“Ang guwapo talaga ng asawa ko,” kinikilig na sabi ni Phoenix habang inaayos ang bowtie ni Vance. Nasa kuwarto sila at paalis na para sa AsiaMoney Awards Building Construction Interchange, isang award-giving body na nagbibigay ng parangal sa natatanging negosyo sa architecture at property development.
Siya ang kasama nito sa gabing iyon. Nagtaka pa siya nang hindi pa ito tapos magbihis samantalang siya ay ready na sa kanyang old rose long sleeve pregnant gown na hanggang sakong niya. May naka-accentuate na black lacy vines sa braso at baba ng bust area niya dahilan para di halos mapansin ang baby bump niya.
Lumunok ito at in-adjust ang bowtie. “I am not sure if I can do it. Kinakabahan ako.”
Pinisil niya ang baba nito. “Ikaw pa. Dati ka pa namang nag-i-speech sa harap ng maraming tao.”
“This is different. Kapag ganitong awards ceremony, si Ninong Mauricio ang tumatanggap ng award at nagbibigay ng speech. I have a huge shoe to fill. I… I might not be good enough.”
Hinila niya ang bowtie nito hanggang magtapad ang mukha nila. “Come on. Kung iisipin mo na hindi ka good enough, hindi naman na babalik si Tito Mauricio para palitan ka sa pag-i-speech mo. Huwag mong isipin iyon. May tiwala siya sa iyo. Nakuha ng kompanya ang award na iyan dahil sa galing mo sa pagma-manage. You live up to Tito Mauricio’s vision. May tiwala din ako sa kakayahan mo. Kaya kaysa magka-stage fright ka, isipin mo na ginagawa mo ito para kay Tito Mauricio. Gusto mo na maging proud siya sa mga na-accomplish mo.”
Tumikhim ito. “I hope that will work.”
“Come on! Ichi-cheer ka namin ni Baby Mauri.” Kinuha niya ang kamay nito at ipinatong sa umbok sa tiyan niya. “Baby, give daddy a goodluck kick.”
Pareho silang humalakhak ni Vance nang sumipa ang anak nila bilang sagot. “Sumipa nga siya.”
“Fight daw, sabi ni Baby Mauri.”
Mukhang mas matatag na ang anyo ni Vance matapos iyon. “I am ready. Basta nandiyan kayo ni Baby Mauri, magiging okay ang lahat.”
Nasa sasakyan na sila at malapit na sa Sofitel Manila kung saan idadaos ang event nang mapansin niya ang pagkabahala sa anyo ni Vance. “Uhmmm… inaalala mo na naman ang speech mo?”
“Phoenix, gusto ko lang malaman mo na baka magkita kayo ni Maximo Pantaleon sa event.”
“What?” bulalas niya at bigla ay alumpihit siya sa upuan.
“Kasama siya sa tatanggap ng award.”
“Of course,” nausal na lang niya.
Bakit ba hindi niya naisip iyon? Malaking kompanya ang Pantaleon Construction at isa sa matatatag sa bansa. Sa pagbalik ni Maximo ay nagsimula na naman itong gumawa ng ingay dahil sa makabago ring mga disenyo ng mga properties na itinatayo nito. Natural lang na magkita sila sa ganito kalalaking event.
Bagamat hindi na siya ginambala ni Maximo mula nang magpadala ito ng package ay hindi naman siya komportable sa ideya na muli silang magkikita. Hindi niya alam kung paano haharapin ito.
Pinisil ni Vance ang kamay niya. “You know what? Pwede naman tayong di tumuloy sa awarding. Mag-date na lang tayo. Pwede namang si Tito Ron ang tumanggap ng award. He is the Vice President for Operations after all. Baka mas marami siyang nasasabi.”
Umiling siya. “No. Napag-usapan na natin ito. Kailangang tanggapin mo ang award na iyon. Gawin mo iyon para kay Tito Mauricio. Gawin mo para sa mga tauhan mo na nagsikap sa trabaho nila para makuha ninyo ang award na ito. Hindi mo sila pwedeng biguin.”
“Paano ka naman?”
Ngumiti siya at kinintalan ng halik ang gilid ng labi nito. “I will be fine. Pwede naman akong maging civil sa kanya sa ganitong mga event. Hindi naman siguro siya gagawa ng eksena na ikasisira niya.”
