Nahigit ng tiyahin niya ang hininga at nanlalaki ang mata nitong nilingon. “B-Bakit nakalabas ka na ng kulungan? You are supposed to be in jail. Hindi ka nila dapat pinalabas.”
“Sayang. Magaling ka lang gumawa ng kalokohan, but you are not exactly that bright. Hindi murder ang kaso ko. My case is bailable. As you can see, malaya na ako. But sadly, hindi para sa iyo at sa asawa mo. Hinihintay ka na ni Kuya Bill sa kulungan.”
Ilang mga civilian police ang lumapit dito at nag-serve ng mainit-init pang arrest warrant. “Ma’am, ako po si SPO4 Marlon Bagatsing. May warrant of arrest po kami laban sa inyo,” sabi ng pulis at inabot kay Lilia ang warrant of arrest nito.
“Warrant of arrest? S-Sandali. Paano nangyari ito?” nahihindik na wika nito. Nanlisik ang mga mata ni Lilia. “Anong ginawa mo sa asawa ko? Bakit kami ang makukulong. Wala kaming ginagawang masama.”
“Lilia Pantaleon-de Leon, ikaw ay dinadakip namin sa salang reckless imprudence resulting to multiple physical injury.” Saka ito binasahan ng mga karapatan nito. “May karapatan kayong manahimik dahil anumang sabihin ninyo ay maaring gamitin laban sa inyo. Karapatan ninyong kumuha ng sarili ninyong abogado. Kung wala kayong kakayahan ay maari kayong bigyan ng gobyerno.”
“Anong ibig sabihin nito?” Humihingi ng paliwanag ang mga mata ni Lilia nang tumingin sa kanya habang pinoposasan ito. “Phoenix, ano ang nangyayari? Magkakampi tayong dalawa dito.”
“Nahuli na ang inutusan ninyo para banggain ang sasakyan ko,” anang si Phoenix at humalukipkip. “Umamin na siya at ang plano mo talaga ay ipapatay ako, hindi ba? At ang asawa mo naman ay nadakip dahil nalaman ng suspect na kasabwat mo sa pagsabotahe sa Alta Towers na kulang ang ibinayad mo at wala ka nang planong padalhan ng pera ang pamilya niya habang nakakulong ka.”
“Nooooo! Paninira lang iyan!” sabi ni Lilia. “Si Maximo talaga ang may kasalanan ng lahat. Gahaman siya sa pera. Gusto niyang masolo ang Pantaleon Construction. Di niya matanggap na kami ang gusto ng board of directors. Sipsip lang siya kay Papa kaya sa kanya ipinamana ang malaking shares ng kompanya. Sa akin iyon dapat. Sa akin! Sa amin ng mga anak ko. Hindi sa iyo o sa bastarda mo na basta na lang sumulpot sa mundo.”
“Tapos na ang panahon na halos bumagsak ang Pantaleon Construction at naghirap ang mga tauhan doon dahil sa di magandang pamamalakad ninyong mag-asawa,” wika ni Maximo. “Tama na.”
“Pero ang board of directors…”
“Iyon lang ang plano namin para mapabalik kayong mag-asawa dito sa Pilipinas,” nakangising wika ni Maximo.
It was actually Vance’s plan. Ito ang nakikipag-coordinate sa ama niya at pasekretong inayos ang mga plano para mapalabas ang totoo. Naging alas nila na nahuli kaninang madaling araw ang driver na bumangga sa kanya at sa wakas ay napakanta ito. Malaking bonus din sa kanila na sa wakas ay bumaligtad na ang suspect sa pananabotahe sa Alta Towers. Kaya naman malaking tinik ang nawala sa lalamunan niya ngayon.
