Chapter HNL 136

Nakataas ang kilay niya itong pinagmasdan. “Hindi ikaw ang bumili kay Eli? Hindi ikaw ang nagpadala ng package?”

Umiling ito. “Hindi. Sino ba ang nagpadala niyan?” may bahid ng iritasyong tanong nito.

Tsinek ni Mang Ador kung kahon. “Wala pong nakalagay, Sir.”

“Sino naman ang pwedeng magpadala niyan?” tanong ni Vance.

“Sandali lang.”

Ibinalik niya ang stuffed toy sa kahon.

Malakas ang kaba ng dibdib niya at dinukot ang cellphone niya sa bulsa. Naglakad siya papunta sa garden at hinanap ang numero ni Maximo Pantaleon na naka-code. Pikit-mata niyang pinindot ang call button saka itinapat sa tainga para pakinggan ang pagri-ring niyon.

Lumipas pa ang walong ring at akala niya ay hindi na iyon sasagutin nang marinig niya ang boses ni Maximo Pantaleon. “Good morning, Phoenix! Napatawag ka ba para kumustahin ako?”

“Kayo ba ang nagpadala ng package dito?” tanong niya sa mababang boses habang kinokontrol ang panginginig.

“Oh! Natanggap mo na pala ang regalo ko sa apo ko. Sana magustuhan niya ang mga iyan. Sabihin mo lang sa akin kung may gusto ka pa para sa kanya.”

“Ang gusto ko lang ay tigilan na ninyo kami. Hindi ko kailangan ang mga laruan na padala ninyo at mga damit. Hindi ko kayo kailangan,” mariin niyang sabi. Ayaw niyang maghisterya nang mga oras na iyon. “Mahirap bang intindihin iyon?”

“Alam ko na nasaktan kita dahil sa pang-iiwan ko sa inyo ni Elaine Mae noon. Lumaki kang walang ama at lumaki ka na hindi ako ang kinikilala mong ama. Hindi ko na maibabalik ang nakaraan. Hindi ko na maitatama ang pagkakamali ko. Pero ayokong sayangin ang pagkakataon na maipadama ko sa inyo ng apo ko ang pagmamahal ko. Ipinadala ko ang mga gamit na iyan para sa apo ko. Kung gusto mong sunugin, ipamigay o itapon, wala na sa akin iyon. Basta ibinigay ko iyan para sa kanya. Kung hindi mo tatanggapin, maiintindihan ko. Have a great day, Phoenix.”

Nanginginig ang buong katawan niya nang marinig ang tone na nagsasabing tinapos na ni Maximo ang tawag. Gusto niyang magalit. Gusto niyang magwala. Gusto niyang maiyak. Halo-halo ang emosyong nararamdaman niya pero ang tanging nagawa lang niya ay matigagal habang umaalingawngaw sa isipan niya ang mga sinabi ni Maximo.

Nagulat pa siya nang bigla siyang lapitan ni Vance at hawakan sa balikat. “Hey! Are you okay?” malambing na tanong nito.

Umiling siya. “No, I am not.”

“Maupo ka muna,” anito at dali-dali siyang inakay papunta sa rattan chair na may kutson na nasa shaded porch. “Gusto mong ikuha kita ng tubig?”

Umiling siya. “No. I… I just… hindi ko alam kung anong gusto ko. Hindi ko rin alam kung paano bubuti ang pakiramdam ko. Kausap ko si Maximo Pantaleon.”

Tinabihan siya ni Vance. “Ang tatay mo ang nagpadala ng package para kay Baby Mauri?”

Lumunok siya at marahang tumango. “Nagkita kami kahapon sa toy store matapos nating mag-usap. Mukhang sinadya niyang sundan ako at i-distract si Mang Ador para hindi sila magpang-abot. Sabi niya na gusto daw niyang maging bahagi siya ng buhay naming mag-ina.”

“At tinanggihan mo siya?”

“Vance, siyempre ayoko. Wala naman siyang naidulot na mabuti sa buhay ko. Kasalanan din niya kung bakit inatake sa puso si Tito Mauricio noon. Ang kapal talaga ng mukha niya. Tapos sabi niya bahala daw ako kung gusto kong gawin sa mga padala niya sa baby natin. Basta daw regalo daw niya iyan. Parang ganoon lang niya maitatama ang lahat ng maling nagawa niya sa buhay namin ni Nanay. Tama nang dalawang buhay ang sinira niya. Huwag na niyang idamay pa ang anak ko,” ngitngit niya at huminga ng malalim. Galit na galit pa rin siya sa ama.

