“KAPE at enseymada,” pakantang sabi ni Jeff at inilapag ang miryenda sa harap ni Verona. “Galing sa pinaka-hot na lalaki sa balat ng lupa.”
Inangat niya ang tingin sa ine-edit na copy ng nobela. “Galing kay Sir Mattheu?” tanong niya at dinampot agad ang enseymada.
Wala siyang matinong kain mula umaga. Kinailangan niyang humabol sa trabaho dahil isang buwan din siyang nawala. Bukod pa doon ay ine-edit din niya ang entry sa competition na palapit nang papalit ang deadline. It was not an easy feat. Pero effective iyon para di na niya maisip ang kabiguan sa pag-ibig.
“Hindi. Galing sa kay Kirst Viray,” sabi nito.
“Nandiyan na naman siya?” usal niya at bumagsak ang balikat. “Stalker.”
“Admirer,” sabay-sabay na sagot ng mga kasamahan niya sa silid na nakikinig pala sa usapan nila ni Jeff.
Inuwi na si Inang Selva sa Pangasinan nang payagan ng doktor. Pero matapos ang isang linggo ay nagparamdam muli sa kanya si Kirst. Tatlong araw na siyang pinupuntahan ng binata sa opisina para lang dalhan siya ng pagkain na may kasamang note. Na dapat daw ay alagaan niya ang sarili niya. O kaya ay ipapaalala sa kanya na kumain sa oras. Di kasi niya sinasagot ang mga tawag nito. Ayaw niya itong kausapin. Pagdating niya sa bahay ay kasunod lang niya itong gagawin. Para iwasan ito ay nagkukulong siya sa kuwarto niya at hinahayaan si Sia na kausapin ito hanggang magsawa. Di nga niya alam kung bakit pa siya kinukulit nito.
“Labasin mo na. Maghuhubad daw siya sa office ng admin kapag hindi mo pa siya pinuntahan,” sabi ni Jeff.
“What?” bulalas niya at tumayo. Baliw ang isang iyon. Mag-eeskandalo ba talaga ito para lang sa kanya?
Pinigilan siya ng senior editor na si Miss Salve. “Ako na. Ako na lang ang kakausap. Sasabihin ko na ayaw mo siyang makita forever and ever.”
“Sasamahan na kitang makipag-usap,” sabi ni Miss Agnes. “Medyo nakaka-miss din kasing makita ang abs niya lalo na’t libre.”
Tumunog ang intercom at kanya-kanyang balik sa pwesto. Baka nakita sa CCTV ang pagkakagulo nila at mapadalhan pa silang lahat ng memo. Sinagot iyon ni Miss Tere at tumingin sa kanya. “Pinapatawag ka daw ni Sir Mattheu sa baba.”
“Hala! Oras kasi ng trabaho may manliligaw,” pananakot pa ni Jeff sa kanya.
Kinakabahan siyang bumaba ng admin office. Nakaabang na sa opisina ng boss niya ang assistant nitong si Carlos. “Pasok ka na sa loob.”
Lumunok siya. Kapag nasisante siya sa trabaho o kaya ay nabigyan ng memo dahil sa kagagawan ni Kirst, makakatikim ito sa kanya.
Pagpasok ng opisina ay nandoon na si Kirst at nakikipagtawanan pa sa boss niya. “Heto na pala ang pinakamagandang babae sa Hearts Publication. Maiwan ko muna kayo at may meeting pa ako sa warehouse.”
“Kirst, hindi ba sobrang abala na ito?” tanong niya. “Pati boss ko idinamay mo.”
“Si Sir Mattheu ang nagprisinta na gamitin itong opisina niya. Hindi rin naman ako magtatagal. Gusto ko lang ibigay ito sa iyo nang personal,” sabi nito at inilapag sa harap niya ang dalawang lumang journal sa harap niya. “Diary ni Lolo Arturo at ang isa sa kay Sister Leonora.”
“Nakuha mo ang diary ni Sister Leonora?”
“Oo. Mula sa bahay ng mga Cinivaldo. Humingi ako ng permiso sa pamilya ni Emerlyn para magkapasok sa bahay nila at makahanap ng pwede mong gamitin sa research mo. I think this will help you a lot.”
Kumunot ang noo niya at dinampot ang light brown ang pabalat na journal. Naninilaw na ang mga pahina pero nakilala niya ang pamilyar na sulat-kamay ni Sister Leonora at niyakap iyon. Pakiramdam niya ay yakap niyang muli ang babaeng tumayong ina sa kanya. Parang nabuhay ulit ito.
“Nagbigay na rin ng permiso ang mga Cinivaldo para pasukin mo ang mansion at mag-research bago daw nila ibenta iyon.”
“Ibebenta nila?” tanong niya.
“Lahat naman sila ay nasa ibang bansa na. Wala nang naiiwan dito. Kaya ibebenta daw nila sa isang developer para gawing hotel. Baka maganda daw na makita mo muna bago iyon mapunta sa kamay ng iba.”
Lumunok siya. “Kirst, bakit mo ako tinutulungan?”
“Dahil nangako ako sa iyo na gagawin ko ang lahat para matapos ang libro mo. I want everything settled before I go to States.”
Nahigit niya ang hininga. Aalis na ito. Susunod na ito kay Emerlyn sa ibang bansa at tutuparin na ng mga ito ang pangarap na ipinangako sa isa’t isa. At siya ay isang bahagi lang ng buhay ni Kirst na pagdadaanan nito.
Pipigilan ba niya ito? Magmamakaawang huwag itong umalis? Gagawin mo lang tanga ang sarili mo. Konting pride naman, Verona.
Lumunok siya. “Bon voyage sa flight mo. I am sure magiging successful ang career mo sa ibang bansa at magiging masaya ka dahil makakasama mo ang mga taong importante sa iyo.”
“Verona...”
Tumayo siya. “Salamat sa mga dinala mong diary. Kailangan ko nang bumalik sa trabaho,” sabi niya at nagmamadaling lumabas ng opisina. Tuloy-tuloy agad siya sa restroom bago pa siya mapaiyak sa hallway at may makakita sa kanya.
Kirst was leaving. Masakit pa rin pala ang magpaalam. Mahal niya ito. At kikimkimin na lang niya ang nararamdaman niya habambuhay.
“Nasabi kong mahal ko siya subalit hindi ko napatunayan. Hindi ko napangatawanan. Kung may pagkakataon sana na sabihin ko ang totoong nasa puso ko bago siya nawala, hindi ako magdurusa. Sana naging mas matapang ako. Sana hindi ko siya iniwan.”
Napuno ng lungkot ang puso ni Verona habang nakahiga sa kama. Di mawala sa isip niya ang mga nakasulat sa diary ni Arturo.
Maraming natuklasan si Verona nang mabasa ang diary ng magkasintahang Leonora at Arturo. Nalaman niya na umalis si Arturo papuntang Amerika dahil sa pananakot ng mga Cinivaldo na papatayin ang pamilya nito kapag di ito lumayo. Nag-aral doon si Arturo at nagpakasal sa babaeng di nito mahal. Kinailangan lang nitong tulungan ang isang kaibigan para protektahan ang kaibigang nabuntis at di pinanagutan. Subalit nagdiborsiyo din sina Arturo at ang asawa nito. Di na nag-asawa pa ang lolo ni Kirst.
Life was full of ironies. Ang buong akala ni Arturo ay namatay si Sister Leonora subalit buhay pa ito. At kahit na magkita pa ang mga ito, kasal na si Sister Leonora sa Diyos. May mga pag-ibig siguro na sadyang hindi nauukol kahit gaano pa kamahal ang isa’t isa.