“Ganyan ka ba kagahaman sa kayamanan? Handa kang manakit ng mga tao. Pati ang sarili mong kapatid at pamangkin, gusto mong saktan para makapagpakasasa ka sa pera ng kompanya,” mariing tanong ni Maximo, magkahalo ang sakit at galit sa boses nito. “Hindi sapat ang baryang nakukuha ko. Tapos idinala mo pa ang bastardang iyan sa pamilya natin. Sinadya mo ito para masolo ninyo ang pera. Sinadya ninyo ito. Paano na ang mga anak ko ngayon? Paano na?”
“Ikaw ang naglagay sa alanganin sa mga pamangkin ko, Ate. Huwag kang mag-alala dahil aalagaan ko sila at patuloy na pag-aaralin. Pero sana lang ay hindi sila matuto sa pagiging gahaman ninyong mag-asawa,” wika ni Maximo at saka inilayo si Lilia habang nagsisisigaw ito.
“What a mess,” nausal na lang siya.
Ibinulsa ni Maximo ang kamay sa pantalon. “I can’t really blame you if you don’t want to be a part of our family. Masyadong maraming di magagandang nangyari sa amin. Kaya nga ang pinakabata kong kapatid ay piniling umalis sa Pilipinas at mamuhay bilang asawa ng isang magsasaka sa Scotland para lang matakasan ang gulo dito. Alam ko na masyadong na-spoiled si Ate Lilia. Siya kasi ang laging nasa tabi ni Papa kapag kailangan siya. Kaya sa palagay niya ay wala kaming karapatan sa lahat. Kung maayos lang sana ang pamamalakad niya sa kompanya, hindi naman ako babalik. Pero siguro sinadya talaga na mangyari iyon para magkita tayo at malaman kong ikaw ang anak ko.”
Pumasok si Vance sa loob ng café at nilapitan siya. “Are you okay?”
“Yes. Siguro naman ngayon ay matatahimik na tayo ngayong nakakulong na sila,” aniya at yumakap sa baywang ng asawa.
“You did great. Convincing naman na inosente ka.”
“Mabuti na lang nakapagtimpi ako at inisip ko na mas matanda pa rin siya sa akin,” gigil niyang usal.
Ayaw talaga niyang magpanggap at magdrama sa harap ni Lilia kundi lang kinakailangan. Nagalit siya nang malaman niya ang lahat ng kalokohang ginawa nito. Na dati pa man pala ay gahaman na ito at gusto nitong dito lang mapunta ang lahat ng magagandang bagay. Maraming empleyado ang naghirap para lang matustusan ang kaluhuan nito. Maraming project ng Pantaleon Construction ang tinipid para lang mas malaki ang maibulsa nito. At ngayon kung kailan umaangat na ang kompanya sa pangangalaga ng ama niya ay gusto na naman ng mga ito na manghimasok. Mukhang naalarma ang mga ito nang ipakilala siya ni Maximo bilang anak nito. Dahil kung walang tagapagmana ang ama niya ay ang mga anak sana ni Lilia ang magmamana ng kayamanan nito.
“Maraming salamat sa tulong ninyong mag-asawa,” sabi ni Maximo.
“Inosente po kayo. Dapat lang naman na mahuli ang totoong may sala para maging maayos at ligtas ang lahat,” sabi naman ni Vance.
“Phoenix, maraming salamat sa tulong mo. Ngayon maiintindihan ko kung gusto mong lumayo ako. Hindi ko na ipipilit na patawarin mo ako. Hindi na kita guguluhin, hija,” anito at yumuko. Mistulang isang talunang sundalo ang ama niya.
“S-Sir, alam ko na hindi madali na tanggapin ko kayo sa buhay ko. I grew up wishing my father is alive, you know. Pero ngayong natupad naman ang hiling ko, saka ako tumatanggi. Kahit ano ka pa, ikaw ang ama ko. Hindi man siguro ako magiging mainit sa inyo pero ayoko namang ipagkait sa inyo ang karapatan na maging ama ko. After all, kayo na lang ang nag-iisa kong magulang. Kayo na lang ang nag-iisang lolo ng anak ko. I don’t mind if you stay in our lives.”
