“Coffee,” wika ni Vance at inabot sa kawaksi ang wala nang lamang baso. “Black.” Naubos na nito sa wakas ang honeyed water.
Tumingin muna sa kanya si Manang Carmella na parang humihingi ng kumpirmasyon mula sa kanya. Tumango siya. “Sige po, Manang. Pakiakyat na lang po dito ang kape.”
“Mag-aagahan na rin po ba kayo, Ma’am?” tanong nito.
“Maya-maya po kapag nakakain na ng soup si Vance. Dalhan na lang po ninyo ako ng gatas,” sabi niya. Ibig sabihin ay kailangan na namang ubusin ni Vance ang nakahain dito o hanggang masiyahan siya para kumain siya ng agahan.
“Kumain ka na ng agahan. Hindi pwedeng gatas lang ang inumin mo. Hindi mo naman ako kailangang bantayan dito. Kaya ko na ang sarili ko,” sabi nito.
“In that state? I highly doubt it. Gusto ko lang matiyak na kakain ka talaga ng soup. Then I will leave you alone. Saka kumain ako ng wheat bread kanina bago umakyat dito. You don’t have to worry about me. Mas kaya ko ang sarili ko kaysa sa iyo,” nakangiti niyang sabi sa magaang boses. “Sige na. Kumain ka na.”
Nakatingin lang ito sa kanya na parang nagtataka dahil maganda pa rin ang mood niya. Hindi niya nito sinusungitan masyado o binibigyan ng cold treatment samantalang kagagaling lang nila sa away kahapon.
Akala niya ay kokontra na naman ito pero tahimik lang itong sumubo. Maya maya pa ay sunud-sunod na ang pagsubo nito. "Ahhhhh! This is good. Parang mula sa impyerno ay idinala ako ng nagluto ng soup na ito sa langit.”
Lihim siyang napangiti. That was quite a compliment. Di niya maasahan na makarinig ng papuri para sa simpleng soup lang. "Thank you,” nanulas sa labi niya.
Gulat siyang nilingon ni Vance. "Niluto mo rin ito para sa akin?"
"Ako naman ang laging nagluluto para sa iyo mula nang ikasal tayo. Ayaw mo lang akong payagan," kalmado niyang sabi at uminom ng gatas.
Dumilim ang mukha nito. “Sabi ko sa kanila huwag ka nang hayaang magluto dahil mapapagod ka.”
“Sige. Sermunan mo ako para lalong sumakit ang ulo mo.” Itinikom nito ang bibig at itinuloy ang pagkain. Saka naman siya nagpatuloy sa pagsasalita. “Alam ko na kahit masama ang pakiramdam mo papasok ka pa rin sa opisina kaya ihinanda ko na rin ang isusuot mo. Sabihin mo lang sa akin kung ayaw mo at pipili ako ng iba sa wardrobe mo.”
Nakakunot ang noo nitong nilingon ang cream suit nito na nakasabit sa labas ng closet nito pati ang pants at necktie na kasama nito.
"Why are you doing this to me?” naguguluhan nitong tanong. He was looking at her as if he was in pain.
“Ano na naman ang ginawa kong mali?” naguguluhan niyang tanong. Pinapakitaan na nga niya ito ng maganda ay may reklamo pa rin ito? Wala na ba siyang ginawang tama para dito?
“You are taking care of me instead of hating me. We had a fight and I went home drunk. I… I just don’t get it.”
“Anong gusto mo? Hayaan na lang kita na matulog sa kalsada at ipagtatapon ang mga damit mo sa labas kapag umuwi kang lasing? O gusto mo na umagang-umaga pa lang paggising mo ay tatalakan kita?”
“Hindi iyon ang gusto ko pero iyon ang inaasahan ko,” anito at muling sumubo ng soup. “You hate me after all.”
“Well, I am not that kind of wife. Siguro nagtalo tayo kahapon pero tapos na iyon. I have a role to fulfill. Kasama na doon ang asikasuhin ka kapag lasing ka. At mas mahihirapan naman tayo pareho kung tatalakan pa kita kung may hang-over ka na. Sapat na siguro ang sakit sa ulo mo para madala ka na at huwag nang maglasing sa susunod.”
