Humihingal sa galit si Phoenix nang bumaba ng sasakyan na nakahimpil sa harap ng Central Police District sa Quezon City. Nalaman niya sa breaking news sa telebisyon na nasa kustodiya na ng pulisya ang ama niyang si Maximo Pantaleon at nakakulong matapos masampahan ng kaso sa pananabotahe sa construction ng Alta Towers na dahilan ng pagkakasugat ng sampung katao.
Nagpahatid kaagad siya kay Mang Ador sa naturang istasyon. Pagbaba pa lang niya ay sinalubong na agad siya ni Vance. “What are you doing here? Hindi ka pwede dito. The place is not conducive.”
“I want to see that monster.”
“We are dealing with him.”
“Pwes, ako hindi pa tapos sa kanya.”
Magdamag na hindi nakauwi ng bahay si Vance dahil doon. Mabilis pala ang aksiyon ng hukom at nakapaglabas agad ang warrant of arrest dahil na rin sa mga nakalap na ebidensiya ng perang ibinayad sa suspect na sumabotahe sa scaffolding. May kasalanan din si Vance. Hindi man lang ibinalita sa kanya ang nangyari. Mas nauna pang magbalita ang mga reporter at ang tsismosang si Suling kaysa sa kanya.
May halong paninising tiningnan ni Vance si Mang Ador. “Sabi ko naman sa inyo na huwag ninyong paalisin si Phoenix ng bahay. Alam naman ninyo na hindi siya pwede dito. Magulo sa loob at mainit.”
“Sir, wala naman po akong magagawa,” kakamot-kamot na sabi ni Mang Ador. “Kapag hindi ko po siya pinag-drive, siya daw po ang magda-drive. O kaya maglalakad siya. Di ko po mapipigilan, Sir.”
Humarap sa kanya si Vance at hinawakan ang balikat niya. “Phoenix, hindi makakabuti iyo na makita ang tatay mo ngayon. Saka gusto mo ba talagang marinig ng mga tao ang pag-uusapan ninyo. Makita kayo na hindi magkasundong mag-ama?”
“Mabuti iyon para malaman ng lahat kung ano ang tingin ko sa kanya. Hindi ko siya ama. Wala siyang kwentang tao. Walang importante sa kanya kundi ang pera. Iniwan niya ang nanay dahil mas importante sa kanya ang pera at ang kompanya niya. Ngayon naman muntik na siyang pumatay ng tao dahil sa pagkagahaman niya.”
Bumuntong-hininga si Vance. “I… I still don’t understand why he would do that. Something is not adding up.”
Tiningala niya ito at naniningkit ang mga matang tiningnan. “Huwag mong sabihing naniniwala ka na inosente siya?”
“Ayoko lang madismaya ka sa mga mangyayari. He would be tried and tested. Maaring mapatunayang inosente siya. At dahil hindi naman murder ang kaso niya, anumang oras ay pwede siyang makalaya oras na maihain na ang bail niya.”
Napatiim-bagang siya. “I don’t care. Basta ang alam ko marami siyang kasalanan sa pamilya natin. At kahit makalaya man mamaya, gusto ko lang siyang makitang magmukhang kriminal,” aniya at taas-noo na pumasok ng presinto. Walang nagawa si Vance kundi ang sundan siya. Gaya ni Mang Ador, wala rin itong nagawa para pigilan siya.
Tinabihan siya ni Vance sa visiting area. “Phoenix, kung sa palagay ko ay hindi na maganda ang pag-uusap ninyo at naaapektuhan ka na, iaalis kita dito sa ayaw mo at sa gusto.”
“Fine,” sagot lang niya.
Pirmi siyang nakaupo nang sa wakas ay ipasok ng visiting area si Maximo. He was wearing a cream long sleeve polo and brown trouser. Mukhang respectable kahit na nakaposas ito. Sa lahat ng mga nakulong, ito ang mukhang kampante at maayos pa rin. Na parang hindi nito iniinda ang panahon nito sa kulungan. It pissed her off more. Tingnan lang niya kung hanggang kailan ito tatagal.
Umaliwalas pang lalo ang mukha nito nang makita siya. “Anak, mabuti naman at nadalaw mo ako.” Umupo ito sa tapat niya. “Akala ko talaga hindi mo ako pupuntahan dito.”
“Huwag kayong masyadong magsaya. Hindi ako nagpunta dito para damayan kayo. Gusto ko lang matiyak na nakakulong nga kayo at hindi kayo tatakas.”
“Bakit naman ako tatakas? Kusa ko ngang isinuko ang sarili ko oras na malaman kong may warrant of arrest ako,” anitong di pa rin nawala ang ngiti sa kabila ng panunuya niya. “Inosente ako sa ibinibintang mo sa akin.”
