Chapter HNL 119

Mas positibo siya ngayon. Hindi man niya pwedeng buksan kay Vance ang mga sinabi ni Deutsch sa kanya kagabi at ang mga sinabi nito habang lasing ito pero pwede naman niyang ipakita dito na pwede nilang ayusin ang relasyon nila. Na pwede silang mag-adjust sa isa’t isa. Alam niyang mahirap pero kailangan niyang makuha muli ang tiwala ni Vance. Pagsisikapan niya ito.

Kung kahapon ay iisipin niyang back to zero na naman siya kapag nagpakumbaba siya at sinunod ang gusto nito, ngayon ay ayaw na niyang magrebelde. Kung maayos naman ang intensiyon nito at ang gusto nito ay alagaan sila ng anak niya at hindi para gipitin siya ay handa naman siyang magtiis ng ilang buwan hanggang makabalik na siya sa trabaho. Kung kailangan niyang gawin ang sakripisyong iyon ay gagawin niya.

Matapos iluto ang soup ay hinayaan na niya si Aling Doria na magluto ng gusto nito para sa agahan. Nagtimpla naman siya ng honeyed water para mawala ang hangover ni Vance. Idinala niya iyon sa kuwarto ni Vance para mainom nito paggising nito.

Pumunta siya sa kuwarto ni Vance. Kumatok muna siya at nang walang sumagot ay saka niya binuksan ang pinto. “Vance?”

Wala na ito sa higaan. Narinig niya ang lagaslas ng tubig mula sa shower sa shower room. Naliligo ito. Habang hinihintay ito na lumabas ng shower room ay inabala niya ang sarili sa pag-aayos ng kama nito. Magulo iyon at lukot din ang bedsheet. Pinapakiramdaman din niya kung ano na ang nangyari dito sa shower room kung sakaling kailanganin nito ang tulong niya.

Ihinanda din niya ang damit na isusuot nito sa pagpasok sa opisina. Vance was a workaholic. Kahit yata may sakit ito ay pumapasok pa rin ito na parang babagsak ang kompanya isang araw lang itong mawala sa trabaho. Pinili niya ang cream na suit nito at dark blue na necktie na may print ng maliliit na yellow na ibon para mas umaliwalas ang dating nito. Mukhang bagay iyon para gumaan ang mood nito.

Narinig niya ang pagbukas ng pinto ng banyo. Nakangiti siyang lumingon para batiin ito. “Good…” nabitin ang sasabihin niya nang makitang nakatayo sa pinto si Vance at nakatapis lang ng tuwalya sa baywang. Natigagal siya nang mabuo ang imahe nito. Nakasandig ito sa pinto habang nakahilig ang katawan at ang ulo sa hamba. Basa ang buhok nito na magulo pa at tumutulo ang tubig sa dulo ng buhok na pumapatak sa nakahubad nitong dibdib. At nagtuloy-tuloy ang landas ng tubig pababa sa puting tuwalya. She was sure that he had nothing underneath. Kahit na di niya nakikita, sapat na ang alaala niya para mag-fill in the blank.

“Phoenix,” nanlalaki ang matang usal nito nang makita siya. “Anong ginagawa mo dito sa kuwarto ko?”

Nanuyo ang lalamunan niya at di niya alam kung anong sasabihin. Napalunok siya. “I am checking if you are okay. Saka… sasabihin ko sana na nakahanda na ang agahan mo.”

Siya naman ang parang lalagnatin habang pinagmamasdan ito. Whew! Ngayon lang ulit niya nakitang halos hubad si Vance. Her libido suddenly kicked in. Matagal na panahon na niya iyon na di nararamdaman. Parang wrong timing yata na pagnasaan ito dahil may hangover ang asawa niya at nanghihina pa. Pati siya ay nanghihina na rin.

At hindi pa nila naaayos ang problema nilang dalawa. There were still so many unresolved issues between them. Libido was not part of the equation. It would only cloud her judgment. Kailangan niya na alagaan ang asawa niya, hindi ang pagnasaan ito.

“Masakit lang ang ulo ko pero di mo ako kailangang alalahanin,” sabi nito at umalis sa pagkakasandig sa hamba ng pinto ng banyo.

Naglakad ito papunta sa kama pero mabuway ang lakad nito at muntik nang matumba. Inalalayan niya ito at inakbay ang braso nito sa balikat niya. "Di ka dapat gumagalaw muna. Mukhang hindi mo pa naman kaya. Paano kung nabagok ang ulo mo kanina habang naliligo ka?" sermon niya dito.

Napapikit siya nang maamoy ang sabong pampaligo na ginamit nito. He smelled so good. At damang-dama din niya ang matipunong katawan nito na nakadikit sa katawan niya. Kundi lang masakit ang ulo nito dahil sa hang-over… RAWR! That is my pregnancy hormones working overtime, of course. Okay. Kahit na hindi ako buntis, lagi ko naman talagang pinagnanasaan si Vance. I can’t help it. I am married to such a gorgeous man. Kaya nga mahirap siyang tanggihan dati. Sobrang hirap.

