niyang tanong.

Bigla siyang kinabahan. May nangyari ba ditong masama? Baka nagmaneho ito ng lasing at bumangga. At kasalanan niya kung bakit ito naglasing. Kasalanan niya kapag nadisgrasya ito kung saka-sakali. Paano kung nasaktan ito dahil parang binalewala niya ito at ang kagustuhan nitong alagaan sila ng anak niya? Di ba’t parang siya na rin ang nagtulak dito sa kapahamakan? Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag nangyari iyon. Gusto lang niya nang kaunting kalayaan bilang isang babae. Di niya gustong mapahamak ang asawa niya o kaya ay mabiyuda agad. Hindi iyon kakayanin ng puso niya.

Hindi niya maintindihan ang mukha ni Deutsch. Parang nalulungkot ito na natatakot. “I am sorry, Phoenix. Ayoko talagang iuwi siya nang ganito ang kondisyon kaso wala naman akong choice kundi dalhin siya dito…”

Saka nito binuksan ang pinto ng tabi ng driver’s seat nito at bumulaga sa kanya si Vance na nakalungayngay na ang ulo habang nakaupo. Wala itong kamalay-malay.

Dali-dali niya itong dinaluhan. Hinawakan niya ang mukha at kinapa-kapa kung may sugat ito o may pasa. “A-Anong nangyari sa kanya? Napaaway ba siya? Nadisgrasya?”

Hinawakan ni Deutsch ang balikat niya. “Wala. Walang nangyaring masama sa kanya. Relax ka lang. Nalasing lang siya.”

“Nalasing?” bulalas niya.

That was weird. Di pa niya nakita o nabalitaang nalasing si Vance noon. Napaka-disiplinado nito pagdating sa alcohol. Huwag nitong sabihing nalasing ito dahil sa pagtatalo nilang dalawa. Kalokohan! He was stronger than that.

Nabanggit sa kanya ni Amery na mukhang problemado ito at umiinom pero di niya inaasahan na makikita talaga niya itong lasing na lasing at walang malay.

“Mas mabuti kung iaakyat si Vance sa kuwarto ninyo. Mas magiging komportable siya doon. Okay lang ba? O bawal siyang pumasok sa bahay dahil lasing siya?” tanong nito. “Sabi kasi ni Amery bawal daw umuwi si Vance kapag lasing. Sinabi mo daw malilintikan siya. So I hope you will go easy on my friend.”

Sinabi din pala ni Amery ang sinabi niya kahit na binawalan niya ito. Pilya talaga ang isang iyon kahit na kailan.

. “E bakit pa rin siya naglasing? Alam naman pala niya na ayokong umuwi siya kapag lasing siya,” sabi niya kay Deutsch.

“Late nang sinabi ni Amery. Lasing na si Vance noon. Wala naman akong choice kundi iuwi siya dito. Baka kasi isipin mo kung saan pa siya nagpunta. Saka asawa mo naman iyan. Dapat lang siguro na kahit anong mangyari, sa iyo pa rin siya uuwi. Huwag ka na sanang magalit. Kawawa naman ang kaibigan ko. Ngayon lang nalasing iyan,” wika ng binata.

Bumuntong-hininga siya. Oo nga naman. Asawa niya si Vance kaya naman dapat lang na sa kanya ito umuwi kahit at wasted na wasted. Dapat nga ay magpasalamat siya na inuwi pa ito ni Deutsch sa kanya at hindi ipinauwi kung kani-kaninong babae.

Lumapit sa kanila si Mang Ador. “Ma’am, may maitutulong po ba ako?”

“Magpapatulong po sana ako na iakyat sa kuwarto niya si Vance,” sabi Deutsch. “Medyo mabigat po ang isang ito.”

“Sige po, Sir Deutsch.” At si Mang Ador na ang humatak palabas ng sasakyan kay Vance. Inalalayan naman ito ni Deutsch.