“Inosente? Not according to your former messenger. Ang tauhan mo na inutusan mo para sumabotahe sa scaffolding at muntik nang pumatay sa maraming mga tao. Salamat din sa kainosentehang sinasabi ninyo, bagsak na ang sales ng kompanya. There are even rumors of take over as of this early. At ang kompanya ninyo ang isa sa makikinabang kung sakali.” Tumayo siya at dinuro ito. “Anong klase kayong tao? Ganyan ba kalaki ang galit ninyo sa akin dahil lang tinanggihan kong maging ama kayo? Pero sa huli, anong gusto ninyong palabasin? Na mas mahalaga ang pera sa inyo?”
Hinawakan ni Vance ang braso niya. “Phoenix, calm down!”
“I can’t calm down!” Matalim niyang ibinalik ang tingin kay Vance. “Bakit ba gusto ninyong guluhin ang buhay ko?”
“Anak, alam kong may kasalanan ako dahil di ko pinanagutan ang nanay mo nang ipinagbubuntis ka. Pero hanggang doon lang iyon. Hindi mo pwedeng isisi sa akin ang kasalanan ng buong mundo,” depensa ni Maximo. “Mahal kita, anak. DI ko kayang saktan ang mga taong malalapit sa iyo at ang kabuhayan ng pamilya mo. Hindi ako masamang tao.”
Nangilid ang luha niya. “Ganito ka pala kung magmahal ng tao. Una, si Tito Mauricio ang pinatay mo. Ngayon, pati ang kompanyang itinayo niya at tumustos sa akin para makarating ako sa kinalalagyan ko ngayon ay wawasakin mo din. Sana nalang talaga ay hindi ninyo nalaman na ako ang anak ko. Sana mas maayos ang buhay ko ngayon.”
Napahagulgol siya ng iyak at yumakap kay Vance. Mali. Mali na hinarap niya si Maximo ngayon. Naging emosyonal siya at wala rin namang idudulot sa kanya ang panunumbat dito. Lalo lang sumama ang loob niya.
“Phoenix, umuwi na lang tayo. Halika na.”
Tumango siya at hinayaan si Vance na akayin siya palayo. Hindi na niya matatagalan pang makita si Maximo. “Phoenix, sandali! Sino sa palagay mo ang nagpadala ng impormasyon sa iyo na kumuha ng surrogate mother si Vance para magawa niya ang testamento ni Mauricio?”
Natigilan siya sa paglalakad at nilingon ang ama. “Anong…”
Bakit alam nito ang bagay na iyon? Isa iyon sa mga misteryong di pa niya nasagot hanggang ngayon. Akala niya ay kung sino lang na nagmagandang loob.
Napailing siya habang pinagmamasdan ang imbing ngiti sa labi ng matandang lalaki. “Ako iyon.” Napasandal siya sa katawan ni Vance dahil hindi niya kakayanin ang rebelasyong iyon. Bakit siya nito tutulungan?
“Imposible. Imposible iyan,” mahinang usal niya. Hindi siya naniniwala.
Si Vance naman ang binalingan nito. “At sa palagay mo, Vance, sino ang nagpadala sa iyo ng impormasyon tungkol sa babaeng nabuntis ni Nelson at ang malaking utang ng pamilya niya?”
“Ikaw din?” tanong ni Vance sa mas mababang tono. Mukhang kumbinsidio ito sa rebelasyon ni Maximo.
Isang matagumpay na ngiti ang sumilay sa labi ng lalaki. “So you see, kung gusto kong wasakin ang Villaviray Construction, kayang-kaya ko. Mas madaling sirain iyon kung walang sinuman sa inyo ang makakakuha ng kompanya. Lalo na siguro kung hindi iyon makukuha ni Phoenix. At mas magiging miserable ang buhay ninyo kung hindi kayo magkasama ngayon para itaguyod ang kompanya. But what did I do? Gumawa ako ng paraan para magkasama kayo dahil naniniwala ako na tanging si Vance lang ang pwedeng magpasaya sa iyo, Phoenix. Kung hindi dahil sa akin, I don’t think the two of you would end up together. Hindi sana kayo masaya ngayon. Ginawa ko iyon dahil gusto kong maging masaya ka, Phoenix. Gusto ko na huwag kang magkamali gaya ko na nagpakasal sa babaeng di ko mahal para lang magsisi sa huli. Gusto ko na maging masaya ka dahil iyon lang ang kaya kong ibigay sa iyo bilang ama mo.”
Nakatigagal lang si Phoenix sa mukha ng ama. Kahit na anong pagkakaila niya sa sarili, naghuhumiyaw ang katotohanan na nagmistulang matchmaker ang ama niya sa kanila ni Vance. Malaki ang naitulong nito para magkasama rin sila ni Vance sa huli.