“I still don’t get it. Siguro gagawin mo iyan kung hindi tayo nagtalo kahapon.” Nakakunot ang noo nito at ipinilig ang ulo. “Yesterday… yesterday we had a nasty fight. Yet you are nice to me. Ikaw ang nag-asikaso sa akin at hindi ibang tao. Weird.”
Alam niya kung anong tumatakbo sa utak nito. Iniisip nito na kung dati ito nangyari, baka asikasuhin niya ito at maging mabait siya dito dahil may ulterior motive siya. Pero ngayon ay hindi na niya kailangang maging mabait dito. Hindi na niya kailangan ng motibo. Maybe she could let him rot in hell for all she cared but she didn’t.
May kakaibang takot sa mga mata nito nang tumingin sa kanya. “Are you trying to kill me with kindness? Because I feel like dying right now."
"I thought I am trying to make you feel alive. Hangovers are really nasty.” Nakangiti niyang sabi. “Ginagawa ko lang ang dapat gawin ng isang asawa. Mas gusto mo bang lagyan ko ng bubog ang soup mo?"
"No. Of course not. It’s just…” Humigop ito ng kape at pagkuwan ay lalong lumalim ang kunot ng noo nito na parang malalim ang iniisip. “Anong sinabi ko habang lasing ako?"
Aha! May hinala na ba ito sa mga sinabi nito habang lasing ito? Sasabihin ba niya dito o pananatilihin na lang niyang sekreto? Of course, kahit na sabihin niya ay tiyak na ide-deny lang nito. Mas mabuting manatili na lang iyon na sekreto.
Nagkibit-balikat siya. "Nonsense, of course. Bakit ko pa uulitin? Obvious naman na lasing ka kagabi kaya di dapat seryosohin."
Isang munting ngiti ang sumilay sa labi nito. "Thank you."
His voice was low and sincere. Hindi na ito nakipagtalo pa sa kanya. He just appreciated everything she did. Ni hindi ito nagtanong kung anong kapalit ng pag-aasikaso niya dito. This was new.
"Don't thank me. Sa susunod na magtalo tayo at malasing ka, sa garden ka matutulog o sa garahe. Hindi ka pwedeng uuwi ng bahay na wala sa sariling huwisyo. Nakakahiya sa magiging anak natin,” nakataas ang kilay niyang sabi dito.
Gusto niyang maging malinaw dito na hindi nito pwedeng gawing bisyo lagi ang paglalasing nito. Na hindi siya pwedeng maaring maging mabait. Na pinagbibigyan lang niya ito ngayon. At siya naman ay gagawin ang lahat para di ito bigyan ng rason na maglasing ulit.
Tumango ito at umaliwalas ang mukha saka tumuwid ng upo. "Yes."
"Pwede namang pag-usapan kung may problema. Di mo kailangang idaan sa alak."
Mas lumapad ang ngiti nito na umabot na sa mga mata nito. "I will keep that in mind." At nagpatuloy ito sa pag-inom ng kape.
Pinagsala-salabid niya ang mga daliri. Nagpakumbaba si Vance at inamin nito ang pagkakamali nito. Oras na para siya naman ang umamin sa pagkakamali niya. "Pasensiya kung itinago ko ang tungkol sa trabaho ko. Di ko rin sinasadya na makalimutan ang pag-inom ng vitamins. Nakatulog lang talaga ako. I-In a way, I did work to spite you. K-Kasi hindi ka naman nakikinig sa mga pakiusap ko. Pakiramdam ko gusto mo na ikaw lang ang masusunod. At saka kahit naman ikaw ang lumagay sa sitwasyon ko na nakakulong lang dito sa bahay, mahihirapan ka rin naman.”
“Sinusubukan kong intindihin iyan ngayon. Pero ang anak natin…”
“Hindi ko naman gustong mapahamak ang anak natin. I love our child. Hindi lang dahil kailangan ko siya para makuha ang mana ni Tito Mauricio. And I won’t use our child just to spite you. Pero sana maintindihan mo rin na hindi rin naman madali ang pinagdadaanan ko. I am trapped here. Feeling useless. Pero kung pakiramdam mo mas magwo-work ang pagsasama natin at mas maaalagaan ko ang anak natin nang di ako nagtatrabaho habang nagbubuntis ako, susundin kita. I will quit my job. Wala akong gagawin na kahit ano. Kung ayaw mong magluto ako o asikasuhin ka, di ko gagawin.”