Chapter HNL 118

Lutang na lutang ang pakiramdam ni Phoenix nang isara ang pinto at sandalan iyon. Ano bang nangyari sa kanila ni Vance? Parang wala na silang ginawa kundi saktan ang isa't isa. Paano sila bubuo ng pamilya kung lagi na lang silang walang tiwala sa isa't isa? Kung lagi nilang iniisip na may ulterior motive ang isa. Samantalang pareho lang naman nilang gusto ng maayos na pamilya para sa magiging anak nila. Paano pa ba nila ito maaayos?

Binalikan ni Phoenix si Vance na pabiling-biling sa kama at hindi mapakali. Kinuha niya ang basang bimpo. Baka hindi maganda ang pakiramdam nito dahil mainit ang epekto ng alak sa katawan nito. Magiginhawahan ito kung mapupunasan niya ito.

Hinawakan niya ang balikat nito para tumigil ito sa paggalaw. "Vance…”

“Don’t touch me!” anito at tinabig ang kamay niya kahit na nakapikit ito.

“Vance, this is Phoenix," aniya sa malumanay na boses.

“Phoenix,” anito at biglang tumigil sa paglilikot. Parang nakilala nito ang boses niya. Dahan-dahan itong dumilat na parang inaaninag siya. Ngumisi ito nang sa wakas ay nakilala siya. “O! Sinundan mo ako dito sa party? Akala ko ayaw mong pumunta dito? Hindi ba mas gusto mong magkulong na lang sa library para makapagtrabaho? Gusto mo akong mapahiya sa lahat. Ayaw mo akong makasama.”

Wrong. He was so wrong. Gusto niya itong makasama sa parties kahit pa ba parang palamuti lang siya nito para gumanda ang imahe nito. Sa ganoong paraan ay nararamdaman nila na isang unit sila. Na mag-asawa sila. Na may pakinabang siya dito ay sa kompanya. Na maipagmamalaki siya nito. Masaya siya na magkasama sila kaysa sa itinatago siya nito sa bahay at parang ikinakahiya siya nito. He really had no idea. Akala kasi nito ay sarili lang niya ang iniisip niya habang iniisip naman niya na ginagamit lang siya nito para sa pansarili nitong interes.

“You are home now,” nasabi niya at pinunasan ang mukha nito. "Ihinatid ka ni Deutsch dito."

"Bakit ihinatid ako ni Deutsch? Marami pa kaming pag-uusapan," sabi nito at biglang bumangon.

"Ako na lang ang kausapin mo tungkol sa pag-uusapan ninyo,” aniya sa malambing na boses. How pathetic. Sa kagustuhan lang niyang makausap si Vance, kahit na lasing ito ay tatiyagain niya. Parang mas marami siyang nalalaman dito kapag lasing ito.

Umiling ito. Wala sa focus ang mga mata nito nang tumingin sa kanya at ngumisi. “Tungkol nga sa iyo ang pag-uusapan namin. Kaya nga hindi mo pwedeng malaman. Secret iyon. Lalong di mo pwedeng malaman.”

“Tungkol naman pala sa akin ang pag-uusapan ninyo. Bakit hindi ko kailangang malaman? Hindi ba dapat ako nga ang unang nakakaalam kung tungkol iyan sa akin. Because we don’t really talk, Vance. Mas madalas lang tayong magtalo nang di naman talaga natin pinapakinggan ang isa’t isa,” aniyang may himig ng hinanakit sa boses. “Tapos kung ano ang importante di mo pa masabi sa akin. Ano ba talagang gusto mo, Vance?”

“Hindi ko lang maintindihan.”

“Ang ano?” tanong niya.

Itinaas nito ang kamay at ibinagsak ulit. “Phoenix, why do you hate me so much? Ano bang ginawa ko sa iyo?”

Sinapo niya ang kamay nito at mahigpit na hinawakan. “Because I love you so much and you hurt me. Kahit nang gusto ko nang ayusin ang lahat sa atin, ipinagtatabuyan mo pa rin ako. You are the one who hates me so much, Vance. Bakit pa ba tayo nagpakasal kung magkakasakitan lang tayo?”

At hindi niya ito kayang tanungin iyon kay Vance kapag matino ito. Wala siyang lakas ng loob. Kapag binuksan niya ang puso niya dito, pakiramdam niya ay binigyan niya ito ng laya na saktan siya. Alam na alam ni Vance kung paano siya saktan hanggang pakiwari niya ay durog na durog na ang puso niya.