Bumuka ang bibig niya pero di niya alam kung anong dapat sabihin dito. Babawiin ba niya ang masasamang salitang nasabi niya? O magmamatigas pa rin siya sa huli. Alam niya sa puso niya na di na ganoon katindi ang galit niya dito. Dapat ba siyang magpasalamat.
“Maximo Pantaleon, tapos na ang dalaw,” sabi ng pulis na nakabantay doon at inalalayan na patungo ng selda ang ama niya.
NAKATULALA si Phoenix hanggang makarating sila ng bahay ni Vance. Nakaupo siya sa gilid ng pool habang nakatingin sa tubig na parang nandoon ang kasagutan sa lahat ng mga tanong niya.
“Uminom ka muna,” alok ni Vance at inabutan siya ng tubig. “Doon ka na muna sa loob ng bahay. Nagsisimula nang lumubog ang araw. Baka maya-maya ay mahamog na dito.”
Ipinilig niya ang ulo saka ininom ang tubig. It made her feel a bit better. “Hindi ko maintindihan. Bakit kailangan niya tayong tulungan? Masama siyang tao, di ba? Gusto niyang sirain ang kompanya. Hindi niya tayo dapat na tinulungan.”
Umupo si Vance sa tabi niya saka ihinilig siya sa balikat nito. “Phoenix, you must open your mind. Sinubukan ng ama mo na tiyakin na magiging masaya ka. Ipinagpapasalamat ko iyon. Nang mga panahong iyon ay gusto ko talaga na kuhanin ka kay Nelson pero di ko alam kung paano. You see, tahimik siyang gumagalaw nang hindi kumukuha ng credits. Noon pa lang tinulungan ka niya, pwede namang gamitin iyon para mapalapit siya sa iyo. But he did not. Ngayon lang niya sinabi ang totoo dahil gusto niyang patunayan sa iyo na di siya masamang tao. Siguro nga hindi niya pinanagutan ang nanay mo at iniwan niya pero naniniwala ako na hindi siya ganoon kasama para ipahamak ang buhay ng ibang tao. Para saan? Wala naman siyang mapapala sa atin.”
“Pero paano ang witness na nagsasabing siya ang may kagagawan?”
“Nagsagawa ako ng background check. Nasesante ang messenger na iyon dahil sa pagnanabotahe sa mga importanteng papeles ng kompanya. Parang sinadya niyang mali-maliin ang delivery dahilan para magka-delay-delay ang mga instructions niya. Ang ama mo mismo ang tumiyak na mawawalan siya ng trabaho. Ang tanong, sino ang totoong master mind sa lahat ng gulong ito. Maaring siya rin ang may kagagawan ng aksidente ninyo ni Mang Ador noong isang linggo.”
Tiningnan niya si Vance. “Sino ba ang makikinabang sa lahat ng ito oras na mawala ako at si Papa?”
MALUHA-LUHA si Phoenix nang makipagkita kay Lilia sa isang garden café sa Quezon City. Niyakap agad siya nito nang makita siya. “Oh, hija! I am glad tinawagan mo ako from New York.”
“Pasensiya na po at umuwi pa kayo ng Pilipinas mula sa bakasyon ninyo. Inabala ko pa ang bakasyon ninyo. Kaso po hindi ko na kinakaya ang mga nangyayari. K-Kailangan ko po ng pamilya at hindi ko na alam kung sino pa ang masasandalan ko sa nangyayari ngayon.”
Hinaplos nito ang likod niya. “I am sorry about what my brother did to you. Ganoon talaga siya sa simula pa lang. Masyadong sakim. Masyadong gahaman sa kayamanan. Alam mo ba na sinarili na niya ang Pantaleon Construction mula nang dumating siya galing sa Europe? Inetsa-pwera niya kami ni Bill. Inalisan na niya kami ng karapatan sa kompanya. Kahit noong buhay pa si Papa ay masyado siyang pasikat. Mabuti naman at nakita na ng lahat kung ano talaga ang kulay niya. Ngayon ay ang mga board of directors pa ang nagmakaawa para bumalik kaming mag-asawa sa kompanya.”
“Totoo po? Mabuti naman po kung ganoon.”
Humalakhak ito. “Yes. Napatunayan namin na kami talaga ang karapat-dapat na humawak ng Pantaleon Construction. At titiyakin ko na hindi na makakatapak pa sa opisina ang ama mo. Titiyakin ko na magiging busabos siya. Igaganti kita, hija. Igaganti kita. At dahil sa ginawa niyang pananabotahe sa kompanya ninyo, makukulong siya habambuhay.”
“It is not exactly life imprisonment, sister dear. Dahil hindi na ako babalik pa sa kulungan kahit na kailan. Ewan ko lang sa iyo at sa asawa mo,” anang si Maximo na nakatayo sa likuran ni Lilia.