Nagningning ang mga mata nito. “Ibig sabihin ay tinatanggap mo na ako sa buhay mo bilang ama mo?”
“Yes. Tinatanggap ko na po kayo, P-Papa.”
Sa unang pagkakataon ay nakita niya ang pagluha sa mga mata ni Maximo Pantaleon. “P-Pwede ba kitang yakapin?”
Marahan siyang tumango at napapikit siya nang sa wakas ay maramdaman niya ang init ng yakap ng kanyang ama sa unang pagkakataon. It was warm and it feels like home. Ganito pala ang pakiramdam na magkaroon ng isang ama. Isang ama na magpoprotekta at magmamahal sa kanya.
“Maraming salamat. Hindi ko sasayangin ang pagkakataong ito. M-Magiging mabuti ako. At kundi ko man naibigay sa iyo ang lahat, ibibigay ko ang lahat para sa apo ko,” sabi ni Maximo.
“Uh oh! Mukhang magkakaproblema tayo diyan, Papa,” nakangising sabi ni Vance. “Mahirap magkaroon ng spoiler na lolo.”
“Let us talk business some other time, son-in-law,” anang si Maximo at pinahid ang sariling luha. “Sa ngayon, kailangan ko munang asikasuhin ang kaso ng kapatid ko. Kailangan silang turuan ng leksiyon.”
“At ang mga anak po nila?” tanong niya. “I mean, ang mga pinsan ko?”
“Ako mismo ang pupunta sa Amerika para kausapin sila sa nangyari. Ayokong sa iba pa nila malaman.” Tinapik nito ang balikat ni Vance. “Ikaw na muna ang bahala sa anak ko.”
“Always, Sir,” anang si Vance at sumaludo pa dito. Umuwi na sila ni Vance dahil masyadong nakakapagod ang nagdaang mga araw sa kanila “You are smiling.”
“Nakahinga na ako ng maluwag. At least, nahuli na kung sino ang totoong may kasalanan. Nakakalungkot lang dahil kapamilya ko pa ang gumawa nito. Pero sa isang banda, masaya ako dahil nakatulong ito para magkaayos kami ni Papa. Masarap pala ang may tatay. He isn’t so bad.”
“Phoenix, di naman dahil minsang nagkasala ay wala na siyang pagkakataon na magbago. Kita mo naman, di pa rin niya pinabayaan ang pamilya niya. At nakita mo rin naman kung paano siyang gumawa ng paraan para magkasama pa rin tayo sa huli. Bumabawi naman siya.”
Humilig siya sa balikat ni Vance. “I feel complete. Nasagot na ang lahat ng mga tanong sa isipan ko. Nakumpleto na ang pagkatao ko. Nagpapasalamat ako dahil nangyari ito bago pa dumating si Baby Mauri. Wala na siyang hahanapin pa.”
“Yes. Mas masaya na siya ngayon dahil mas maraming magmamahal sa kanya. Spoiler na lolo at may mga tita at pinsan pa siya,” wika nito. “Mas dumami pa ang pamilya natin.”
“Gusto kong makilala ang bunsong kapatid ni Papa. Nasa Scotland daw siya at siya daw ang kamukha ko.”
Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “Iimbitahan natin sila kapag binyag ni Baby Mauri.”
Tumuwid siya ng upo nang mapansing nasa Cavitex na sila. “Teka bakit tayo nandito? Hindi naman ito ang way natin pauwi.”
“Nope. We will go to Pico de Loro. Siguro naman oras na para sa much needed vacation natin.”
“Pero hindi ko dala ang mga damit ko.”
“Nasa trunk na ng kotse kasama ang sexy mo na damit.” Bumulong ito sa kanya. “And this time, I ditched the lacy underwears. You won’t need those.”
At umulan ng hagikgik ni Phoenix sa sasakyan.