GUTOM si Phoenix nang magising mula sa pagkakatulog. Pagkagising niya ay humingi agad siya ng pagkain at tubig sa nakabantay sa kanyang si Manang Doria. Huling kain pa niya ay noong tanghalian. Di siya halos nakakain noong miryenda dahil na rin sa presensiya ni Lilia. Kailangan niyang makabawi ng lakas mula sa aksidente para sa kanila ng baby niya.
Malaking bagay para sa kanya na malamang maayos na ang kalagayan ni Mang Ador. Himala na nakaligtas sila ng anak niya sa aksidente na ipinagpapasalamat naman niya sa Maykapal.
“Manang, bakit po di pa bumabalik si Vance. Nasaan po ba siya?” tanong niya nang mapansing wala pa rin ang asawa. Ang sabi sa kanya ay may tinawagan lang ito pero di pa rin bumabalik.
“Naku, Ma’am! Nasa presinto po siya ngayon. Isinama po siya ng mga pulis para i-interpolate,” anang pamangkin ni Manang Doria na Suling.
“Interrogate? Ini-interrogate siya ng mga pulis? Para saan? Huwag nilang sabihing pinagbibintangan nila na si Vance ang may kagagawan nito sa akin,” aniyang di maiwasang mag-panic.
“Suling naman! Sinabi na nga ni Sir Vance na huwag sabihin. Kita mo nga pinag-alala mo pa si Ma’am Phoenix,” wika ni Manang Doria at pasimpleng hinatak ang buhok ng pamangkin.
Biglang natutop ni Suling ang bibig. “Ay! Hindi ko naman po alam.”
“Naku! Masasakal talaga kita!”
“Manang, inosente naman po si Vance. Wala naman po siyang mapapala kung sasaktan niya kami ng anak ko,” paliwanag niya at tuluyan nang nawalan ng ganang kumain.
“Ma’am, huwag po ninyong alalahanin iyon. Babalik din po si Sir.”
“Pakitabi po na po muna ang pagkain,” sabi niya dahil hindi na talaga siya makakakain sa pag-aalala sa asawa niya. Tinawagan niya ito sa cellphone at ilang beses siyang tumawag bago pa nito sinagot. “Vance, bumalik ka na dito. Bakit di ka pa nila pinakakawalan? Sana huwag ka nilang pagbintangan ng kung anu-ano dahil wala kang kasalanan.”
“Relax. Pauwi na ako. May mga itinanong lang sila sa akin sa presinto. In fifteen minutes nandiyan na ako.”
Hindi siya mapakali sa loob ng fifteen minutes na iyon. Nang sa wakas ay pumasok ng kuwarto si Vance ay niyakap agad niya ito. “Ano daw? Anong sinabi ng mga pulis? Pinagbintangan ka ba nila?”
“Relax, Phoenix. Kasama ko naman si Attorney Munsayac kanina. Siya ang nagpakita ng ebidensiya na wala akong mapapala kung mapapahamak kayo ng anak natin,” wika nito at niyakap siya ng mahigpit. “Kaya wala clear na ang pangalan ko sa mga suspect.”
“Iniisip ba talaga nila na di aksidente at sinadya akong banggain?”
“Malalaman natin iyan. Nakuha na ang plate number ng sasakyang bumangga sa iyo. Kasalukuyan nang tine-trace ang may-ari.” Kinintalan nito ng halik ang ibabaw ng ulo niya. “Mahuhuli din ang mga iyon. Hindi ako papayag na hindi nila pagbayaran ang mga kasalanan nila.”
“Natatakot talaga ako.”
“Nandito na ako. Hindi na ako aalis. Okay?”
Tumango siya at hinayaan itong ibalik siya sa hospital bed. Naghahanda na siya sa pagtulog nang may kumatok sa pinto. Pinagbuksan iyon ni Suling. “Ma’am, may bisita po kayo.”
Nang lumingon sila ni Vance ay nakita nilang nakatayo doon si Maximo at may dalang basket ng prutas at may kalakihang paper bag. “Pwede ba akong dumalaw?”
Iniwas lang niya ang tingin dito. Wala siyang lakas para itaboy dito. “Tumuloy po kayo,” sabi ni Vance. Kinuha ni Suling ang basket ng prutas.
“Sir, sa kay Ador po muna kami. Titingnan po namin kung nakahanda na po ang lahat para makauwi siya,” sabi ni Manang Doria at hinila si Suling palabas ng kuwarto. Gusto marahil nito na bigyan sila ng privacy.
“Anong nararamdaman mo, hija?” tanong ni Maximo at umupo sa tabi ng kama. Hindi siya sumagot at iniwas lang ang tingin dito. Alam naman nitong ayaw niyang makita ito matapos nitong ibulgar na anak siya nito sa mismong awarding. Porke’t mahina siya ngayon, akala ba nito ay magiging mabait siya dito?
“Makakalabas na po siya bukas,” sabi naman ni Vance. “Wala naman siyang gaanong injury na tinamo. Maswerte siya. Hindi po siya nasaktan at walang damage sa kanila ng baby.”
Sa gilid ng mata ay nakita niyang tumango si Maximo. “Anong sabi ng mga pulis? Nahuli ba ang bumangga sa kanya?”
“They are working on it. Tine-trace na nila ngayon ang may-ari ng kotse. Nakita naman po sa CCTV footage ang plate number ng sasakyan.”