Pero ngayong lasing ito at napaka-vulnerable, nakikita niya na di ito kasing-invincible gaya ng inaakala niya. That she also affected him. Na nasasaktan din ito katulad niya. At ngayong bagsak ang depensa nito habang lasing ito, baka sakaling makuha niya mula dito ang lahat ng sagot sa mga tanong niya. Sa pagkakataong ito ay malalaman niya kung ano ang totoong laman ng puso nito nang di niya iniisip kung may masama nga itong motibo sa kanya.

“I want to take care of you without hating myself. There is so much hate between us. I don’t know if I can trust you. I don’t know if I can make you trust me. I don’t know if you will ever love me again. Alam ko naman napilitan ka lang na pakasalan ako. You want to make my life miserable. Hindi mo naman ako gusto sa buhay ko. Mahalaga lang sa iyo ay ang sperm ko at ang mana mo. Hindi ko nga alam kung mahal mo talaga ang magiging anak natin.”

Nangilid ang luha sa mata niya. There was so much agony and frustration in his voice. Gusto rin nitong magtiwala siya dito. Gusto nitong maayos ang relasyon nila. Dahil na rin sa sarili niyang kagagawan kaya di nito alam kung dapat siya nitong pagkatiwalaan. Masyadong malalim ang ugat ng hidwaan nilang dalawa. Pareho silang di nagtitiwala sa isa’t isa. Pareho nilang iniisip na gumawa ng isa’t isa ng paraan para mabuntis siya at makuha ang mana.

Pumatak ang luha sa mata niya nang haplusin ang mukha nito. “I love you still, Vance. Gusto rin kitang alagaan. Gusto rin kitang pagkatiwalaan pero tuwing ginagawa ko iyon ay binabalewala mo lang ako at laging sinasaktan. I thought you deliberately got me pregnant. Na kompanya lang ang mahalaga sa iyo. Gusto ko ring malaman kung pwede mo ba akong mahalin.” Pinunasan niya ang luha niya. “We are so messed up, Vance. So messed up.”

Nakakunot ang noo siya nitong pinagmasdan. “Lasing nga siguro ako. Phoenix is here. I know you are home and doing your archaeological thing. That’s all you care about.” Sinapo ng palad nito ang pisngi niya. “Huwag kang umiyak na parang nasasaktan ka talaga. I know you only cry to soften me up. Don’t cry as if you are crying for me.”

“Silly. I always cry because of you. Because I love you, Vance. Ayaw mo lang akong paniwalaan.”

Ipinilig nito ang ulo. “I am really drunk. Inuulit-ulit mo lang ang sinabi ko. Parang alingaw-ngaw-ngaw. You are not really here, Phoenix. You don’t really love me. You are just a dream, right?” Ihinimlay nito ang ulo at pumikit. “You are just a dream. I am dreaming.”

“Shhhh! Matulog ka na, Vance.” Kinintalan niya ito ng halik sa noo. Mas marami siyang natutuklasan dito kapag lasing ito kaysa sa mahabang panahon ito na matino ito. Mas marami siyang narinig at naunawaan dito ngayon. Na di naman pala sila nalalayo sa isa’t isa ng sitwasyon. Nagkakasakitan lang sila dahil sa maling akala. “If only you are always drunk, Vance. If only.”

NATAGPUAN ni Phoenix ang sarili na nakaupo sa sofa sa kuwarto ni Vance nang magising siya. Medyo masakit ang leeg niya dahil nakasandig lang ang ulo niya sa medyo mababang sandalan ng sofa. Nakatulugan niya ang pagbabantay dito nang nagdaang gabi.

Bigla siyang tumayo nang makitang nagsisimula nang lumiwanag sa labas. Ayon sa platinum wristwatch niya ay mag-a-alas sais na ng umaga. Inapuhap ng paningin niya si Vance. Hindi na niya namalayan kung anong nangyari dito nang nakaraang gabi subalit nasiyahan siya nang makitang mahimbing itong nakatulog sa kama. Naka-boxer briefs lang ito at ang kumot na inilatag niya sa ibabaw nito ay nasa paanan na ng kama.

Inayos niya iyon at ikinumot hanggang sa baywang nito.