“Basta aalis tayo kapag hindi ka na komportable.”
Tumango na lang siya pero ihinanda na lang niya ang sarili. Hindi siya gagawa ng kahit ano na ikasisira ng gabi ni Vance. This is his night. Pinaghirapan nito at ng mga tauhan nito ang parangal na iyon. Handa niyang tiisin ang presensiya ni Maximo kung sakali.
Nakahanda na ang ngiti niya at taas-noo siyang pumasok sa ballroom ng hotel kung saan gaganapin ang awards night.
Sinalubong sila ng magkapatid na Deutsch at Amery na kasunod ang ama ng mga ito. “Wow! It is good to see you two glowing and in love,” sabi ng dalaga at sinalubong siya ng yakap at beso ni Vance. “Nakakainggit!”
“Mas mainggit ka na hanggang ngayon wala ka pa ring natatapos na course,” kantiyaw naman ni Deutsch dito.
Namaywang ang dalaga. “Kuya, huwag mo akong pag-initan. Nasa second sem na ako at wala pa akong planong magpalit ng course. Problemahin mo ang charm mo. Nawawalan na yata ng epekto.”
“Bakit mo naman nasabi iyan?” tanong ni Phoenix.
“Kasi nabasted si Kuya Deutsch ng…”
Dali-daling tinakpan ni Deutsch ang bibig ng kapatid saka ngumisi sa kanila. “Huwag ninyo siyang pansinin. Nakasinghot ata ng alikabok sa UP Library itong kapatid ko sa kare-research para sa guwapong professor niya kaya kung anu-anong sinasabi.”
“Magkita na lang tayo sa table,” sabi ni Vance. “Iikot lang kami sandali ni Phoenix bago magsimula ang program.”
Sanay na siyang makihalubilo ngayon sa mga colleagues ni Vance. At kung kaya lang din naman niyang umalis ng bahay ay isinasama siya nito kapag may importanteng kliyente. Siya daw ang secret weapon nito dahil maganda ang impression dito ng mga tao kapag kasama siya.
Of course, may mga babae pa rin na kung anu-anong di magagandang sinasabi tungkol sa kanya at sa espekulasyon sa relasyon nila ni Vance pero tinatawanan na lang nila. Walang kahit sinong pwedeng babae ang makakasira sa pagmamahalan nila.
Katatapos lang nilang kausapin ang managing editor ng AsiaMoney Business Magazine nang makita niyang palapit sa kanila si Maximo.
“Good evening, Vance and Phoenix. Both of you look good today,” bati sa kanila ni Maximo at inabot ang kamay kay Vance.
“Good evening, Mr. Pantaleon,” pormal na bati ni Vance at napilitang abutin ang kamay ng mas nakatatandang lalaki. “Congratulations on your company. First time ninyo sa AsiaMoney Awards.”
“It is a good sign for our company. Thank you.” Ibinaling ni Maximo ang paningin sa kanya. “Hello, Phoenix. Pregnancy suits you.”
“Thank you,” aniya sa magaspang na boses at mahigpit na kumapit kay Vance. Pinilit niyang ngumiti para mawala ang tensiyon niya pero kailangan niyang magtiis dahil may mga matang nakatutok sa kanila.
Isang matandang babae na sa palagay niya ay nasa mid-fifties at isang lalaking nasa mid-sixties ang lumapit kay Maximo. “Max, we have to take our seats. Magsisimula na ang program.”
“Ate Lilia, Kuya Bill, I want you to meet the young awardee for tonight, Vance Antiporda and his wife, Phoenix Villaviray-Antiporda,” malugod na pagpapakilala sa kanila ni Maximo. “Phoenix, Vance, my sister, Lilia Pantaleon-de Leon and her husband, Bill de Leon.”
“Oh! The prodigy and the princess,” Lilia said in a sly tone. “Hello!”
At nagbeso ang mga ito sa kanila ni Vance. Hindi niya gusto si Lilia. Parang masyado itong malamig na tao. Hindi niya alam kung bakit. Pero wala ang lukso ng dugo niya dito na naramdaman niya kay Maximo. O hindi lang talaga niya ito feel lalo na’t alam niyang isa itong Pantaleon at dahil na rin sa demeanor nito na parang mahirap abutin.