Di niya maiwasang mainis kay Vance. Bakit nito kinakausap ang tatay niya na parang normal lang ang lahat? Alam naman nitong galit siya sa ama.
“Gagawin ko ang lahat para mahanap agad ang may kagagawan niyan. Di ako papayag na may manakit sa anak ko,” anang si Maximo. Naghikab siya para ipakitang gusto na lang niyang matulog kaysa pakinggan ang pagiging concern ng ama sa kanya. “Mukhang gusto mo nang magpahinga, hija. Hindi na rin ako magtatagal. Magpagaling ka ha?”
She just gave her father a bored look. Saka iniwas ulit ang tingin niya dito. “Siyanga pala, may dala pa ako para sa iyo.” Inabot nito ang paper bag na dala nito kasama ng basket ng prutas. Binuksan nito iyon at may inangat na hugable na pink elephant na ka-partner ng blue stuffed elephant na si Eli. “Ang totoo, di ko alam noong una kung lalaki o babae ang anak ninyo kaya binili ko rin itong stuffed toy na pambabae. Wala naman akong pagdadalahan kaya idinala ko na lang dito. Naisip ko na dalhin na lang dito. Hindi kita nakita noong lumalaki ka kaya hindi rin kita naibili ng laruan. Di na kita nakalaro. I know that you are too old for that. Pero sana hayaan mo lang si Patty dito sa tabi mo para bantayan ka.” Inilapag nito ang pink na elepante sa bedside table sa tabi niya. “Aalis na rin ako.”
Ihinatid ito ni Vance sa pinto habang siya naman ay nakatingin sa pink na elepante. Cute din ito katulad ni Eli at parang may tumatawag sa kanya na damputin iyon at yakapin.
“It looks cute,” anang si Vance nang umupo sa tabi niya. “Patty, huh! May ka-partnet na si Eli.”
Humalukipkip siya para pigilan ang sarili na damputin iyon. “Anong palagay niya sa akin? Bata? Matanda na ako, Vance. Hindi na ako paslit na pwedeng mauto sa pamamagitan ng laruan. Hindi ko kailangan ng stuffed toy. Hindi ko kailangan ng tatay. Saka bakit ka nakikipag-usap sa kanya.”
“Ayaw mo kasi siyang kausapin. Come on. Your father is making an effort. Tao lang din naman siya. Sinusubukan niyang bumawi sa sarili niyang paraan. Saka aminin mo, cute ang stuffed elephant.”
“Ewan ko sa iyo,” sabi niya at natulog. Naiinis siya. Bakit kasi mabait ang asawa niya sa tatay niya? Pakiramdam niya ay wala siyang kakampi.
Nang gabing iyon ay hindi siya makatulog. Pabiling-biling siya sa higaan dahilan para mag-alala si Vance. “What’s wrong?” tanong nito at itinigil ang pagtatrabaho sa laptop nito. “Hindi ka makatulog?”
Tumango siya. “Hindi ko alam kung bakit.”
“Baka nami-miss mo ang hug ko.”
Bumuntong-hininga siya at tumango. “Yes.”
“Too bad, hindi kita pwedeng tabihan. Magagalit ang masungit na nurse na nagro-ronda dito.”
“E sa hindi ako makatulog.”
Dinampot nito ang laruang elepante at itinabi sa kanya. “Ito muna ang yakapin mo sa ngayon. It is plushy so I am sure that you will sleep better.”
“I am not sure that is a good idea.”
“Come on. Ano naman ang masama kung may katabi kang stuffed toy galing sa tatay mo? Hindi naman iyan nabubuhay pagdating ng alas dose ng hatinggabi.” Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “Matulog ka na. Tomorrow, we will get out of here as soon as your doctor says its okay to go.”
“Okay,” aniya na lang at pinanood itong bumalik sa sofa para ipagpatuloy ang naantalang pagtatrabaho.
Ibinalik niya ang tingin sa nakangiting laruan sa kanya. Sa huli ay niyakap din niya iyon. “Walang ibang ibig sabihin ito, okay? Gusto ko lang may kayakap sa gabing ito. Di ibig sabihin malambot na ang puso ko at tanggap ko na si Maximo Pantaleon sa buhay ko.”
Nang yakapin niya iyon ay unti-unting nawala ang tensiyon niya at unti-unti na siyang nilamon ng antok. May ngiti sa labi niya bago tuluyang makatulog. Patty, the pink elephant was not so bad at all.
NAKAKUNOT ang noo ni Phoenix habang pinagmamasdan ang dalawang dress na isusuot niya. Papunta sila ngayon sa Pico De Loro Resort para sa weekend getaway nila. Matapos ang mga nangyari nitong nagdaang mga araw ay gusto na lang nilang mag-relax at kalimutan ang lahat.
Parehong sexy ang mga iyon at hindi siya makapag-desisyon kung ano sa mga iyon ang mas magugustuhan ni Vance. She was now seven months pregnant. Hindi na sila masyadong magkakaroon ng pagkakataon na mamasyal kapag nakapanganak na siya.
Naabutan siya ni Vance na nakatayo sa harap ng closet at nakatitig sa dalawang nakasabit na damit. Niyakap siya nito mula sa likuran. “Hey! Hindi pa ba tayo aalis?”
“Hindi pa ako tapos mag-empake. Hindi ko pa rin alam kung anong dadalhin ko sa dalawang dress.”
“Dalhin mo pareho. Pareho ko namang gusto,” bulong nito sa kanya.
Iniikot niya ang mga mata. “Sabi ko nga.”