“MALIGAYANG KAARAWAN po, Inang Selva!”
Niyakap ni Verona ang matandang babae. Isang magarbong kaarawan ang ihinanda dito sa Casa Grande at may sumundo pa sa kanya sa Manila para tiyakin na makakarating siya sa pagdiriwang nito.
Puno ang bahay ng mga kaibigan ng pamilya at mga kamag-anak. The old house was gleaming. May rondalla pa sa gilid na nagpapatugtog ng mga lumang awitin. Hindi lang iyon simpleng kaarawan ng matandang babae dahil ila-launch din ang proyekto para sa tour sa mga lumang bahay sa bayan.
“Sana po magustuhan ninyo ang regalo ko sa inyo,” aniya sa matandang babae at ibinigay ang bookbinded na libro.
“Ito na ang libro? Natapos mo na?” namamanghang sabi nito at niyakap muna ang libro bago buklat-buklatin.
“Naipasa ko na rin po sa competition at nakaabot po ako sa deadline,” aniya at pinagsalikop ang palad. “Akala ko nga po di ako aabot.”
Isang buwan na rin mula nang huli siyang pumunta ng Bayambang. Binigyan siya ng access sa records ng mga Cinivaldo. Isa sa mga nakuha niya ay ang diary ng isang Donya Soledad na nagpapakita kung paano nito palihim na tinutulungan ang rebolusyon at kung paano itong ginulpi ng malupit na asawang Kastila nang malaman iyon. Di lahat ng Cinivaldo ay masama. At sa palagay niya ay may pinagmanahang mabuting puso si Sister Leonora. At sana ay iyon din ang namana ni Emerlyn para maging masaya si Kirst kasama ito.
Mahigit isang buwan na rin si Kirst na nagtungong Amerika. Dahil abala sa libro ay wala siyang balita dito. Ipinapakita lang sa kanya ni Sia ang mga picture ng lalaki na kasama ang mga kamag-anak nito at mukhang masaya naman ito. Pero wala namang ipinakita sa kanya ang kaibigan na picture na kasama nito si Emerlyn. Siguro ay ayaw lang nito na masaktan siya. Okay na siyang makita na masaya si Kirst kahit di siya kasama. Ganoon naman ang pag-ibig. Di kailangang maging masakit kahit na hindi sa iyo ang lalaking mahal mo.
“Manalo o matalo, sabi ni Kirst na siya ang bahala sa pagpapa-imprenta,” sabi ni Inang Selva.
“Shhhh! Inang,” saway ni Jovita dito.
“Ay! Hindi pa ba niya nasasabi sa iyo?” naguguluhang tanong ng matandang babae.
“Hindi pa po kami nagkakausap,” sabi niya at tipid na ngumiti.
“Huwag mong pansinin si Inang. Nag-uulyanin lang iyon,” anang si Jovita nang magbigay-daan sila sa ibang mga bisita upang mabati si Inang Selva. Ipinagmamalaki nito ang libro niya. “Marami palang salamat sa iyo. Dahil sa tulong mo, nagsiuwi ang mga kamag-anak namin dito at dito na daw titira ang iba para makasama si Inang. Tutuparin daw nila ang pangako na uuwi dito sa Pilipinas kapag nakaipon na. Kaya hindi na rin ibebenta itong bahay.”
“Mabuti naman,” sabi nito. Hindi lang ito dahil sa bahay kundi dahil nabuong muli ang pamilya ni Nana Selva gaya ng panga rap nito. “Aalis ka daw at pupuntang abroad?”
“Para lang magbakasyon. May iba na kasing mag-aalala kay Inang ngayon,” nakangiti nitong sabi. Ang alam niya ay umalis na sa Bayambang ang pamilya ng lalaking nakarelasyon nila. Tinanggap na rin nito sa sarili ang pagkakamali nito at humingi ng tawad sa pamilya ng lalaki. Nakikita naman niya na mas masaya na ito ngayon.
