MAINGAT na nakakubli si Aki sa isang malaking kargamento kung saan, mula sa kanyang kinaroroonan ay palihim niyang minamanmanan ang mga tauhan ni Alejandro Montenegro. Tama ang report ng Intelligence na kahina-hinala ang shipments na isinasakay ng mga ito sa barko.
Minabuti pang mas lumapit ni Aki sa mga ito para makuhanan niya ng surveillance camera ang nagaganap na operasyon. Maingat at maliksi siyang nagtungo sa isang nakaparadang trailer truck at umilalim doon. At palibhasa, itim ang overall suit na kanyang suot, tiyak na hindi siya mahahalata ng mga ito.
Mula sa pinagtataguan ay kuhang-kuha ng camera niya ang nangyayaring operasyon. Kasalukuyang naroon si Alejandro Montenegro at binabantayan ang pagkakarga ng malalaking kahon ng kargamento sa malaking cargo ship. Ang problema, hindi niya marinig ang usapan ng mga ito dahil may kalayuan ang pinagtataguan niya sa mga hudas.
'Di bale, ang importante ay may footage ako, isip-isip niya habang itinututok ang camera sa mga ito. Ilang saglit pa nga ang lumipas, natapos ang pagkakarga ng mga kargamento. Agad na nagpulasan ang mga ito matapos niyon, partikular si Alejandro Montenegro na agad sumakay sa magarang sasakyan at tumalilis.
Balak sanang akyatin ni Aki ang barko pero huli na nang mapansin niyang nakataas na pala ang hagdan niyon, at ngayon nga ay papaalis na. Napailing na lang siya sabay labas sa pinagtataguan.
Malalaman ko rin ang ginagawa mo, Alejandro Montenegro! ani Aki sa sarili habang nakakuyom ang kamao at sinusundan ng tingin ang papalayong cargo ship.
Tumalikod na rin siya at nilisan na ang lugar na iyon. Mabilis niyang tinungo ang kanyang kotse na nakaparada sa isang tagong lugar. At nang marating iyon, agad siyang sumakay at pinaharurot paalis ng pier.
• • •
Nagising si Aki kinabukasan sa tunog ng kanyang cellphone. At kahit pupungas-pungas pa, kinapa niya iyon sa ibabaw ng corner table upang sagutin.
"Yes, hello?" agad n'yang bati sa kabilang linya
"Ogenkidesuka, musuko? (How are you, son?)"
"Papa!" aniya nang mabosesan ang kanyang Papa. Napabalikwas tuloy siya ng bangon. Bihira lang kasi ito kung tumawag sa kan'ya. Madalas ang mama niya ang gumagawa niyon. "Bakit ka tumawag, Pa? Is there any problem?" agad niyang usisa rito.
"Nothing, son. But I want you to come home today if you weren't busy," anitong ipinagtaka niya.
Sandali muna siyang nag-isip. Palagay niya ay may importanteng sasabihin ang kanyang Papa kaya ito napatawag ng gan'on kaagad. Marahil may gusto itong pag-usapan nila ng personal.
"Okay, Pa," sagot niya. Tutal ay mamayang gabi pa naman ang lakad niya para muling magmanman sa pier.
"Good. We will wait for you, son!" sagot pa ng Papa niya pagkatapos ay ibinaba na ang linya.
Pero naibaba na't lahat-lahat ni Aki ang cellphone, hindi naman niya malaman kung bakit bigla siyang inatake ng kaba dahil sa kaalamang uuwi siya sa parents niya. At hindi na siya kailangan pang magtaka kung bakit. Makikita kasi n'ya roon si Kiah, ang babaeng pinipilit niyang kalimutan.
Oh fuck! Calm down, Akihiro, okay? Lakas maka-bakla n'yan! lihim n'yang saway sa sarili habang pilit kinakalma ang nagwawalang sistema.
• • •
"I-IKAW pala, Aki. . ."
Hindi malaman ni Kiah ang gagawin nang mapagbuksan ng pinto ang lalaking nagpapagulo sa kanyang puso at isipan. Sa loob ng isang buwan na hindi niya nakita ang binata, pakiramdam niya ay mamamatay na siya sa labis na lungkot.
May mga gabi pa ngang ninanais niyang kontakin ang lalaki para marinig man lamang kahit ang boses nito, ngunit lagi siyang inuunahan ng hiya. Kung kaya't lihim na lamang niyang dinadalangin na sana ay bumisita ito roon.
"Yes, ako nga. Kumusta ka na? Sina Mama at Papa, nasaan? Si Gavin, kumusta?" kaswal lang na wika ng lalaki saka nagtuloy-tuloy ng pasok. Mabilis namang isinara ni Kiah ang pinto at saka sumunod dito patungo sa sala.
"Maayos naman sila. Nandoon na sila sa kusina, kanina ka pa hinihintay," sagot niyang pinilit na huwag mautal kahit pa nga tila tinatambol ang kanyang puso dahil kasama niya ngayon ang binata.
"How about you? Kumusta ang pag-aaral mo?" tanong pa nito na lumingon pa sa kaniya.
Lalo namang dumoble ang kabang lumulukob kay Kiah nang magtama ang kanilang mga paningin ng lalaki. At lihim siyang nasaktan nang makitang tila ayos na ayos ito at walang iniindang lungkot, hindi gaya niya.
Ikaw lamang kasi ang nag-isip ng tungkol sa inyong dalawa, Hezekiah! Ikaw lang. . .
