Kinatok siya ni Sia. “O! May padala sa iyo ulit ni Kirst.”
“Nandiyan ba siya?” tanong niya.
“Wala. Pinapadala lang sa messenger. Pag nandiyan, ayaw labasin. Kapag nawalan wala hanap nang hanap. Ang labo mo,” reklamo ng kaibigan.
Hinarap niya ang kahon na padala ng binata. Mga libro ang laman nito. Rare books na magagamit niya sa research niya. Kahapon ay contact number ng isang professor sa UP Baguio na pwede daw niyang hingan ng tulong sa sinusulat niya lalo na kapag kailangan niya ng translator sa mahihirap na Spanish words at Pangasinense at apo din ng isang Katipunero kaya daw tiyak na makakatulong ang insights nito dahil nakapagsulat na daw ito ng libro tungkol sa ninuno nito.
Isang note ang nakaipit doon.
Gusto kong makita ka
Kahit sa huling sandali
At muling masabi sa iyo
Na laman ng puso ko ay di nagbabago
* Magkita tayo sa ating dating tagpuan - La Creperie Boheme, ikapito ng gabi.
“Ang sweet naman ng love poem. Nagpaparinig nga ako kay Loveydoods na sana gawan niya ako pero deadma lang. Bibigyan na lang daw niya ako ng salapi kaysa gumawa ng ganyan,” naiinggit na sabi ni Sia nang sipatin ang tula na gawa ni Kirst.
“Di talaga ako maka-emote sa iyo. Kailangan talaga bantayan ako?” tanong niya sa kaibigan at matalim itong tiningnan.
“May oras ka pang mag-emote? Alas kuwatro na.”
“Pupunta ba ako?” sabi nito. Bakit gusto pa siya nitong makita? Nasabi na nito ang lahat ng gusto nitong sabihin. Pupunta na ito sa Amerika at susundan na ang dating nobya. Okay na iyon. Tanggap na niya.
“Sabi huli na iyan,” sabi ng kaibigan at umupo sa sofa. “Sabi sa IG niya, nag-eempake na siya dahil bukas na ang flight niya papuntang Amerika.”
“Magsusulat na lang ako. Pag-alis ni Kirst, at least may libro pa akong babalikan.”
At nagpatuloy siya sa pagbabasa. Pero parang nananadya naman nang mabasa niya ang isa sa entry sa diary ni Arturo sa mga huling araw ng buhay nito.
Ang bilin ko sa inyo, sabihin ninyo kapag mahal ninyo ang isang tao. Ipaglaban ninyo. Wala na sigurong lulungkot pa sa isang buhay na puno ng pagsisisi. Dahil sa mga damdaming di nasabi at sa mga pag-ibig na di napangatawanan. Dahil minsan lang ako nagmahal sa buhay ko at habambuhay kong pinagsisihan na di ko siya naipaglaban. Sa langit na lang tayo magkita, mahal kong Leonora. Patawarin mo ako.
Pagsisisi. Paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili na tama ang ginawa niyang pag-iwas ka Kirst. Na dapat nang matuto ang puso niya. Pero sa halip na maging masaya ay puro kahungkagan ang nararamdaman niya. Sumisigaw ang puso niya na makita itong muli. At alam niya na kapag di pa niya nakita si Kirst sa huling pagkakataon ay pagsisisihan niya habambuhay. It might be her last chance to be brave.
Lumabas siya ng kuwarto habang mangiyak-ngiyak. “Sia, ayusan mo ako.”
“HINDI mo ako kailangang ihatid, Sia. Kaya ko nang mag-isa,” apela ni Verona kay Sia nang sumakay din ito sa taxi katabi niya. Inayusan siya nito pero hindi gaanong makapal ang make up at ipinili lang siya ng dress na bagamat conservative ay may class pa rin. At handa na siyang harapin si Kirst.
“Baka kasi bigla kang umurong. Mahirap na.” At sinabi ng kaibigan kung saan sila pupunta.
“Hindi ako uurong kahit natatakot ako,” sabi niya at pinagsalikop.
“Naniniguro lang. Baka kung kailan malapit ka na, saka ka pa kabahan. Ayokong pagsisihan mo ito kalaunan,” sabi ng kaibigan at hinawakan ang kamay niya. “Kailangan mo lang maging matapang at maging totoo sa nararamdaman mo. Para kapag binalikan mo ang sandaling ito sa buhay mo, masasabi mong wala kang pagsisisihan.”
“Salamat.” Iyon marahil ang isa sa mga bagay na hinahangaan niya sa kaibigan. Di ito natatakot na magmahal at magkamali. Doon ito natututo sa buhay. At sa lahat ng pinagdaanan nito sa buhay, wala itong pinagsisihan.
