Chapter HNL 117

“Ma’am, paano po ito? Baka po magalit si Sir Vance kapag hinawakan ko po siya. Hindi ko po siya maaasikaso,” sabi ni Doria na may pag-aalala sa mukha. Dalawang lalaki nga naman ang pumigil kay Vance kanina at nahirapan. Ano nga ba naman ang magagawa nila?

“Sige, Doria. Ako na ang bahala sa kanya. Pakiiwan na lang po ang palanggana sa mesa sa tabi ng kama. Magpahinga na rin po kayo,” aniya sa malumanay na boses.

“Pero baka po masaktan kayo kapag nagwala na naman si Sir Vance. Kita naman po ninyo nahirapan sila Ador na pigilan siya. Buntis pa mandin po kayo,” nag-aalalang sabi nito.

“Ako naman ang asawa niya. Siguro naman hindi na magwawala si Vance kapag na-realize niyang ako ang nag-aasikaso sa kanya,” wika niya. “Kaya ko na ito.”

Hindi niya alam kung bakit di siya nakadama ng takot na saktan siya ni Vance. Siya ang hinahanap nito. Siya ang pinili nito. Siya ang kailangan nito. Kaya natitiyak niya na sapat na kakalma ito. Kailangan lang niyang magtiwala dito dahil sa gabing ito ay di nito sinira ang tiwala niya. Umuwi pa rin ito sa kanya.

“Sige po. Basta tawagan lang po ninyo ako sa intercom kapag kailangan po ninyo ng tulong,” sabi ni Manang Doria at parang nag-aalanganin pa rin na iwan siya para mag-isang mag-alaga kay Vance.

“Lalabas na rin po ako, Ma’am,” sabi ni Mang Ador. “Magbibihis lang po ako para makuha ko po ang sasakyan ni Sir Vance sa party at maiuwi po dito. Sasabay na po ako kay Sir Deutsch.”

Tumango siya. “Sige po. Marami pong salamat sa tulong.”

“Hihintayin ko na lang kayo sa baba, Mang Ador. Tutulungan ko na po si Phoenix sa pag-aasikaso kay Vance,” sabi ni Deutsch at akmang tatanggalin ang sapatos pero pumalag na naman si Vance.

“I will kill you if my wife kills me!” angil ni Vance.

Naalarma si Phoenix at natigilan sa pagpipiga ng bimpo. Tinampal ni Deutsch ang binti ni Vance. “Hoy! Si Deutsch ito.”

“Deutsch?” Huminahon ang asawa niya at pagkuwan ay umungol. “Man, why is my wife so stubborn? Hindi niya maintindihan kung bakit ayaw kong magtrabaho siya. Gusto ko lang naman silang alagaan na mag-ina ko. Why did she do this to me? Bakit ayaw niyang makinig? Alala ba niya hindi ako masasaktan kapag may nangyaring masama sa kanila ng anak ko? Ako ang unang-unang nahihirapan kapag nakikita siyang pagod sa trabaho at maraming iniisip. Pangarap ko na magkaroon ng maayos na pamilya. Gusto kong maprotektahan sila gaya ng ginawang pagprotekta ni Papa sa amin ni Mama. I want to be a responsible father and husband. Hindi naman sarili ko ang iniisip ko kundi silang dalawa ng anak ko. Bakit kailangan niyang pahirapin ito? Does she really hate me that much? Hindi ba siya napapagod na lagi kaming nag-aaway? Kaya nga para di na lang kami mag-away, hinayaan ko na lang siya. Doon kasi siya masaya. Anong magagawa ko?”

Binigyan siya ng isang nananantiyang tingin ni Deutsch. Hindi nito alam kung sasagot kay Vance tungkol sa isyu nang nandoon siya sa harap nito. Kung ganoon ay naglasing si Vance dahil sa problema nila? Dahil nagtalo sila kanina at labag sa loob nito na hayaan siyang magtrabaho.

Iniwas na lang niya ang tingin kay Deutsch at kunyari ay binuksan ang cabinet na lang para ipaglabas ng malinis na damit na pantulog si Vance. Isang ternong pyjama ang inilabas niya para mas maging komportable ito at mas madaling suot kaysa sa sando.

Iniwas niya ang tingin sa dalawa. Hindi niya magawang pakinggan ang sakit sa boses ni Vance. He was suffering. He was hurt. At siya ang may kagagawan ng lahat. She felt guilty. Oo nga’t may ipinaglalaban siya pero hindi naman niya gusto na pasamain ang loob ni Vance at saktan ang anak nila. Alam naman niya kung saan titigil. Kung maiintindihan siguro ni Vance na gusto niyang magkaroon ng kaunting independence at silbi ay hindi sila magtatalo. But of course, may sarili itong view sa isyu.