Tila may munting tinig ang nagsabi niyon sa dalaga, at marahil nga ay tama ito. Siya lamang ang nag-iisip sa lalaki dahil mahal niya ito. Samantalang ito ay walang kahit anong nararamdaman ukol sa kaniya.
"O-Okay naman ako. Tinutulungan naman ako ni Gavin kapag nalilito ako sa mga subjects," sagot ni Kiah saka nagbaba ng tingin. Hindi kasi niya matagalan ang nababasang panlalamig sa mga mata nito.
"That's good."
Iyon lang ang sinabi ng lalaki at saka muling nagtuloy-tuloy sa paglalakad. Ni hindi na siya nito hinintay at dumiretso na ito sa kusina kung saan naroon ang mga magulang nito at ang mga bisita.
Hindi ko akalain na ganito pala kasakit kapag nagmamahal. . . ani Kiah sa isipan habang maluha-luhang nakayuko sa mga palad.
Ramdam niya ang matinding sakit dulot ng panlalamig na ipinapakita sa kan'ya ni Aki bago pa man siya umuwi sa bahay ng magulang nito. Ngunit wala siyang magawa kundi sarilinin ang sakit na iyon. Wala naman kasi siyang mapagsabihan ng nararamdaman.
Sa ganoon din niya mas naramdaman ang lungkot ng pagiging malayo sa kanyang pamilya. Kung naroon lamang sana ang inay niya, tiyak na mapapagaan nito ang sakit na nadarama niya.
"Hey, Kiah? Let's go. Kumain na tayo," untag ng isang pamilyar na boses.
Nag-angat ng paningin si Kiah subalit nakaramdam siya ng pagkadismaya nang makitang si Gavin iyon. Ang buong akala kasi niya ay si Aki ito. Magkaboses kasi ang magkapatid.
Pasimpleng pinunasan ni Kiah ang luha na naglandas na pala sa kanyang pisngi at saka pilit na ngumiti kay Gavin. "Pasensya na, may tiningnan lang ako," pagsisinungaling niya sa lalaki sabay lapit. "Halina sa loob," anyaya pa niya.
"Wait, umiyak ka ba?" kunot-noong tanong ni Gavin sa kan'ya habang nakatingin ng mataman.
Mabilis naman siyang umiling rito. "Naku, hindi! Naghilamos lang ako. Pakiramdam ko kasi, ang langkit ng mukha ko," tanggi pa niya sa lalaki na may pilit na ngiti sa labi.
Narinig ni Kiah na bumuntong-hininga lamang si Gavin bago nagsalita. Halatang hindi kumbinsido. "Sige, sabi mo e."
Tahimik nang pumasok ang dalawa sa kusina at magkatabing naupo sa hapag-kainan, habang si Aki naman ay katabi ang isang magandang babaeng noon lamang nakita ni Kiah. Kasama rin nito ang ama at ina nito. Ang mga ito ang bisita ng pamilyang Tetsuya.
At ayon pa kay Gavin, may importante raw na pag-uusapan ang mga ito na kailangan raw ang presensiya ng nakatatandang kapatid. Ayaw nga sanang makisama roon ni Kiah ngunit si Mrs. Tetsuya na mismo ang nagsabing sumabay na siya sa mga ito ng tanghalian.
"Anyway, talaga palang magagandang lalaki ang mga anak mo, kompadre," anang Mr. Madriga habang nakangiti sa kausap.
Proud namang ngumiti si Mr. Tetsuya sa may edad na lalaki. "Talaga lamang may pinagmanahan, kompadre."
Tahimik lamang na nagmamasid si Kiah sa mga nag-uusap. Paminsan-minsan, palihim rin siyang sumusulyap sa gawi ni Aki. At hindi niya mapigilang manibugho nang makitang masayang nag-uusap ang lalaki at ang magandang babaeng katabi nito.
"Bueno, Akihiro, hijo," pakli ni Mr. Madriaga sa binata. "Nasabi sa akin ni Ysabelle na nag-date na raw kayo noon. Is that true, hijo?"
Nag-angat naman ng tingin si Aki sa matanda at saka tumango. "Yes, sir."
"That's good. Anyway, just call me Tito Mario. Besides, kaya kami nandito ng aking unica hija dahil napagkasunduan namin ng iyong ama na ipakasal kayong dalawa. Isa pa, ang sabi ni Ysabelle ay may unawaan na kayo," nakangiti pang wika ni Mr. Madriaga sa binata.
Hindi sinasadyang nabitiwan ni Kiah ang hawak sa tinidor sa babasaging plato kung kaya't naglikha iyon ng ingay. Dahilan upang makuha niya ang atensyon ng mga naroroon. Napapahiya naman siyang yumuko sa mga ito.
"Paumanhin po. Hindi ko po sinasadya."
"That's okay, hija," tumatango-tango namang ani ni Mr. Madriaga saka nito ipinagpatuloy ang pagsasalita.
Ngunit matapos marinig ni Kiah na itinakda na pala kasal ng lalaking minamahal at ng babaeng katabi nito na nagngangalang Ysabelle, ay nagmistulan siyang bingi. Hindi na niya maintindihan pa ang pinag-uusapan ng mga aristokratang nasa kanyang harapan.
Ang tanging naririnig lamang niya, ay ang malakas na iyak ng kanyang puso dulot ng labis na sakit na nararamdaman.
Siguro nga ay hindi talaga kami para sa isa't isa ni Aki, lihim niyang wika sa isipan habang pinipigilan ang pagbagsak ng mga luha sa kanyang mga mata.