“Anong plano mo sa mga padala niya sa iyo?”

“I don’t know. Susunugin, itatapon, ipapamigay sa ampunan… maraming mga batang mas nangangailangan niyan. Ayoko lang na manatili iyan sa bahay ko!” Baka mamaya ay isipin pa ni Maximo na tanggap na niya ito sa buhay niya. Hindi siya nasusuhulan. “Anong gagawin natin diyan?”

“Why don’t we keep it for now?”

Nanlaki ang mata niya. “Vance, ano ka ba naman? Ayoko ngang nandito ang mga iyan.”

“Well, it is not for you. It is for our son. Regalo iyan sa kanya kahit pa sabihin mong galit ka sa lolo niya. Hindi mo naman kailangang galitin ang sarili mo sa ganyang bagay. Hindi naman kailangang ang anak natin ay madamay sa galit mo sa lolo niya, hindi ba?”

Nanlalaki ang mga mata siya nitong pinagmasdan. “What are you saying? Na hayaan ko lang na maging parte si Maximo Pantaleon ng buhay ng anak natin? Baka nakakalimutan mo kung sino siya. Hindi lang niya basta inabandona kaming mag-ina. Kalaban mo rin siya sa negosyo. At siya ang dahilan kung bakit inatake si Tito Mauricio.”

“Yes. Pero ano naman ang magagawa niya sa atin? Ano naman ang magagawa niya para sa anak natin? Kahit naman sawayin mo siya gagawin pa rin niya ang gusto niya. You might as well let him.”

Naniningkit ang mata niyang pinagmasdan ang asawa. “So what are you saying? I-entertain lang ang kahibangan niya at sa huli iisipin niya na pwede na siyang maging parte ng buhay namin ng anak ko na parang walang nangyari dati? Na parang di siya nakasira ng buhay ko at ng mga taong mahalaga sa akin? No! Hindi ako papayag.”

Hinaplos ni Vance ang likod niya at kinintalan siya ng halik sa noo. “Phoenix, sasama lang ang pakiramdam mo kung mai-stress ka sa mga bagay na hindi mo naman kayang kontrolin. Pero kung may isang bagay man akong natutunan, mas mabuting huwag mo nang masyadong intindihin ang mga bagay na magpapasama ng loob mo. At kung sakaling dumating ang panahon na sa palagay mo naman ay sinsero ang ama mo, bakit hindi mo siya patawarin?”

Umiling siya at tumayo. “No! I can’t believe I am hearing this from you. Vance, bakit kumakampi ka sa kaaway?”

“Tao lang din ang ama mo, Phoenix. Paano kung nagbago na talaga siya? Hindi mo ba siya bibigyan ng pagkakataon? Binigyan mo ako ng pagkakataon na mahalin ka ulit at tinitiyak ko sa iyo na hindi mo pagsisisihan iyon.”

Maang niya itong pinagmasdan. “Hindi kita maintindihan. Ano bang nangyayari sa iyo?”

Nakangiti itong tumayo sa harap niya at hinawakan siya sa magkabilang braso. “Nagbago ako dahil sa iyo. Ngayong mahal na natin ang isa’t isa, gusto ko na maging masaya lang tayo. At minsan para maging masaya tayo, kailangan nating i-let go ang mga emotional baggage sa buhay natin. Minsan kailangang mawala ang galit at sama ng loob mo para tuluyan kang maging masaya.”

“Masyadong mahirap yata ang sinasabi mo. Hindi ko kayang basta-basta magpatawad, Vance. Nakatanim na iyon sa puso ko at masyado nang malalim ang ugat para bunutin.”

“Hindi pa siguro ngayon pero huwag mong isara ang puso mo,” anito at niyakap siya. “Gusto ko lang na tuluyan kang maging masaya. Hindi kita matutulungang itaboy si Maximo Pantaleon sa buhay mo. Pero pwede kitang tulungan para tuluyang makalaya sa galit sa puso mo.”

Pumikit siya at dinama ang init ng katawan nito. Sana ay kayang tunawin ng pagmamahal ni Vance ang galit sa puso niya. But it might take time. Hindi pa ngayon. Kailangan pa niya ng mahabang panahon.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.