Pinisil niya ang balikat nito. “Mag-enjoy ka lang, Ading. Malay mo doon mo makita ang lalaking magpapasaya sa iyo.”
“Hindi na ito tungkol sa pag-ibig. Gusto ko lang pasayahin ang sarili ko at makapunta sa mga lugar na pangarap kong puntahan. Ikaw din. Sana maging masaya ka rin,” sabi nito.
Tipid lang siyang ngumiti. Sa gitna ng kasiyahan ay pinili niyang lumayo. Sa kabila ng maraming tao sa pagtitipon ay parang may malaking kahungkagan sa puso niya. Hinahanap-hanap niya si Kirst. Di niya ito maiwasang ma-miss. Kung makikita lang nito kung gaano kasaya ang lola nito.
Binuksan niya ang messenger sa Facebook at nakitang naka-online ang lalaki. Hi! Sana nandito ka rin sa birthday ni Inang Selva, Kirst. Miss ka na nila dito. At saka ipinadala dito ang larawan ng lola nito habang binabasa ang libro niya.
Pumitlag ang puso niya nang bigla itong mag-reply. Di mo ba ako nami-miss?
Mahigpit niyang hinawakan ang cellphone niya. Bakit ganoon ang tanong nito? Wala ba itong awa sa kanya? Masaya na nga ito kay Emerlyn. Bakit kailangan pa siya nitong pasakitan ng ganito. Baka nang-aasar lang. Manigas ito. Di siya magre-reply dito. Miss naman niya ito pero kailangan pa talagang tanungin sa kanya?
“Bakit hindi mo sinasagot ang tanong ko?”
Tumuwid ng tayo si Verona nang marinig ang boses ng lalaking inaakala niyang nasa Amerika. Bigla siyang humarap dito. “Kirst? Nandito ka!”
“Hindi ka kasi nag-reply sa message ko kaya gusto kong itanong nang personal sa iyo,” nakangising sabi nito pero pagkuwan ay kumunot ang noo. “Bakit mag-isa ka lang dito? Hindi ka dapat nagpapahamog. Malamig dito.”
Hinubad nito ang gray scarf at ipinatong sa ulo niya. Iyon din ang scarf na bigay nito sa kanya pero ibinalik niya. Lumukob sa kanya ang bango nito at ang init ng katawan nito. Pakiramdam niya ay yakap na rin siya nito. Pero mas malakas ang tawag sa kanya ng puso na yakapin mismo si Kirst.
Mahigit isang buwan niya itong di nakita. Nagpakalunod siya sa trabaho para hindi ito maisip. Nasa harap na niya ito ngayon. Wala nang dagat sa pagitan nila pero hindi pa rin niya magawang yakapin ito o sabihin ang nararamdaman niya.”
Nanatiling nakatayo ang binata sa harap niya at pinagmasdan siyang mabuti. “Kailan ka huling natulog?” tanong nito at hinaplos ang ilalim ng mata niya.
Umikot ang mata niya. “Tinapos ko ang libro ko.”
Bahagya nitong itiniklop ang tuhod at pinakatitigan siyang mabuti. “Alam ko naman busy ka nitong nakakaraang araw kaya di kita ginugulo. Pero ngayong tapos mo na ang libro mo, pwede mo na sigurong sagutin ang tanong ko.”
“Kirst, mas maganda siguro kung pumasok na lang ulit tayo sa loob. Baka hanapin ka pa ni Emerlyn,” sabi niya sa magaang boses. Kahit na nakakatukso na halikan na lang ang binata dahil malapit na ang mukha nito sa kanya, hindi niya pwdeng gawin dahil wala siyang karapatan.
“Nasa Europe siya ngayon para sa fashion show.”
“At ikaw? Kailan ang balik mo sa Amerika?” tanong niya para paalalahanan ang sarili na isang kabaliwan ito.
“I am staying here for good,” anito at tipid na ngumiti.
“Susunod na ba dito si Emerlyn?” Okay nang nasa Amerika ito at kasama si Emerlyn. Pero