Iniwan niya sa labas ng restaurant ang kaibigan. Ano’t anuman daw ang mangyari sa pag-uusap nila ni Kirst ay naroon ito para damayan siya.
Pagpasok ng La Creperie ay nasa dating mesa si Kirst at naghihintay sa kanya. Sinalubong siya nito agad. “Hi!” bati niya dito.
“I’m glad you came,” sabi ng binata at ipinaghila siya ng upuan. “You look beautiful tonight.” At saka siya tinitigan na parang kinakabisa ang mukha niya.
Kirst, wag mo akong gaanong titigan. Baka bigla akong kabahan.
“G-Gusto ko rin kasing makumusta si Inang. Selva.” Nakikibalita naman siya kay Ading Jovita tungkol sa lola ng mga ito. Di lang niya alam kung paano sisimulan ang pag-uusap na iyon.
“Nakabalik na siya sa Casa Grande. Mas bumubuti na ang kalagayan niya. Nami-miss ka daw niya. Sana daw makarating ka sa birthday niya next month.”
“Dadalawin ko naman siya kahit na matapos ang libro ko.” At umorder lang ng hot chocolate sa waiter “Aalis ka na daw bukas.”
“Yes. Importante na umalis ako.”
“Alam ko. Kailangan mong gawin ito para sa sarili mo. At masaya ako para sa iyo. Sigurado ako na maraming opportunities ang naghihintay sa iyo sa Amerika at magiging masaya ka doon. Makakasama mo na rin ang babaeng ipinaglaban at minahal mo,” aniya sa magaang boses kahit may kurot pa rin sa puso niya.
Ginagap nito ang kamay niya at pinagmasdan siya sa malamlam na mga mata. “Di dahil aalis ako, pinipili ko na si Emerlyn. Ikaw pa rin ang gusto kong makasama.”
“Sa ngayon dahil ako ang nandito. Pero kailangan mo pa ring malaman kung sino talaga ang mas dapat at magpapasaya sa iyo. Naiintindihan ko naman kung si Emerln ang piliin mo. Iyan naman talaga ang pangarap mo. Matagal mo na rin siyang minahal. Pero bago ka umalis, gusto ko sanang malaman mo na masaya ako na nakilala kita at nakasama kita. I am in love with you, Kirst.”
Napapatda ito. “Verona...” usal nito na pangalan niya na magkahalo ang lungkot at saya. “I-In love ka talaga sa akin? Masaya ako pero...”
Tinapik niya ang kamay nito. “Di ko sinasabi ito sa iyo para baguhin ang isip mo sa pagpuntang Amerika. Gusto ko lang malaman mo kung anong nararamdaman ko. Ayokong mabuhay sa pagsisisi na di ko nasabi sa iyo ang totoo. At kahit na sa huli hindi man tayo magkaroon ng forever, masaya pa rin ako. Binigyan mo ng kulay ang buhay ko. Tama ka, di naman tayo magiging masaya kung lagi nating poprotektahan ang puso natin. Walang garantisadong formula para sa habambuhay na kaligayahan kundi ang buksan ang puso mo.”
Kinintalan nito ng halik ang likod ng palad niya at idinaiti sa pisngi nito. “I know this means a lot to you. Hindi madali sa iyo na aminin ang nararamdaman mo. Ito talaga ang huling bagay na inaasahan ko mula sa iyo.”
“At masaya ako. Pakiramdam ko malaya ako dahil nasabi ko rin sa iyo. Umalis ka man sa buhay ko, hindi ko ipagpapalit ang panahong nakasama kita at naging masaya. Hindi ko rin naramdaman na malungkot ako dahil ibinaba ko ang pride ko at sinabi ko ang nararamdaman mo. I feel strong and brave. Pakiramdam ko kaya ko nang gawin ang lahat nang hindi natatakot mabigo at masaktan. Iyon ang itinuro mo sa akin.”
Niyakap niya si Kirst. Hindi niya alam kung gaano katagal silang nagyakap ng binata. It might be the last time. Kung pwede lang ay habambuhay na ito sa bisig niya. Nakakalungkot din ang mga araw na lumipas nang di niya nasasabi dito na mahal niya ito. Nakakapanghinayang. Pero mas manghihinayang siya kundi niya nasabi dito na mahal niya ito at nayakap ito.
“Thank you. And I want you to be happy.”
Humiwalay siya dito at naglakad palabas ng restauant. at iniwan ito. Di na siya nagpaalam. He already knew that it was goodbye. Pero may ngiti sa labi siya nang umalis. It was not the end the world. She was not even hurt. She was free. Dahil alam niyang masaya siya sa kung anuman ang nahihintay sa kanya. Si Kirst ang nagturo niyon sa kanya. And she knew that he would do the same.