Nauna na siyang pumasok sa loob ng bahay at umakyat siya ng hagdan. Hinabol siya ni Manang Doria. “Ma’am, may maitutulong po ba ako?” tanong nito.

“Pakidalhan ako ng palanggana sa kuwarto ni Vance. Salamat.”

Nag-alangan siyang pumasok nang tumapat sa harap ng kuwarto ni Vance. Hindi pa siya nakakapasok doon ngayong mag-asawa na sila. Di siya komportable. Hindi niya kabisado ang kuwarto ni Vance. Maaring alam na ng lahat na di sila magkasama ni Vance sa iisang kuwarto pero hindi pa rin siya komportable na aktuwal iyong malaman ng iba. Mahahalata ng mga ito na parang di siya tunay na asawa ni Vance. Ni hindi niya alam ang ayos ng kuwarto o gamit nito.

Narinig niya ang paparating na yabag nina Vance at Mang Ador. Wala na siyang oras para magpatumpik-tumpik pa. Asawa pa rin siya ni Vance. Kung sa kanya pa rin ito umuwi kahit na nalasing ito at hindi ito nag-entertain ng ibang babae, ibig sabihin ay kailangan niya itong asikasuhin kapag lasing ito. Wala naman ibang mag-aasikaso dito kundi siya.

Binuksan niya ang pinto at saka hinayaan iyong nakabukas para tuloy-tuloy makapasok ang mga ito. Tumuloy siya sa shower room at binuksan ang maliit na cabinet doon kung saan nakasalansan ang malilinis na bimpo. Mabuti na lang at iyon ang sistema sa buong kabahayan ayon na rin sa kagustuhan ng Tito Mauricio niya.

Maya maya pa ay ibinigay na sa kanya ni Doria ang palanggana.”Tutulungan ko na po kayo, Ma’am.”

“Sige. Salamat.”

Ito na ang nagtimpla ng tubig habang siya naman ay kumuha ng eucalyptus oil at ipinatak sa tubig para mas maginhawan si Vance kapag pinunasan ito. Mabuti na lang at may alam siya kung paano mag-asikaso ng lasing dahil siya ang taga-asikaso kay JK kapag lasing itong umuuwi sa apartment niya dahil nakipag-break ang mga boyfriend nito dati.

Paglabas niya ng banyo ay naabutan niyang nagwawala si Vance. Naibaba na ito nina Mang Ador at Deutsch sa kama. “Don’t touch me. Don’t touch me. Masasaktan ka sa akin. Stay away from me.”

“Ay, Sir! Tatanggalin lang naman po ang sapatos ninyo. Maka-English naman kayo, Sir. Dudugo po ang ilong ko. Wag kayong malikot,” anang si Mang Ador subalit muntik pa itong masipa ni Vance.

“No! I am married. My wife will kill me if another woman touches me. Please don’t touch me,” pakiusap ni Vance na nanghina pagkuwan at ibinagsak ang sarili sa kama. Subalit naririnig pa rin niya ang mahinang salita nito na ayaw nitong hawakan ito ng ibang babe.

Naestatwa si Phoenix sa kinatatayuan at natigagal. Tama ba ang dinig niya? Ayaw magpahawak ni Vance sa iba dahil inaalala siya nito? Ayaw nitong may ibang babaeng hahawak dito. Kahit na lasing ito ay nirerespeto nito ang kasal nila. Ang pagsasama nila bilang mag-asawa. Hindi nito gustong lapitan ito ng ibang babae kahit na nag-away sila kanina. Ayaw nito sa iba kahit na lasing ito.

Nakita naman niya ang amused na ngiti sa kanya ni Deutsch. Dineadma lang niya iyon. Mukhang alam nito ang problema nila ni Vance at gusto nitong makita ang reaksiyon niya. O baka naaaliw lang ito dahil mukhang tanga ang kaibigan nito dahil sa kanya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.