“I am really okay. Stop sounding like a mother hen,” ungol nito. “Hindi mo ako dapat inaalalayan. You are pregnant.”

“Not an invalid,” dugtong niya. “Makikipagtalo ka pa ba? Masama na nga ang pakiramdam mo.” Inupo niya ito sa kama. “Diyan ka lang. Huwag kang gagalaw,” bilin niya dito. Inabot niya dito ang baso ng honeyed water. “Inumin mo.”

Nakakunot ang noo nitong tiningnan ang baso. “Ano ito?”

“Honeyed water for your hangover. Inumin mo na para mas bumuti ang pakiramdam mo at hindi ka na kailangan pang alalayan ng buntis na babae.”

Nalukot ang mukha nito. “No. Gusto ko ng kape. Black coffee.”

“Mas maganda ang honeyed water para sa hangover. Inumin mo muna iyan saka ako magpapahanda ng kape para sa iyo,” aniya at tinalikuran ito.

Kumuha siya ng malinis na tuwalya sa cabinet at saka tinuyo ang buhok nito. Hindi niya alam pero nae-enjoy niya na inaasikaso ito.

"Para naman akong bata. Kaya ko na iyan,” anito at tinangkang kunin sa kanya ang tuwalya at pigilan siya sa pagtuyo sa buhok nito.

"Vance, stay put! Ako na ang bahala. Huwag ka nang gumalaw dahil lalo ka lang mahihilo. Lalo tayong di matatapos dito kung kokontra ka nang kokontra sa akin."

“So bossy,” usal nito. Tahimik na lang nitong ininom ang honeyed water. Mukhang di nito gusto ang lasa pero walang masamang sinabi.

Naaaliw siya na siya ang nag-aasikaso dito at walang magawa si Vance doon dahil siya ang mas malakas sa kanilang dalawa. Marahil ay talagang nahihilo pa ito dahil di na ito gumalaw pa at hinayaan na lang siya. His hangover must be really, really bad.

"How did I get in here? Ang pagkakatanda ko nasa party pa ako at nag-uusap kami ni Deutsch,” sabi nito at saka ipinagpatuloy ang pag-inom ng honeyed water.

"You had too much to drink. Ihinatid ka ni Deutsch dito sa bahay. Si Mang Ador na ang kumuha ng kotse mo sa hotel. Mukhang masyado kang nag-enjoy kagabi,” aniya sa pinagaan na boses.

"It was a great party. I really had fun.” Hindi niya alam kung defensive lang ito para di nito malaman na alam niya na problemado at apektado ito sa away nila kagabi kaya di nito na-enjoy ang party o nakapag-conduct man lang business talks nito. “Sinong nag-asikaso sa akin? Si Manang Doria?" tanong nito.

Tinaasan niya ito ng kilay. "Si Doria ba ang asawa mo?"

Gulat siya nitong tiningala. "Ikaw ang nag-alaga sa akin?"

The expression on his face was priceless. Parang halos lumuwa ang mata nito sa pagkagulat.

Oo nga naman. Mahirap nga namang paniwalaan na siya pa ang mag-aasikaso dito nang malasing ito. Ang paniniwala kasi nito ay wala siyang pakialam dito. Na okay lang sa kanya kung magpakalasing ito o mambabae at ipahiya siya basta magagawa din niya ang gusto niya?

"Sino pa ba ang mag-aasikaso sa iyo kung hindi ako?” tanong niya at humalukipkip.

“Pero galit ka sa akin. Bakit mo naman ako aasikasuhin?” nagsususpetsa nitong tanong.

“Uminom ka ng honey water. Gusto mo ba ng egg and mushroom soup?” sa halip ay tanong niya. “Ipapaakyat ko na lang dito kung gusto mong kumain para malamanan ang sikmura mo.”

“Parang di ko kayang kumain ng kahit na ano ngayon,” angal nito. “I might just throw up.”

“Kung hindi pa rin maganda ang pakiramdam mo, mas mabuti siguro kung magpapahanda ako ng isang pitsel na honeyed water. I think that is enough to flush the alcohol away…”

Umiling ito at ngumiwi. “No. Soup sounds heaven. Iyon na lang ang kakainin ko. Uubusin ko na itong honeyed water para makain ko ang soup."

Di niya maiwasang mapangiti. Di nga naman nito gustong malunod sa honeyed water. Okay pala habang may hangover si Vance. He was more amenable. Mas madali itong takutin at pasunurin.

Tumawag siya sa intercom. “Manang, paki-akyat po dito ang egg and mushroom soup. Dito na lang po kakain si Vance sa kuwarto. Thank you.”

Di nagtagal ay inakyat na rin ni Manang Carmella ang egg and mushroom soup na nakalagay sa ceramic bowl at inilapag sa mesa. “May kailangan pa po kayo?” tanong ng kawaksi.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.