Tinapos ni Deutsch ang paghuhubad ng sapatos ni Vance pagkatapos ay hinubad ang polo ng asawa niya. “Deutsch, nakikinig ka ba?” angil ni Vance dito. “Bakit mo ako hinuhubaran? Magsu-swimming ba tayo? Inom na lang tayo. Ayokong mag-swimming.”

Kinalas lang ni Deutsch ang sinturon ng pants nito. “Matulog ka na lang, Vance. Lasing ka na. Lalasing-lasing ka tapos di mo kaya. Sa susunod na lang tayo mag-usap. Uuwi na ako,” sabi ng binata sa asawa niya at tinampal na magaan ang pisngi nito.

“Lasing ka ba? Bahay mo ito. Bakit ikaw ang uuwi?” tanong ni Vance at pagak na humalakhak. Humina ang tawa nito at maya-maya pa ay umuungol na lang ulit hanggang tuluyang makatulog.

Umurong si Deutsch at iniwan lang na nakapantalon si Vance. “Kaya mo na ba siyang mag-isa?” tanong nito sa kanya.

Tumango si Phoenix at pinagmasdan ang animo’y nahihimbing nang asawa. “Mukha namang harmless siya. Umuwi ka na. Alam ko na marami ka pang trabaho. Baka may iniwan kang ka-date para lang kay Vance. Nakakahiya naman sa iyo.”

“Ikaw na ang bahala sa kaibigan ko,” makahulugang sabi ng binata. Alam niyang maraming ibig sabihin ang simpleng salitang iyon.

Ihinatid niya ito sa pinto sa kuwarto ni Vance. “Salamat sa paghahatid sa kanya. Pasensiya na kung naabala ka pa.”

“Don’t worry about me. Maghihintay naman ang mga girls sa akin,” nakangisi nitong sabi. “I need to console them after Vance rejected them.”

Umungol siya at inikot ang mga mata. “Those girls. Mukhang wala silang pakialam kahit may asawa ang isang tao o hindi. Did Vance…”

Nagkibit-balikat ito at pinutol ang iba pang sasabihin niya. “Hindi interesado si Vance sa kanila kahit na obviously, wala silang pakialam kung married si Vance o hindi. Kita mo naman ang asawa mo. Kahit na lasing iyan, hindi siya pwedeng hawakan ng kung sinu-sinong babae. I pity the girl who would try to touch him while he is drunk. Kahit nga kaninang di siya lasing ay inaangilan na niya. Magpasalamat ka na lang dahil hindi siya nagmana sa akin. Sabagay, kung sa akin siya nagmana, hindi siya mag-aasawa. Di rin siya magiging seryoso sa isang babae. At hindi ko ito sinasabi dahil ayaw kong ma-bad shot ka sa kaibigan ko.”

Binasa niya ang pang-ibabang labi. Gusto nitong ipaalam sa kanya na may alam ito sa pagsasama nila ni Vance. Bigla ay hindi siya naging komportable. “Gusto kong magpaliwanag sa nangyari sa amin ni Vance. Hindi ko alam kung anong sinabi niya sa iyo tungkol sa problema o sa sitwasyon namin pero...”

Umiling si Deutsch. “Wala kang dapat na ipaliwanag sa akin. Kaibigan lang ako ni Vance. Labas ako sa pagsasama ninyo bilang mag-asawa. Hindi naman importante ang opinyon ko o ang opinyon ng ibang tao sa pagsasama ninyo. Kayong dalawa ang magdedesisyon sa gusto ninyong paroonan. I am not an expert in relationships, but I care about my friend. I just hope you’ll find a neutral ground and fix your issues. Ngayon ko lang nakitang naapektuhan si Vance nang ganyan. And you are the only woman who affected him this way.”

“H-Hindi ko alam na maglalasing siya o maaapektuhan siya ng ganito. I mean, he is stronger than this.”

She thought she was just one of those girls. Hindi siya espesyal sa iba. Na nagkataon lang na pamangkin siya ng Tito Mauricio niya kaya nakikipaglapit ito sa kanya. At nagkataon lang na nabuntis siya nito kaya magkasama sila ngayon. Na kung may nasaktan man dito ay pride lang iyon. Na hindi ganoon katindi ang pag-aalala nito sa kanya.

“Kahit naman sinong lalaki nagiging mahina pagdating sa babaeng gusto nila. Mahalaga kay Vance ang magiging anak ninyo. Ang batang iyann lang ang pamilya niya… at ikaw. Please don’t be so hard on him. Kayo na lang ng anak mo ang natitira sa kanya. He wants to make it work. He is really trying.” Pinisil nito ang balikat niya at tumango na lang siya. “I want to see you and my friend happy. Goodnight.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.