Nakangiti niya itong pinagmasdan. He really looked like a baby. Matapos ang mga natuklasan niya dito nang nakaraang gabi ay mas magaan ang loob niya dito. She saw him in a new light. Hindi naman talaga sila magkalaban. Hindi naman talaga nila gustong saktan ang isa’t isa. They just wanted what’s best for their child and their family. Dahil lang sa di maganda nilang hinala sa isa’t isa, dahil akala nila ay gustong makaganti o makaungos ng isa sa isa pa kaya sila nagkakasakitan. They didn’t really talk. Kailangan lang nilang magkausap nang masinsinan at buksan ang puso sa isa’t isa para magkaunawaan. Kundi pa nalasing si Vance ay hindi niya malalaman kung ano ang totoong nilalaman ng puso nito.

Lumabas siya ng kuwarto nito at nagtungo sa sariling silid. Habang naghihilamos siya ay naisip niya na tiyak na may matinding hangover si Vance paggising nito. At dahil handa itong depensahan ang puri nito kahit na lasing ito at wala itong balak na ibigay iyon sa ibang babae. Nag-away sila at para sa ibang lalaki ay baka rason na iyon para humanap ng ibang babae at maging mahina. Pero hindi si Vance. Nirespeto pa rin nito ang pagsasama nila bilang mag-asawa. Kaya naman dapat lang ay bigyan niya ito ng reward. Siya ang pinili nito kaya dapat lang ay alagaan niya ito.

Tumuloy siya sa kusina at naabutan si Aling Doria na naghahanda ng agahan. “Good morning!” bati niya dito.

"Ma'am Phoenix, natulog pa ba kayo? Magdamag yata ninyong binantayan si Sir Vance.”

“Okay lang sa akin.” Kahit na walang tulog ay magaan ang pakiramdam niya. Siguro dahil panibagong bukas ito para sa kanilang mag-asawa at gusto niyang simulan ng tama. “Magluluto ako para kay Vance ng agahan. Okay siguro ang egg and mushroom soup lalo na’t may nakainom siya.”

Kumunot ang noo nito. “Kaya pa po ba ninyong magluto? Dapat po nagpapahinga na lang kayo."

Ngumiti siya at pumunta sa ref para kumuha ng itlog at fresh na mushroom. "Okay lang ako. Gusto ko na ako mismo ang mag-asikaso at magpakain kay Vance ngayon. Gusto ko na gumaan agad ang pakiramdam niya. Madali naman ang pagluluto ng mushroom soup."

Hindi naman mabigat iluto iyon dahil ganoong klaseng pagkain lang ang okay kainin ng lasing.

“Sige po. Pero tutulungan ko pa rin kayo. Baka mapagalitan kami ni Sir Vance kapag nalamang pinagagalaw na naman namin kayo dito sa kusina. Ingat na ingat siya sa inyo. Kung pwede nga lang po huwag kayong mag-angat kahit isang daliri dito sa bahay.”

Ngumisi lang siya. “Tiyak na may hangover siya paggising niya mamaya. Hindi niya kayo mapapagalitan dahil sasakit lalo ang ulo niya. Kung ayaw niyang maggagalaw ako dito sa kusina, huwag na siyang maglalasing sa susunod,” mapanghamon niyang sabi.

Nakakaunawang tumango si Aling Doria. "Sobrang maasikaso talaga kayo kay Sir Vance. Akala nga namin dati pag nag-asawa siya doon sa babae na masyadong sosyal. 'Yung puro katulong lang ang kikilos para alagaan si Sir. Pero kayo pa mismo ang gustong magluto para sa kanya at mag-asikaso katulad ng ginagawa ninyo kay Sir Mauricio noon. Nakikita naman namin na mahal ninyo si Sir Vance.”

Tipid siyang ngumiti. Buti pa ito nakikita ang pagmamahal niya kay Vance. “Dapat lang naman na asikasuhin ko siya dahil asawa ko siya. Masaya ako kapag ginagawa ko ito… kahit na ayaw niya.”

“Sana lang maging normal ang maging pagsasama ninyo,” hiling nito. “Magkakaanak na po kayo at mas maganda kung makikita ng anak niyo na nagmamahalan ang mga magulang nila katulad ng dati. Kung anuman ang hindi ninyo pagkakaunawaan, sana po ay mapag-usapan ninyo. Hindi sa nanghihimasok ako, Ma’am. Pero parang kapamilya na rin ang turing namin sa inyo. Mas masaya ang bahay kung magkakasundo kayong mag-asawa gaya ng dati. Pwede naman siguro ninyong ibalik ang dati.”

"Magiging maayos din iyon. Susubukan namin. Kailangan lang namin ng panahon para ayusin ito,” sabi niya at sinimulang maghiwa ng sibuyas.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.